-
Mga Study Note sa Marcos—Kabanata 15Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ikatlong oras: Mga 9:00 n.u. Sinasabi ng ilan na may pagkakasalungatan ang ulat na ito at ang ulat sa Ju 19:14-16, na nagsasabing “mga ikaanim na oras” nang ipabitay ni Pilato si Jesus. Hindi lubusang ipinapaliwanag ng Kasulatan kung bakit may pagkakaiba, pero ito ang ilang bagay na puwedeng pag-isipan: Karaniwan nang magkakatugma ang mga Ebanghelyo pagdating sa oras ng mga pangyayari noong huling araw ni Jesus sa lupa. Ipinapakita ng apat na ulat na umaga noon nang magtipon ang mga saserdote at matatandang lalaki at nang ipadala nila si Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato. (Mat 27:1, 2; Mar 15:1; Luc 22:66–23:1; Ju 18:28) Iniulat nina Mateo, Marcos, at Lucas na noong nasa tulos na si Jesus, nagdilim ang buong lupain mula “ikaanim na oras hanggang sa ikasiyam na oras.” (Mat 27:45, 46; Mar 15:33, 34; Luc 23:44) Ito ang isang bagay na posibleng nakaapekto sa pagsasabi kung anong oras binitay si Jesus: Ang paghagupit ay itinuturing ng ilan na kasama sa proseso ng pagbitay. Minsan, napakatindi ng paghagupit sa isang tao kaya namamatay agad ito. Napakatindi ng paghagupit kay Jesus, kaya kinailangan na siyang tulungan ng iba sa pagbuhat sa pahirapang tulos niya. (Luc 23:26; Ju 19:17) Kung ang paghagupit ay itinuturing na simula ng proseso ng pagbitay, ilang oras pa ang lumipas bago aktuwal na ipinako si Jesus sa pahirapang tulos. Sa Mat 27:26 at Mar 15:15, parehong binanggit ang paghagupit at pagbayubay sa kaniya sa tulos. Kaya puwedeng magkakaiba ang sabihin ng iba’t ibang indibidwal na oras ng pagbitay, depende sa pinaniniwalaan nilang simula ng proseso ng pagbitay. Makakatulong ito para maintindihan kung bakit nagulat si Pilato na namatay agad si Jesus matapos ipako sa tulos. Posible kasi na para kay Pilato, kakasimula pa lang ng pagbitay kay Jesus. (Mar 15:44) Isa pa, ang araw ay karaniwan nang hinahati-hati ng mga manunulat ng Bibliya sa apat na yugto na may tigtatatlong oras, gaya ng ginagawa sa gabi. Iyan ang dahilan kung bakit madalas mabasa sa mga ulat nila ang ikatlo, ikaanim, at ikasiyam na oras, pasimula sa pagsikat ng araw nang mga 6:00 n.u. (Mat 20:1-5; Ju 4:6; Gaw 2:15; 3:1; 10:3, 9, 30) Gayundin, karamihan sa mga tao noon ay walang mga orasan na makakapagbigay ng eksaktong oras, kaya ang pagtukoy sa oras ay madalas na ginagamitan ng terminong “mga,” gaya ng makikita sa Ju 19:14. (Mat 27:46; Luc 23:44; Ju 4:6; Gaw 10:3, 9) Bilang sumaryo: Posibleng para kay Marcos, kasama sa pagbitay ang paghagupit at pagpapako sa tulos; pero para kay Juan, ang pagbitay ay tumutukoy lang sa pagpapako sa tulos. Posibleng ginamit ng parehong manunulat ang pinakamalapit na tatlong-oras na yugto para tukuyin ang oras ng pagbitay kay Jesus, at gumamit si Juan ng terminong “mga” noong sabihin niya ang oras ng pagbitay. Ang mga ito ang posibleng dahilan ng pagkakaiba ng oras na binanggit sa mga ulat na iyon. Ipinapakita rin ng pagkakaibang ito na kahit maraming taon na ang lumipas bago nag-ulat si Juan, hindi niya basta kinopya lang ang ulat ni Marcos.
-