ARALIN 21
Binasa ang Kasulatan Nang May Wastong Pagdiriin
KAPAG nakikipag-usap ka sa iba tungkol sa mga layunin ng Diyos, maging sa pribado o mula sa plataporma, ang iyong pagtalakay ay dapat na nakasentro sa kung ano ang nasa Salita ng Diyos. Ito ay karaniwan nang nagsasangkot sa pagbabasa ng mga kasulatan mula sa Bibliya, na siyang nararapat na pagbutihin.
Ang Wastong Pagdiriin ay Nagsasangkot ng Damdamin. Ang mga Kasulatan ay dapat na basahin taglay ang damdamin. Isaalang-alang ang ilang halimbawa. Kapag iyong binabasa nang malakas ang Awit 37:11, dapat na ipakita ng iyong boses ang maligayang pag-aasam ng kapayapaan na ipinangako roon. Kapag iyong binabasa ang Apocalipsis 21:4 hinggil sa wakas ng pagdurusa at kamatayan, ang iyong tinig ay dapat na kakitaan ng buong-pusong pagpapahalaga sa inihulang kamangha-manghang kaginhawahan. Ang panawagan sa Apocalipsis 18:2, 4, 5, na lumabas mula sa tigib-ng-kasalanang “Babilonyang Dakila,” ay dapat na basahin taglay ang tono ng pagkaapurahan. Sabihin pa, dapat na ipahayag ang damdamin nang taos-puso subalit hindi labis. Ang wastong tindi ng emosyon ay natitiyak sa pamamagitan ng mismong teksto at sa paraan ng paggamit nito.
Idiin ang Wastong mga Salita. Kung ang mga komento mo sa isang talata ay nakasentro lamang sa isang bahagi nito, dapat mong itampok ang bahaging iyon kapag binabasa ang teksto. Halimbawa, kapag binabasa ang Mateo 6:33, hindi mo bibigyan ng pangunahing pagdiriin ang “kaniyang katuwiran” o ang “lahat ng iba pang mga bagay” kung ang binabalak mong suriin ay ang kahulugan ng “hanapin muna ang kaharian.”
Sa isang pahayag sa Pulong sa Paglilingkod, maaaring pinaplano mong basahin ang Mateo 28:19. Anong mga salita ang dapat mong idiin? Kung nais mong pasiglahin ang pagsisikap para sa pagpapasimula ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya, idiin ang “gumawa ng mga alagad.” Sa kabilang panig, kung pinaplano mong talakayin ang Kristiyanong pananagutan na ibahagi ang katotohanan sa Bibliya sa mga nandarayuhan o nais mong pasiglahin ang ilang mamamahayag na maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan, maaari mong idiin ang “mga tao ng lahat ng mga bansa.”
Kadalasan, ang isang kasulatan ay inihaharap bilang sagot sa isang tanong o bilang suhay sa isang pangangatuwiran na sa tingin ng iba ay kontrobersiyal. Kung ang bawat ideyang nasa teksto ay pare-pareho ang pagkakadiin, maaaring hindi makita ng iyong tagapakinig kung ano ang kaugnayan nito. Ang punto ay maaaring maliwanag para sa iyo subalit hindi para sa kanila.
Halimbawa, sa pagbabasa ng Awit 83:18 mula sa Bibliya na naglalaman ng banal na pangalan, kapag inilagay mo ang lahat ng pagdiriin sa pananalitang “ang Kataas-taasan,” maaaring hindi maintindihan ng may-bahay ang sa wari ay maliwanag na katotohanan na ang Diyos ay may personal na pangalan. Dapat mong idiin ang pangalang “Jehova.” Gayunman, kapag ginagamit mo ang kasulatan ding iyon sa isang pakikipag-usap tungkol sa soberanya ni Jehova, dapat mong bigyan ng pangunahing pagdiriin ang pananalitang “ang Kataas-taasan.” Gayundin, kapag ginagamit ang Santiago 2:24 upang ipakita ang kahalagahan na lakipan ng gawa ang pananampalataya, ang paglalagay ng pangunahing pagdiriin sa “ipahahayag na matuwid” sa halip na sa “mga gawa” ay maaaring maging dahilan upang hindi makuha ang punto ng ilang nakikinig sa iyo.
Isa pang nakatutulong na halimbawa ay masusumpungan sa Roma 15:7-13. Ito ay bahagi ng liham na isinulat ni apostol Pablo sa isang kongregasyong binubuo ng kapuwa mga Gentil at likas na mga Judio. Dito ay ipinangangatuwiran ng apostol na ang ministeryo ni Kristo ay nagbibigay ng kapakinabangan hindi lamang sa tuling mga Judio kundi maging sa mga tao ng mga bansa upang “luwalhatiin ng mga bansa ang Diyos dahil sa kaniyang awa.” Pagkatapos ay sinipi ni Pablo ang apat na kasulatan na umaakay ng pansin sa pagkakataong iyon para sa mga bansa. Paano mo babasahin ang mga pagsiping iyon upang maidiin ang puntong nasa isip ni Pablo? Kung minamarkahan mo ang idiriing mga pananalita, maaari mong itampok ang “mga bansa” sa talatang 9, “kayong mga bansa” sa talatang 10, “ninyong lahat na mga bansa” at “lahat ng mga bayan” sa talatang 11, at “mga bansa” sa talatang 12. Subuking basahin ang Roma 15:7-13 taglay ang gayong pagdiriin. Habang ginagawa mo iyon, ang buong balangkas ng pangangatuwiran ni Pablo ay magiging mas maliwanag at mas madaling maintindihan.
Mga Paraan ng Pagdiriin. Ang mga salitang nagdadala ng ideya na nais mong itampok ay maaaring idiin sa maraming paraan. Ang paraang gagamitin mo ay dapat na angkop sa kasulatan at sa lugar ng pahayag. Ang ilang mungkahi ay ibinibigay rito.
Pagdiriin ng boses. Nasasangkot dito ang anumang pagbabago sa boses na nagtatampok sa mga salitang nagdadala ng ideya mula sa iba pang bahagi ng pangungusap. Ang pagdiriin ay maaaring matamo sa pamamagitan ng pagbabago sa lakas ng tinig—alinman sa pagpapalakas nito o pagpapahina nito. Sa maraming wika, ang pagbabago sa pagtataas o pagbababa ng tono ay nakatutulong sa pagdiriin. Gayunman, sa ilang wika, maaaring lubos na baguhin nito ang kahulugan. Kapag binagalan ang pagbigkas sa mga susing pananalita, ito ay nagpapatindi sa bigat nito. Sa mga wikang hindi ipinahihintulot ang pagdiriin ng boses upang patingkarin ang partikular na mga salita, kakailanganing gawin kung ano ang kinagawian sa wikang iyon upang tamuhin ang ninanais na mga resulta.
Sandaling Paghinto. Ito ay maaaring gawin bago o pagkatapos ng pagbasa sa susing bahagi ng isang kasulatan—o pareho. Ang sandaling paghinto bago mo basahin ang isang pangunahing ideya ay lumilikha ng pananabik; ang paghinto pagkatapos ay nagpapalalim ng impresyon. Gayunman, kung masyadong marami ang paghinto, walang anuman ang mapatitingkad.
Pag-uulit. Maaari kang maglagay ng pagdiriin sa isang partikular na punto sa pamamagitan ng paghinto at saka pagbalik sa pagbasa sa salita o parirala. Ang paraan na kadalasa’y higit na mabuti ay ang kumpletohin ang teksto at pagkatapos ay ulitin ang susing pananalita.
Pagkumpas. Ang kilos ng katawan at ang ekspresyon ng mukha ay kadalasang nagbibigay ng karagdagang emosyon sa isang salita o sa isang parirala.
Tono ng boses. Sa ilang wika, ang mga salita kung minsan ay maaaring basahin sa tono na nakaiimpluwensiya sa kahulugan nito at nagpapatingkad sa mga ito. Muli, dito ay kailangang gumamit ng pang-unawa, lalo na sa paggamit ng pang-uuyam.
Kapag Iba ang Bumabasa ng mga Teksto. Kapag ang may-bahay ang bumabasa ng kasulatan, maaaring maidiin niya ang maling mga salita o kaya’y wala siyang maidiin. Kung gayon, ano ang maaari mong gawin? Karaniwan nang makabubuti na liwanagin ang kahulugan sa pamamagitan ng pagkakapit mo sa mga teksto. Pagkatapos gumawa ng pagkakapit, maaaring tuwiran mong ituon ang pantanging pansin sa mga salita sa Bibliya na nagdadala ng ideya.