ARALING ARTIKULO 16
AWIT BLG. 64 May-kagalakang Nakikibahagi sa Pag-aani
Kung Paano Magiging Mas Masaya sa Ministeryo
“Maglingkod kayo nang masaya kay Jehova.”—AWIT 100:2.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang mga puwede nating gawin para maging mas masaya sa ministeryo.
1. Ano ang nararamdaman ng iba kapag nangangaral sila? (Tingnan din ang larawan.)
BILANG bayan ni Jehova, nangangaral tayo dahil mahal natin ang Ama natin sa langit at gusto nating tulungan ang iba na makilala siya. Marami ang nag-e-enjoy sa pangangaral. Pero mayroon ding nahihirapan dito. Bakit? Baka mahiyain sila, at pakiramdam nila, hindi sila magaling magturo. Hindi naman komportable ang ilan na pumunta sa bahay ng ibang tao nang hindi iniimbitahan. Natatakot ang iba na baka magalit sa kanila ang kausap nila. Tinuruan naman ang iba na umiwas sa pakikipagtalo hangga’t maaari. Kahit mahal na mahal ng mga kapatid na ito si Jehova, nahihirapan pa rin silang ibahagi ang mabuting balita sa mga hindi nila kilala. Pero alam nila kung gaano kahalaga ang gawaing ito, at pinagsisikapan nilang maging regular sa pakikibahagi dito. Siguradong napapasaya nila si Jehova!
2. Kung nahihirapan kang maging masaya sa ministeryo, bakit hindi ka dapat masiraan ng loob?
2 Nahihirapan ka rin bang maging masaya sa ministeryo kung minsan? Kung oo, huwag kang masiraan ng loob. Kung pakiramdam mo hindi ka magaling magturo, ipinapakita lang niyan na mapagpakumbaba ka. Baka ayaw mo lang din na mapunta sa iyo ang atensiyon. O kaya naman, baka natatakot kang mauwi sa pagtatalo ang usapan. At lahat tayo, ayaw nating magalit sa atin ang iba, lalo na kung may ginagawa tayong mabuti para sa kanila. Alam na alam ng Ama mo sa langit ang nararamdaman mo, at gusto ka niyang tulungan. (Isa. 41:13) Sa artikulong ito, talakayin natin ang limang paraan kung paano natin mahaharap ang mga hamong iyan at kung paano tayo magiging mas masaya sa ministeryo.
PAG-ARALAN ANG SALITA NG DIYOS PARA MAPALAKAS KA
3. Ano ang nakatulong kay propeta Jeremias na makapangaral?
3 Mula noon, napapalakas ng mensahe ng Diyos ang mga lingkod niya kapag may gagampanan silang mahirap na atas. Ganiyan ang nangyari kay propeta Jeremias. Nag-aalangan siyang tanggapin ang atas na mangaral na ibinigay sa kaniya ni Jehova. Sinabi niya: “Hindi ako marunong magsalita, dahil bata pa ako.” (Jer. 1:6) Paano niya iyan napagtagumpayan? Pinalakas siya ng Salita ng Diyos. Sinabi niya: “Naging gaya ito ng nagniningas na apoy na nakakulong sa mga buto ko, at pagod na ako sa kapipigil.” (Jer. 20:8, 9) Kahit mahirap ang teritoryo ni Jeremias, ang mensaheng ipinapangaral niya ang nagbigay ng lakas sa kaniya para magampanan ang atas niya.
4. Ano ang puwedeng maging epekto sa atin ng pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos? (Colosas 1:9, 10)
4 Napapalakas ang mga Kristiyano ng Salita ng Diyos. Sa liham ni apostol Pablo sa kongregasyon sa Colosas, sinabi niya na ang pagkuha ng tumpak na kaalaman ay nakakatulong sa kanila na “makapamuhay . . . nang karapat-dapat sa harap ni Jehova” habang ‘namumunga sila dahil sa kanilang mabubuting gawa.’ (Basahin ang Colosas 1:9, 10.) Kasama sa mga gawang iyan ang pangangaral ng mabuting balita. Kaya kapag binabasa natin at binubulay-bulay ang Salita ng Diyos, napapatibay ang pananampalataya natin kay Jehova at mas naiintindihan natin kung bakit mahalagang ibahagi sa iba ang mensahe ng Kaharian.
5. Paano tayo makikinabang nang husto sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya?
5 Para makinabang tayo nang husto sa Salita ng Diyos, huwag nating madaliin ang pagbabasa, pag-aaral, at pagbubulay-bulay. Kapag may nabasa kang teksto na mahirap maintindihan, huwag itong lampasan. Gamitin ang Watch Tower Publications Index o ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova para makita ang paliwanag sa teksto. Kung hindi ka magmamadali sa pag-aaral, magiging mas kumbinsido ka na talagang totoo ang Salita ng Diyos. (1 Tes. 5:21) At habang mas nakukumbinsi ka, mas gugustuhin mong sabihin sa iba ang mga natututuhan mo.
MAGHANDANG MABUTI PARA SA MINISTERYO
6. Bakit dapat tayong maghandang mabuti para sa ministeryo?
6 Kung naghanda kang mabuti para sa ministeryo, hindi ka masyadong kakabahan sa pakikipag-usap sa mga tao. Tinulungan ni Jesus ang mga alagad niya na maghanda bago sila pumunta sa ministeryo. (Luc. 10:1-11) Dahil sinunod nila ang mga itinuro ni Jesus, talagang naging masaya sila sa mga nagawa nila.—Luc. 10:17.
7. Paano tayo maghahanda para sa ministeryo? (Tingnan din ang larawan.)
7 Paano tayo maghahanda para sa ministeryo? Dapat nating pag-isipan kung ano ang gusto nating sabihin at kung paano natin iyon sasabihin sa natural na paraan. Makakatulong din kung mag-iisip tayo ng dalawa o tatlong karaniwang reaksiyon ng mga tao sa teritoryo at paghandaan kung paano natin sasagutin ang mga iyon. At kapag kakausapin na natin sila, sikaping maging kalmado, ngumiti, at maging friendly.
8. Bakit gaya ng mga sisidlang luwad ang mga Kristiyano ayon sa ilustrasyon ni apostol Pablo?
8 Para ilarawan ang papel natin sa gawaing pangangaral, sinabi ni apostol Pablo: “Ibinigay sa amin ang kayamanang ito kahit gaya lang kami ng mga sisidlang luwad.” (2 Cor. 4:7) Ano ang kayamanang ito? Ang nagliligtas-buhay na gawaing pangangaral ng mensahe ng Kaharian. (2 Cor. 4:1) Ano naman ang mga sisidlang luwad? Tumutukoy ito sa mga lingkod ng Diyos na naghahatid ng mabuting balita sa iba. Noong panahon ni Pablo, ginagamit ng mga negosyante ang mga banga na lalagyan para maghatid ng mahahalagang produkto, gaya ng pagkain at alak, pati na ng pera. Ipinagkatiwala ni Jehova sa atin ngayon ang napakahalagang mensahe ng mabuting balita. Sa tulong niya, magkakaroon tayo ng lakas na maihatid ang mensaheng ito.
MANALANGIN PARA SA LAKAS NG LOOB
9. Paano natin madadaig ang takot sa tao? (Tingnan din ang larawan.)
9 Minsan, baka matakot tayo sa tao o mag-alala sa magiging reaksiyon nila. Ano ang makakatulong sa atin? Pag-isipan ang panalangin ng mga apostol nang utusan silang huwag nang mangaral. Imbes na magpadaig sa takot, nanalangin sila kay Jehova na tulungan silang ‘patuloy na ihayag ang salita niya nang walang takot.’ Sinagot agad ni Jehova ang panalangin nila. (Gawa 4:18, 29, 31) Kaya kung nahihirapan tayong mangaral dahil sa takot sa tao, humingi ng tulong kay Jehova sa panalangin. Sabihin kay Jehova na tulungan kang mapalalim ang pag-ibig mo sa mga tao para madaig mo ang takot.
10. Paano tayo tinutulungan ni Jehova na magampanan ang atas natin bilang mga Saksi niya? (Isaias 43:10-12)
10 Inatasan tayo ni Jehova na maging mga Saksi niya, at nangangako siyang tutulungan niya tayong maging malakas ang loob. (Basahin ang Isaias 43:10-12.) Tingnan ang apat na paraan kung paano niya ginagawa iyan. Una, kasama natin si Jesus sa tuwing nangangaral tayo. (Mat. 28:18-20) Ikalawa, nag-atas si Jehova ng mga anghel para tulungan tayo. (Apoc. 14:6) Ikatlo, inilaan ni Jehova ang banal na espiritu niya para tulungan tayong maalala ang mga natutuhan natin. (Juan 14:25, 26) Ikaapat, nandiyan ang mga kapatid na makakasama natin. Sa tulong ni Jehova at ng mapagmahal na mga kapatid, kaya nating magkaroon ng lakas ng loob na patuloy na mangaral.
MAKIBAGAY AT MAGING POSITIBO
11. Paano mo makakausap ang mas maraming tao sa ministeryo? (Tingnan din ang larawan.)
11 Nalulungkot ka ba kapag halos wala kang makausap sa ministeryo? Pag-isipan ang mga ito: ‘Nasaan ba ang mga tao sa teritoryo namin kapag ganitong oras?’ (Gawa 16:13) ‘Nasa trabaho ba sila o namimili?’ Kung oo, baka puwede kang mag-street witnessing. Sinabi ng brother na si Joshua, “Marami akong nakakausap kapag pumupunta ako sa mga pamilihan o sa iba pang pampublikong lugar.” Marami rin silang nakakausap ng asawa niyang si Bridget kapag nagbabahay-bahay sila bago gumabi o kapag Linggo ng hapon.—Efe. 5:15, 16.
12. Paano natin malalaman ang paniniwala at interes ng mga tao?
12 Kung parang hindi interesado sa mensahe ang mga tao sa teritoryo ninyo, sikaping alamin kung ano ang pinaniniwalaan nila o kung saan sila interesado. Ginagamit nina Joshua at Bridget ang tanong sa harap ng mga tract natin para magpasimula ng pag-uusap. Halimbawa, gamit ang tract na Ano ang Bibliya Para sa Iyo? sinasabi nila: “Para sa ilan, galing sa Diyos ang Bibliya, pero hindi naman naniniwala diyan ang iba. Ikaw, ano’ng tingin mo?” Madalas, nakakausap nila ang mga tao dahil dito.
13. Bakit masasabing matagumpay pa rin tayo sa pangangaral kahit hindi makinig ang mga tao? (Kawikaan 27:11)
13 Kahit hindi makinig sa atin ang mga tao, masasabing matagumpay pa rin tayo. Bakit? Kasi nakapagpatotoo tayo, at iyan naman ang ipinapagawa sa atin ni Jehova at ng Anak niya. (Gawa 10:42) Kahit wala tayong makausap o ayaw makinig ng mga tao sa mensahe natin, masaya pa rin tayo kasi alam nating napapasaya natin ang Ama natin sa langit.—Basahin ang Kawikaan 27:11.
14. Bakit masaya rin tayo kapag may natagpuang interesado ang ibang kapatid?
14 Masaya rin tayo kapag may natagpuang interesado ang ibang kapatid. Inihalintulad ng Bantayan ang gawain natin sa paghahanap sa isang nawawalang bata. Marami ang naghahanap sa kaniya sa iba’t ibang lugar. Pero kapag nahanap na ang bata, masaya ang lahat—hindi lang ang nakahanap sa kaniya. Ganiyan din pagdating sa paggawa ng alagad. Lahat tayo, kailangan para matapos ang buong teritoryo, at masaya tayo kapag may isang interesado na nagsimula nang dumalo.
MAGPOKUS SA PAG-IBIG MO KAY JEHOVA AT SA KAPUWA
15. Paano makakatulong ang Mateo 22:37-39 para mas sumigla tayo sa ministeryo? (Tingnan din ang larawan.)
15 Magiging mas masigla tayo sa ministeryo kung magpopokus tayo sa pag-ibig natin kay Jehova at sa kapuwa. (Basahin ang Mateo 22:37-39.) Isipin na lang kung gaano kasaya si Jehova kapag nakikita niya tayong nangangaral! Isipin din ang sayang mararamdaman ng mga tao kapag nag-aral na sila ng Bibliya. Isa pa, tandaan na ang mga makikinig sa mensahe natin at maglilingkod kay Jehova ay puwedeng mabuhay nang walang hanggan.—Juan 6:40; 1 Tim. 4:16.
16. Paano tayo magiging masaya sa ministeryo kahit hindi tayo makalabas ng bahay? Magbigay ng mga halimbawa.
16 Hindi ka ba makalabas ng bahay dahil sa kalagayan mo? Kung oo, pag-isipan ang mga puwede mo pa ring gawin para maipakita ang pag-ibig mo kay Jehova at sa kapuwa. Ganiyan ang naging kalagayan nina Samuel at Dania nitong COVID-19 pandemic. Sa mahirap na panahong iyon, regular silang nagte-telephone witnessing, nagle-letter writing, at nagba-Bible study sa Zoom. Nangangaral si Samuel sa mga nakakausap niya sa clinic kung saan siya nagpapagamot ng cancer. Sinabi niya: “Kapag nasa mahirap na kalagayan tayo, baka mag-alala tayo nang sobra, mapagod, at manghina ang pananampalataya natin. Kaya kailangan nating magsikap na maging masaya pa rin sa paglilingkod kay Jehova.” Noong mga panahon ding iyon, natumba si Dania at tatlong buwan siyang nakahiga lang. Pagkatapos, anim na buwan din siyang naka-wheelchair. Sinabi niya: “Sinikap kong gawin ang magagawa ko ayon sa kalagayan ko. Nakapangaral ako sa nurse na nag-aalaga sa akin at sa mga nagde-deliver sa bahay. Ilang beses ko ring nakausap sa telepono ang isang babaeng nagtatrabaho sa isang medical company.” Naging limitado ang kayang gawin nina Samuel at Dania, pero ibinigay pa rin nila ang buo nilang makakaya kaya naging masaya sila.
17. Paano ka makikinabang nang husto sa mga mungkahi sa artikulong ito?
17 Mas makikinabang ka sa mga mungkahi sa artikulong ito kung susundin mo ang lahat ng ito. Bawat mungkahi ay gaya ng isang ingredient sa isang recipe. Kapag pinagsama-sama ang lahat ng ingredient, magiging masarap ang kalalabasan. Kaya kung susundin natin ang lahat ng mungkahi sa artikulong ito, mahaharap natin ang mga hamon sa ministeryo at magiging mas masaya tayo.
PAANO MAKAKATULONG ANG SUMUSUNOD PARA MAGING MASAYA KA SA MINISTERYO?
Paghahandang mabuti
Paghingi ng lakas ng loob sa panalangin
Pagpopokus sa pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa
AWIT BLG. 80 Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova