Pahalagahan ang Iyong Pribilehiyong Mangaral
1. Ano ang turing ng marami sa sanlibutan sa ating pangangaral?
1 Itinuturing ng marami sa sanlibutan ni Satanas na “kamangmangan” ang ating gawaing pangangaral. (1 Cor. 1:18-21) Kung hindi tayo mag-iingat, maaari itong magpahina ng ating loob at makabawas ng ating sigasig. (Kaw. 24:10; Isa. 5:20) Bakit dapat nating pahalagahan ang ating pribilehiyong maging mga Saksi ni Jehova?—Isa. 43:10.
2. Bakit matatawag na “banal na gawain” ang ministeryo?
2 “Banal na Gawain”: Tinukoy ni apostol Pablo ang ministeryo bilang isang “banal na gawain.” (Roma 15:15, 16) Bakit? Tayo ay nagiging “mga kamanggagawa” ng “Isa na Banal,” si Jehova, at pinababanal nito ang kaniyang pangalan. (1 Cor. 3:9; 1 Ped. 1:15) Ito ay “hain ng papuri” sa pangmalas ni Jehova, kaya isang napakahalagang bahagi ng ating pagsamba ang ministeryo.—Heb. 13:15.
3. Bakit napakalaking pribilehiyo ang pangangaral ng mabuting balita?
3 Ang pangangaral ng mabuting balita ay malaking pribilehiyo na tinatamasa lamang ng ilan. Matutuwa ang mga anghel na isagawa ang atas na ito at tiyak na napakahusay nilang maisasagawa ito. (1 Ped. 1:12) Pero tayong di-sakdal na mga tao, “mga sisidlang luwad,” ang pinili ni Jehova para sa dakilang pribilehiyong ito!—2 Cor. 4:7.
4. Paano natin maipakikita na pinahahalagahan natin ang ministeryo?
4 Isang Priyoridad: Dahil talagang pinahahalagahan natin ang ating pribilehiyo, itinuturing natin ang ministeryo bilang isa sa “mga bagay na higit na mahalaga” sa ating buhay. (Fil. 1:10) Kaya nag-iiskedyul tayo ng panahon bawat linggo para makibahagi rito. Ang isang musikerong nagpapahalaga sa kaniyang pribilehiyong tumugtog kasama ng isang kilalang orkestra ay maghahanda tuwing tutugtog siya at mag-eensayo para lalo pa siyang humusay. Sa katulad na paraan, maghahanda rin tayo bago makibahagi sa ministeryo upang ‘magamit natin nang wasto ang salita ng katotohanan,’ at mapasulong ang ating “sining ng pagtuturo.”—2 Tim. 2:15; 4:2.
5. Sino ang nagpapahalaga sa ating ministeryo?
5 Huwag hayaang panghinaan ka ng loob dahil sa negatibong pagtugon ng mga tao. Tandaan na marami pa rin sa ating teritoryo ang nagpapahalaga sa ating pagdalaw. Hindi naman natin hinahanap ang pagsang-ayon ng mga tao. Mas mahalaga kung ano ang nadarama ni Jehova, lubha niyang pinahahalagahan ang ating mga pagsisikap.—Isa. 52:7.