-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 18Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Naturuan: Ang pandiwang Griego na ka·te·kheʹo ay puwedeng tumukoy sa pagtuturo nang bibigan. Kapag ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos ay paulit-ulit na itinatanim sa puso at isip ng isang tao, nagiging kuwalipikado siyang magturo sa iba.—Ihambing ang Gal 6:6, kung saan dalawang beses na ginamit ang salitang Griegong ito.
daan ni Jehova: Sa sumunod na talata, ginamit ang kasingkahulugan nitong ekspresyon na “daan ng Diyos.” Ang buhay ng isang Kristiyano ay umiikot sa pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova, at sa pananampalataya sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Ang ganitong paraan ng pamumuhay ay tinatawag sa aklat ng Gawa na “Daan” o “Daang ito.” (Gaw 19:9, 23; 22:4; 24:22; tingnan ang study note sa Gaw 9:2.) Apat na beses ding lumitaw sa Ebanghelyo ang ekspresyong “dadaanan ni Jehova,” na sinipi mula sa Isa 40:3. (Tingnan ang study note sa Mat 3:3; Mar 1:3; Luc 3:4; Ju 1:23.) Sa Isa 40:3, ginamit ang Tetragrammaton sa orihinal na tekstong Hebreo. Ang ekspresyong “daan ni Jehova” ay lumitaw rin sa Huk 2:22; Jer 5:4, 5.—Tingnan ang study note sa Gaw 19:23 at introduksiyon sa Ap. C3; Gaw 18:25.
nag-aalab ang sigasig niya dahil sa espiritu: Lit., “kumukulo siya sa espiritu.” Ang salitang Griego na isinaling “nag-aalab” ay literal na nangangahulugang “kumukulo,” pero sa kontekstong ito, nangangahulugan itong “nag-uumapaw sa sigasig o sigla.” Dito, ang salitang Griego para sa “espiritu” (pneuʹma) ay lumilitaw na tumutukoy sa banal na espiritu ng Diyos, ang puwersa na puwedeng magpakilos at magpalakas sa isang tao na gawin ang mga bagay na kaayon ng kalooban ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Mar 1:12.) Pero ang terminong “espiritu” ay puwede ring tumukoy sa puwersang nagmumula sa puso ng isang tao at nagpapakilos sa kaniya na sabihin o gawin ang isang bagay. Kaya ang talatang ito ay puwedeng tumukoy sa isang tao na nagpapakita ng sigasig at sigla para sa kung ano ang tama habang ginagabayan siya ng espiritu ng Diyos. Pero iniisip ng iba na sa kontekstong ito, ang ekspresyong ginamit ay isang idyoma lang na nagpapakita ng matinding kagustuhan at sigla. Kung gayon, posibleng ito ang dahilan kaya sinabing “nag-aalab ang sigasig [ni Apolos] dahil sa espiritu,” kahit wala pa siyang alam tungkol sa bautismo sa pangalan ni Jesus. Anuman ang mas tamang paliwanag, kailangang magabayan ng espiritu ng Diyos ang sigasig ni Apolos para makapagpakita siya ng sigla sa tamang mga bagay at maging handa sa pagtanggap sa mga turong mas tumpak.—Tingnan sa Glosari, “Ruach; Pneuma.”
bautismo . . . ni Juan: Ang bautismong ito ay hayagang pagpapakita ng pagsisisi ng isang tao sa mga kasalanang nagawa niya laban sa Kautusang ibinigay ni Jehova kay Moises, ang Kautusang ipinangakong susundin ng mga Judio. (Exo 24:7, 8) Pero nawalan na ng bisa ang bautismo ni Juan pagkaraan ng Pentecostes 33 C.E. nang matapos ang tipang Kautusan. (Ro 10:4; Gal 3:13; Efe 2:13-15; Col 2:13, 14) Mula noon, ang tinatanggap na lang ni Jehova ay ang bautismong iniutos ni Jesus sa mga alagad niya. (Mat 28:19, 20) Ang mga pangyayaring nakaulat dito na may kaugnayan kay Apolos ay naganap noong mga 52 C.E.
-