-
Mga Study Note sa Lucas—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pagkain sa bawat araw ayon sa kailangan namin: Lit., “tinapay para sa araw na ito.” Sa maraming konteksto, ang salitang Hebreo at Griego para sa “tinapay” ay nangangahulugang “pagkain.” (Gen 3:19) Kaya ipinapakita ni Jesus na ang mga lingkod ng Diyos ay puwedeng humiling sa Kaniya, hindi ng sobra-sobrang pagkain, kundi ng sapat lang na pagkain sa bawat araw, at makakapagtiwala silang ibibigay ito ng Diyos. Posibleng naipaalala nito sa mga alagad ni Jesus ang iniutos ng Diyos sa mga Israelita nang makahimala siyang maglaan ng manna. Bawat isa sa kanila ay dapat na “kumuha ng kaya niyang kainin” sa bawat araw. (Exo 16:4) Ang pananalita sa kahilingang ito ay kahawig, pero hindi kaparehong-kapareho, ng itinuro ni Jesus sa mga alagad niya mga 18 buwan na ang nakakalipas sa kaniyang Sermon sa Bundok. (Mat 6:9b-13) Ipinapakita nito na hindi gusto ni Jesus na bigkasin ng mga tagasunod niya nang salita-por-salita ang panalanging ito. (Mat 6:7) Kapag inuulit ni Jesus ang mahahalagang bagay na itinuro na niya—gaya ng ginawa niya dito sa panalangin—ginagawa niya ito sa paraang makikinabang ang mga hindi nakapakinig nang una niyang ituro ang mga ito. Para naman sa mga nakapakinig na, ipinapaalala niya ang mahahalagang punto.
-