Mga Gawa ng mga Apostol
8 Pabor si Saul sa pagpatay kay Esteban.+
Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig sa kongregasyon na nasa Jerusalem; ang lahat maliban sa mga apostol ay nangalat sa Judea at Samaria.+ 2 Pero si Esteban ay kinuha ng makadiyos na mga lalaki para ilibing, at nagdalamhati sila nang husto. 3 At pinasimulan ni Saul na pagmalupitan ang kongregasyon. Isa-isa niyang pinapasok ang mga bahay, kinakaladkad palabas ang mga lalaki at babae, at ipinakukulong sila.+
4 Pero inihayag ng nangalat na mga alagad ang mabuting balita ng salita ng Diyos sa buong lupain.+ 5 At si Felipe+ ay pumunta sa lunsod ng Samaria+ at ipinangaral niya sa mga tagaroon ang Kristo. 6 Ang lahat ng naroon ay talagang nagbigay-pansin sa mga sinasabi ni Felipe habang nakikinig sila at nakikita ang mga tanda na ginagawa niya. 7 Maraming sinapian ng masamang* espiritu ang pinagaling; sumisigaw ang mga espiritu at lumalabas sa mga ito.+ Marami rin ang napagaling na paralisado at pilay. 8 Kaya talagang nagsaya ang lunsod na iyon.
9 Nasa lunsod na iyon ang lalaking si Simon. Dati na siyang nagsasagawa ng mahika at pinahahanga niya ang mga taga-Samaria at sinasabing makapangyarihan siya. 10 At silang lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila, ay nagbibigay-pansin sa kaniya at nagsasabi: “Ang taong ito ang Kapangyarihan ng Diyos, ang Malakas na Kapangyarihan.” 11 Dahil matagal na niyang napahahanga ang mga tao sa kaniyang mahika, nagbibigay-pansin sila sa kaniya. 12 Pero nang maniwala sila kay Felipe, na naghahayag ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos+ at tungkol sa pangalan ni Jesu-Kristo, ang mga lalaki at babae ay nagpabautismo.+ 13 Naging mananampalataya rin si Simon, at pagkabautismo, nanatili siyang kasama ni Felipe; at namangha siya sa nakikita niyang mga tanda at makapangyarihang mga gawa.
14 Nang marinig ng mga apostol sa Jerusalem na tinanggap ng Samaria ang salita ng Diyos,+ isinugo nila sina Pedro at Juan. 15 Pumunta roon ang mga ito at nanalangin para tumanggap ng banal na espiritu ang mga tagaroon,+ 16 dahil wala pang nakatanggap sa kanila ng banal na espiritu; nabautismuhan lang sila sa pangalan ng Panginoong Jesus.+ 17 Kaya ipinatong nina Pedro at Juan ang mga kamay nila sa mga ito,+ at nakatanggap ng banal na espiritu ang mga ito.
18 Nang makita ni Simon na nakatatanggap ng espiritu ang mga tao dahil sa pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol, inalok niya sila ng pera 19 at sinabi: “Bigyan din ninyo ako ng ganitong awtoridad para makatanggap din ng banal na espiritu ang sinumang patungan ko ng kamay.” 20 Pero sinabi ni Pedro: “Malipol ka nawang kasama ng pilak mo, dahil iniisip mong mabibili mo ng pera ang walang-bayad na regalo ng Diyos.+ 21 Hindi ka magkakaroon ng bahagi sa bagay na ito, dahil hindi tapat ang puso mo sa paningin ng Diyos. 22 Kaya pagsisihan mo ang kasamaan mong ito, at magsumamo ka kay Jehova na patawarin ka kung maaari, dahil sa masamang hangarin ng puso mo, 23 dahil nakikita kong isa kang mapait na lason at alipin ng kasamaan.” 24 Sinabi ni Simon: “Magsumamo kayo kay Jehova para sa akin nang hindi mangyari sa akin ang mga sinabi ninyo.”
25 Nang makapagpatotoo sila nang lubusan at maihayag ang salita ni Jehova, naglakbay sila pabalik sa Jerusalem at inihayag ang mabuting balita sa maraming nayon ng mga Samaritano.+
26 Pero sinabi ng anghel+ ni Jehova kay Felipe: “Pumunta ka sa timog, sa daan na mula sa Jerusalem papuntang Gaza.” (Ito ay isang daan sa disyerto.) 27 Kaya pumunta roon si Felipe, at nakita niya ang isang Etiope, isang mataas na opisyal at naglilingkod kay Candace na reyna ng mga Etiope, at siya ang namamahala sa lahat ng kayamanan nito. Pumunta siya sa Jerusalem para sumamba,+ 28 pero pauwi na siya. At habang nakaupo sa karwahe* niya, binabasa niya nang malakas ang isinulat ni propeta Isaias. 29 Kaya sinabi ng espiritu kay Felipe: “Habulin mo ang karwaheng iyon.” 30 Tumakbo si Felipe, at sinabayan niya ang karwahe. Narinig niyang binabasa ng Etiope ang isinulat ni propeta Isaias, at sinabi niya: “Naiintindihan mo ba ang lahat ng binabasa mo?” 31 Sumagot ang Etiope: “Ang totoo, hindi ko ito maiintindihan kung walang magtuturo sa akin.” Kaya pinasakay niya si Felipe at pinaupo sa tabi niya. 32 Ito ang bahagi ng Kasulatan na binabasa niya: “Gaya ng isang tupa, dinala siya sa katayan,+ at gaya ng isang kordero* na tahimik sa harap ng manggugupit nito, hindi niya ibinuka ang bibig niya.+ 33 Noong ipinapahiya siya, ipinagkait sa kaniya ang katarungan.+ Sino ang maglalahad ng mga detalye ng pinagmulan niya? Dahil ang buhay niya ay inalis sa lupa.”*+
34 Sinabi ng mataas na opisyal kay Felipe: “Pakiusap, sabihin mo kung sino ang tinutukoy rito ng propeta? Sarili ba niya o ibang tao?” 35 Kaya gamit ang bahaging iyon ng Kasulatan, pinasimulan ni Felipe na ihayag sa kaniya ang mabuting balita tungkol kay Jesus. 36 At habang nagpapatuloy sila sa paglalakbay, nakarating sila sa isang lugar na may tubig, at sinabi ng mataas na opisyal: “Tingnan mo, may tubig dito; ano ang nakahahadlang sa akin na magpabautismo?” 37 —— 38 Kaya pinahinto niya ang karwahe, at lumusong sa tubig ang mataas na opisyal at si Felipe at binautismuhan siya nito. 39 Pagkaahon sa tubig, si Felipe ay agad na inakay palayo ng espiritu ni Jehova, at hindi na siya nakita pa ng mataas na opisyal, pero masaya itong nagpatuloy sa paglalakbay. 40 Si Felipe ay nagpunta sa Asdod, at nilibot niya ang teritoryo at patuloy na inihayag ang mabuting balita sa lahat ng lunsod hanggang sa makarating siya sa Cesarea.+