-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kaibigan ng nobyo: Noong panahon ng Bibliya, isang malapít na kaibigan ng nobyo ang tumatayong legal na kinatawan nito at ang may pangunahing pananagutan sa paggawa ng mga kaayusan sa kasal. Para sa mga tao noon, napakahalaga ng papel niya para maikasal ang magkasintahan. Sa araw ng kasal, ang prusisyon ng kasal ay pupunta sa bahay ng nobyo o ng tatay nito, kung saan gaganapin ang pagdiriwang. Sa panahong ito, matutuwa ang kaibigan ng nobyo kapag narinig na niya ang tinig nito habang kausap ang asawa nito, dahil matagumpay na niyang natapos ang tungkulin niya. Itinulad ni Juan Bautista ang sarili niya sa “kaibigan ng nobyo.” Si Jesus ang nobyo at ang mga alagad niya ang bumubuo sa makasagisag na nobya. Para maihanda ang daan ng Mesiyas, ipinakilala ni Juan Bautista kay Jesu-Kristo ang unang mga miyembro na bubuo sa “nobya.” (Ju 1:29, 35; 2Co 11:2; Efe 5:22-27; Apo 21:2, 9) Matatapos ang tungkulin ng “kaibigan ng nobyo” kapag matagumpay na niyang naipakilala sa isa’t isa ang magkasintahan; wala na sa kaniya ang pokus. Sa katulad na paraan, sinabi ni Juan tungkol sa sarili niya at kay Jesus: “Ang isang iyon ay patuloy na darami, pero ako ay patuloy na kakaunti.”—Ju 3:30.
-