-
Mga Study Note sa Colosas—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa: Dito, hinihimok ni Pablo ang mga Kristiyano sa Colosas na maging mapagpasensiya, o pagtiisan ang mga pagkakamali ng iba at ang mga ugali nila na nakakainis. Ang pandiwang Griego dito ay ginamit din sa 1Co 4:12, kung saan isinalin itong “nagtitiis.” Dahil di-perpekto at nagkakamali ang lahat ng Kristiyano (San 3:2), kailangan talagang maging makatuwiran sa mga inaasahan natin sa iba (Fil 4:5).
kahit pa may dahilan kayo para magreklamo laban sa inyong kapuwa: Alam ni Pablo na kung minsan, may dahilan talaga ang ilang taga-Colosas para “magreklamo laban” sa mga kapananampalataya nila. May mga pagkakataon na hindi nakakapagpakita ng Kristiyanong katangian ang isa o nakakasakit siya ng damdamin ng iba, sinasadya man ito o hindi. Kahit sa ganitong mga sitwasyon, pinagsisikapan pa rin ng mga Kristiyano na tularan si Jehova at lubusang magpatawad.—Mat 5:23, 24; 18:21-35; Efe 4:32; 1Pe 4:8.
Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova: Madalas banggitin sa Bibliya na pinapatawad ng Diyos na Jehova ang kasalanan ng mga tao. (Bil 14:19, 20; 2Sa 12:13; Aw 130:4; Dan 9:9) Inilarawan pa nga siya na “handang magpatawad” (Ne 9:17; Aw 86:5) at ‘nagpapatawad nang lubusan’ (Isa 55:7). Ang pandiwang Griego na ginamit dito ni Pablo para sa ‘lubusang pinatawad’ ay hindi ang karaniwang salita para sa “magpatawad,” gaya ng makikita sa Mat 6:12, 14 o Ro 4:7 (tingnan ang study note). Sa halip, ginamit dito ang pandiwang kaugnay ng salitang Griego na khaʹris, na madalas na isinasaling “walang-kapantay na kabaitan” o “pabor.” Kapag iniuugnay sa pagpapatawad, ang pandiwang ito ay tumutukoy sa pagpapatawad nang lubusan, o bukal sa loob, gaya ng kapag nagreregalo sa iba. Ginamit din ni Pablo ang terminong ito sa Col 2:13 nang sabihin niyang “buong puso niyang [Diyos] pinatawad ang lahat ng kasalanan natin.”—Efe 4:32; para sa paliwanag kung bakit ginamit dito ang pangalan ng Diyos, tingnan ang introduksiyon sa Ap. C3; Col 3:13.
-