HEBREO
Mga Study Note—Kabanata 1
Liham sa mga Hebreo: Lumilitaw na ang ganitong mga pamagat ay hindi bahagi ng orihinal na teksto. Makikita sa mga sinaunang manuskrito na idinagdag lang ang mga pamagat nang maglaon para madaling matukoy ang mga aklat sa Bibliya. Ang pamagat na “Liham sa mga Hebreo” ay makikita sa papirong codex na P46, ang pinakamatandang manuskrito na naglalaman ng liham sa mga Hebreo. Pinaniniwalaang mula pa ito noong mga 200 C.E. (Tingnan sa Media Gallery, “Liham ni Pablo sa mga Hebreo.”) Makikita rin ang pamagat na iyan sa maaasahang mga manuskrito na Codex Sinaiticus at Codex Vaticanus ng ikaapat na siglo C.E.
Noon, nagsalita ang Diyos sa mga ninuno natin: Sa loob ng daan-daang taon, gumamit ang Diyos ng maraming propeta para kausapin ang bayan niya. Ang ilan sa mga propeta na binanggit o sinipi ni Pablo sa liham na ito ay sina Abraham (Gen 20:7; Heb 7:1), Moises (Deu 34:10; Heb 9:19), Jeremias (Jer 31:31-34; Heb 8:8-12), Habakuk (Hab 2:3, 4; Heb 10:37, 38), at Hagai (Hag 2:6; Heb 12:26). Pero sinabi ni Pablo na “sa katapusan ng mga araw na ito,” nagsalita na ang Diyos sa pamamagitan ng Anak niya, si Jesu-Kristo.—Heb 1:2 at study note.
sa maraming pagkakataon at sa maraming paraan: Sa orihinal na Griego, sinimulan ni Pablo ang liham niya gamit ang dalawang magkatunog na salita na may pagkakapareho ng kahulugan. Nakipag-usap noon si Jehova sa bayan niya sa pamamagitan ng mga propeta, hindi lang nang minsanan, kundi sa “maraming pagkakataon” (sa Griego, po·ly·me·rosʹ), sa iba’t ibang panahon, lugar, at sitwasyon. Gumamit din siya ng “maraming paraan” (sa Griego, po·ly·troʹpos) para iparating ang mensahe niya. Minsan, direkta niyang kinakausap ang mga propeta niya at ipinapasulat ang mensahe niya. (Exo 34:27) Kung minsan naman, nagbibigay siya sa kanila ng panaginip o pangitain. (Isa 1:1; Dan 2:19; 7:1; Hab 1:1) Nagsusugo rin siya ng anghel para magdala ng mensahe. (Zac 1:7, 9) Inihahayag naman ng mga propeta ang mensahe ng Diyos sa iba’t ibang paraan. Puwedeng sinasabi nila ito sa harap ng maraming tao o isinusulat, o puwedeng gumagamit sila ng makasagisag na mga bagay. Minsan, gumagawa rin sila ng pagsasadula na may makasagisag na kahulugan.—Jer 7:1, 2; Eze 4:1-3; Os 1:2, 3; Hab 2:2.
Ngayon, sa katapusan ng mga araw na ito: Lumilitaw na tinutukoy dito ni Pablo ang katapusan ng Judiong sistema. (1Co 10:11 at study note) Nagsimula ang sistemang ito nang maging bansa ang Israel noong 1513 B.C.E. Noong panahong iyon, nakikipag-usap ang Diyos sa bayan niya sa pamamagitan ni Moises. Pero nangako si Jehova na magpapadala siya ng isang propetang gaya ni Moises. “Makinig kayo sa kaniya,” ang sabi ni Moises. (Deu 18:15, 18, 19) Ang inihulang propetang iyon ay si Jesu-Kristo. (Ju 5:46) Siya ang tinutukoy ni Pablo nang sabihin nitong nagsalita ang Diyos sa atin sa pamamagitan ng isang Anak. Bilang Anak ng Diyos, di-hamak na nakahihigit si Jesus sa lahat ng di-perpektong propetang nauna sa kaniya. Sa ganiyang paraan sinimulan ni Pablo ang napakahalagang punto ng liham na ito: Nakahihigit ang pagsamba ng mga Kristiyano sa pagsamba ng mga Judio.
na ginawa niyang tagapagmana ng lahat ng bagay: Ang tagapagmana ang may karapatang tumanggap, o magmana, ng pera, ari-arian, o awtoridad ng isa. Pero sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, mas madalas na iniuugnay ang mga salitang “tagapagmana” at ‘magmana’ sa pagtanggap ng isang tao sa mga gantimpala ng Diyos. (Mat 5:5 at study note; 19:29; 25:34 at study note; 1Co 6:9) Sa tekstong ito, pinili ng Diyos ang panganay na Anak niya para maging tagapagmana ng “lahat ng bagay.” Nangangahulugan ito na ibinigay sa kaniya ng Diyos ang awtoridad sa lahat ng bagay sa langit at lupa. (Aw 2:8; Mat 28:18; Heb 1:6; 2:8; 1Pe 3:22; Apo 11:15) Ang Ama lang niyang si Jehova ang mas mataas kaysa sa kaniya.—1Co 15:27, 28; Fil 2:9-11.
sa pamamagitan ng Anak ay ginawa niya ang mga sistema ng mga bagay: Dito, ang pariralang “sistema ng mga bagay” ay puwedeng tumukoy sa dalawang bagay o higit pa. Una, puwede itong tumukoy sa pagkakakilanlan ng isang espesipikong yugto ng panahon. Puwede ring isaling “panahon” ang salitang Griegong ginamit dito. Sa liham na ito, bumanggit si Pablo ng tapat na mga lingkod ng Diyos na nabuhay bago ang Baha, noong panahon ng mga patriyarka, at noong may bisa pa ang tipan ng Diyos sa Israel. Sa lahat ng partikular na panahong ito, gumawa ng paraan ang Diyos para makalapit sa kaniya ang mga tao at masamba siya. Pero lagi niyang binabanggit ang panahon kung kailan lubusan nang maipagkakasundo ang mga tao sa kaniya sa pamamagitan ng Anak niya. Sa panahong Kristiyano, ginawa niya ang bagong tipan base sa sakripisyo ni Jesus. Sinasabing ang Kristiyanong sistemang ito ay ginawa sa pamamagitan ni Kristo, dahil bilang “tagapamagitan ng isang bagong tipan,” napakalaki ng papel ni Jesus para matupad ang layunin ng Diyos. (Heb 1:3; 2:9; 12:24; tingnan din sa Glosari, “Sistema.”) Ikalawa, ang ekspresyon dito na “sistema ng mga bagay” ay puwedeng tumukoy sa mundo o uniberso, ibig sabihin, sa lahat ng pisikal na nilalang ng Diyos, gaya ng araw, buwan, bituin, at lupa. Bilang “dalubhasang manggagawa,” katulong si Jesus sa paglalang ng lahat ng ito.—Kaw 8:30; Ju 1:3; ihambing ang Heb 11:3.
Makikita sa kaniya ang kaluwalhatian ng Diyos: Isa ito sa mga ekspresyong ginamit ni Pablo para ilarawan ang espesyal na ugnayan ng binuhay-muling si Jesu-Kristo at ng Ama niya sa langit. Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, dito lang lumitaw ang salitang Griego na isinaling “makikita sa kaniya,” na literal na nangangahulugang “nagliliwanag.” Ang salitang ito ay puwedeng mangahulugan ng dalawang bagay—pinanggagalingan ng liwanag o nagpapaaninag ng liwanag na iba ang pinanggagalingan. Hindi nanggagaling kay Jesus ang kaluwalhatian ng Ama niya. Sa halip, “larawan [siya] ng di-nakikitang Diyos.” (Col 1:15; ihambing ang Ju 5:19.) Kaya ang saling “makikita sa kaniya” na nagpapahiwatig na ipinaaaninag niya ang kaluwalhatian ng Diyos ay kaayon ng iba pang mga turo sa Bibliya at ng ekspresyong “eksaktong larawan” sa talatang ito.
siya ang Kaniyang eksaktong larawan: Ang salitang Griego na isinaling “eksaktong larawan” (kha·ra·kterʹ) ay literal na tumutukoy sa “isang marka o tatak sa isang bagay.” Sa mga sekular na akdang Griego, ang terminong ito ay tumutukoy sa mga ukit sa kahoy o metal, tatak sa balat ng hayop, ukit sa luwad, o mga larawang makikita sa barya. Sa tekstong ito, ginamit ang salitang Griego para ilarawan kung paano perpektong makikita sa binuhay-muling si Jesus ang personalidad at lahat ng iba pang katangian ng Ama niya sa langit. Kahit noong nasa lupa si Jesus bilang perpektong tao, lubusan niyang naipakita ang personalidad ng Ama niya sa antas na kaya ng isang tao. (Tingnan ang study note sa Ju 14:9.) Pero noong buhaying muli ni Jehova si Jesus at bigyan ng “isang nakatataas na posisyon,” mas naging kagaya pa si Jesus ng kaniyang Ama. (Fil 2:9; Heb 2:9) Imortal na siya at may “kakayahang magbigay ng buhay.” (Ju 5:26 at study note; Ro 6:9; Apo 1:18) Kaya siya na ngayon ang “eksaktong larawan” ng Diyos.—Heb 1:2-4.
pinananatili niya ang lahat ng bagay: Bilang patunay ng napakalaking awtoridad ni Kristo Jesus, ipinakita ni Pablo na binigyan ng Diyos ang Anak niya ng kapangyarihang panatilihin ang “lahat ng bagay” sa uniberso. (Ihambing ang Col 1:16, 17.) Ang salitang Griego para sa “pinananatili” ay puwedeng mangahulugang “pinapatatag; sinusuportahan.” Dito, nangangahulugan itong “iniingatan ang isang bagay para hindi ito masira o mawala.” Marami ring ginagawa si Jesus para matupad ang mga layunin ni Jehova.
sa pamamagitan ng makapangyarihan niyang salita: Lit., “sa pamamagitan ng salita ng kaniyang kapangyarihan.” Malamang na kapangyarihan ni Jehova ang tinutukoy dito ni Pablo. Na kay Jehova ang lahat ng kapangyarihan, pero binibigyan niya rin nito ang iba para magawa ang kalooban niya.—Isa 40:26, 29-31; Luc 5:17; Fil 2:13; 4:13.
umupo siya sa kanan ng Dakilang Diyos: ‘Dinalisay’ ni Jesus ang mga tao mula sa kasalanan sa pamamagitan ng ‘pag-aalay ng isang handog para sa mga kasalanan na ang bisa ay walang hanggan.’ (Heb 10:12, 13) Bilang gantimpala, binuhay siyang muli ni Jehova bilang espiritu at ibinigay sa kaniya “ang lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa,” isang posisyong nakahihigit pa sa posisyon niya noon bago siya bumaba sa lupa. (Mat 28:18; Fil 2:9-11; Heb 2:9; 1Pe 3:18) Posibleng galing sa Aw 110:1 ang ekspresyong “sa kanan ng Dakilang Diyos,” si Jehova. (Heb 1:13 at study note; 8:1; 12:2) Ang ‘pag-upo sa kanan’ ay nagpapahiwatig ng pagkakaroon ng kapangyarihan, awtoridad, at karangalan. Ibig sabihin, pumapangalawa siya kay Jehova.—Ro 8:34; 1Co 15:27, 28; Efe 1:20; tingnan ang study note sa Gaw 7:55.
At naging mas dakila siya sa mga anghel: Sa liham na ito, madalas gamitin ni Pablo ang salitang “mas” para idiin na nakahihigit ang pagsamba ng mga Kristiyano. (Tingnan ang “Introduksiyon sa Hebreo.”) Si Jesus ay “naging mas dakila . . . sa mga anghel” dahil sa minana niyang pangalan. Sumasagisag ang “pangalang” iyan sa malaking awtoridad na ibinigay ni Jehova sa kaniya. (Tingnan ang study note sa Fil 2:9.) Ginawa siya ni Jehova na “tagapagmana ng lahat ng bagay.” (Heb 1:2 at study note) Inatasan din ng Diyos ang Anak niya—hindi ang sinumang anghel—na maging hari, apostol, at mataas na saserdote na gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec. (Heb 1:8; 3:1; 5:8-10; 7:1-3; ihambing ang Apo 11:15.) Bukod diyan, siya ang napiling haing pantubos na inihandog “nang minsanan.”—Heb 1:3; 9:28.
sino sa mga anghel ang sinabihan ng Diyos: Bilang isang grupo, tinatawag ang mga anghel kung minsan na “mga anak ng Diyos” (Job 38:7; Aw 89:6) o “mga anak ng tunay na Diyos” (Gen 6:2, 4; Job 1:6; 2:1) sa Hebreong Kasulatan. Pero walang isa man sa kanila ang tinawag ng Diyos na anak ko sa natatanging paraan. (Mat 3:17; 17:5) Ipinapakita dito ni apostol Pablo na may natatanging kaugnayan si Kristo Jesus sa Ama niyang si Jehova at na nakahihigit siya sa mga anghel. Sinipi dito ni Pablo ang dalawang talata na may pananalitang “anak ko” sa anyong pang-isahan, at pareho niya itong ginamit para kay Jesus.
“Ikaw ang anak ko; ngayon, ako ay naging iyong ama”: Sinipi ni Pablo ang Aw 2:7 para idiin ang kahigitan ni Jesus sa mga anghel. Inilalarawan ng awit na ito ang haring iniluklok ng Diyos. Lumilitaw na unang tumukoy kay David ang hulang ito. Sa natatanging paraan, naging anak ng Diyos si David dahil pinili niya itong maging hari. Noong bautismuhan si Jesus, kinilala siya ni Jehova sa espesyal na paraan nang sabihin Niya: “Ito ang Anak ko.” (Mat 3:17 at study note; Ju 1:14) Sa gabay ng banal na espiritu, ipinaliwanag ni Pablo sa Gaw 13:33 na natupad din ang mga salitang ito noong buhaying muli si Jesus.—Tingnan ang study note sa Ro 1:4; tingnan din ang Heb 5:5, kung saan sinipi ulit ni Pablo ang Aw 2:7.
“Magiging ama niya ako, at magiging anak ko siya”: Sinipi ito mula sa 2Sa 7:14. (Tingnan din ang 1Cr 17:13; 28:6.) Sa 2Sa 7:11-16, nakipagtipan si Jehova kay David. Ipinangako niya na manggagaling sa angkan ni David ang mga tagapamahala sa itatatag niyang kaharian at na magiging anak ng Diyos ang anak ni David na si Solomon. Dito, sa pamamagitan ng banal na espiritu, ipinakita ng apostol na may mas malaking katuparan ang hulang ito kay Kristo Jesus.
kapag muli niyang isinugo sa lupa ang Panganay niya: Tinutukoy dito ni Pablo ang isang pangyayari na hindi pa nagaganap noong panahon niya. Sinusuportahan ito ng sinabi niya sa Heb 2:5 tungkol sa “darating na lupa, na ipinahahayag [nila].” (Tingnan ang study note.) Kaya tinutukoy dito ni Pablo ang panahon kung kailan muling isusugo ni Jehova ang Panganay niya para bigyang-pansin ang mga nangyayari sa mga tao sa mundo. Sa pagkakataong ito, hindi siya makikita ng mga tao.—Tingnan ang study note sa Luc 2:1; Gaw 1:11.
Yumukod kayo sa kaniya: Ibig sabihin, kay Jesus. Itinaas ng Diyos si Jesus sa posisyong pangalawa sa Kataas-taasan. Dahil diyan, napasailalim ng Anak ng Diyos ang lahat ng anghel. Kaya angkop lang na utusan ng Diyos ang mga anghel na yumukod sa Anak niya. Kaayon ito ng isinulat ni Pablo sa Fil 2:9-11 na dapat “lumuhod sa pangalan ni Jesus ang lahat ng . . . nasa langit.” (Tingnan ang study note sa Fil 2:9, 10.) Malawak ang kahulugan ng pandiwang Griego na isinaling “yumukod” (pro·sky·neʹo) sa Heb 1:6. Ayon sa isang diksyunaryo, puwede itong mangahulugang “(dumapa at) sumamba, yumukod, sumubsob sa harap ng, magbigay-galang, o tanggapin nang may paggalang.” Mahalaga ang konteksto para malaman kung ano ang tamang salin dito. (Tingnan ang study note sa Luc 24:52.) Ginamit dito (Heb 1:6) ng maraming tagapagsalin ng Bibliya ang terminong “sambahin,” kaya nagmumukhang si Jesus ang Diyos. Pero makikita sa ibang bahagi ng Bibliya na hindi si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Si Jehova lang ang karapat-dapat sambahin. (Mat 4:10; Apo 4:10, 11; 22:8, 9) Kaya matibay ang basehan ng saling “yumukod,” at ito rin ang ginamit ng maraming salin ng Bibliya. Ginagamit ng Judiong manunulat noong unang siglo C.E. na si Josephus ang pandiwang Griego na pro·sky·neʹo kapag tinutukoy niya ang mga taong “yumuyukod” sa mga Romanong gobernador o kahit pa nga sa mga guwardiya nila bilang paggalang.—The Jewish War, II, 366 (xvi, 4).
Yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anghel ng Diyos: Sinipi dito ni Pablo ang salin ng Griegong Septuagint sa Deu 32:43 o Aw 97:7, o posibleng pinagsama niya ang dalawang teksto. Mababasa sa salin ng Septuagint sa Deu 32:43: “At yumukod sa kaniya ang lahat ng anak ng Diyos.” Ganito naman ang mababasa sa Aw 97:7 ng Septuagint: “Yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anghel niya.” Sa Kasulatan, madalas na tumutukoy ang “mga anak ng Diyos” sa mga anghel. (Tingnan ang study note sa Heb 1:5.) Sa Hebreong Masoretiko, hindi lumitaw ang pariralang “yumukod kayo sa kaniya, kayong lahat na mga anak ng Diyos” sa Deu 32:43. Pero ang pariralang ito ay sinusuportahan ng nadiskubreng piraso ng Dead Sea Scroll na naglalaman ng Deuteronomio sa wikang Hebreo. May mababasa sa pirasong ito na kahawig na pananalita sa Septuagint. Ito ang unang pagkakataon na nakita sa manuskritong Hebreo ng Deu 32:43 ang ekspresyong ito. Kaya lumilitaw na ang saling Griego ng ekspresyong ito ay ibinase sa isang tekstong Hebreo na katulad ng mababasa sa natagpuang piraso ng manuskrito.
Ginagawa niyang mga makapangyarihang puwersa ang mga anghel niya: Lit., “Ginagawa niyang mga espiritu ang mga anghel niya.” Sinipi dito ni Pablo ang Aw 104:4 (103:4, LXX) mula sa Septuagint. Alam nating lahat na espiritung nilalang ang mga anghel, kaya hindi iyan ang gustong sabihin dito ng salmista o ni Pablo. Tumutukoy ang pananalitang ito sa kung paano ginagamit ng Diyos ang mga anghel niya. Ang mga salitang Hebreo at Griego para sa “espiritu” na ginamit dito ay puwede ring tumukoy sa isang makapangyarihang puwersa, gaya ng “hangin.” (Aw 1:4; 147:18; 148:8; tingnan din ang Ju 3:8 at study note.) Gaya ng pinakawalang malakas na hangin, isinusugo ng Diyos ang makapangyarihang mga anghel. Makikita ang ideyang iyan sa huling bahagi ng talata, kung saan tinawag ang mga anghel na mga lingkod, sa literal, “pangmadlang lingkod.” Ginagamit ni Jehova ang mga anghel para tulungan ang mga lingkod niya sa lupa. Kung minsan, nagiging gaya rin ng liyab ng apoy ang mga anghel, dahil ginagamit sila ng Diyos para maglapat ng maapoy na hatol niya sa masasama.—Ihambing ang 2Ha 19:20, 34, 35; Mat 16:27; 2Te 1:7, 8.
Ang Diyos ang trono mo magpakailanman: Ang Diyos na Jehova ang trono ni Jesus sa diwa na si Jehova ang nagbigay kay Jesus ng awtoridad at nagtalaga sa kaniya bilang hari. Binigyan ni Jehova ang anak niya ng “awtoridad na mamahala, ng karangalan, at ng isang kaharian.” (Dan 7:13, 14; Luc 1:32) Sa Heb 1:8, 9, sinipi ni Pablo ang Aw 45:6, 7. Ang orihinal na Griego ay puwedeng isalin sa ganitong paraan, gaya ng mababasa sa maraming Bibliya: “Ang trono mo, O Diyos, ay magpakailanman.” Pero may makatuwirang mga dahilan kung bakit masasabing angkop ang salin ng Bagong Sanlibutang Salin (at ng iba pang Bibliya): “Ang Diyos ang trono mo magpakailanman.” Halimbawa, sinasabi sa Heb 1:9: “Ang Diyos, ang iyong Diyos, ay nagpahid sa iyo.” Kaya ipinapakita sa konteksto na ang pananalita sa Heb 1:8 (o Aw 45:6) ay hindi patungkol sa Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, kundi sa isa sa mga mananamba niya. Isa pa, ang pananalita sa Aw 45:6, 7 ay hindi rin patungkol sa Diyos, kundi sa isang taong hari sa Israel na pinili ng Diyos. At dahil isa rin itong hula, matutupad ito sa isa ring hari—isang dakilang Hari na pinili ng Diyos, ang Mesiyas.
ang setro ng iyong Kaharian: Ang “setro” na hawak ni Jesu-Kristo ay sumasagisag sa awtoridad niya bilang hari. (Aw 110:2; tingnan sa Glosari, “Setro.”) Mula ito sa hula sa Aw 45:6, na nagsasabing laging gagamitin ng Mesiyanikong Hari sa tamang paraan ang awtoridad na ibinigay sa kaniya ni Jehova. Kaya naman tinatawag ang setro niya na “setro ng katuwiran [o, “katarungan”].”
Inibig mo ang katuwiran at kinapootan ang kasamaan: Ipinagpatuloy dito ni Pablo ang pagsipi sa Aw 45:6, 7, na naglalaman ng hula tungkol sa Mesiyanikong Hari na pinili ng Diyos. Sa panahon ng ministeryo ni Jesus sa lupa, malinaw niyang ipinakita na iniibig niya ang matuwid na pamantayan ng Diyos at kinapopootan ang kasamaan. (Mat 21:12, 13; 23:27, 28, 33; Ju 2:13-17; Heb 7:26; 1Pe 2:22) Madalas ipakita sa Kasulatan na kapag iniibig natin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos, kinapopootan din natin ang masama.—Aw 97:10; 119:113, 163; Isa 61:8; Am 5:15.
nagpahid sa iyo ng langis ng kagalakan: Noong panahon ng Bibliya, madalas na pinapahiran ng literal na langis ang mga hinihirang na hari. (1Sa 10:1; 1Ha 1:39; 2Ha 9:6) Iniuugnay noon ang langis sa pagsasaya, o kagalakan. (Isa 61:3; Joe 2:23, 24) Sinipi dito ni Pablo ang Aw 45:7, na isang hula tungkol sa isang masayang kaganapan—ang paghirang sa Mesiyas bilang Hari. Ang kagalakan ng Mesiyas ay nakahihigit sa mga kasamahan niya, o sa mga haring nagmula sa angkan ni David. Di-gaya ng mga haring iyon, si Jehova mismo ang hihirang sa Mesiyas, hindi sa pamamagitan ng literal na langis, kundi ng banal na espiritu. Noong bautismuhan si Jesus, hinirang na siya bilang Mataas na Saserdote at Hari sa hinaharap. Pero lumilitaw na ang pagpapahid, o paghirang, na binabanggit dito ni Pablo ay tumutukoy sa masayang kaganapan sa langit nang iluklok si Jesus bilang Hari sa pagtatapos ng Panahon ng mga Gentil. (Luc 21:24 at study note) Siguradong di-hamak na mas masaya ang pagdiriwang na iyon sa langit kaysa sa anumang pangyayari sa lupa, kasama na ang pagdiriwang nang hirangin bilang hari ang anak ni David na si Solomon.—1Ha 1:39, 40.
O Panginoon, inilatag mo ang mga pundasyon ng lupa: Sinipi ni Pablo ang salin ng Septuagint sa Aw 102:25 (101:25, LXX), na may ekspresyong “O Panginoon.” Ipinakita ulit ni Pablo dito ang kahigitan ni Jesus sa mga anghel. Ang Diyos ang kausap dito ng salmista. (Aw 102:1, 24) Pero ginamit ni Pablo ang ekspresyong ito para kay Jesus dahil si Jesus ang instrumento ng Diyos sa paglalang ng lahat ng bagay, gaya ng ipinapakita sa Heb 1:2 at iba pang teksto. (Ju 1:2-4; Col 1:15-17 at study note sa talata 15 at 16; tingnan din ang Kaw 8:23-31.) Dahil magkasamang gumawa si Jehova at si Jesus, tama lang sabihin na “inilatag [nila] ang mga pundasyon ng lupa” at na “ang langit ay gawa ng mga kamay” nila. Pareho ding tinutukoy ng Bibliya si Jehova at si Jesus na “ating Tagapagligtas.”—Tit 1:3, 4 at study note.
Maglalaho ang mga ito: Sinipi dito ni Pablo ang Aw 102:26, na nagpapakitang ang literal na “langit” at “lupa” ay puwedeng maglaho. (Heb 1:10) Puwedeng maglaho ang mga ito kung iyan ang layunin ng Diyos. At di-gaya ni Jehova, ang langit at lupa ay puwede talagang masira sa natural na proseso. Kaya naman sinasabi rin sa tekstong ito na gaya ng isang kasuotan, lahat ng ito ay maluluma. Pero tinitiyak ng Diyos sa mga lingkod niya na kaya niyang ingatan at talagang iingatan niya ang mga nilalang niya magpakailanman ayon sa kalooban niya.—Aw 148:4-6; tingnan din ang Aw 104:5; Ec 1:4.
pero ikaw ay mananatili: Sa gabay ng banal na espiritu, ipinatungkol ni Pablo kay Jesus ang Aw 102:26. (Tingnan ang study note sa Heb 1:10.) Ipinapakita niya dito ang pagkakaiba ng Anak ng Diyos (“ikaw ay mananatili”) at ng literal na langit at lupa (“maglalaho ang mga ito”). Ang binuhay-muling si Jesus ay binigyan ng di-nabubulok na katawan at ng “buhay na di-magwawakas.” (Heb 7:16 at study note) Kaya naman ang pagiging permanente ng Anak ng Diyos ay nakahihigit pa sa langit at sa lupa na ginawa ng Diyos katulong siya.—Gen 1:26; Col 1:15.
hindi magwawakas ang mga taon mo: Ipinatungkol ni Pablo kay Jesus ang mga salitang ito sa Aw 102:27. (Tingnan ang study note sa Heb 1:10.) Noong buhaying muli si Jesus, naging imortal siya. (1Ti 6:16 at study note; Heb 7:15, 16) Nangangahulugan ito na hindi lang basta mabubuhay si Jesus nang walang hanggan; hindi rin siya posibleng mapuksa.—Ihambing ang study note sa 1Co 15:53.
Umupo ka sa kanan ko: Ito ang huling binanggit ni Pablo na nagpapatunay ng kahigitan ni Jesus sa mga anghel. Ipinatungkol ng apostol kay Kristo ang pananalitang ito sa Aw 110:1, gaya ng ginawa ni Pedro at ni Jesus mismo. (Mat 22:41-45; Mar 12:35-37; Luc 20:41-44; Gaw 2:34, 35; Heb 10:12 at study note, 13) Nang buhaying muli si Jesus, naghintay siya sa kanan ng Diyos—ang pinakamataas na posisyon mula sa Diyos—para hiranging Mesiyanikong Hari sa takdang panahon ni Jehova. (Tingnan ang study note sa Gaw 7:55; Heb 1:3.) Sa panahong iyon, gagawing tuntungan ng mga paa ni Jesus ang mga kaaway niya, na nangangahulugang mapapasailalim sila sa awtoridad at kapangyarihan niya.—Tingnan ang study note sa Heb 10:13; tingnan din ang 1Co 15:25, kung saan ipinatungkol din ni Pablo kay Jesus ang Aw 110:1.
para sa banal na paglilingkod: O “para sa pangmadlang paglilingkod.”—Tingnan ang study note sa Heb 1:7.
isinugo para maglingkod: Bago ang panahong Kristiyano, madalas gamitin ng Diyos ang mga anghel niya para tulungan at protektahan ang tapat na mga lingkod niya sa lupa. (1Ha 19:5-8; 2Ha 6:15-17; Aw 34:7; Dan 6:22) Naglingkod din ang mga anghel sa unang-siglong pinahirang mga Kristiyano na pinag-usig at nanganib ang buhay. (Gaw 12:6-11; 27:23, 24) Kahanga-hanga ang kapakumbabaan ng mga anghel na ito dahil naglingkod sila sa mga tao, kahit na ang ilan sa mga iyon ay magiging mas mataas pa sa kanila.—1Co 6:3.
sa mga tatanggap ng kaligtasan: Ang mga pinahirang Kristiyano na kinakausap ni Pablo sa liham na ito ay “tatanggap ng kaligtasan” sa espesyal na paraan, dahil makakasama sila ni Kristo na mamahala sa langit. (Mat 19:28; 2Ti 2:10-12; Heb 3:1) Ipinapakita ulit dito ni Pablo ang kahigitan ng Kristiyanismo. Hindi na sinasang-ayunan ng Diyos ang paraan ng pagsamba ng mga Judio, kaya hindi nito maibibigay ang kaligtasang binabanggit dito o iba pang espesyal na pagpapalang mula sa Diyos.—Luc 13:35.