Kumakain Ka Bang Mabuti sa Espirituwal?
“Ang tamang pagkain ang siyang pinakapangunahing pangangailangan ng tao. . . . Kapag walang sapat na pagkain, tayo ay mamamatay.”—Food and Nutrition.
ANG saligang katotohanang iyan ay malinaw na inilalarawan sa halos buto’t balat na anyo ng nagugutom na mga lalaki, babae, at mga bata na napagkaitan ng ganitong “pinakapangunahing pangangailangan ng tao.” Sa isang antas ay kaya namang sapatan ng iba ang ganitong pangangailangan ngunit kulang na kulang pa rin sila sa pagkain. Gayunman, ang marami na may sapat na makakain ay kadalasang nakokontento sa mga sitsiriya na walang gaanong sustansiya. “Ang pagkain,” sabi ng Healthy Eating, “ay maliwanag na isa sa mga tinatangkilik natin na labis na ginagamit sa maling paraan.”
Halos walang pagkakaiba kung tungkol sa espirituwal na pagkain—ang katotohanan na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang ilang tao ay salat maging sa pinakapangunahing espirituwal na pagkain; nagugutom sila sa espirituwal. Ang iba naman ay nagpapabaya lamang na samantalahin ang espirituwal na pagkain na maaaring makuha. Kumusta ka naman? Ikaw ba ay personal na kumakain nang mabuti sa espirituwal? O baka naman pinagkakaitan mo ang iyong sarili ng espirituwal na pagkain? Mahalaga na maging tapat sa ating sarili sa bagay na ito dahil higit na kailangan natin ang espirituwal na pagkain kaysa sa literal na pagkain.—Mateo 4:4.
Pagkain Ukol sa Espirituwal na Paglaki
Ang Food and Nutrition, isang aklat-aralin na tumatalakay sa kahalagahan ng pagkakaroon ng wastong pagkain, ay nagbibigay sa atin ng tatlong mabubuting dahilan upang kumain nang mabuti. Ang isa ay na kailangan natin ang pagkain “upang pabilisin ang paglaki at palitan ang nasisirang mga selula ng katawan.” Alam mo ba na sa bawat araw ng iyong buhay, isang trilyong selula ng iyong katawan ang nasisira at nangangailangang palitan? Ang tamang paglaki at pag-aalaga ng katawan ay nangangailangan ng masustansiyang pagkain.
Totoo rin ito sa espirituwal na paraan. Halimbawa, nang sumulat si apostol Pablo sa kongregasyon sa Efeso, idiniin niya kung paanong ang bawat Kristiyano ay nangangailangan ng mabuting espirituwal na pagkain upang maging “isang tao na lubos-ang-laki.” (Efeso 4:11-13) Kapag pinakakain natin nang wasto ang ating sarili ng nakapagpapalusog na espirituwal na pagkain, hindi na tayo tulad ng mahihinang sanggol, na walang-kakayahang alagaan ang ating sarili, anupat nabibiktima sa lahat ng uri ng panganib. (Efeso 4:14) Sa halip, lumalaki tayo tungo sa pagiging malalakas na may sapat na gulang, na may-kakayahang makipagbaka nang puspusan para sa pananampalataya dahil tayo ay “tinutustusan ng mga salita ng pananampalataya.”—1 Timoteo 4:6.
Totoo ba ito sa kalagayan mo? Lumaki ka na ba sa espirituwal na paraan? O tulad ka pa rin ng isang espirituwal na sanggol—mahina, lubusang nakadepende sa iba, at walang-kakayahang balikatin ang buong pananagutang Kristiyano? Mauunawaan naman, kakaunti sa atin ang agad na magsasabi na tayo ay tulad ng sanggol sa espirituwal na paraan, subalit angkop ang tapatang pagsusuri sa sarili. Ganiyan ang ilang pinahirang Kristiyano noong unang siglo. Bagaman sila sana ay naging “mga guro” na, na may-kakayahan at handang magturo sa iba tungkol sa sinasabi ng Salita ng Diyos, sumulat si apostol Pablo: “Kayo ay muling nangangailangan na may magturo sa inyo mula sa pasimula ng mga panimulang bagay ng mga sagradong kapahayagan ng Diyos; at kayo ay naging gaya ng nangangailangan ng gatas, hindi ng matigas na pagkain.” Kung nais mong lumaki sa espirituwal na paraan, linangin ang gana sa mabuti at matigas na pagkaing espirituwal. Huwag makontento sa pagkain ng espirituwal na sanggol!—Hebreo 5:12.
Kailangan din natin ang matigas na pagkaing espirituwal na ito upang kumpunihin ang anumang nasira ng mga pagsubok sa araw-araw na napapaharap sa atin sa isang masamang sanlibutan. Maaaring masaid ng mga ito ang ating espirituwal na lakas. Subalit mapananariwa ng Diyos ang lakas na iyan. Sinabi ni Pablo: “Hindi kami nanghihimagod, kundi kahit na ang pagkatao namin sa labas ay nanghihina, tiyak namang ang pagkatao namin sa loob ay nababago sa araw-araw.” (2 Corinto 4:16) Paano tayo “nababago sa araw-araw”? Sa isang paraan, sa regular na pagkain sa Salita ng Diyos sa pamamagitan ng personal at panggrupong pag-aaral ng Kasulatan at ng salig-Bibliyang mga publikasyon.
Pagkain Ukol sa Espirituwal na Lakas
Kailangan din ang pagkain “upang magdulot ng init at lakas.” Inilalaan ng pagkain ang gatong na kailangan upang magamit nang mahusay ang ating katawan. Kung di-mabuti ang ating pagkain, uunti ang ating lakas. Ang kawalan ng iron sa ating pagkain ay magpapadama sa atin ng kapaguran at kawalang-sigla. Ganiyan ba ang nadarama mo kung minsan pagdating sa espirituwal na gawain? Nahihirapan ka bang ganapin ang mga pananagutan na kaakibat ng pagiging isang Kristiyano? Ang ilang nag-aangking tagasunod ni Jesu-Kristo ay nanghihimagod sa paggawa ng mabuti, at wala silang lakas upang magtagal sa mga gawaing Kristiyano. (Santiago 2:17, 26) Kung napansin mo na totoo ito sa iyong kalagayan, ang malaking bahagi ng lunas ay maaaring nakasalalay sa pagpapasulong ng iyong espirituwal na pagkain o sa pagdaragdag ng iyong kinakain sa espirituwal.—Isaias 40:29-31; Galacia 6:9.
Huwag palilinlang sa paglinang ng di-mabuting mga kaugalian sa espirituwal na pagkain. Ang isa sa pinakamabibisang panlilinlang na ginagamit ni Satanas sa nagdaang mga siglo ay ang papaniwalain ang mga tao na hindi na sila kailangang bumasa ng Bibliya at kumuha ng tumpak na kaalaman mula rito. Ginagamit niya ang malaon nang taktika na ginamit ng lumulusob na mga hukbo upang masakop ang mga lunsod ng kaaway—pagkaitan sila ng pagkain at gutumin sila upang sumuko. Subalit pinasulong pa niya nang kaunti ang taktikang ito. Dinadaya niya yaong kaniyang “kinukubkob” na gutumin ang kanilang sarili samantalang napalilibutan sila ng gabundok na nakapagpapalusog na pagkaing espirituwal. Hindi nakapagtataka na marami ang nabibiktima sa kaniyang mga pagsalakay!—Efeso 6:10-18.
Pagkain Ukol sa Espirituwal na Kalusugan
Ang pangatlong dahilan kung kaya kailangan natin ang pagkain, sabi ng Food and Nutrition, ay ‘upang pangalagaan ang kalusugan ng katawan . . . at hadlangan ang sakit.” Ang pakinabang sa kalusugan ng mabuting pagkain ay hindi agad makikita. Kapag natapos tayong kumain nang mabuti, madalang nating isipin, ‘Malaki ang naidulot nitong kabutihan sa aking puso (o sa aking bato o sa aking kalamnan at mga iba pa).’ Gayunman, subukang huwag kumain sa loob ng mahabang panahon, at ang masasamang bunga sa iyong kalusugan ay mahahalata. Anong masasamang bunga? “Ang pinakakaraniwang epekto,” ang sabi ng isang akdang reperensiya sa medisina, “ay nakapipinsala: ang paghina ng katawan, pagkabigong labanan ang karaniwang impeksiyon, at kawalan ng lakas o sigla.” Ang nakakatulad na uri ng karamdaman sa espirituwal ay nakaapekto minsan sa sinaunang Israel. Ganito ang sinabi ng propetang si Isaias tungkol sa kanila: “Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina. Mula sa talampakan ng paa hanggang sa ulo ay walang ano mang magaling na bahagi.”—Isaias 1:5, 6.
Ang mabuting espirituwal na pagkain ay nagbibigay sa atin ng lakas upang labanan ang gayong espirituwal na karamdaman at ang masasamang bunga ng espirituwal na impeksiyon. Ang kaalaman buhat sa Diyos ay tumutulong sa atin na mapanatili ang isang mahusay na kalagayan sa espirituwal—kung pinag-aaralan natin ito! Sinabi ni Jesu-Kristo kung paanong ang karamihan sa mga tao noong kaniyang kaarawan ay hindi natuto sa kapabayaan ng kanilang mga ninuno kung tungkol sa wastong pagkain sa espirituwal. Sila man ay tumanggi sa mga katotohanan na kaniyang itinuturo. Ano ang resulta? Sinabi ni Jesus: “Ang puso ng bayang ito ay naging di-mapagtanggap, at sa kanilang mga tainga sila ay nakarinig nang walang pagtugon, at ipinikit nila ang kanilang mga mata; upang hindi nila kailanman makita ng kanilang mga mata at marinig ng kanilang mga tainga at makuha ang diwa nito ng kanilang mga puso at manumbalik, at mapagaling ko sila.” (Mateo 13:15) Hindi kailanman nakinabang ang karamihan sa nakapagpapagaling na kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Nanatili silang may sakit sa espirituwal. Maging ang ilang pinahirang Kristiyano ay naging “mahina at masasaktin.” (1 Corinto 11:30) Huwag nawa tayong magpamalas kailanman ng pagkasuklam sa espirituwal na pagkain na inilalaan ng Diyos.—Awit 107:20.
Espirituwal na Karumihan
Liban sa banta ng pagkagutom sa espirituwal, may isa pang panganib na kailangan nating malaman—ang uri ng ating pagkain mismo ay maaaring narumihan. Ang pagkain ng mga turo na nahawahan ng mapanganib na mga ideya ng mga demonyo ay madaling makalalason sa atin na gaya ng literal na pagkain na nabahiran ng mga mikrobyo o lason. (Colosas 2:8) Hindi laging madali na makilala ang nakalalasong pagkain. “Ang pagkain,” sabi ng isang awtoridad, “ay maaaring magmukhang nakapagpapalusog kung minsan at gayunman ay nagtataglay ng baktirya na nagdudulot ng sakit.” Kaya makabubuti sa atin na suriin ang pinagmumulan ng ating makasagisag na pagkain, na isinasaisip na ang ilang babasahin, gaya ng mga akda ng mga apostata, ay maaaring nahawahan ng ipinapasok na di-maka-Kasulatang mga turo at pilosopiya. Ang ilang tagapagproseso ng pagkain ay gumagamit pa nga ng nakapanlilinlang na etiketa upang dayain ang kanilang mga parokyano may kinalaman sa laman ng kanilang produkto. Tiyak na maaasahan natin na si Satanas, ang dakilang manlilinlang, ay gagawa rin ng gayon. Kung gayon, tiyakin na nakakakuha ka ng gayong makasagisag na pagkain mula sa mapagkakatiwalaang pinagmumulan, upang ikaw ay manatiling ‘malusog sa pananampalataya.’—Tito 1:9, 13.
Ganito ang sinabi ni Thomas Adams, isang ika-17-siglong mángangarál, tungkol sa mga tao noong kaniyang panahon: “Hinukay nila ang kanilang libingan sa pamamagitan ng kanilang mga ngipin.” Sa ibang salita, ang kanilang kinain ang siyang nakamatay sa kanila. Tiyakin na ang iyong kinakain sa espirituwal na paraan ay hindi makamamatay sa iyo. Hanapin ang suplay ng mabuting espirituwal na pagkain. “Ano’t kayo’y gugugol ng salapi sa hindi pagkain?” ang tanong ng Diyos na Jehova nang bumaling sa bulaang mga guro at propeta yaong nag-aangking kaniyang bayan. “Pakinggan ninyo akong mainam, at magsikain kayo ng mabuti, at makasumpong nawa ang inyong kaluluwa ng katangi-tanging kasiyahan sa katabaan mismo. Inyong ikiling ang inyong tainga at magsiparito kayo sa akin. Kayo’y magsipakinig, at ang inyong kaluluwa ay mananatiling buháy.”—Isaias 55:2, 3; ihambing ang Jeremias 2:8, 13.
Saganang Espirituwal na Pagkain
Tiyak na walang kakulangan sa mabuting espirituwal na pagkain. Gaya ng inihula ni Jesu-Kristo, siya ngayon ay may tapat at maingat na uring alipin na abala sa paglalaan ng “pagkain sa tamang panahon” para sa sinuman na nagnanais nito. (Mateo 24:45) Sa pamamagitan ni propeta Isaias, nangako si Jehova: “Narito! Ang aking mga lingkod ay magsisikain, ngunit kayo’y magugutom. . . . Ang aking mga lingkod ay hihiyaw nang may kagalakan dahil sa mabuting kondisyon ng puso.” Sa katunayan, ipinangangako niya ang isang kapistahan ng pagkain para sa mga nais kumain niyaon. “Si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na gagawa para sa lahat ng bayan . . . ng kapistahan ng mga pagkaing nilangisang mainam, ng kapistahan ng mga alak na laon, ng matatabang bagay na puno ng utak.”—Isaias 25:6; 65:13, 14.
Subalit isipin ito: Maaari tayong mamatay sa gutom sa isang kapistahan! Bagaman napalilibutan ng pagkain, maaaring labis pa rin tayong nagkukulang sa pagkain kung tayo ay hindi aktuwal na kikilos upang kumain nito. Ibinibigay ng Kawikaan 26:15 ang literal na paglalarawang ito: “Itinatago ng tamad ang kaniyang kamay sa mangkok ng kapistahan; siya ay totoong pagod upang dalhin ito pabalik sa kaniyang bibig.” Talagang nakapanghihinayang na situwasyon! Tayo ay maaari ring maging totoong tamad upang pilitin pa ang ating sarili sa personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos at ng mga publikasyon sa Bibliya na dinisenyo upang tulungan tayong magtamasa ng espirituwal na pagkain. O maaari tayong maging totoong pagod upang maghanda o makibahagi pa sa mga pulong ng mga Kristiyanong kongregasyon.
Mabuting Kaugalian sa Pagkain
Kung gayon, tayo ay may lahat ng dahilan upang paunlarin ang mabuting kaugalian sa espirituwal na pagkain. Gayunman, ang totoo ay na marami ang madalang kumain sa espirituwal, lubusan pa ngang ginugutom ng ilan ang kanilang sarili. Maaari silang matulad sa mga indibiduwal na hindi nakakakita sa kahalagahan ng isang wastong kaugalian sa pagkain hanggang sa kanilang pagdusahan ang masamang bunga nito sa dakong huli ng buhay. Ang Healthy Eating ay nagbibigay sa atin ng ganitong dahilan kung bakit maaaring hindi tayo maging maingat sa ating kaugalian sa pagkain, bagaman alam natin na napakahalaga sa buhay ang mabuting pagkain: “Ang problema ay na [bilang masamang bunga ng di-mabuting kaugalian sa pagkain] hindi agad nanghihina ang kalusugan, walang biglaang resulta na gaya ng kasunod na nangyayari sa walang-ingat na pagtawid sa lansangan. Sa halip, baka may napakabagal, di-halatang paghina sa kalusugan ng isa, anupat madaling nahahawa sa impeksiyon, baka higit na maging marupok ang mga buto, ang paghilom ng sugat at paggaling sa sakit ay maaaring maging mas mabagal.”
Sa malulubhang kaso ang isa ay maaaring matulad sa isang kabataang babae na may sakit na anorexia nervosa. Pinapaniniwala niya ang kaniyang sarili na kaunting pagkain lamang ang kailangan niya, na siya ay malusog naman, sa kabila ng katotohanan na siya ay nangangayayat. Sa dakong huli ay nawawalan na siya ng ganang kumain. “Iyan ay mapanganib na kalagayan,” ang sabi ng isang akdang reperensiya sa medisina. Bakit? “Bagaman ang pasyente ay bihirang mamatay dahil sa gutom siya ay lubhang nagkukulang sa pagkain at maaaring madaig ng dapat sana’y karaniwang impeksiyon lamang.”
Inamin ng isang Kristiyanong babae: “Maraming taon akong nakipagpunyagi sa pagkaalam na kailangan ang regular na paghahanda sa mga pagpupulong at personal na pag-aaral at gayunma’y hindi ko kailanman nagawa ito.” Sa wakas ay talagang gumawa siya ng mga pagbabago anupat siya ay naging mahusay na estudyante ng Salita ng Diyos, ngunit tangi lamang nang lubusan niyang matanto ang pagiging maselang ng kaniyang kalagayan.
Kung gayon, taimtim na ikapit ang payo na ibinigay ni apostol Pedro. Maging gaya ng “mga sanggol na bagong-silang,” at “magkaroon kayo ng pananabik sa di-nabantuang gatas na nauukol sa salita, upang sa pamamagitan nito ay lumaki kayo tungo sa kaligtasan.” (1 Pedro 2:2) Oo, ‘magkaroon ng pananabik’—maglinang ng masidhing hangarin—na punuin ang iyong isip at puso ng kaalaman ng Diyos. Ang mga may-gulang sa espirituwal ay kailangan din namang patuloy na maglinang ng gayong pananabik. Huwag hayaang ang espirituwal na pagkain ay maging ‘isa sa iyong mga tinatangkilik na labis na ginagamit sa maling paraan.’ Kumaing mabuti sa espirituwal, at makinabang nang lubusan mula sa lahat ng “nakapagpapalusog na mga salita” na masusumpungan sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.—2 Timoteo 1:13, 14.
[Larawan sa pahina 28]
Kailangan mo bang pagbutihin ang iyong pagkain?