ARALING ARTIKULO 29
Maging Masaya sa Nagagawa Mo!
‘Magsaya ang bawat isa dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.’—GAL. 6:4.
AWIT 34 Lumalakad Nang Tapat
NILALAMANa
1. Bakit hindi tayo ikinukumpara ni Jehova sa iba?
GUSTO ni Jehova na hindi pare-pareho ang mga bagay-bagay. Makikita iyan sa magagandang nilalang niya, kasama na tayong mga tao. Magkakaiba ang bawat isa sa atin. Kaya hindi ka ikinukumpara ni Jehova sa iba. Tinitingnan niya ang puso mo—ang pagkatao mo. (1 Sam. 16:7) Alam din niya kung saan ka mahusay, kung ano ang mga kahinaan mo, at ang paraan ng pagpapalaki sa iyo. At hindi ka niya hihilingan ng hindi mo kayang gawin. Kailangan nating tularan ang pananaw sa atin ni Jehova. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon tayo ng ‘matinong pag-iisip’ at hindi magiging masyadong mataas o masyadong mababa ang tingin natin sa ating sarili.—Roma 12:3.
2. Bakit hindi magandang ikumpara ang sarili natin sa iba?
2 Puwede tayong matuto sa magandang halimbawa ng isang kapatid na mahusay sa ministeryo. (Heb. 13:7) Baka may makita tayong mga paraan na magagamit natin para maging mas epektibo tayo sa ministeryo. (Fil. 3:17) Pero magkaiba ang pagtulad sa magandang halimbawa ng iba at ang pagkukumpara ng sarili sa kanila. Kapag ikinumpara natin ang sarili natin, baka mainggit tayo, masiraan ng loob, o baka maramdaman pa nga nating wala tayong halaga. At gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, maaapektuhan ang kaugnayan natin kay Jehova kung makikipagkompetensiya tayo sa mga kakongregasyon natin. Kaya maibigin tayong pinapayuhan ni Jehova: “Suriin ng bawat isa ang sarili niyang mga pagkilos. Sa gayon, magsasaya siya dahil sa mga nagawa niya, at hindi dahil ikinumpara niya ang sarili niya sa ibang tao.”—Gal. 6:4.
3. Anong espirituwal na pagsulong mo ang nagpapasaya sa iyo?
3 Gusto ni Jehova na maging masaya ka sa nagagawa mong pagsulong sa espirituwal. Halimbawa, nang mabautismuhan ka, siguradong tuwang-tuwa ka nang maabot mo ang tunguhing iyon! Sarili mong desisyon iyon. Ginawa mo iyon dahil mahal mo ang Diyos. Isipin ang mga nagawa mong pagsulong mula noon. Halimbawa, mas gusto mo na ba ngayong magbasa at mag-aral ng Bibliya? Naging mas makabuluhan ba at mas taos-puso ang mga panalangin mo? (Awit 141:2) Mas natural ka na bang makipag-usap kapag nangangaral at naging mas mahusay sa paggamit ng mga tool sa ministeryo? At kung may pamilya ka, naging mas mabuti ka bang asawa o magulang sa tulong ni Jehova? Magiging masaya ka kung iisipin mo ang mga nagagawa mong pagsulong.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Matutulungan natin ang iba na maging masaya sa nagagawa nilang pagsulong sa espirituwal. Matutulungan din natin sila na iwasang ikumpara ang sarili nila sa iba. Sa artikulong ito, makikita natin kung paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila, kung paano matutulungan ng mag-asawa ang isa’t isa, at kung paano matutulungan ng mga elder at ng iba ang mga kapatid. Aalamin din natin ang ilang prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa bawat isa sa atin na makapagtakda ng mga tunguhin na kaya nating abutin.
ANG PUWEDENG GAWIN NG MGA MAGULANG AT MAG-ASAWA
5. Ayon sa Efeso 6:4, ano ang dapat iwasan ng mga magulang?
5 Dapat iwasan ng mga magulang na ikumpara ang isang anak nila sa iba pa nilang anak o hilingan siya ng hindi niya kayang gawin. Kapag ginawa nila iyan, baka mainis o masiraan ng loob ang bata. (Basahin ang Efeso 6:4.) Sinabi ng sister na si Sachiko:b “Gusto ng mga teacher ko na maging number one ako sa klase. ’Tapos, gusto rin ni Nanay na maging mahusay ako sa school para daw maging patotoo iyon sa teacher ko at sa tatay kong di-Saksi. Ayaw pa nga niya na may mali ako sa mga exam. Imposible naman ’yon! Matagal na akong nakapagtapos sa pag-aaral. Pero minsan, naiisip ko pa rin kung masaya ba si Jehova sa nagagawa ko kahit ibinibigay ko naman ang buong makakaya ko.”
6. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa Awit 131:1, 2?
6 May mahalagang aral na matututuhan ang mga magulang sa Awit 131:1, 2. (Basahin.) Sinabi ni Haring David na hindi siya ‘naghangad ng mga bagay na napakadakila’ o ng mga bagay na hindi niya kayang abutin. Dahil mapagpakumbaba siya, naging kontento siya at ‘payapa ang kalooban’ niya. Ano ang matututuhan ng mga magulang sa sinabi ni David? Dapat silang maging mapagpakumbaba at isipin na hindi lang sila ang may limitasyon kundi pati ang anak nila. Dapat isaalang-alang ng magulang ang mga kaya at di-kayang gawin ng anak nila kapag tinutulungan nila siyang magtakda ng mga tunguhin. Sinabi ng sister na si Marina: “Kahit kailan, hindi ako ikinumpara ni Nanay sa tatlo kong kapatid o sa iba pang bata. Itinuro niya sa akin na magkakaiba tayo ng kakayahan at na ang bawat isa ay mahalaga kay Jehova. Dahil kay Nanay, naiiwasan kong ikumpara ang sarili ko sa iba.”
7-8. Paano mapaparangalan ng asawang lalaki ang asawa niya?
7 Dapat parangalan ng Kristiyanong asawang lalaki ang asawa niya. (1 Ped. 3:7) Kasama sa pagpaparangal ang pagrespeto at pagpapahalaga sa nagagawa ng iba. Halimbawa, magagawa iyan ng asawang lalaki kung ipaparamdam niyang mahalaga sa kaniya ang asawa niya. Hindi niya siya hihilingan ng hindi niya kayang gawin. At hinding-hindi niya siya ikukumpara sa ibang babae. Kung ikukumpara niya ang asawa niya sa iba, ano kaya ang mararamdaman nito? Hindi Saksi ang asawa ng sister na si Rosa, at lagi siya nitong ikinukumpara sa ibang babae. Dahil doon, naging napakababa ng tingin ni Rosa sa sarili niya. Sinabi ni Rosa, “Kailangan na lagi pang may magsabi sa akin na mahalaga ako kay Jehova.” Pero pinaparangalan ng isang Kristiyanong asawang lalaki ang asawa niya. Alam niya na maganda ang epekto nito sa ugnayan nilang mag-asawa at sa kaugnayan niya kay Jehova.c
8 Naipapakita ng asawang lalaki na pinaparangalan niya ang kaniyang asawa kapag lagi niya itong pinupuri at ipinaparamdam at sinasabi na mahal niya ito. (Kaw. 31:28) Iyan ang ginawa ng asawa ni Katerina, na binanggit sa naunang artikulo, para hindi niya maramdaman na wala siyang halaga. Noong bata kasi si Katerina, lagi siyang minamaliit ng nanay niya at ikinukumpara sa ibang bata, pati na sa mga kaibigan niya. Kaya lagi na rin niyang ikinukumpara ang sarili niya sa iba—kahit noong maging Saksi na siya! Pero natulungan siya ng kaniyang Kristiyanong asawa na maiwasan iyon at magkaroon ng balanseng pananaw sa sarili niya. Sinabi niya: “Mahal niya ako, pinupuri niya ako sa mga nagagawa ko, at ipinapanalangin ako. Ipinapaalala rin niya ang magagandang katangian ni Jehova at tinutulungan akong huwag maging negatibo.”
ANG PUWEDENG GAWIN NG MAPAGMAHAL NA MGA ELDER AT NG IBA
9-10. Paano natulungan ng mapagmalasakit na mga elder ang isang sister na iwasang ikumpara ang sarili niya sa iba?
9 Paano matutulungan ng mga elder ang mga kapatid na nagkukumpara ng sarili nila sa iba? Tingnan ang karanasan ng sister na si Hanuni. Bihira siyang purihin noong bata siya. Sinabi niya: “Mahiyain ako noon, at pakiramdam ko, mas magaling sa akin ang ibang mga bata. Kaya kahit noon pa lang, ikinukumpara ko na ang sarili ko sa iba.” Kahit naging Saksi na si Hanuni, ikinukumpara pa rin niya ang sarili niya sa iba. Kaya pakiramdam niya, wala siyang nagagawa para sa kongregasyon. Pero masaya na siyang naglilingkod ngayon bilang payunir. Ano ang nakatulong sa kaniya?
10 Sinabi ni Hanuni na tinulungan siya ng mapagmahal na mga elder. Sinabi nila na mahalaga siya sa kongregasyon at magandang halimbawa siya sa iba. Sinabi niya: “Ilang beses akong pinakisuyuan ng mga elder na patibayin ang ilang sister na nangangailangan ng tulong. Dahil doon, naramdaman kong mahalaga ako. Hindi ko rin malilimutan noong pinasalamatan ako ng mga elder sa ginagawa kong pagtulong sa ilang kabataang sister. ’Tapos, binasa nila ang 1 Tesalonica 1:2, 3. Talagang na-touch ako do’n! Sobra akong nagpapasalamat sa mabubuting pastol na gaya nila. Nararamdaman ko na ngayon na mahalaga ako sa organisasyon ni Jehova.”
11. Paano natin matutulungan ang ‘mga nagdurusa at mga hamak’ na binabanggit sa Isaias 57:15?
11 Basahin ang Isaias 57:15. Talagang nagmamalasakit si Jehova sa ‘mga nagdurusa at mga hamak.’ Kahit hindi tayo mga elder, mapapatibay natin sila. Magagawa natin ito kung magpapakita tayo ng malasakit sa kanila. Gusto ni Jehova na maipadama natin sa kanila kung gaano niya sila kamahal. (Kaw. 19:17) Matutulungan din natin sila kung magiging mapagpakumbaba tayo at hindi magyayabang. Hindi natin ipinopokus ang atensiyon ng iba sa atin kasi ayaw nating maging dahilan iyon para mainggit sila sa atin. Sa halip, ginagamit natin ang mga kakayahan at mga alam natin para patibayin ang isa’t isa.—1 Ped. 4:10, 11.
12. Bakit malapít kay Jesus ang mga hamak at ordinaryong tao? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
12 Marami tayong matututuhan sa pakikitungo ni Jesus sa mga tagasunod niya. Siya ang pinakadakilang tao na nabuhay kailanman. Pero kahit ganoon, “mahinahon [siya] at mapagpakumbaba.” (Mat. 11:28-30) Hindi siya nagpakitang-gilas. Hindi niya ipinagyabang kung gaano siya katalino at kung gaano karami ang alam niya. Kapag nagtuturo siya sa mga tao, gumagamit siya ng simpleng pananalita at ng mga ilustrasyon na madaling maintindihan at tumatagos sa puso ng mga hamak at ordinaryong tao. (Luc. 10:21) Di-tulad ng mayayabang na lider ng relihiyon, lagi niyang ipinaparamdam sa iba na mahalaga sila sa Diyos. (Juan 6:37) Nirerespeto niya ang mga ordinaryong tao.
13. Paano nagpakita si Jesus ng kabaitan at pagmamahal sa mga alagad niya?
13 Makikita ang kabaitan at pagmamahal ni Jesus sa pakikitungo niya sa mga alagad niya. Alam niya na magkakaiba sila ng mga kakayahan at kalagayan. Kaya hindi pare-pareho ang kaya nilang hawakang responsibilidad at iba-iba rin ang nagagawa nila sa ministeryo. Pero pinahalagahan niya na ginawa ng bawat isa ang buong makakaya nila. Makikita iyan sa ilustrasyon tungkol sa mga talento. Sa ilustrasyong iyon, binigyan ng panginoon ang mga alipin ng talento “ayon sa kakayahan ng bawat isa.” Mas malaki ang kinita ng isang alipin kumpara sa isa pang masipag na alipin. Pero pareho silang pinuri ng panginoon at sinabi sa bawat isa sa kanila: “Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin!”—Mat. 25:14-23.
14. Paano natin matutularan ang pakikitungo ni Jesus sa atin?
14 Mabait at mapagmahal si Jesus sa pakikitungo niya sa atin. Alam niya na iba-iba ang kakayahan natin at kalagayan, at natutuwa siya basta’t ginagawa natin ang buong makakaya natin. Dapat nating tularan si Jesus. Ayaw nating maramdaman ng isang kapatid na wala siyang halaga o manliit siya kasi mas kaunti ang nagagawa niya kumpara sa iba. Sa halip, lagi nating bigyan ng komendasyon ang mga kapatid kapag ginagawa nila ang buong makakaya nila para kay Jehova.
MAGTAKDA NG MGA TUNGUHIN NA KAYA MONG ABUTIN
15-16. Paano nakatulong sa isang sister ang pagtatakda ng mga tunguhin na kaya niyang abutin?
15 Kapag may mga espirituwal na tunguhin tayo, nagiging masaya at makabuluhan ang buhay natin. Pero siyempre, ang mga tunguhing iyon ay dapat na batay sa sarili nating mga kakayahan at kalagayan, hindi sa iba. Kasi kung hindi, madidismaya lang tayo at masisiraan ng loob. (Luc. 14:28) Tingnan ang halimbawa ng pioneer na sister na si Midori.
16 Hindi Saksi ang tatay ni Midori. At noong bata siya, ikinukumpara siya nito sa mga kapatid niya at kaklase kaya napapahiya siya. “Pakiramdam ko, wala akong silbi,” ang sabi ni Midori. Pero habang lumalaki siya, unti-unti na siyang nagkakaroon ng kumpiyansa sa sarili. Sinabi niya, “Araw-araw akong nagbabasa ng Bibliya para maging panatag ako at maramdaman ko na mahal ako ni Jehova.” Nagtakda rin siya ng mga tunguhin na kaya niyang abutin at espesipiko niyang ipinanalangin na tulungan siyang maabot ang mga iyon. Kaya naging masaya si Midori sa mga nagagawa niya para kay Jehova.
LAGING GAWIN ANG BUONG MAKAKAYA MO PARA KAY JEHOVA
17. Paano natin ‘patuloy na mababago ang takbo ng isip natin,’ at ano ang resulta nito?
17 Hindi madaling mabago ang tingin natin sa sarili natin. Kaya pinapayuhan tayo ni Jehova: “Dapat na patuloy ninyong baguhin ang takbo ng inyong isip.” (Efe. 4:23, 24) Para magawa iyan, kailangan na lagi tayong mag-aral ng Salita ng Diyos at magbulay-bulay. Dapat na lagi rin tayong manalangin kay Jehova para bigyan tayo ng lakas. Sa tulong ng banal na espiritu niya, maiiwasan mong ikumpara ang sarili mo sa iba. Matutulungan ka rin ni Jehova na makita kung nagiging mainggitin ka na o mapagmataas, at makagawa agad ng mga pagbabago.
18. Paano ka mapapatibay ng 2 Cronica 6:29, 30?
18 Basahin ang 2 Cronica 6:29, 30. Alam ni Jehova ang laman ng puso natin. Alam din niya na kahit nahihirapan tayo, nilalabanan natin ang espiritu ng sanlibutan pati na ang mga kahinaan natin. At kapag nakikita ni Jehova ang pagsisikap natin, lalo niya tayong mamahalin.
19. Paano inilarawan ni Jehova ang nararamdaman niya para sa atin?
19 Para ilarawan ang nararamdaman niya para sa atin, ginamit ni Jehova ang pagmamahal ng isang nanay sa baby niya. (Isa. 49:15) Tingnan ang halimbawa ng nanay na si Rachel. Sinabi niya: “Kulang sa buwan si Stephanie nang ipanganak ko siya. Noong una ko siyang makita, ang liit-liit niya at mukha siyang walang kalaban-laban. Pero pinayagan ako ng ospital na hawakan siya araw-araw noong unang buwan niya habang nasa incubator siya. Dahil doon, naging napakalapít namin sa isa’t isa. Anim na taóng gulang na ngayon si Stephanie at mas maliit siya kaysa sa mga kaedad niya. Pero mahal na mahal ko siya dahil talagang nakipaglaban siya para mabuhay. At sobrang saya ko dahil sa kaniya!” Talagang nakakapagpatibay isipin na mahal na mahal tayo ni Jehova kapag nakikita niyang nagsisikap tayong gawin ang buong makakaya natin para sa kaniya!
20. Bakit puwedeng maging masaya ang mga lingkod ni Jehova?
20 Bilang lingkod ni Jehova, mahalagang miyembro ka ng pamilya niya at para sa kaniya, wala kang katulad. Inilapit ka ni Jehova sa kaniya hindi dahil mas mahusay ka sa iba. Ginawa niya iyon dahil tiningnan niya ang puso mo at nakita niyang maamo ka at handa kang matuto at magpahubog sa kaniya. (Awit 25:9) Siguradong natutuwa siya kapag nakikita niyang ginagawa mo ang buong makakaya mo sa paglilingkod sa kaniya. Ang pagtitiis mo at pananatiling tapat ay patunay na ‘napakabuti ng puso’ mo. (Luc. 8:15) Kaya patuloy na gawin ang buong makakaya mo para kay Jehova, at magiging masaya ka ‘dahil sa mga nagagawa mo.’
AWIT 38 Tutulungan Ka Niya
a Hindi tayo ikinukumpara ni Jehova sa iba. Pero baka iyan ang ginagawa ng ilan sa atin kaya bumababa ang tingin natin sa ating sarili. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit hindi magandang ikumpara ang sarili natin sa iba. Makikita rin natin kung paano natin matutulungan ang mga kapamilya at kakongregasyon natin na tularan ang pananaw sa kanila ni Jehova.
b Binago ang ilang pangalan.
c Kahit na ang mga puntong ito ay para sa asawang lalaki, karamihan sa mga prinsipyo ay puwede ring sundin ng asawang babae.
d LARAWAN: Sa kanilang pampamilyang pagsamba, ipinapakita ng mga magulang na natutuwa sila sa naitutulong ng bawat anak nila sa paggawa ng arka ni Noe.
e LARAWAN: Inaayos ng isang single parent na may maliit na anak ang iskedyul niya para makapag-auxiliary pioneer, at masaya siya nang maabot niya ang tunguhing iyon.