Kumakain Ka Bang Mabuti sa Espirituwal?
1 May kasabihan na ‘makikilala tayo sa ating kinakain.’ Tunay nga, ang ating pisikal na lakas at kalusugan ay apektado ng ating kinaugalian sa pagkain. Yamang sinabi ni Jesus: “Ang tao ay mabubuhay, hindi sa tinapay lamang, kundi sa bawat pananalitang lumalabas sa bibig ni Jehova,” ang ating kinaugalian sa espirituwal na pagkain ay nakaaapekto rin sa ikabubuti o sa ikasasamâ natin. (Mat. 4:4) Kaya, kumakain ka bang mabuti sa espirituwal? Ikaw ba ay pihikan? Nagmamadali ka ba sa pagkain? O nasisiyahan kang dahan-dahang magtamasa ng regular, timbang, at nakapagpapalusog na mga pagkaing espirituwal?
2 Suriing Mabuti ang Iyong Pagkain: Si Jehova ay naglalaan ng “pagkain sa tamang panahon” at ng “isang piging ng mga putaheng malangis,” sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin.” (Mat. 24:45; Isa. 25:6) Upang lubusang makinabang sa maibiging mga paglalaang ito, kailangan tayong magsikap na kumaing mabuti sa espirituwal.
3 Maaari mong tanungin ang iyong sarili: ‘Binabasa ko ba ang teksto at mga komento sa bawat araw? Binabasa ko ba at binubulay-bulay ang Bibliya araw-araw? Ako ba ay naghahanda para sa mga pulong ng kongregasyon sa pamamagitan ng patiunang pag-aaral ng materyal? Natapos ko na bang basahin ang ating pinakabagong mga publikasyon, lakip na ang Hula ni Isaias—Liwanag Para sa Buong Sangkatauhan?’
4 Si Jesus ay nangako: “Maligaya yaong mga palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan . . . Maligaya yaong mga nagugutom at nauuhaw sa katuwiran, yamang sila ay bubusugin.” (Mat. 5:3, 6) Kaya kumaing mabuti sa espirituwal sa pamamagitan ng pagpunô sa iyong isip at puso ng kaalaman ng Diyos.