Maging Mapanghikayat sa Iyong Pagtuturo
1. Kadalasan nang ano ang dapat gawin para magamit nang mabisa ang Salita ng Diyos sa ministeryo?
1 Alam ng mabibisang ministro, gaya ni apostol Pablo, na para ‘magamit nang wasto ang salita ng katotohanan,’ higit pa sa basta pagsipi sa Banal na Kasulatan ang kailangan. (2 Tim. 2:15) Kapag ginagamit ang Salita ng Diyos, paano tayo magiging ‘mapanghikayat’ sa pagtuturo?—Gawa 28:23.
2. Paano natin mapasisidhi ang pagpapahalaga ng isa sa Salita ng Diyos?
2 Hayaang Marinig ang Salita ng Diyos: Una, dapat makita ng iyong kausap na ang Bibliya ay naglalaman ng karunungan ng Diyos anupat igagalang niya ito. Kung makikita niyang tayo mismo ay nagtitiwala sa Salita ng Diyos, malamang na magtuon siya ng pansin habang binabasa ang isang teksto. (Heb. 4:12) Puwede nating sabihin: “Malaking tulong sa akin na malaman ang tingin ng Diyos sa bagay na ito. Pansinin mo kung ano ang sinasabi ng kaniyang Salita.” Hangga’t maaari, hayaang marinig ang Salita ng Diyos—magbasa mula mismo sa Bibliya.
3. Pagkatapos basahin ang isang teksto, ano ang puwedeng gawin para maintindihan ng tagapakinig ang ibig sabihin nito?
3 Ikalawa, ipaliwanag ang teksto. Marami ang hindi agad makauunawa sa isang teksto sa unang basa. Kadalasan nang kailangang ipaliwanag ang teksto para maipakita ang kaugnayan nito sa pinag-uusapan. (Luc. 24:26, 27) Idiin ang mga susing salita. At puwedeng magtanong para malaman kung naintindihan niya ang punto.—Kaw. 20:5; Gawa 8:30.
4. Ano ang huling hakbang para maging mapanghikayat sa pagtuturo?
4 Mangatuwiran Mula sa Kasulatan: Ikatlo, sikaping abutin ang kaniyang isip at puso. Tulungan ang may-bahay na makita kung paano siya makikinabang sa teksto. Ang pangangatuwiran mula sa Kasulatan ay maaaring makahikayat sa isa na baguhin ang kaniyang kaisipan. (Gawa 17:2-4; 19:8) Halimbawa, pagkatapos basahin ang Awit 83:18, maaari nating sabihin na mahalagang malaman ang pangalan ng isa para mabuo ang isang malapít na ugnayan. Pagkatapos ay puwedeng itanong, “Sa tingin mo ba’y magiging mas makabuluhan ang panalangin mo kung malalaman mo ang pangalan ng Diyos?” Kung iuugnay natin ang teksto sa buhay ng may-bahay, makikita niya ang praktikal na kahalagahan nito. Ang gayong mapanghikayat na pagtuturo ng Salita ng Diyos ay tumutulong sa mga tapat-puso na sambahin ang tunay at buháy na Diyos, si Jehova.—Jer. 10:10.