-
Mga Study Note sa 2 Tesalonica—Kabanata 3Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Tinatagubilinan namin kayo ngayon: Ito ang introduksiyon ni Pablo nang banggitin niya ang isang problema na kailangang ayusin sa kongregasyon ng Tesalonica. Makikita sa konteksto na may ilan sa kanila na hindi nagtatrabaho at nakikialam pa sa mga bagay na walang kinalaman sa kanila. (Tingnan ang mga study note sa 2Te 3:11.) Kaya deretsahan silang pinayuhan ni Pablo na “mamuhay nang tahimik at kumain ng pagkain na pinagtrabahuhan nila.”—2Te 3:12.
layuan: Pinayuhan ni Pablo ang mga miyembro ng kongregasyon na “layuan” ang sinumang “lumalakad nang wala sa ayos,” o iwasang makisama sa kanila.—Tingnan ang mga study note sa 2Te 3:14.
lumalakad nang wala sa ayos: Ayon sa isang reperensiya, ang ekspresyong ito ay nangangahulugang “pagiging iresponsable . . . o paggawa ng mga bagay na di-katanggap-tanggap sa lipunan o salungat sa iniutos.”—Tingnan ang study note sa 1Te 5:14.
mga bagay na itinuro: Gaya sa 2Te 2:15, ang tinutukoy dito ni Pablo ay ang mga tradisyong katanggap-tanggap sa tunay na pagsamba.—Tingnan ang study note sa 1Co 11:2.
-