Pag-abot sa Pinakamaraming Tao Hangga’t Maaari
1. Ano ang ginawa ng sinaunang mga Kristiyano upang mapaabutan ng mabuting balita ang pinakamaraming tao hangga’t maaari?
1 Puspusang nagsikap ang sinaunang mga tagasunod ni Jesus na palaganapin ang mensahe ng Kaharian. Gumawa sila ng praktikal na mga hakbang upang maipangaral ang mabuting balita sa pinakamaraming tao hangga’t maaari. Isinulat ng Kristiyanong mga manunulat ng Bibliya ang kanilang kinasihang mga akda sa karaniwang Griego, na siyang internasyonal na wika ng Imperyo ng Roma noon. Karagdagan pa, ang masisigasig na mangangaral mula noong ikalawa at ikatlong siglo C.E. ang maaaring nagpasimula ng paggamit ng codex, na mas madaling gamitin sa paghahanap ng mga reperensiya kaysa sa balumbon.
2, 3. (a) Paano natutupad sa makabagong panahon ang Isaias 60:16? (b) Paano ginagamit ang teknolohiya upang isulong ang dalisay na pagsamba?
2 Paggamit ng Teknolohiya: Inihula ni Jehova sa pamamagitan ni propeta Isaias: “Sususuhin mo ang gatas ng mga bansa.” (Isa. 60:16) Sa makabagong katuparan ng hulang ito, ginagamit ng mga lingkod ni Jehova ang mahahalagang kayamanan ng mga bansa upang isulong ang gawaing pangangaral. Halimbawa, noong 1914, maraming taon bago pa maging matagumpay sa komersiyo ang mga pelikulang may kalakip na tunog, ipinalalabas na ng mga Estudyante ng Bibliya ang “Photo-Drama of Creation.” Ang pelikulang ito at presentasyon ng mga slide na umaabot ng walong oras at kumpleto sa kulay at tunog ay nagbigay ng napakabisang patotoo sa milyun-milyon.
3 Sa ngayon, ginagamit ng bayan ng Diyos ang napakabibilis na palimbagan at mga computer upang ilathala ang mga Bibliya at literatura sa Bibliya sa daan-daang wika. Ginagamit ang mabilis na mga pamamaraan ng paghahatid ng literatura sa Bibliya upang maipadala ang mga ito sa malalayong bahagi ng daigdig, anupat naaabot ang mga tao sa 235 lupain. Sa pamamagitan ng kaniyang espiritu, pinakikilos ni Jehova ang kaniyang mga lingkod na mabisang gamitin ang gayong teknolohiya, anupat naipangangaral ang katotohanan sa Bibliya sa mas maraming tao higit kailanman sa kasaysayan.
4. Anu-anong pagbabago sa kanilang buhay ang ginawa ng ilan upang mapaabutan ng mabuting balita ang mas maraming tao?
4 Personal na mga Pagbabago: Napakikilos din ang tunay na mga mananamba na gumawa ng personal na mga pagbabago upang mapaabutan ng mabuting balita ang mas maraming tao. Pinasimple ng marami ang kanilang buhay upang higit na makibahagi sa gawaing pangangaral. Lumipat ang ilan upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga tagapaghayag ng Kaharian. Pinalawak naman ng iba ang kanilang ministeryo sa pamamagitan ng pag-aaral ng banyagang wika.
5, 6. Ano ang maaaring gawin upang maabot ang pinakamaraming tao hangga’t maaari sa inyong teritoryo?
5 Karagdagan pa, mapaaabutan natin ng mabuting balita ang mas maraming tao sa pamamagitan ng pangangaral kung kailan nasa bahay ang mga tao at kung saan masusumpungan ang mga tao. Kung sa inyong teritoryo ay madalas na wala ang mga tao sa kanilang tahanan kapag araw, maaari mo bang baguhin ang iyong iskedyul upang makapagpatotoo sa maagang bahagi ng gabi? May pampublikong mga lugar ba kung saan maaaring magpatotoo? Nasubukan mo na bang magpatotoo sa telepono at gumawa sa teritoryo ng negosyo? Naghahanap ka ba ng mga pagkakataon upang makapagpatotoo nang di-pormal?
6 Kaylaki nga ng ating pribilehiyo na makibahagi sa dakilang patotoo hinggil sa pangalan at Kaharian ni Jehova! Patuloy nawa nating ibahagi ang nagbibigay-buhay na katotohanan mula sa Salita ng Diyos sa pinakamaraming tao hangga’t maaari.—Mat. 28:19, 20.