Paghahanda ng mga Atas ng Estudyante sa Paaralan
SA BAWAT atas sa paaralan ay may pagkakataong sumulong. Taimtim kang magsikap, at unti-unting mahahayag ang iyong pagsulong kapuwa sa iyo at sa iba. (1 Tim. 4:15) Ang paaralan ay tutulong sa iyo na lubusang mapasulong ang iyong mga kakayahan.
Ikaw ba’y ninenerbiyos na magsalita sa harap ng kongregasyon? Ito ay normal, kahit nakatala ka na sa paaralan sa mahaba-habang panahon. Gayunman, may ilang bagay na makatutulong sa iyo upang mabawasan ang antas ng iyong pagkabalisa. Sa tahanan, gawing kaugalian na laging magbasa nang malakas. Sa mga pulong ng kongregasyon, magkomento nang madalas, at kung ikaw ay isang mamamahayag, makibahagi nang regular sa paglilingkod sa larangan. Ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan sa pagsasalita sa harap ng iba. Karagdagan pa, ihandang mabuti nang patiuna ang iyong mga atas bilang estudyante, at insayuhin nang malakas ang pagpapahayag ng mga ito. Tandaan na ikaw ay magsasalita sa harap ng palakaibigang tagapakinig. Bago magbigay ng anumang pahayag, manalangin kay Jehova. Malugod niyang ipinagkakaloob ang banal na espiritu sa kaniyang mga lingkod na humihiling sa kaniya.— Luc. 11:13; Fil. 4:6, 7.
Maging makatuwiran sa iyong mga inaasahan. Kailangan ang panahon upang magtamo ng karanasan bilang isang tagapagsalita at upang maging isang mabisang guro. (Mik. 6:8) Kung ikaw ay bagong nagpatala sa paaralan, huwag umasa na makapagbibigay ka kaagad ng isang napakahusay na presentasyon. Sa halip, pasulungin ang bawat punto ng payo sa pagsasalita nang isa-isa. Pag-aralan ang seksiyon sa aklat na ito na tumatalakay nito. Kung maaari, gawin ang pagsasanay na iminungkahi roon. Ito’y magbibigay sa iyo ng karanasan sa mga bagay na may kaugnayan sa puntong ipinapayo bago mo gampanan ang iyong atas sa kongregasyon. Darating din ang pagsulong.
Kung Paano Maghahanda ng Isang Atas sa Pagbabasa
Ang paghahanda para sa pangmadlang pagbabasa ay sumasaklaw nang higit pa kaysa sa basta pagbigkas lamang ng mga salita sa iniatas na materyal. Pagsikapang magkaroon ng isang malinaw na unawa sa kahulugan ng materyal. Kapag natanggap mo ang iyong atas, basahin ito taglay sa isip ang tunguhing iyon. Sikaping unawain ang punto ng bawat pangungusap at ang ideya na nabubuo sa bawat parapo upang iyong maitawid ang mga ideya nang tumpak at may angkop na damdamin. Kung posible, tingnan ang diksiyunaryo para sa wastong pagbigkas ng di-pamilyar na mga salita. Alaming mabuti ang materyal. Kakailanganing tulungan ng mga magulang ang kanilang maliliit na anak na gawin ito.
Naatasan ka na bang bumasa ng isang bahagi ng Bibliya o marahil ay ng mga parapo sa isang artikulo ng Ang Bantayan? Kung may mga audiocassette ng materyal na iyon sa iyong wika, malaki ang maitutulong kung pakikinggan ang pagbasa at papansinin ang mga salik gaya ng pagbigkas, paghintu-hinto, pagdiriin, at pagbabagu-bago ng tinig. Pagkatapos ay sikaping gamitin ang mga katangiang ito sa iyong sariling pagbabasa.
Kapag pinasisimulan mo nang ihanda ang iyong atas, tiyaking pag-aralang mabuti ang leksiyon na tumatalakay sa katangian ng pagsasalita na iniatas sa iyo. Kung posible, repasuhin ito pagkatapos mong insayuhin ang malakas na pagbabasa nang ilang ulit sa iniatas na materyal. Pagsikapang ikapit nang lubusan ang nakasulat na payong iyon hangga’t maaari.
Ang pagsasanay na ito ay makatutulong nang malaki sa iyo para sa iyong ministeryo. Habang naglilingkod ka sa larangan, marami kang pagkakataong bumasa sa iba. Yamang ang Salita ng Diyos ay may kapangyarihang bumago sa buhay ng mga tao, mahalaga na basahin mo ito nang mabuti. (Heb. 4:12) Huwag mong asahan na magiging dalubhasa ka sa lahat ng aspekto ng mabisang pagbabasa sa loob lamang ng isa o dalawang atas. Sa isang Kristiyanong matanda na maraming taon na ang karanasan, sumulat ang apostol na si Pablo: “Magsikap ka sa pangmadlang pagbabasa.”—1 Tim. 4:13.
Paghahanda ng Isang Paksa at Isang Tagpo
Kapag tumanggap ka ng isang atas sa paaralan na nagsasangkot sa paggamit ng isang tagpo, paano mo ito gagawin?
Tatlong pangunahing bagay ang kailangang isaalang-alang: (1) ang paksang iniatas sa iyo, (2) ang iyong tagpo at ang tao na iyong kakausapin, at (3) ang puntong ipinapayo na iniatas sa iyo upang pasulungin.
Kailangan mong magtipon ng materyal para sa paksang iniatas sa iyo. Subalit bago mo puspusang gawin ito, pag-isipang mabuti ang iyong tagpo at pati na ang tao na iyong kakausapin, yamang ang mga salik na ito ay magkakaroon ng kaugnayan sa uri ng materyal na iyong sasaklawin at sa paraan ng iyong paghaharap nito. Anong tagpo ang gagamitin mo? Ang iyo bang itatanghal ay kung paano ihaharap ang mabuting balita sa isang kakilala mo? O ipakikita mo ba kung ano ang maaaring mangyari sa pakikipag-usap sa isang indibiduwal sa unang pagkakataon? Ang tao ba ay mas matanda o mas bata kaysa sa iyo? Anong saloobin ang maaaring taglay niya hinggil sa paksang pinaplano mong talakayin? Gaano karami kaya ang nalalaman na niya tungkol dito? Ano ang tunguhing inaasahan mong maabot bilang resulta ng inyong pag-uusap? Ang mga sagot sa mga tanong na ito ay magbibigay ng mahahalagang giya na magagamit mo sa paghahanda.
Saan mo masusumpungan ang materyal sa iniatas na paksa? Sa pahina 33 hanggang 38 ng aklat na ito, may pagtalakay sa “Kung Paano Gagawin ang Pagsasaliksik.” Basahin ito, at pagkatapos ay gamitin ang makukuha mong mga kasangkapan sa pagsasaliksik. Sa maraming kaso ay madali kang makasusumpong ng mas maraming materyal kaysa sa magagamit mo. Magbasa ng sapat upang matiyak kung gaano karaming impormasyon ang makukuha mo. Gayunman, habang ginagawa mo iyan, ingatan sa isip ang tagpo na gagamitin mo sa iyong presentasyon at pati na ang tao na iyong kakausapin. Markahan ang mga punto na angkop na gamitin.
Bago mo organisahin ang iyong presentasyon at gawin ang panghuling pagpili ng mga detalye, maglaan ng panahon upang basahin ang materyal na tumatalakay sa puntong ipinapayo na iniatas sa iyo. Ang pagkakapit sa payong iyan ang isa sa mga pangunahing dahilan ng iyong atas.
Kung sasaklawin mo ang iyong materyal sa itinakdang oras, masisiyahan ka sa pagbibigay mo ng iyong konklusyon, yamang may hudyat na ibibigay kapag naubos na ang iniatas na oras. Gayunman, sa ating ministeryo sa larangan, ang oras ay hindi laging nagiging isang salik. Kaya habang naghahanda ka, isaalang-alang ang dami ng panahong magagamit, subalit bigyan ng pantanging pansin ang mabisang pagtuturo.
Isang Paalaala Hinggil sa mga Tagpo. Suriin ang mga mungkahi sa pahina 82, at piliin ang isa na magiging praktikal sa iyong ministeryo at na magpapahintulot sa iyo na gamitin ang iniatas na materyal sa makatotohanang paraan. Kung nakatala ka na sa paaralan nang mahaba-habang panahon, malasin ito bilang isang pagkakataon upang gumawa ng pagsulong at magkaroon ng karagdagang kasanayan sa iyong ministeryo.
Kung ang tagpo ay iniaatas ng tagapangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, tanggapin ang hamon. Ang karamihan sa mga tagpo ay hinggil sa pagpapatotoo. Kung hindi ka pa nakapagpapatotoo sa ilalim ng inilarawang mga kalagayan, kumuha ng mga ideya sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa mga mamamahayag na nakaranas na nito. Hangga’t maaari, pagsikapang talakayin ang paksang iniatas sa iyo sa isang tagpo na katulad ng gagamitin mo sa paaralan. Ito’y tutulong sa iyo na maabot ang mahalagang tunguhin ng iyong pagsasanay.
Kapag ang Presentasyon ay Gagawin sa Anyong Pahayag
Kung ikaw ay isang lalaki, maaaring atasan kang magharap ng isang maikling pahayag sa kongregasyon. Sa paghahanda ng mga pahayag na ito, ang mga pangunahing punto na kailangang isaalang-alang ay katulad ng mga nakalista na para sa mga atas ng estudyante sa anyong pagtatanghal. Ang malaking pagkakaiba ay ang tagapakinig at ang paraan ng presentasyon.
Sa pangkalahatan ay kanais-nais na ihanda ang iyong materyal upang makinabang mula rito ang bawat isa sa mga tagapakinig. Ang karamihan sa mga naroroon ay may alam na sa saligang mga katotohanan sa Bibliya. Maaaring may lubos na kabatiran na sila sa paksang iniatas sa iyo upang ipahayag. Isaalang-alang kung ano na ang kanilang nalalaman hinggil sa iyong paksa. Mag-isip ng paraan upang makinabang sila sa iyong presentasyon. Itanong mo sa sarili: ‘Paano ko magagamit ang aking paksa upang mapalalim ang pagpapahalaga ko at niyaong sa aking tagapakinig para kay Jehova bilang isang persona? Ano ang nasa materyal na makatutulong sa amin upang maunawaan ang kalooban ng Diyos? Paano makatutulong sa amin ang materyal na ito upang makagawa ng mabubuting pagpapasiya sa gitna ng isang sanlibutang napangingibabawan ng makalamang mga pagnanasa?’ (Efe. 2:3) Ang kasiya-siyang mga sagot sa mga tanong na ito ay humihiling ng pagsasaliksik. Kapag ginagamit ang Bibliya, sikaping gumawa ng higit pa kaysa sa basta pagbasa lamang ng mga teksto. Mangatuwiran sa mga kasulatang ginagamit mo, at ipakita kung paanong ang mga ito ay naglalaan ng saligan para sa paggawa ng mga konklusyon. (Gawa 17:2, 3) Huwag tangkaing saklawin ang masyadong maraming bagay. Iharap ang iyong materyal sa paraang madali itong matandaan.
Dapat na kalakip din sa paghahanda ang pagbibigay-pansin sa iyong paraan ng pagpapahayag. Huwag mamaliitin ito. Insayuhin ang pagbibigay ng iyong pahayag sa malakas na tinig. Ang pagsisikap mo sa pag-aaral at pagkakapit ng payo sa iba’t ibang katangian ng pagsasalita ay makaaabuloy nang malaki sa iyong pagsulong. Maging ikaw man ay isang baguhang tagapagsalita o makaranasan na, maghandang mabuti upang makapagsalita ka nang may pananalig at damdamin na angkop sa iyong materyal. Habang isinasagawa mo ang bawat atas sa paaralan, ingatan sa isip ang tunguhin na gamitin ang iyong bigay-Diyos na kaloob ng pagsasalita upang parangalan si Jehova.—Awit 150:6.