Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Puwede ba nating matiyak kung anong oras eksaktong ibinayubay si Jesu-Kristo?
Bumabangon ang ganitong tanong dahil waring nagkakasalungatan ang kinasihang mga ulat ng Ebanghelyo ni Marcos at ni apostol Juan hinggil sa kamatayan ni Jesus. Sinabi ni Marcos: “Ngayon nga ay ikatlong oras na, at ibinayubay nila [mga kawal] siya.” (Mar. 15:25) Ayon naman kay Juan, “mga ikaanim na oras na noon” nang ibigay ni Pilato si Jesus sa mga Judio para ibayubay. (Juan 19:14-16) Iba’t iba ang paliwanag ng mga komentarista sa Bibliya hinggil sa tila pagkakasalungatang ito. Gayunman, walang sapat na impormasyon sa Kasulatan para ipaliwanag ang pagkakaiba ng dalawang ulat na ito. Pero makatutulong kung malalaman natin kung paano nagbibilang ng oras ang mga tao noong panahong iyon.
Noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon, hinahati ng mga Judio sa 12 oras ang liwanag ng araw, pasimula sa pagsikat ng araw. (Juan 11:9) Kaya naman ang “ikatlong oras” ay mula alas otso hanggang alas nuwebe ng umaga at ang “ikaanim na oras” ay nagtatapos sa bandang tanghali. Siyempre pa, iba’t iba ang oras ng pagsikat at paglubog ng araw sa buong taon. Dahil dito, iba-iba ang haba ng liwanag ng araw, depende sa kapanahunan. Bukod diyan, tinataya nila ang oras batay sa posisyon ng araw. Kaya hindi eksakto ang pagtukoy nila rito. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, malimit tukuyin ang mga pangyayari na naganap nang bandang ikatlo, bandang ikaanim, o bandang ikasiyam na oras—ibig sabihin, hindi eksakto. (Mat. 20:3, 5; Gawa 10:3, 9, 30) Ginagawa lamang ang mas espesipikong pagtukoy, gaya ng “ikapitong oras,” kapag kailangan sa ulat ang detalyeng ito.—Juan 4:52.
Magkakasuwato ang mga ulat ng Ebanghelyo may kinalaman sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari noong huling araw ni Jesus sa lupa. Ipinahihiwatig ng apat na manunulat na ang mga saserdote at matatandang lalaki ay nagtipon nang magbukang-liwayway at dinala nila si Jesus sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato. (Mat. 27:1; Mar. 15:1; Luc. 22:66; Juan 18:28) Iniulat nina Mateo, Marcos, at Lucas na mula sa ikaanim na oras, nang nakabayubay na si Jesus sa tulos, sumapit ang isang kadiliman sa buong lupain “hanggang sa ikasiyam na oras.”—Mat. 27:45, 46; Mar. 15:33, 34; Luc. 23:44.
May isa pang mahalagang salik na maaaring nauugnay sa oras ng pagbabayubay kay Jesus: Ang paghagupit o paghampas ay itinuturing na kasama sa proseso ng pagbabayubay. Kung minsan, napakatindi ng paghagupit, kaya namamatay ang biktima habang hinahagupit. Sa kaso ni Jesus, malamang na napakatindi rin ng paghagupit kung kaya kinailangan siyang tulungan ng isang lalaki sa pagbuhat sa pahirapang tulos matapos itong pasanin ni Jesus nang mag-isa. (Luc. 23:26; Juan 19:17) Kung ang paghagupit ay itinuturing na pasimula ng proseso ng pagbabayubay, malamang na ilang oras pa ang lumipas bago ipako si Jesus sa pahirapang tulos. Kaya ang iba’t ibang indibiduwal ay maaaring magbigay ng iba’t ibang oras depende sa yugto ng pagbabayubay na personal nilang nasaksihan.
Isinulat ni apostol Juan ang kaniyang ulat maraming dekada pagkaraang makumpleto ng ibang manunulat ang kanilang Ebanghelyo. Kaya puwede niyang mabasa ang mga ito. Totoo, iba ang oras na iniulat ni Juan sa iniulat ni Marcos. Pero ito ay malinaw na katibayan na hindi lang basta kinopya ni Juan ang ulat ni Marcos. Pareho silang kinasihan ng Diyos. Bagaman hindi sapat ang impormasyon sa Kasulatan para ipaliwanag ang pagkakaibang ito, makapagtitiwala tayo sa mga ulat ng Ebanghelyo.