Isang Paaralan na Naghahanda sa Atin Ukol sa Pinakamahahalagang Gawain
1 Nag-aaral ang mga tao sa paaralan upang matuto ng mga bagay na tutulong sa kanila na maabot ang kanilang mga tunguhin sa buhay. Gayunman, anong tunguhin ang mas mahalaga pa kaysa sa pagpuri sa mismong Tagapagbigay ng buhay at sa pagtulong sa iba na matuto hinggil sa kaniyang mga layunin at mga daan? Wala na. Ang tunguhin ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay ihanda tayo na ituro sa iba ang ating pananampalataya. Kaya habang dumadalo tayo sa paaralan sa bawat linggo, nagtatamo tayo ng mga kasanayan na naghahanda sa atin ukol sa pinakamahahalagang gawain sa buhay.
2 Ang “Iskedyul ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa 2003” ay ibinigay sa nakaraang isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian. Kalakip sa iskedyul ang mga detalye kung paano idaraos ang paaralan. Maaaring makita mong praktikal na ingatan ang iskedyul sa kopya mo ng Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na dapat mong dalhin sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa bawat linggo. Isaalang-alang ang ilan sa mga pitak ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo sa 2003.
3 Kalidad sa Pagsasalita: Simula sa Enero, bawat sesyon ay magpapasimula sa pamamagitan ng limang-minutong pahayag tungkol sa isang kalidad sa pagsasalita o isang aspekto ng pagbabasa, pag-aaral, o pagtuturo. Ang tagapangasiwa sa paaralan ang tatalakay sa mga pambungad na pahayag na ito, o maaari niyang atasan ang ibang kuwalipikadong matanda na iharap ang pahayag na ito. Maaaring talakayin ng tagapagsalita ang katuturan at kahalagahan ng kalidad sa pagsasalita na iyon. Dapat niyang palawakin ang materyal sa pamamagitan ng pagtalakay sa maka-Kasulatang mga halimbawa at sa pagpapakita kung paano gagamitin ang kalidad, anupat pinagtutuunan ng pantanging pansin kung paanong ang paggawa ng gayon ay makapagpapasulong sa ating ministeryo sa larangan.
4 Atas Blg. 1: Ang mga kapatid na lalaki na naatasang magbigay ng nakapagtuturong pahayag ay muling pinaaalalahanan na “ituon ang pansin sa praktikal na kahalagahan ng impormasyong tinatalakay.” Nangangahulugan ito ng pagpapakita sa kongregasyon kung paano gagamitin ang impormasyon. Kung tumanggap ka ng atas na ito, tingnan ang pahina 48-9 ng aklat-aralin na Paaralan Ukol sa Ministeryo para sa mga mungkahi kung paano maghanda, at pag-aralan ang mga reperensiya na ipinakikita sa indise ng aklat sa ilalim ng “Praktikal na aplikasyon.”
5 Iskedyul sa Pagbasa sa Bibliya: Kung noong nakalipas ay hindi ka nakaalinsabay sa lingguhang pagbasa sa Bibliya, bakit hindi ipasiya na sundin ang iskedyul sa taóng ito? Matatapos basahin ng mga gagawa nito ang Kristiyanong Griegong Kasulatan sa dulo ng taon. Ang mga pakinabang sa pagpapasimula ng programa sa pagbabasa ng Bibliya sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ay isinasaalang-alang sa pahina 10, parapo 4, ng aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo.
6 Mga Tampok na Bahagi sa Pagbasa sa Bibliya: Ang bahaging ito ay ginawang sampung minuto upang ang mga tagapakinig ay makapagkomento hinggil sa pagbasa sa Bibliya sa linggong iyon. Yaong mga naatasan nito ay dapat na manatili sa itinakdang oras. Ihaharap ito linggu-linggo, pati na sa linggo ng tanong-sagot na repaso. Habang binabasa mo ang iniatas na mga kabanata, tingnan ang mga punto na pakikinabangan mo sa inyong pampamilyang pag-aaral, sa iyong ministeryo, o sa iyong paraan ng pamumuhay. Anong mga katangian ni Jehova ang makikita sa kaniyang mga pakikitungo sa mga tao at mga bansa? Ano ang natutuhan mo na nakapagpatibay sa iyong pananampalataya at nagpalaki sa iyong pagpapahalaga kay Jehova? Huwag mag-atubiling magkomento sa anumang punto sa iniatas na mga kabanata, maging sa mga talata na babasahin sa Atas Blg. 2, yamang ang kapatid na lalaking gaganap sa pagbasa ay hindi magkokomento hinggil sa mga talata.
7 Atas Blg. 2: Ang unang atas ng estudyante sa bawat linggo ay isang pagsasanay sa pangmadlang pagbabasa. Ang lahat ng babasahin ay mula sa lingguhang pagbasa sa Bibliya, maliban sa huling pagbasa na kukunin sa Ang Bantayan. Dapat basahin ng estudyante ang iniatas na materyal nang hindi nagbibigay ng introduksiyon o konklusyon. Sa ganitong paraan, maitutuon niya ang kaniyang pangunahing pansin sa kaniyang mga kasanayan sa pagbabasa.—1 Tim. 4:13.
8 Atas Blg. 3 at Blg. 4: Ang ilan sa mga atas na ito ay may mas maraming mapagkukunang materyal mula sa aklat na Nangangatuwiran kaysa sa ibang atas; ang ilan naman ay may tema lamang. Yaong mga mabibigyan ng mga atas na kakaunti ang mapagkukunang materyal o may tema lamang ay magkakaroon ng pagkakataon na buuin ang kanilang mga presentasyon sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa ating mga publikasyong Kristiyano. Dahil dito ay magiging mas madali para sa mga kapatid na babae na ibagay ang kanilang mga komento sa kanilang mga kasama sa presentasyon.
9 Mga Tagpo: Gaya ng isinasaad sa pahina 45 ng aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo, maaaring mag-atas ng tagpo ang tagapangasiwa sa paaralan. Kung hindi naman, maaaring pumili ang mga kapatid na babae ng tagpo mula sa talaan sa pahina 82. Kung ang isang kapatid na babae ay nagkakabahagi nang minsan tuwing makalawang buwan, ang 30 tagpo ay sapat na mapagpipilian sa loob ng limang taon. Dapat isulat ng mga kapatid na babae ang tagpo sa ibaba o sa likod ng kanilang assignment slip (S-89) kung ang kanilang pinili ay ang Blg. 30, samakatuwid nga, “Iba pang mga tagpo na angkop sa iyong lugar.” Isusulat ng tagapangasiwa sa paaralan ang petsa ng pahayag ng estudyante sa pahina 82 ng aklat niya sa tapat ng tagpo na kaniyang ginamit. Maaari niyang gawin ito kasabay ng pagmamarka niya sa talaan ng payo ng estudyante.
10 Talaan ng Payo: Ang talaan mo ng payo ay kalakip sa iyong aklat. Makikita ito sa pahina 79-81. Kaya, kakailanganin mong ibigay ang iyong aklat sa tagapangasiwa sa paaralan pagkatapos ng bawat bahagi na ihaharap mo. Kakailanganin ng tagapangasiwa sa paaralan na mag-ingat ng isang rekord ng mga punto ng payo na pinasusulong ng mga estudyante.
11 Tanong-Sagot na Repaso: Ang repaso sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay idaraos sa paraang tanong-sagot. Gaganapin ito nang minsan tuwing makalawang buwan at tatagal nang 30 minuto. Ang mga tanong na isasaalang-alang sa panahon ng repaso ay patuloy na lalabas sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Kung ang linggong nakaiskedyul para sa tanong-sagot na repaso ay nataon sa linggo ng pansirkitong asamblea o sa dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, kung gayon dapat pagpalitin ang iskedyul para sa kasunod na linggong iyon at ang linggo ng tanong-sagot na repaso.
12 Karagdagang mga Klase: Sa mga kongregasyon na mahigit sa 50 ang nakatala sa paaralan, maaaring isaalang-alang ng matatanda ang paggamit ng karagdagang mga klase. “Ang kaayusang ito ay maaaring gamitin para sa lahat ng presentasyon ng mga estudyante o para lamang sa huling dalawang bahagi.” (Paaralan Ukol sa Ministeryo, p. 285) Ang huling nabanggit na mungkahi ay ginawa upang mabigyan ng pansin ang mga kongregasyon na maraming kapatid na babae ngunit iilan lamang ang mga kapatid na lalaki na maaaring gumanap ng mga atas sa pagbasa. Dapat pumili ang matatanda ng kuwalipikadong mga kapatid na magdaraos ng mga klaseng ito.
13 Katulong na Tagapayo: Gaya ng ipinakikita sa iskedyul sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isang katulong na tagapayo ang dapat atasan ng lupon ng matatanda upang magbigay ng pribadong payo sa matatanda at ministeryal na mga lingkod na naghaharap ng mga tampok na bahagi sa Bibliya at nagbibigay ng nakapagtuturong mga pahayag. Ang kapatid na naatasang gumawa nito ay dapat na makaranasan, isa na ang payo ay igagalang ng ibang matatanda. Ang kaniyang payo ay dapat na kapaki-pakinabang, anupat pinapupurihan ang mahusay na mga pamamaraan sa pagsasalita at pagtuturo at inirerekomenda ang isa o dalawang punto para pasulungin. Hindi na siya kailangang magbigay ng payo sa tuwing matatapos ang bawat pahayag ng isang kapatid na madalas magkabahagi. Gayunman, dapat maunawaan ng kapatid na naatasang magbigay ng payo na kahit ang mga kapatid na nagbibigay na ng pahayag pangmadla ay maaaring matulungan na sumulong pa.—1 Tim. 4:15.
14 Kung Ano ang Bibigyang-Pansin: Ano ang makatutulong sa isang tagapayo sa pagsusuri ng isang presentasyon? Karamihan sa 53 kabanatang may numero sa aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo ay may ikatlong kahon na naglalaman ng maikling sumaryo kung ano ang bibigyang-pansin. Dapat ding bigyang-pansin ng tagapangasiwa sa paaralan ang ibang mga paalaala o mga mungkahi sa aklat na makatutulong sa kaniya na masuri ang ugnay-ugnay na pagkakabuo at pagiging mabisa ng isang presentasyon. Halimbawa, pansinin ang serye ng mga tanong sa gawing itaas ng pahina 55 at ang mga ideya sa huling parapo sa pahina 163.
15 Sulatan ang mga Espasyo: Maliban sa malalapad na gilid nito, ang aklat na Paaralan Ukol sa Ministeryo ay may ilang espasyo na dinisenyo para sulatan mo ng karagdagang mga nota sa panahon ng iyong personal na pag-aaral at kapag dumadalo ka sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. (Tingnan ang pahina 77, 92, 165, 243, 246, at 250.) Tiyakin mong dalhin ang iyong aklat bawat linggo. Subaybayan mo ang pambungad na pahayag. Panatilihing nakabukas ang iyong aklat hanggang sa matapos ang paaralan. Pakinggan ang mga mungkahi na binanggit ng tagapangasiwa sa paaralan. Bigyang-pansin ang mga pamamaraan sa pagtuturo, mga tanong, halimbawa, tayutay, ilustrasyon, visual aid, at mga paghahambing na ginamit ng mga tagapagsalita. Sa pamamagitan ng pagkuha ng mahuhusay na nota, matatandaan at magagamit mo ang maraming maiinam na punto na matututuhan sa paaralan.
16 Alam ni Jesu-Kristo na ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos ang pinakadakilang pribilehiyo na maaaring ipaabot sa sinuman. Ito ang kaniyang pangunahing atas. (Mar. 1:38) Sinabi niya: “Dapat kong ipahayag ang mabuting balita ng kaharian ng Diyos, sapagkat sa dahilang ito ako isinugo.” (Luc. 4:43) Gaya ng mga tumanggap sa paanyaya na sumunod sa kaniya, tayo rin ay lubhang abala sa pangangaral ng mabuting balita, at lagi tayong nagsisikap na pasulungin ang kalidad ng ating “hain ng papuri.” (Heb. 13:15) Dahil diyan, maging determinado nawa tayong makibahagi nang regular sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isang paaralan na tutulong sa atin na makapaghanda para sa pinakamahahalagang gawain sa buhay.