May-Katalinuhang Gamitin ang Ating Salig-Bibliyang mga Literatura
1, 2. Ano ang nadarama ng maraming tao hinggil sa ating literatura, at anong katanungan ang bumabangon dahil dito?
1 “Nagbabasa na ako ng inyong mga publikasyon mula pa noong 1965. Tinitingnan ko ang mga teksto sa Bibliya kapag nagbabasa ako, at lahat ng nasa inyong literatura ay kasuwato ng Bibliya. Matagal ko nang gustong malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos at kay Jesus, at talagang masasabi ko na nasusumpungan ko ang tunay na mga kasagutan sa inyong mga babasahin at sa Bibliya.” Ganiyan ang isinulat ng isang lalaking lumiham sa punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Sa liham ding iyon, humiling siya ng isang pag-aaral sa Bibliya.
2 Gaya ng mapagpasalamat na lalaking iyon, pinahahalagahan ng milyun-milyong tao sa buong daigdig ang mga pantulong sa pag-aaral sa Bibliya na inilalaan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45) Taun-taon, napakaraming literatura ang inililimbag upang matulungan ang tapat-pusong mga tao na “sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan.” (1 Tim. 2:4) Paano natin magagamit nang matalino ang ating salig-Bibliyang mga literatura?
3. Paano natin maiiwasang masayang ang ating literatura?
3 Huwag Sayangin: Sa paglipas ng panahon, maaaring mas marami tayong naiipong literatura kaysa sa aktuwal na nagagamit natin. Ano ang magagawa natin upang hindi masayang ang ating mahahalagang publikasyon? Kailangan ng kaunawaan kapag kumukuha tayo ng mga literaturang gagamitin sa ministeryo. Sa halip na kumuha ng maraming kopya ng isang publikasyon na iaalok natin, maaaring kumuha lamang tayo ng isa o dalawang kopya at saka kumuha na lamang uli kapag naipasakamay na natin ang mga ito. Sa paggawa nito, maiiwasan nating maipon sa ating tahanan ang napakaraming literatura. Sa katulad na paraan, kung marami naman tayong magasin na hindi pa naipapasakamay, angkop lamang na bawasan ang inoorder nating magasin.
4. Ano ang maaaring gawin kung labis ang stock ng mga publikasyon ng isang kongregasyon?
4 Labis na Stock ng mga Publikasyon: Kung labis ang stock ng ilang publikasyon sa inyong kongregasyon, maaaring tanungin ng literature coordinator ang ibang mga kongregasyon sa inyong lugar upang malaman kung magagamit ng mga ito ang sobrang literatura. Maaaring ialok ng mga mamamahayag ang matatagal nang publikasyon sa di-sumasampalatayang mga kapamilya, mga estudyante sa Bibliya, at iba pa. Baka gusto ng mga baguhan sa kongregasyon na magkaroon ng kopya ng matatagal nang publikasyong ito para sa kanilang personal na teokratikong aklatan.
5. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa ating mga literatura?
5 Nais nating gamitin ang ating mga publikasyon kasuwato ng layunin para rito, iyon ay, upang tulungan ang taimtim na mga tao na higit na matuto hinggil sa kamangha-manghang mga layunin ni Jehova. Kung paanong hindi sinayang ni Jesus ang natirang pagkain pagkatapos niyang makahimalang pakainin ang mga pulutong, dapat nating maging tunguhin na gamitin sa pinakamahusay na paraan ang inilaang mahahalagang literatura na salig sa Bibliya. (Juan 6:11-13) Ang nakapagliligtas-buhay na mensaheng nilalaman ng ating mga publikasyon ay hindi makaaantig sa puso ng tapat-pusong mga tao kung basta nasa ating mga iskaparate o mga bag lamang ang mga ito. Kaya dapat tayong maging makatuwiran sa pagkuha ng mga literatura para sa ministeryo at gamitin ito nang matalino para sa kapakinabangan ng iba.—Fil. 4:5.