-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
dapat sana ay mga guro na kayo ngayon: Nang isulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreong Kristiyano, halos 30 taon nang naitatag ang kongregasyon sa Jerusalem. Kaya dapat sana, “ngayon [lit., “dahil sa panahon”],” naituturo na nila ang mga paniniwala nila sa iba. Napakahalagang bahagi ito ng ministeryo ng bawat Kristiyano. (Tingnan ang study note sa Mat 28:20.) Pero nahihirapan pa rin ang ilan sa kanila na maintindihan at tanggapin ang malalalim na katotohanan. Kaya paano nila iyon maituturo sa iba?—Tingnan ang study note sa Heb 5:11.
panimulang mga bagay: Ang ekspresyong Griego para sa “panimulang mga bagay” ay karaniwan nang nangangahulugang “pangunahing mga elemento ng anumang bagay,” gaya ng bawat letra ng alpabetong Griego. (Ihambing ang study note sa Gal 4:3.) Dito, ang “panimulang mga bagay” ay tumutukoy sa pinakasimple o pangunahing mga turo ng “mga sagradong kapahayagan ng Diyos.” Kasama ito sa mga unang dapat matutuhan ng mga Hebreong Kristiyano para maintindihan nila ang mas malalalim na katotohanan. (Heb 6:1 at study note) Ayon sa isang reperensiya, ang pariralang “panimulang mga bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos” ay nagpapahiwatig na ang mga Kristiyanong ito ay “kailangang magsimula ulit, hindi man lang sa unang kabanata, kundi sa pag-aaral ng elemento ng alpabeto.”
mga sagradong kapahayagan ng Diyos: Tumutukoy ito sa Hebreong Kasulatan at lumilitaw na pati na sa mga turo ni Jesu-Kristo at ng mga Kristiyanong manunulat ng Bibliya.—Tingnan ang study note sa Ro 3:2.
gatas ulit ang kailangan ninyo: Gatas ang pangunahing pagkain ng mga sanggol, kaya angkop na ilustrasyon ito para sa pinakasimple at pangunahing mga katotohanang dapat matutuhan ng mga Kristiyano. Pero nag-aalala si Pablo dahil hindi pa rin nakalampas sa mga turong ito ang mga Hebreong Kristiyano. Ang totoo, paatras pa nga sila; para bang bumalik sila ulit sa gatas. Kaya pinayuhan niya silang kumain ng “matigas na pagkain.” (Tingnan ang study note sa Heb 5:14.) Pinayuhan na rin ng ganito ni Pablo ang mga taga-Corinto noon. (Tingnan ang study note sa 1Co 3:2.) Pero sa ibang konteksto, ginamit ang gatas para tumukoy sa lahat ng nakakapagpalusog na katotohanang dapat maunawaan ng mga Kristiyano, baguhan man sila o matagal na.—1Pe 2:2.
-