-
Mga Study Note sa 1 Corinto—Kabanata 13Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
pag-ibig: Kilalá ang paglalarawang ito sa pag-ibig; ginamit dito ni Pablo ang terminong Griego (a·gaʹpe) na ginamit din sa 1Ju 4:8-10, kung saan inilarawan ni Juan “ang pag-ibig ng Diyos.” Sinasabi pa nga ng talata 8 na “ang Diyos ay pag-ibig,” ibig sabihin, si Jehova ang personipikasyon ng pag-ibig. (Tingnan ang study note sa Ju 3:16.) Malinaw na mailalarawan ang Kristiyanong pag-ibig kung titingnan ang mga ginagawa nito. Ito ay hindi makasarili at ginagabayan ng prinsipyo. Hindi sa lahat ng pagkakataon ay may kasamang magiliw na pagmamahal ang pag-ibig na ginagabayan ng prinsipyo; ang pag-ibig na ito ay ipinapakita ng isa dahil ito ang tamang gawin. Halimbawa, puwedeng masaktan nang sobra ang isang tao. Pero dahil sa Kristiyanong pag-ibig, hindi siya “nagkikimkim ng sama ng loob.” (1Co 13:5) Ang makadiyos na pag-ibig na inilalarawan ni Pablo ay kombinasyon ng magiliw na pagmamahal at ng determinasyong gawin ang tama sa paningin ng Diyos.—Tingnan ang study note sa Mat 5:44; 22:37.
Ang pag-ibig ay matiisin: O “Ang pag-ibig ay may mahabang pagtitiis.” Ang salitang Griego ay puwedeng literal na isaling “magkaroon ng mahabang espiritu.” (Kingdom Interlinear) Ang pandiwa at pangngalan ng salitang ito ay nagpapahiwatig ng pagiging kalmado habang nagtitiis at pagiging hindi magagalitin. Ang pagtitiis ay katangian na bunga ng banal na espiritu ng Diyos (Gal 5:22) at tanda ng pagiging ministro ng Diyos. (2Co 6:4-6; Col 3:12; 1Te 5:14; tingnan ang Ap. A2.) Laging matiisin si Jehova at si Jesus sa pakikitungo nila sa mga tao. (Ro 2:4; 9:22; 1Ti 1:16; 1Pe 3:20; 2Pe 3:9, 15; tingnan ang study note sa Gal 5:22.) Para matularan ng mga Kristiyano si Jesus at si Jehova, dapat silang maging matiisin sa iba.—1Co 11:1; Efe 5:1.
Ang pag-ibig ay . . . mabait: Ang pandiwang Griego na isinaling “ay . . . mabait” (khre·steuʹo·mai) ay katumbas ng pangngalang khre·stoʹtes (kabaitan), na isang “katangian na bunga ng espiritu.” (Gal 5:22) Kasama sa pagpapakita ng kabaitan ang pagiging mapagmalasakit sa iba at pagtulong at pagbibigay ng pabor sa kanila nang bukal sa loob. Kasama rin dito ang pagiging maalalahanin at pagiging makonsiderasyon at mahinahon kapag tumutulong sa iba.—Col 3:12; Tit 3:4.
Ang pag-ibig ay hindi naiinggit: O “Ang pag-ibig ay hindi nagseselos.” Ang pandiwang Griego na ze·loʹo ay nagpapahiwatig ng matinding damdamin na puwedeng positibo o negatibo. Sa talatang ito, isinalin itong “naiinggit” dahil nagpapahiwatig ito ng negatibong damdamin ng isang tao para sa iniisip niyang karibal o nakakalamang sa kaniya. Ang kaugnay na pangngalang zeʹlos, na madalas isaling “selos,” ay kasama sa “mga gawa ng laman” sa Gal 5:19-21. Makasarili ito, at inuudyukan nito ang isang tao na magalit, sa halip na umibig. Ang makadiyos na pag-ibig ay hindi naiinggit, kundi laging nagtitiwala at umaasa; lagi nitong inuuna ang kapakanan ng iba.—1Co 13:4-7; para sa positibong pagkakagamit ng pandiwang Griego, tingnan ang study note sa 2Co 11:2.
-