-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang pagsipi sa Aw 45:6, 7, na naglalaman ng hula tungkol sa Mesiyanikong Hari na pinili ng Diyos. Sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, malinaw niyang ipinakita na iniibig niya ang matuwid na pamantayan ng Diyos at kinapopootan ang kasamaan. (Mat 21:12, 13; 23:27, 28, 33; Ju 2:13-17; Heb 7:26; 1Pe 2:22) Madalas ipakita sa Kasulatan na kapag iniibig natin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos, kinapopootan din natin ang masama.—Aw 97:10; 119:113, 163; Isa 61:8; Am 5:15.
nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan: Noong panahon ng Bibliya, madalas na pinapahiran ng literal na langis ang mga hinihirang na hari. (1Sa 10:1; 1Ha 1:39; 2Ha 9:6) Iniuugnay noon ang langis sa pagsasaya, o kagalakan. (Isa 61:3; Joe 2:23, 24) Sinipi dito ni Pablo ang Aw 45:7, na isang hula tungkol sa isang masayang kaganapan—ang paghirang sa Mesiyas bilang Hari. Ang kagalakan ng Mesiyas ay nakahihigit sa mga kasamahan niya, o sa mga haring nagmula sa angkan ni David. Di-gaya ng mga haring iyon, si Jehova mismo ang hihirang sa Mesiyas, hindi sa pamamagitan ng literal na langis, kundi ng banal na espiritu. Noong bautismuhan si Jesus, hinirang na siya bilang Mataas na Saserdote at Hari sa hinaharap. Pero lumilitaw na ang pagpapahid, o paghirang, na binabanggit dito ni Pablo ay tumutukoy sa masayang kaganapan sa langit nang iluklok si Jesus bilang Hari sa pagtatapos ng Panahon ng mga Gentil. (Luc 21:24 at study note) Siguradong di-hamak na mas masaya ang pagdiriwang na iyon sa langit kaysa sa anumang pangyayari sa lupa, kasama na ang pagdiriwang nang hirangin bilang hari ang anak ni David na si Solomon.—1Ha 1:39, 40.
-