-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 2Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
kapangyarihan ng kamatayan: Lit., “hapdi ng kamatayan.” Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na wala nang alam at hindi na nakakaramdam ng kirot ang mga patay (Aw 146:4; Ec 9:5, 10), pero dito, sinasabing ang kamatayan ay may “hapdi.” Ginamit ang ekspresyong ito dahil ang kamatayan ay isang mapait at nakakatakot na karanasan. (1Sa 15:32, tlb.; Aw 55:4; Ec 7:26) Totoo iyan dahil karaniwan nang nakakaramdam ng kirot ang isang tao bago mamatay (Aw 73:4, 5), at kapag patay na siya, maituturing siyang paralisado dahil wala na siyang anumang magagawa (Aw 6:5; 88:10). Kaya nang sabihing si Jesus ay pinalaya sa “hapdi ng kamatayan,” nangangahulugan itong pinalaya siya sa gapos, o kapangyarihan, nito. Ang salitang Griego na ginamit dito (o·dinʹ), na puwedeng isaling “hapdi,” ay tumutukoy kung minsan sa kirot ng panganganak (1Te 5:3), pero puwede rin itong tumukoy sa anumang kirot, kalamidad, o paghihirap (Mat 24:8). Ang ekspresyong “hapdi ng kamatayan” ay mababasa sa salin ng Septuagint sa 2Sa 22:6 at Aw 18:4 (17:5, LXX), pero ang ginamit sa Hebreong Masoretiko ay “lubid ng Libingan” at “lubid ng kamatayan.” Kapansin-pansin na sa sinaunang mga manuskritong Hebreo, kung saan ang mga salita ay puro katinig lang, pareho ang ispeling ng salita para sa “lubid” (cheʹvel) at ng terminong Hebreo para sa “hapdi.” Posibleng ito ang dahilan kaya ganoon ang pagkakasalin ng Septuagint. Kahit magkaiba ang ekspresyong ginamit, ang “hapdi ng kamatayan” at “lubid ng kamatayan” ay parehong tumutukoy sa isang mapait at nakakatakot na karanasan.
-