ARALING ARTIKULO 35
Pahalagahan ang Bawat Miyembro ng Kongregasyon ni Jehova
“Hindi puwedeng sabihin ng mata sa kamay, ‘Hindi kita kailangan,’ at hindi rin puwedeng sabihin ng ulo sa mga paa, ‘Hindi ko kayo kailangan.’”—1 COR. 12:21.
AWIT 124 Ipakita ang Katapatan
NILALAMANa
1. Ano ang ibinigay ni Jehova sa bawat tapat na lingkod niya?
BINIGYAN ni Jehova ng papel sa kongregasyon ang bawat tapat na lingkod niya. Kahit iba-iba ang papel natin, lahat tayo ay mahalaga at kailangan natin ang isa’t isa. Tinutulungan tayo ni apostol Pablo na maintindihan ang mahalagang aral na ito. Paano?
2. Ayon sa Efeso 4:16, bakit kailangan nating magtulungan at pahalagahan ang isa’t isa?
2 Gaya ng mababasa sa temang teksto ng artikulong ito, idiniin ni Pablo na walang sinuman sa atin ang puwedeng magsabi sa ibang lingkod ni Jehova: “Hindi kita kailangan.” (1 Cor. 12:21) Para maging payapa ang kongregasyon, kailangan nating magtulungan at pahalagahan ang isa’t isa. (Basahin ang Efeso 4:16.) Kung magkakaisa tayo, mararamdaman ng bawat isa na mahalaga sila at titibay ang kongregasyon.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang ibang miyembro ng kongregasyon? Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano maipapakita ng mga elder na mahalaga sa kanila ang kapuwa nila elder. Pagkatapos, tatalakayin natin kung paano maipapakitang pinapahalagahan natin ang mga kapatid na walang asawa. At panghuli, malalaman natin kung paano maipapakitang mahalaga sa atin ang mga kapatid na hindi pa ganoon kahusay sa wika natin.
MAGPAKITA NG PAGPAPAHALAGA SA MGA KAPUWA ELDER
4. Anong payo ni Pablo sa Roma 12:10 ang dapat sundin ng mga elder?
4 Ang lahat ng elder sa kongregasyon ay inatasan ng banal na espiritu ni Jehova. Pero magkakaiba ang kakayahan ng bawat isa. (1 Cor. 12:17, 18) Baka bagong elder lang ang ilan at wala pang masyadong karanasan. Ang iba naman ay baka nalilimitahan ng pagtanda at pagkakasakit. Pero walang sinumang elder ang dapat mag-isip na walang pakinabang ang kapuwa niya elder na para bang sinasabing “Hindi kita kailangan.” Sa halip, dapat sundin ng bawat elder ang payo ni Pablo sa Roma 12:10.—Basahin.
5. Paano maipapakita ng mga elder na pinapahalagahan nila ang kapuwa nila elder, at bakit ito mahalaga?
5 Maipapakita ng mga elder na pinapahalagahan nila ang kapuwa nila elder kung papakinggan nilang mabuti ang mga ito. Lalo nang mahalaga ito kapag nagmi-meeting ang mga elder para pag-usapan ang seryosong mga bagay. Bakit? Pansinin ang sinasabi sa The Watchtower, isyu ng Oktubre 1, 1988: “Naniniwala ang mga elder na puwedeng gamitin ni Kristo ang banal na espiritu para tulungan ang sinumang elder sa kongregasyon na maisip ang prinsipyo sa Bibliya na kailangan ng mga elder para malaman ang gagawin sa isang sitwasyon o para makagawa ng mahalagang desisyon. (Gawa 15:6-15) Hindi lang isang elder ang tinutulungan ng banal na espiritu kundi ang lahat ng elder sa kongregasyon.”
6. Paano magkakaisa ang mga elder, at paano makikinabang dito ang kongregasyon?
6 Pinapahalagahan ng isang elder ang kapuwa niya elder kung hindi niya susubukang laging maunang magbigay ng opinyon kapag may meeting sila. Hindi siya ang laging nagsasalita, at hindi rin niya iniisip na laging tama ang opinyon niya. Sa halip, mapagpakumbaba niyang sinasabi ang pananaw niya. Nakikinig siyang mabuti sa komento ng iba. At higit sa lahat, handa niyang ipakipag-usap ang mga prinsipyo sa Bibliya at sundin ang tagubilin ng “tapat at matalinong alipin.” (Mat. 24:45-47) Kapag nagpapakita ng pag-ibig at paggalang sa isa’t isa ang mga elder habang pinag-uusapan ang mga bagay-bagay, dadaloy ang banal na espiritu, at aakayin sila nito sa tamang desisyon na magpapatibay sa kongregasyon.—Sant. 3:17, 18.
MAGPAKITA NG PAGPAPAHALAGA SA MGA WALANG ASAWA
7. Ano ang pananaw ni Jesus sa mga walang asawa?
7 Sa kongregasyon, makakakita tayo ng mga mag-asawa at pamilya. Pero marami rin sa kongregasyon ang walang asawa. Ano ang dapat na maging tingin natin sa mga walang asawa? Pansinin ang pananaw ni Jesus sa kanila. Hindi nag-asawa si Jesus noong nandito siya sa lupa. Nagpokus siya sa atas niya. Hindi kailanman itinuro ni Jesus na dapat mag-asawa o manatiling walang asawa ang isang Kristiyano. Pero sinabi niyang pinili ng ilang Kristiyano na huwag nang mag-asawa. (Mat. 19:11, 12; tingnan ang study note sa Mateo 19:12.) Mahalaga kay Jesus ang mga walang asawa. Hindi niya inisip na nakabababa sila o may kulang sa kanila.
8. Batay sa sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 7:7-9, ano ang puwedeng pag-isipan ng mga Kristiyano?
8 Gaya ni Jesus, nanatiling walang asawa si apostol Pablo habang isinasagawa ang ministeryo niya. Hindi kailanman itinuro ni Pablo na maling mag-asawa ang isang Kristiyano. Alam niyang personal na desisyon ito. Pero pinatibay ni Pablo ang mga Kristiyano na pag-isipan kung puwedeng huwag na silang mag-asawa. (Basahin ang 1 Corinto 7:7-9.) Maliwanag na hindi mababa ang tingin ni Pablo sa mga Kristiyanong walang asawa. Ang totoo, pinili niya ang binatang si Timoteo para gumanap ng mabibigat na atas.b (Fil. 2:19-22) Kaya ang kuwalipikasyon ng isang brother ay maling ibase lang sa pagiging may asawa niya o wala.—1 Cor. 7:32-35, 38.
9. Ano ang masasabi natin tungkol sa pag-aasawa at sa pagiging walang asawa?
9 Hindi itinuro ni Jesus o ni Pablo na dapat mag-asawa o manatiling walang asawa ang isang Kristiyano. Kaya ano ang masasabi natin tungkol sa pag-aasawa at sa pagiging walang asawa? Maganda ang sagot dito ng Bantayan, isyu ng Oktubre 1, 2012: “Ang totoo, [ang pag-aasawa at pagiging walang asawa ay] parehong regalo . . . mula sa Diyos. . . . Ang pagiging walang asawa . . . ay hindi itinuturing ni Jehova na sanhi ng pighati at kahihiyan.” Kaya naman dapat nating pahalagahan ang mga kakongregasyon nating walang asawa.
10. Paano natin maipapakitang nirerespeto natin ang mga kapatid na walang asawa?
10 Paano natin maipapakitang nirerespeto natin ang nararamdaman at sitwasyon ng mga kapatid na walang asawa? Dapat nating tandaan na ipinasiya ng ilang Kristiyano na manatiling walang asawa. Gusto naman ng iba na mag-asawa, pero hindi pa nila nakikita ang taong nababagay sa kanila. Namatayan naman ng asawa ang iba. Anuman ang sitwasyon, tama bang tanungin natin sila kung bakit hindi pa sila nag-aasawa o hanapan sila ng mapapangasawa? Siyempre, baka gusto ng ilang Kristiyano ang tulong na iyan. Pero kung hinahanapan natin sila kahit hindi sila nagpapahanap, ano kaya ang mararamdaman nila? (1 Tes. 4:11; 1 Tim. 5:13) Tingnan natin ang ilang komento ng tapat na mga kapatid na walang asawa.
11-12. Bakit posibleng masiraan ng loob ang mga walang asawa?
11 Isang mahusay na tagapangasiwa ng sirkito ang nagsabi na maraming pakinabang ang pagiging single niya. Pero sinabi rin niya na nasisiraan siya ng loob kapag tinatanong siya ng nagmamalasakit na mga kapatid: “Bakit hindi ka pa nag-aasawa?” Napansin naman ng isang binatang naglilingkod sa tanggapang pansangay: “Minsan, naipaparamdam sa akin ng mga kapatid na nakakaawa ang mga walang asawa. Mukha tuloy pabigat ang pagiging walang asawa imbes na maging regalo.”
12 Sinabi ng isang dalagang sister na Bethelite: “May mga kapatid na nag-iisip na ang lahat ng walang asawa ay naghahanap ng mapapangasawa o na sinasamantala ng mga ito ang mga pagkakataong nagsasama-sama ang mga kapatid para maghanap ng magiging asawa. Minsan, noong binigyan ako ng atas sa isang lugar sa aming bansa, dumalo ako sa pulong. Sinabi ng sister na tinutuluyan ko na may dalawang brother sa kongregasyon na kaedaran ko. Hindi naman daw niya ako irereto sa kanila. Pero pagpasok na pagpasok namin sa Kingdom Hall, hinila niya ako para ipakilala sa dalawang brother. Nagkahiyaan tuloy kaming tatlo.”
13. Anong mga halimbawa ang nagpatibay sa isang dalagang sister?
13 Sinabi ng isa pang dalagang Bethelite: “May mga kakilala akong nakakatandang payunir na walang asawa. Matatag sila, nakapokus, mapagsakripisyo, at masaya sa paglilingkod. Napakalaking tulong nila sa kongregasyon. Balanse ang pananaw nila sa pagiging walang asawa. Hindi nila iniisip na nakakataas sila dahil nakapanatili silang walang asawa o na nakakaawa sila dahil wala silang asawa at pamilya.” Kaya napakasaya kapag ang mga kapatid sa kongregasyon ay may respeto at pagpapahalaga sa isa’t isa. Alam mong hindi ka kinakaawaan o kinakainggitan at hindi ka rin binabale-wala o sobrang hinahangaan. Alam mong mahal ka nila.
14. Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang mga walang asawa?
14 Matutuwa ang mga kapatid nating binata’t dalaga kung papahalagahan natin sila dahil sa magaganda nilang katangian at hindi dahil sa wala silang asawa. Imbes na kaawaan sila, mas mabuting pahalagahan ang katapatan nila. Bilang resulta, hindi papasok sa isip ng mga kapatid nating walang asawa na wala silang halaga, na para bang sinasabi natin: ‘Hindi namin kayo kailangan.’ (1 Cor. 12:21) Sa halip, makikita nilang nirerespeto natin sila at pinapahalagahan ang papel nila sa kongregasyon.
MAGPAKITA NG PAGPAPAHALAGA SA MGA NAG-AARAL NG INYONG WIKA
15. Anong pagbabago ang ginawa ng ilan para mapalawak ang kanilang ministeryo?
15 Nitong mga nakaraang taon, ginawang tunguhin ng maraming mamamahayag na mag-aral ng ibang wika para mapalawak ang kanilang ministeryo. Dahil dito, kailangan nilang gumawa ng mga pagbabago. Iniwan ng mga kapatid na ito ang kongregasyon nilang gumagamit ng wika nila para lumipat sa isang kongregasyong iba ang wika na may mas malaking pangangailangan. (Gawa 16:9) Personal nilang desisyon ito para kay Jehova. Baka matagal pa bago sila maging mahusay sa bagong wika, pero ngayon pa lang, marami na silang naitutulong sa kongregasyon. Ang magaganda nilang katangian at karanasan ay nagpapatibay sa kongregasyon. Pinapahalagahan natin ang mapagsakripisyong mga kapatid na ito!
16. Ano ang dapat na maging basehan ng mga elder sa pagrerekomenda ng mga brother para maging elder at ministeryal na lingkod?
16 Hindi dapat mag-alangan ang lupon ng matatanda na irekomenda ang isang brother bilang elder o ministeryal na lingkod dahil lang sa hindi siya ganoon kahusay sa wikang ginagamit ng kongregasyon. Ang dapat na maging basehan ng mga elder ay ang mga kuwalipikasyong sinasabi ng Bibliya para sa mga elder at ministeryal na lingkod at hindi ang kakayahan ng brother sa pagsasalita ng wikang ginagamit ng kongregasyon.—1 Tim. 3:1-10, 12, 13; Tito 1:5-9.
17. Anong mga tanong ang dapat pag-isipan ng mga pamilyang lumipat sa ibang bansa?
17 May mga pamilyang Kristiyano na lumipat sa ibang bansa para makaiwas sa mahihirap na sitwasyon sa bansa nila o makahanap ng trabaho. Sa ganitong mga sitwasyon, matututuhan ng mga bata ang wika ng bansang nilipatan nila kapag pumapasok na sila sa paaralan. Baka kailangan ding pag-aralan ng mga magulang ang wikang iyon para makahanap ng trabaho. Paano kung may kongregasyon doon o grupo na gumagamit ng sarili nilang wika? Saan dapat umugnay ang pamilya? Sa kongregasyon ba na gumagamit ng wika ng bansang nilipatan nila o sa kongregasyong gumagamit ng sarili nilang wika?
18. Kaayon ng Galacia 6:5, paano natin maipapakitang nirerespeto natin ang desisyon ng ulo ng pamilya?
18 Ang ulo ng pamilya ang dapat magdesisyon kung saang kongregasyon sila uugnay. Dapat niyang pag-isipan kung ano ang mas makakabuti sa pamilya niya. (Basahin ang Galacia 6:5.) Personal na bagay ito, kaya anuman ang desisyon ng ulo ng pamilya, dapat natin itong irespeto at tanggapin sila bilang mahalagang bahagi ng kongregasyon.—Roma 15:7.
19. Ano ang dapat pag-isipan at ipanalangin ng mga ulo ng pamilya?
19 May mga pamilyang nakaugnay sa mga kongregasyong gumagamit ng wika ng mga magulang, pero baka hindi iyon masyadong naiintindihan ng mga anak dahil hindi iyon ang wikang ginagamit nila sa paaralan. Kaya baka mahirapan silang maintindihan ang mga pulong at hindi sumulong sa espirituwal. Sa ganitong mga sitwasyon, dapat ipanalangin ng mga ulo ng pamilya kung ano ang kailangan nilang gawin para matulungan ang mga anak nila na mapalapít kay Jehova at sa mga kapatid. Puwede nilang turuan ang kanilang mga anak ng wika nila, o kaya naman, lumipat sa kongregasyong gumagamit ng wikang naiintindihan ng mga bata. Anuman ang desisyon ng ulo ng pamilya, dapat ipadama ng kongregasyong nilipatan nila na nirerespeto sila at pinapahalagahan.
20. Paano natin maipapakitang pinapahalagahan natin ang mga kapatid na nag-aaral ng ibang wika?
20 Sa maraming kongregasyon, may mga kapatid na nagsisikap matuto ng ibang wika. Baka nahihirapan silang sabihin ang iniisip nila. Pero kung hindi tayo magpopokus sa kakayahan nilang magsalita ng wika natin, makikita nating mahal nila si Jehova at gusto nilang paglingkuran siya. Kapag nakita natin ang magagandang katangiang iyan, talagang papahalagahan natin at irerespeto ang mga kapatid na ito. Hindi natin sasabihing ‘Hindi namin kayo kailangan’ dahil lang sa hindi sila ganoon kahusay sa wika natin.
NAPAKAHALAGA NATIN KAY JEHOVA
21-22. Anong napakagandang pribilehiyo ang tinanggap natin?
21 Binigyan tayo ni Jehova ng napakagandang pribilehiyo na magkaroon ng papel sa kongregasyon. Lalaki man tayo o babae, may asawa o wala, bata o matanda, o mahusay sa isang wika o hindi, napakahalaga natin kay Jehova at sa isa’t isa.—Roma 12:4, 5; Col. 3:10, 11.
22 Patuloy sana nating sundin ang magagandang aral na natutuhan natin sa ilustrasyon ni Pablo tungkol sa katawan ng tao. Sa paggawa nito, makakahanap tayo ng iba pang paraan para maipakitang pinapahalagahan natin ang papel natin at ang papel ng iba sa kongregasyon ni Jehova.
AWIT 90 Patibayin ang Isa’t Isa
a Iba’t iba ang pinagmulan ng mga lingkod ni Jehova at iba-iba rin ang papel na ginagampanan nila sa kongregasyon. Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit dapat nating pahalagahan ang bawat miyembro ng pamilya ni Jehova.
b Hindi natin alam kung nag-asawa si Timoteo.