-
Mga Study Note sa Efeso—Kabanata 6Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
nakikipaglaban: Ang salitang Griego na isinalin ditong “nakikipaglaban” ay isang beses lang ginamit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, at tumutukoy ito dati sa “pakikipagbuno,” na isang laro ng mga atleta. Ipinapahiwatig ng terminong ito na may pakikipaglaban sa masasamang espiritu ang bawat isa. Dahil tinalakay sa konteksto ang espirituwal na pakikipagdigma ng mga Kristiyano at ang makasagisag na kasuotang pandigma, may mga nagsasabi na posibleng dalawang uri ng pakikipaglaban ang nasa isip dito ni Pablo, ang pakikipagbuno at pakikipagdigma. (Efe 6:11-18) Hindi iyon kakaiba sa mga tao noon, dahil kapag nasa digmaan, ang mga sundalong kumpleto sa kasuotang pandigma ay puwede ring makipagbuno at kadalasan nang bihasa sila dito. At sa ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo, pareho niyang ginamit sa ilustrasyon niya ang sundalo at atleta.—2Ti 2:3-5.
mga tagapamahala ng madilim na sanlibutang ito: Tinawag ni Pablo ang ‘mga tagapamahalang ito ng sanlibutan’ na hukbo ng napakasasamang espiritu, na tumutukoy kay Satanas at sa mga demonyo. (Tingnan ang study note sa Ju 12:31.) Gusto nilang ikulong ang mga tao sa madilim na sanlibutang ito, malayo sa liwanag na nagmumula sa Diyos na Jehova. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na ko·smo·kraʹtor, na isinaling ‘mga tagapamahala ng sanlibutan,’ pero ginagamit din ito sa mga akdang Griego noon para tumukoy sa mga diyos ng mitolohiya gaya ni Hermes.
sa makalangit na dako: Dito, ang ekspresyong ito ay tumutukoy sa di-nakikitang mundo ng mga espiritu. Mula roon, iniimpluwensiyahan ni Satanas, ‘ang tagapamahala na may awtoridad sa hangin,’ ang mga tao.—Efe 2:2.
-