“Maglaan ng Dako Para Rito”
1 Minsan, nang nakikipag-usap siya sa kaniyang mga alagad tungkol sa pag-aasawa, tinukoy ni Jesus ang pagiging walang asawa na ‘isang kaloob.’ Pagkatapos ay sinabi niya: “Siya na makapaglalaan ng dako para rito ay maglaan ng dako para rito.” (Mat. 19:10-12) Pagkalipas ng ilang taon, sumulat si apostol Pablo tungkol sa mga bentaha ng pagiging walang asawa at pinasigla niya ang iba na sundin ang kaniyang halimbawa ng pananatiling walang asawa. (1 Cor. 7:7, 38) Marami sa ngayon ang ‘naglaan ng dako’ para sa pagiging walang asawa at nagtatamasa sila ng mga bentaha nito. Ano ang ilan sa mga ito?
2 Paglilingkod “Nang Walang Abala”: Naunawaan ni Pablo na ang pagiging walang asawa ay nagbigay sa kaniya ng pagkakataon na paglingkuran si Jehova “nang walang abala.” Gayundin sa ngayon, ang isang kapatid na lalaking walang asawa ay makapag-aaplay sa Ministerial Training School, at ang isang indibiduwal na walang asawa ay karaniwan nang mas malaya na pumasok sa gawaing pagpapayunir, mag-aral ng ibang wika, lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan, maglingkod sa Bethel, o maaaring gamitin para sa ibang pantanging mga pribilehiyo ng paglilingkod. Maaari siyang magkaroon ng mas maraming panahon at pagkakataon na gumawa ng dibdibang personal na pag-aaral at pagbubulay-bulay at makipag-usap kay Jehova sa taos-pusong panalangin. Kadalasan nang mas maraming panahon ang indibiduwal na walang asawa para tulungan ang iba. Ang lahat ng gayong gawain ay para sa “pansariling kapakinabangan” ng isa.—1 Cor. 7:32-35; Gawa 20:35.
3 Ang gayong di-nagagambalang paglilingkod sa Diyos ay nagdudulot ng mayayamang pagpapala. Pagkatapos ng 27 taon sa Kenya, isang sister na walang asawa ang sumulat: “Pagkarami-raming kaibigan at napakaraming gawain! Gumagawa kami nang sama-sama [at] dinadalaw ang isa’t isa. . . . Nagamit ko ang karagdagang kalayaan at pagkakataon na magtungo kung saan-saan na ipinahihintulot ng pagiging walang asawa upang manatiling abala sa ministeryo, at nagdulot ito sa akin ng malaking kaligayahan.” Idinagdag pa niya: “Sa paglipas ng mga taon ay lumalim ang aking kaugnayan kay Jehova.”
4 Paglalaan ng Dako Para Rito: Sinabi ni Jesus na ang motibo sa paglinang sa kaloob na pagiging walang asawa ay dapat na “dahil sa kaharian ng langit.” (Mat. 19:12) Tulad ng iba pang kaloob, dapat gamitin nang wasto ang pagiging walang asawa upang magdulot ito ng kagalakan at mga kapakinabangan. Sa pamamagitan ng pagsasamantala sa mga pagkakataong inilalaan ng pagiging walang asawa at sa pananalig sa karunungan at lakas ni Jehova, maraming indibiduwal na walang asawa ang nakaunawa sa kahalagahan ng paglalaan ng dako para rito.