-
Gawa 27:17Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
17 Ngunit nang maisampa ito sa kubyerta ay nagsimula silang gumamit ng mga pantulong upang talian ang barko sa ilalim; at palibhasa’y natatakot na sumadsad sa Sirte, ibinaba nila ang kasangkapang panlayag at sa gayon ay nagpaanod na lamang.
-
-
Mga Study Note sa Gawa—Kabanata 27Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Sirte: Ang pangalang Griego na Syrʹtis ay mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “hilahin.” Sirte ang tawag sa dalawang gulpo na makikita sa nakapaloob na bahagi ng baybayin ng hilagang Aprika (sa baybayin ng Libya ngayon). Ang kanlurang gulpo (sa pagitan ng Tunis at Tripoli) ay tinatawag noong Sirte Minor (Gulpo ng Gabès ngayon). Makikita naman sa silangan ang Sirte Mayor, na kilalá ngayon na Gulpo ng Sidra. Takót ang mga mandaragat noon sa mga gulpong ito dahil sa matataas na bunton ng buhangin (sandbank), na nagbabago-bago ng puwesto dahil sa galaw ng tubig. Sinabi ng Griegong heograpo noong unang siglo C.E. na si Strabo tungkol sa mga sasakyang pandagat na nasadsad sa buhanginan: “Bihirang makaalis dito nang ligtas ang isang sasakyang pandagat.” (Geography, 17, III, 20) Sinabi ni Josephus (The Jewish War, 2.16.4 [2.381]) na marinig pa lang ng mga tao ang “Sirte,” natatakot na sila.—Tingnan ang Ap. B13.
-