ARALING ARTIKULO 12
AWIT BLG. 77 Liwanag sa Mundong Madilim
Iwasan ang Kadiliman—Manatili sa Liwanag
“Nasa kadiliman kayo noon, pero nasa liwanag na kayo ngayon.”—EFE. 5:8.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang mga aral sa paghahambing na ginamit sa Efeso kabanata 5 tungkol sa kadiliman at liwanag.
1-2. (a) Ano ang sitwasyon ni Pablo nang sumulat siya sa mga taga-Efeso, at bakit niya sila sinulatan? (b) Anong mga tanong ang tatalakayin natin?
NAKABILANGGO noon si apostol Pablo sa Roma, at gusto niyang patibayin ang mga kapatid. Dahil hindi niya sila madalaw, sinulatan niya sila. Para sa mga taga-Efeso ang isa sa mga liham niya noong mga 60 o 61 C.E.—Efe. 1:1; 4:1.
2 Halos 10 taon bago sulatan ni Pablo ang mga taga-Efeso, matagal din siyang tumira doon para mangaral at magturo ng mabuting balita. (Gawa 19:1, 8-10; 20:20, 21) Mahal na mahal niya ang mga kapatid, at gusto niya silang tulungan na manatiling tapat kay Jehova. Pero bakit niya isinulat sa mga pinahirang Kristiyano ang tungkol sa kadiliman at liwanag? At ano ang matututuhan ng lahat ng Kristiyano sa payo niya? Sagutin natin ang mga tanong na iyan.
MULA SA KADILIMAN TUNGO SA LIWANAG
3. Anong paghahambing ang ginamit ni Pablo sa liham niya sa mga taga-Efeso?
3 Isinulat ni Pablo sa mga Kristiyano sa Efeso: “Nasa kadiliman kayo noon, pero nasa liwanag na kayo ngayon.” (Efe. 5:8) Ginamit ni Pablo ang kadiliman at liwanag bilang paghahambing sa dating buhay ng mga taga-Efeso noon at sa kalagayan nila ngayon. Bakit sinabi ni Pablo na “nasa kadiliman [sila] noon”?
4. Bakit masasabing nasa kadiliman noon ang pagsamba ng mga taga-Efeso?
4 Huwad na pagsamba. Bago malaman ng mga taga-Efeso ang katotohanan at maging Kristiyano, mapamahiin sila at mali ang mga paniniwala nila. Nasa lunsod ng Efeso ang sikat na templo ni Artemis, na itinuturing ng mga tao noon na isa sa seven wonders of the world. Laganap ang idolatriya doon. Patok na negosyo doon ang paggawa at pagbebenta ng mga dambana ng diyosang si Artemis. (Gawa 19:23-27) Kilala rin ang lunsod sa pagsasagawa ng mahika.—Gawa 19:19.
5. Bakit masasabing nasa kadiliman noon ang mga taga-Efeso dahil sa imoralidad?
5 Imoralidad. Napakaimoral ng mga taga-Efeso, at gumagawi sila nang may kapangahasan. Normal lang ang malaswang pananalita sa mga teatro sa lunsod, pati nga sa mga relihiyosong kapistahan nila. (Efe. 5:3) Marami sa mga taga-Efeso ang ‘hindi na nakokonsensiya,’ ibig sabihin, manhid na sila. (Efe. 4:17-19) Bago nila natutuhan ang tama, hindi sila nakokonsensiya kapag nakakagawa sila ng mali. Wala rin silang pakialam sa mararamdaman ni Jehova. Kaya sinabi ni Pablo na “nasa dilim ang isip nila at malayo sila sa buhay na nagmumula sa Diyos.”
6. Bakit masasabi ni Pablo na ‘nasa liwanag na ngayon’ ang mga taga-Efeso?
6 Pero may mga taga-Efeso na umalis sa kadiliman. Isinulat ni Pablo na “nasa liwanag na [sila] ngayon at kaisa ng Panginoon.” (Efe. 5:8) Tinanggap na nila ang katotohanan mula sa Kasulatan, na parang liwanag na gumabay sa kanila. (Awit 119:105) Iniwan na nila ang huwad na pagsamba at imoralidad. ‘Tinularan nila ang Diyos’ at ginawa ang buong makakaya nila para sambahin at pasayahin siya.—Efe. 5:1.
7. Bakit masasabing kapareho natin ng sitwasyon ang maraming Kristiyano sa Efeso?
7 Marami sa atin ang nagsagawa rin ng huwad na pagsamba at imoralidad bago natin nalaman ang katotohanan. Ang ilan sa atin, nag-celebrate ng mga kapistahan ng dati nating relihiyon. Ang iba naman, namuhay nang imoral. Pero nang malaman natin ang pamantayan ni Jehova ng tama at mali, nagbago tayo. Namuhay na tayo sa paraang gusto niya. Dahil diyan, marami tayong tinanggap na pagpapala. (Isa. 48:17) Kaya kahit mahirap, patuloy tayong umiiwas sa kadilimang iniwan na natin at ‘lumalakad bilang mga anak ng liwanag.’ Paano?
UMIWAS SA KADILIMAN
8. Ayon sa Efeso 5:3-5, ano ang kailangang iwasan ng mga taga-Efeso?
8 Basahin ang Efeso 5:3-5. Para manatiling malinis sa moral ang mga Kristiyano sa Efeso, kailangan nilang patuloy na iwasan ang mga gawaing ayaw ni Jehova. Halimbawa, dapat nilang iwasan, hindi lang ang seksuwal na imoralidad, kundi pati na ang malaswang pananalita. Ipinaalala ni Pablo sa mga taga-Efeso na kailangan nilang gawin ito para may ‘manahin sila sa Kaharian ng Kristo at ng Diyos.’
9. Bakit dapat nating iwasan ang anuman na puwedeng mauwi sa imoralidad?
9 Dapat din nating patuloy na iwasan ang mga “walang-kabuluhang gawain . . . na nauugnay sa kadiliman.” (Efe. 5:11) Napakaraming karanasan ang nagpapatunay na kapag laging tinitingnan, pinapakinggan, o pinag-uusapan ng mga tao ang marumi at imoral na mga bagay, mas madali silang nahuhulog sa tukso. (Gen. 3:6; Sant. 1:14, 15) Halimbawa, sa isang bansa, maraming kapatid ang sumali sa isang group chat. Noong una, espirituwal na mga bagay ang pinag-uusapan nila. Pero nang bandang huli, tungkol na sa sex ang laging topic nila. Inamin ng ilan sa kanila na dahil dito, nakagawa sila ng imoralidad.
10. Ano ang gusto ni Satanas na isipin natin? (Efeso 5:6)
10 Dinadaya tayo ng sanlibutan ni Satanas para isipin natin na hindi naman masama ang mga bagay na itinuturing ni Jehova na imoral at marumi. (2 Ped. 2:19) Matagal nang ginagamit ng Diyablo ang taktikang iyan para malito ang mga tao kung ano ang tama at mali. (Isa. 5:20; 2 Cor. 4:4) Kaya hindi na tayo nagtataka na labag sa mga pamantayan ni Jehova ang marami sa mga nakikita natin sa mga pelikula, palabas sa TV, at website! Gusto ni Satanas na isipin natin na ang maruruming gawain at lifestyle ay hindi lang katanggap-tanggap kundi nakaka-enjoy rin.—Basahin ang Efeso 5:6.
11. Paano ipinapakita ng karanasan ni Angela na kailangan nating sundin ang payo sa Efeso 5:7? (Tingnan din ang larawan.)
11 Gusto ni Satanas na lagi tayong sumama sa mga taong hindi sumusunod sa mga pamantayan ni Jehova para magaya natin sila. Kaya pinayuhan ni Pablo ang mga taga-Efeso: “Huwag kayong makisali sa kanila”—sa mga gumagawa ng mali sa paningin ng Diyos. (Efe. 5:7) Tandaan na hindi lang ito tumutukoy sa mga nakakasama natin nang personal. Kasama rin dito ang mga nakaka-interact natin sa social media, isang panganib na hindi naranasan ng mga taga-Efeso noon. Nakita ni Angela,a na nakatira sa Asia, na talagang may panganib ang social media. Inamin niya: “Delikado ito! Hindi mo namamalayan, unti-unti na palang naiimpluwensiyahan ang isip mo. Dumating ako sa point na okay lang sa akin na maging ‘friend’ ang mga walang respeto sa mga prinsipyo sa Bibliya. Bandang huli, naisip ko pa nga na okay lang kahit labag na sa mga pamantayan ni Jehova ang pamumuhay ko.” Buti na lang, tinulungan ng mga elder si Angela na gumawa ng mga pagbabago. Sinabi niya: “Sinisikap ko ngayon na punuin ang isip ko ng espirituwal na mga bagay imbes na mag-social media.”
12. Ano ang tutulong sa atin na patuloy na masunod ang pamantayan ni Jehova ng tama at mali?
12 Kahit katanggap-tanggap ngayon sa mundo ang imoral na mga paggawi, dapat nating labanan ang ganitong kaisipan kasi alam nating mali ito. (Efe. 4:19, 20) Tanungin ang sarili: ‘Iniiwasan ko ba ang di-kinakailangang pakikisama sa mga katrabaho, kaklase, o iba pa na hindi gumagalang sa pamantayan ni Jehova? Sinusunod ko pa rin ba ang pamantayan niya kahit hinuhusgahan ako ng iba?’ Dapat din tayong mag-ingat sa pagpili ng mga kaibigan sa loob ng kongregasyon, gaya ng ipinapahiwatig sa 2 Timoteo 2:20-22. Tandaan na baka may ilan na hindi makakatulong sa atin na makapanatiling tapat kay Jehova.
“LUMAKAD BILANG MGA ANAK NG LIWANAG”
13. Ano ang ibig sabihin ng “patuloy [na] lumakad bilang mga anak ng liwanag”? (Efeso 5:7-9)
13 Pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na patuloy na umiwas sa kadiliman. Pero sinabi rin niya sa kanila na “patuloy [na] lumakad bilang mga anak ng liwanag.” (Basahin ang Efeso 5:7-9.) Ano ang ibig sabihin nito? Dapat tayong gumawi bilang mga tunay na Kristiyano sa lahat ng panahon. Magagawa natin iyan kung babasahin at pag-aaralan nating mabuti ang Bibliya at ang mga publikasyon natin. Partikular na dapat nating pag-aralan ang halimbawa at mga turo ni Jesu-Kristo, “ang liwanag ng sangkatauhan.”—Juan 8:12; Kaw. 6:23.
14. Paano makakatulong sa atin ang banal na espiritu?
14 Kailangan din natin ang tulong ng banal na espiritu ng Diyos para patuloy tayong makapamuhay “bilang mga anak ng liwanag.” Bakit? Dahil mahirap manatiling malinis sa imoral na mundong ito. (1 Tes. 4:3-5, 7, 8) Matutulungan tayo ng banal na espiritu na malabanan ang kaisipan ng mundo, kasama na ang mga pilosopiya at pananaw na kontra sa kaisipan ng Diyos. Matutulungan din tayo ng banal na espiritu na maipakita ang “bawat uri ng kabutihan [at] katuwiran.”—Efe. 5:9.
15. Paano tayo makakatanggap ng banal na espiritu? (Efeso 5:19, 20)
15 Ang isang paraan para makatanggap tayo ng banal na espiritu ay ang pananalangin. Sinabi ni Jesus na magbibigay si Jehova ng banal na espiritu “sa mga humihingi sa kaniya.” (Luc. 11:13) Nakakatanggap din tayo ng banal na espiritu kapag sama-sama nating pinupuri si Jehova sa mga pulong natin. (Basahin ang Efeso 5:19, 20.) Dahil sa magandang impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos, makakapamuhay tayo sa paraang gusto niya.
16. Ano ang makakatulong sa atin na makagawa ng tamang mga desisyon? (Efeso 5:10, 17)
16 Kapag gagawa tayo ng mahahalagang desisyon, kailangan nating alamin “kung ano ang kalooban ni Jehova” at sundin iyon. (Basahin ang Efeso 5:10, 17.) Kung aalamin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa atin, para na rin nating inaalam kung ano ang kaisipan ng Diyos sa sitwasyon natin. Kapag sinunod natin ang mga iyon, makakagawa tayo ng magagandang desisyon.
17. Paano natin magagamit sa mabuting paraan ang oras natin? (Efeso 5:15, 16) (Tingnan din ang larawan.)
17 Pinayuhan din ni Pablo ang mga Kristiyano sa Efeso na gamitin ang oras nila sa mabuting paraan. (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Gusto ng “isa na masama,” ang kaaway nating si Satanas, na maging sobrang busy tayo sa sanlibutang ito para mawalan tayo ng panahon sa paglilingkod sa Diyos. (1 Juan 5:19) Baka mas magpokus ang isang Kristiyano sa materyal na mga bagay, sekular na edukasyon, o career imbes na sa paglilingkod kay Jehova. Indikasyon iyon na naimpluwensiyahan na siya ng pag-iisip ng sanlibutan. Hindi naman masama ang mga iyon. Pero hindi iyon ang dapat na maging pangunahin sa buhay natin. Para makalakad tayo “bilang mga anak ng liwanag,” dapat nating ‘gamitin sa pinakamabuting paraan ang oras natin,’ o unahin ang totoong mahalaga.
18. Ano ang ginawa ni Donald para mas magamit ang oras niya sa mabuting paraan?
18 Laging pag-isipan kung paano mo pa mas mapaglilingkuran si Jehova. Ganiyan ang ginawa ni Donald, na taga-South Africa. Sinabi niya: “Tiningnan ko ang sitwasyon ko, at nagsumamo ako kay Jehova na tulungan akong maging mas mabunga sa ministeryo ko. Nanalangin ako na magkaroon sana ako ng trabaho na magbibigay sa akin ng mas maraming panahon sa pangangaral. At nakahanap nga ako ng ganoong trabaho sa tulong ni Jehova! Kaya magkasama kaming nakapaglingkod ng asawa ko nang buong panahon.”
19. Paano tayo patuloy na makakalakad “bilang mga anak ng liwanag”?
19 Siguradong nakatulong ang liham ni Pablo sa mga taga-Efeso para makapanatili silang tapat kay Jehova. Makakatulong din sa atin ang payo niya. Gaya ng natutuhan natin, makakatulong ito para maging matalino tayo sa pagpili ng libangan at mga kaibigan. Pinapasigla rin tayo nito na regular na pag-aralan ang Bibliya para patuloy tayong magabayan ng katotohanan sa lahat ng ginagawa natin. At ipinapakita nito ang kahalagahan ng banal na espiritu, na tumutulong sa atin na magkaroon ng magagandang katangian. Kung susundin natin ang isinulat ni Pablo, makakagawa tayo ng mga desisyon na kaayon ng pag-iisip ni Jehova. Kapag ginawa natin ang mga ito, maiiwasan natin ang kadiliman ng sanlibutan at makakapanatili tayo sa liwanag.
ANO ANG SAGOT MO?
Saan tumutukoy ang “kadiliman” at “liwanag” na binanggit sa Efeso 5:8?
Paano natin maiiwasan ang “kadiliman”?
Paano tayo ‘patuloy na makakalakad bilang mga anak ng liwanag’?
AWIT BLG. 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning
a Binago ang ilang pangalan.
b LARAWAN: Sinaunang kopya ng liham ni apostol Pablo sa mga taga-Efeso.