Nehemias
5 Pero maraming inirereklamo ang mga lalaki at ang mga asawa nila laban sa mga kapatid nilang Judio.+ 2 May mga nagsasabi: “Marami kaming anak. Kailangan naming makakuha ng butil para makakain at manatiling buháy.” 3 Sinasabi naman ng iba: “Isinasangla namin* ang aming mga bukid, ubasan, at bahay para makakuha ng butil sa panahon ng taggutom.” 4 Inirereklamo ng iba: “Ginawa naming prenda* ang aming mga bukid at ubasan para makautang ng pambayad ng buwis* sa hari.+ 5 Magkakapatid* kami, at ang mga anak namin ay parang anak na rin nila; pero napipilitan kaming ipaalipin ang mga anak namin, at ang totoo, alipin na nga ang ilan sa mga anak naming babae.+ Pero wala kaming magawa dahil pag-aari na ng iba ang mga bukid at ubasan namin.”
6 Galit na galit ako nang marinig ko ang mga daing nila. 7 Kaya pinag-isipan kong mabuti ang problema at hinarap ko ang mga prominenteng tao at mga kinatawang opisyal. Sinabi ko sa kanila: “Bawat isa sa inyo ay nagpapahiram nang may interes* sa sarili ninyong kapatid.”+
Nagsaayos din ako ng isang malaking pagpupulong dahil sa kanila. 8 Sinabi ko sa kanila: “Sa abot ng aming makakaya, tinubos namin ang mga kapatid nating Judio na ipinagbili sa mga bansa; pero ngayon, bakit ibinebenta ninyo ang sarili ninyong mga kapatid?+ Kailangan din ba namin silang tubusin?” Kaya hindi sila nakaimik, at wala silang maidahilan. 9 Pagkatapos ay sinabi ko: “Mali ang ginagawa ninyo. Hindi ba dapat kayong mamuhay nang may takot sa Diyos+ para hindi tayo hamakin ng mga bansa, na mga kaaway natin? 10 Ako, ang mga kapatid ko, at ang mga tagapaglingkod ko ay nagpapahiram din sa kanila ng pera at butil pero walang interes. Kaya pakiusap, huwag na kayong magpahiram nang may interes.+ 11 Pakiusap, ibalik ninyo sa kanila sa mismong araw na ito ang kanilang mga bukid,+ ubasan, taniman ng olibo, at bahay, pati na ang interes* ng ipinahiram ninyong pera, butil, bagong alak, at langis.”
12 Kaya sinabi nila: “Ibabalik namin sa kanila ang mga iyon at wala kaming hihinging kapalit. Gagawin namin ang lahat ng sinabi mo.” Kaya tinawag ko ang mga saserdote at pinasumpa sa harap nila ang mga lalaking iyon* na tuparin ang pangakong ito. 13 Ipinagpag ko rin ang mga tupi* ng damit ko* at sinabi: “Sa ganitong paraan nawa ipagpag ng tunay na Diyos ang bawat tao mula sa kaniyang sariling bahay at mga pag-aari kung hindi siya tutupad sa pangakong ito, at sa ganitong paraan siya ipagpag at mawalan ng lahat ng pag-aari.” Kaya sumagot ang buong kongregasyon: “Amen!”* At pinuri nila si Jehova, at tinupad ng bayan ang pangako nila.
14 Bukod diyan, sa loob ng 12 taon mula nang araw na atasan ako ng hari na maging gobernador+ sa lupain ng Juda, mula nang ika-20 taon+ hanggang sa ika-32 taon+ ni Haring Artajerjes,+ ako at ang mga kapatid ko ay hindi kumain ng pagkain na para sa gobernador.+ 15 Pero ang mga dating gobernador ay naging pabigat sa mga tao at humihingi sila ng 40 siklong* pilak para sa kanilang tinapay at alak araw-araw. Ang mga tagapaglingkod nila ay nagpahirap din sa bayan. Pero hindi ko ginawa iyon+ dahil sa takot sa Diyos.+
16 Isa pa, ako at ang lahat ng tagapaglingkod ko ay tumulong sa pagtatayo ng pader na ito, at wala kaming kinuha na kahit isang bukid.+ 17 Kumakain sa aking mesa ang 150 Judio at kinatawang opisyal, pati na ang mga nanggaling sa ibang bansa. 18 Araw-araw, nagpapahanda ako* ng isang toro,* anim na piling tupa, at mga ibon, at tuwing ika-10 araw, nagpapahanda ako* ng maraming alak na iba’t ibang klase. Pero hindi ko hinihingi ang pagkain na para sa gobernador dahil nabibigatan na ang bayan sa mga gawaing nakaatang sa kanila. 19 Alalahanin mo ako at pagpalain,* O Diyos ko, dahil sa lahat ng ginawa ko para sa bayang ito.+