Pasulungin ang Iyong Ministeryo
1 Nalulugod ang ating Ama sa langit kapag nakikita niyang sumusulong sa espirituwal ang kaniyang mga lingkod. Kasama sa pagsulong na iyan ang pagiging maygulang at epektibong ministro ng mabuting balita. Hinimok ni Pablo ang tagapangasiwang si Timoteo na patuloy siyang magsikap upang mahayag ang kaniyang pagsulong. (1 Tim. 4:13-15) Lahat tayo ay dapat magsikap na mapasulong ang kalidad ng ating ministeryo, kahit pa tayo ay marami nang karanasan sa ministeryo.
2 Magtakda ng Personal na mga Tunguhin: Kailangan nating magtakda ng personal na mga tunguhin upang sumulong tayo. Ano ang ilang tunguhin na maaari nating itakda para sa ating sarili? Baka puwede tayong maging higit na bihasa sa paggamit ng ating espirituwal na tabak, ang Bibliya. (Efe. 6:17) Baka may isang bahagi ng ministeryo na kailangan nating pasulungin, gaya ng pagpapatotoo sa lansangan, sa pamamagitan ng telepono, o sa lugar ng negosyo. Baka puwede nating pagsikapan na maging higit na epektibo sa mga pagdalaw-muli. Maaari ding maging isang napakahusay na tunguhin ang pagpapasulong ng ating kakayahan na magpasimula at magdaos ng mga pag-aaral sa Bibliya.
3 Mga Paglalaan: Ang mga pulong ng kongregasyon, lalo na ang Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo at Pulong sa Paglilingkod, ay nilayon upang tulungan tayong sumulong bilang mga ministro. Mas makikinabang tayo sa mga paglalaang ito kung gagawa tayo ng higit na pagsisikap sa paghahanda at pagdalo sa mga pagpupulong na ito, at sa pagkakapit ng mga mungkahing ibinibigay rito.—2 Cor. 9:6.
4 Kailangan din nating tulungang sumulong ang isa’t isa. (Kaw. 27:17) Kung makikinig tayong mabuti sa presentasyon ng mga nakakasama natin sa ministeryo, tutulong ito sa atin na sumulong. Karagdagan pa, maaaring isaayos ng ating tagapangasiwa sa pag-aaral sa aklat na mabigyan tayo ng personal na tulong. Kaylaki ngang pagpapala na matulungan tayo ng isang makaranasang pioneer o ng ibang mamamahayag na maging mas epektibo at magkaroon ng higit na kagalakan sa ministeryo! Mayroon bang bagong mamamahayag sa ating grupo ng pag-aaral sa aklat? Baka puwede natin siyang anyayahang gumawang kasama natin sa ministeryo.
5 Ang ministeryong Kristiyano ang pinakamahalagang gawain sa ngayon. Habang inihahandog natin kay Jehova ang ating “hain ng papuri,” nais nating ibigay sa kaniya ang ating buong makakaya. (Heb. 13:15) Kung sisikapin nating pasulungin ang ating ministeryo, tayo ay magiging mga manggagawa na “walang anumang ikinahihiya, na ginagamit nang wasto ang salita ng katotohanan.”—2 Tim. 2:15.