Ang Yearbook—Isang Kabang Yaman ng Pampatibay-Loob
1 Ang mga ulat at mga karanasan hinggil sa mga kamangha-manghang gawa ni Jehova ay laging nagdudulot ng kasiyahan sa mga lingkod ng Diyos. (Job 38:4, 7; Kaw. 25:25; Luc. 7:22; Gawa 15:31) Dahil dito ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay isang kabang yaman ng pampatibay-loob.
2 Bawat Yearbook ay naghaharap ng mga ulat mula sa palibot ng daigdig hinggil sa gawain ng mga Saksi ni Jehova. Nakapagpapatibay na mga karanasan ang nagtatampok sa patnubay, proteksiyon, at pagpapala ni Jehova sa kaniyang bayan. Ang Yearbook ay nagsasalaysay hinggil sa matitibay ang loob na mga lalake at babae na nilisan ang kanilang pamilya, mga kaibigan, at lupang sinilangan upang dalhin ang mga katotohanan ng Bibliya sa mga tao sa lahat ng kontinente.
3 Ang Yearbook ay nag-udyok sa maraming mga mambabasa na pasulungin ang kanilang paglilingkod sa Diyos. Ang isang mambabasa ay sumulat: “Gusto kong tapusin ito kaagad. Subalit ang mga nabasa ko na ay tunay na nakapagpapatibay. Nadarama kong malaki pa ang magagawa ko sa pangangaral ng mabuting balita kapag nakikita ko kung ano ang ginagawa ng iba sa ilalim ng panggigipit.”
4 Bawat taon mula noong 1927, ang Yearbook of Jehovah’s Witnesses ay naging isang tunay na kabang yaman ng nakapagpapasiglang mga ulat at mga karanasan. Kayo ba ay lubusang nakikinabang sa pambihirang bukal na ito ng pampatibay-loob? Upang magawa ito, tiyaking basahin ang Yearbook kapag natanggap ninyo ito, na malamang ay sa Enero o sa pasimula ng Pebrero. Pagkatapos sa buong taon, repasuhin ang mga espisipikong bahagi nito para sa pampatibay-loob na kailangan ninyo at ng inyong pamilya.