-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang kaisa-isang Anak na tulad-diyos: Lit., “ang bugtong na diyos.” Ang tinutukoy dito ni Juan ay ang Salita, si “Jesu-Kristo,” na tinawag niyang “isang diyos” sa unang talata. (Ju 1:1, 17) Tinatawag ni Juan si Jesus na kaisa-isang Anak ng Diyos. (Ju 1:14; 3:16) Sa tekstong ito, tinawag ni Juan si Jesus na “kaisa-isang Anak na tulad-diyos,” isang terminong nagdiriin ng espesyal na posisyon ni Jesus sa kaayusan ng Diyos. Puwedeng sabihing “tulad-diyos” si Jesus dahil sa pagkakagamit ng terminong “diyos” sa Bibliya. Ang titulong ito ay pangunahin nang nagpapakita ng pagiging makapangyarihan, at ginagamit pa nga ito ng Kasulatan para tumukoy sa mga tao. (Aw 82:6; tingnan ang study note sa Ju 1:1; 10:34.) Si Jesus ay “tulad-diyos,” o makapangyarihan, dahil binigyan siya ng kapangyarihan at awtoridad ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang Ama. (Mat 28:18; 1Co 8:6; Heb 1:2) Dahil si Jesus lang ang direktang nilalang ng Diyos at ang ginamit Niya sa “paggawa ng lahat ng bagay” (Ju 1:3), tama lang na tawagin siyang “kaisa-isang Anak na tulad-diyos.” Ipinapakita ng ekspresyong ito na may natatanging posisyon si Jesus na mas dakila at nakatataas kumpara sa lahat ng iba pang espiritung anak ng Diyos. Gaya ng makikita sa ibang salin ng Bibliya, ang mababasa sa ibang manuskrito ay “ang bugtong na Anak.” Pero sa pinakaluma at pinakamaaasahang mga manuskrito, ginamit ang terminong “diyos” para kay Jesus.
nasa tabi ng Ama: Lit., “nasa dibdib ng Ama.” Ang ekspresyong ito ay nagpapakita ng espesyal at malapít na kaugnayan. Ang idyomang ito ay malamang na nanggaling sa nakasanayang puwesto ng mga tao noon habang kumakain, kung saan humihilig sila sa dibdib ng malapít nilang kaibigan. (Ju 13:23-25) Kaya inilalarawan dito si Jesus bilang pinakamalapít na kaibigan ni Jehova; siya lang ang lubusang makakapagpakilala kung sino talaga ang Diyos.—Mat 11:27.
-