Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa Pamamagitan ng Matalinong Paggamit ng mga Publikasyon
1 Sa programa ng pantanging araw ng asamblea para sa 1991 taon ng paglilingkod ay may tinalakay na paksang “Ating Ministeryo—Hindi Pangkaraniwan, Kundi Banal.” Idiniin nito na ang ating gawain ay banal at hindi dapat na waling-bahala. Yamang ang paggamit ng nakalimbag na literatura ay bahagi ng ating ministeryo, maipakikita ang ating paggalang sa pamamagitan ng matalinong paggamit ng ating mga publikasyon.
2 Noong 1990 taon ng paglilingkod, ang Samahan ay naglathala ng 678 milyong magasin at mahigit sa 51 milyong Bibliya at aklat upang gamitin sa pambuong-daigdig na larangan. Nangangailangan ito ng paggugol ng napakalaking bahagi ng naaalay na panahon, lakas, at salapi. Ano ang ilan sa mga paraan upang maipadama natin ang taus-pusong pagpapahalaga para sa ating literatura samantalang ipinahahayag natin ang mensahe ng Kaharian sa tapat-pusong mga tao?
3 Personal at Pampamilyang Pag-aaral: Sa Roma 2:21 sinabi ni apostol Pablo: “Ikaw ba na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tinuturuan ang iyong sarili?” Kapag ating ginagamit ang panahon upang basahin, pag-aralan, at bulay-bulayin ang ating salig-sa-Bibliyang literatura, personal nating ipinakikita ang laki ng ating pagpapahalaga sa napapanahong paglalaan ni Jehova ng espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng kaniyang uring katiwala. (Luc. 12:42) Ang pag-alinsabay sa mga inihayag na katotohanan ay tumutulong sa atin na pagyamanin ang lahat ng ipinagkatiwala sa atin ni Jehova. Ang mga bata din naman ay kailangang wastong sanayin upang pahalagahan at ingatang mabuti ang kanilang literatura, na hindi ito walang-patumanggang ginuguhitan o dinudungisan. Karagdagan pa, ang ating literatura ay dapat na ingatang malinis at masinop upang gamitin sa larangan.
4 Huwag Aksayahin: Upang ito’y mapakinabangang mabuti, ang ating literatura ay kailangang maipasakamay sa mga naghahanap ng katotohanan, alalaong baga’y, yaong may tunay na interes sa ating mensahe at gawain. (Mat. 10:11) Kaya hindi natin dapat na aksayahin ang ating literatura, anupat ang mga magasin, aklat, o ibang literatura ay napabayaan nating matambak na lamang sa bahay.
5 Yamang ang mga magasin ay may petsa, limitado lamang ang panahon natin upang ang mga ito’y maipamahagi bilang bagong labas. Kaya kailangan ang ating puspusang pagsisikap upang maipasakamay sa mga interesado ang mga magasing ito. Kung napapansin nating natatambak pa rin ang ating mga magasin, marahil ay makabubuti na baguhin ang ating iskedyul upang gumugol ng higit na panahon sa pagmamagasin. Sa paggawa nito, pinatutunayan natin ang ating sarili na tapat na mga katiwala ng di-na-sanang nararapat na awa ng Diyos.—1 Cor. 4:2; 1 Ped. 4:10, 11; ihambing ang Lucas 16:1, 10.
6 Isang mabigat na pananagutan at gawain ang “ipinagkatiwala” ni Jehova sa kaniyang naaalay na bayan, kalakip na ang “mga pag-aari” na pinamamahalaan ng kaniyang “katiwala.” (2 Tim. 1:12; Luc. 12:42-44, 48b; 1 Tim. 6:20) Taglay ang malalim na pagpapahalaga sa ating mga pribilehiyo sa paglilingkuran sa Diyos, patuloy nawa nating gamiting may katalinuhan ang ating mga publikasyon sa paghaharap ng mabuting balita sa iba.