Paghahanda ng mga Pahayag sa Kongregasyon
ANG programa ng Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo ay inihahanda sa kapakinabangan ng buong kongregasyon. Ang mahahalagang impormasyon ay inihaharap din sa iba pang mga pulong ng kongregasyon at gayundin sa mga asamblea at mga kombensiyon. Kung ikaw ay inatasan ng isang bahagi sa mga programang ito, ikaw ay binigyan ng isang mabigat na pananagutan. Hinimok ni apostol Pablo ang Kristiyanong tagapangasiwa na si Timoteo na laging magbigay ng pansin sa kaniyang turo. (1 Tim. 4:16) Yaong mga naroroon sa Kristiyanong mga pagtitipon ay naglaan ng mahalagang panahon—at ang ilan ay gumawa ng malaking pagsisikap—na dumalo upang tumanggap ng instruksiyon sa mga bagay na may kaugnayan sa kanilang relasyon sa Diyos. Ang pagbibigay ng gayong instruksiyon ay tunay na isang malaking pribilehiyo! Paano mo iyon maisasagawang mabuti?
Mga Tampok na Bahagi Mula sa Pagbabasa sa Bibliya
Ang bahaging ito ng paaralan ay batay sa pagbabasa sa Bibliya na iniatas para sa isang linggo. Dapat na idiin kung paanong ang materyal ay makaaapekto sa atin ngayon. Gaya ng iniulat sa Nehemias 8:8, si Ezra at ang kaniyang mga kasama ay hayagang bumabasa mula sa Salita ng Diyos, na ipinaliliwanag iyon, “binibigyan iyon ng kahulugan,” at ipinauunawa. Ang pagganap mo sa mga tampok na bahagi ng Bibliya ay nagbibigay sa iyo ng pagkakataong gawin din ang gayon.
Paano mo ihahanda ang gayong atas? Kung posible, basahin ang iniatas na bahagi ng Bibliya nang isang linggo o higit pa ang kaagahan. Pagkatapos ay isipin ang tungkol sa iyong kongregasyon at ang mga pangangailangan nito. Ipanalangin ito. Anong payo, anong mga halimbawa, anong mga simulain sa bahaging ito ng Salita ng Diyos ang makatutugon sa gayong mga pangangailangan?
Mahalaga ang pagsasaliksik. Mayroon bang indise sa katapusan ng taon sa Ang Bantayan sa inyong wika? Kung mayroon, gamiting mabuti ito. Sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa nakalathalang impormasyon tungkol sa mga talata na pinili mong pagtuunan ng pansin, maaaring makasumpong ka ng nagbibigay-liwanag na karagdagang materyal, mga paliwanag hinggil sa katuparan ng mga hula, mga pagsusuri sa kung ano ang isinisiwalat ng ilang teksto tungkol kay Jehova, o mga pagtalakay sa mga simulain. Huwag sikaping saklawin ang napakaraming punto. Magtuon ng pansin sa ilan lamang piniling mga talata. Mas mabuting saklawin ang ilan lamang talata at isagawa iyon nang mabuti.
Ang iyong atas ay maaaring humiling din ng pag-aanyaya sa tagapakinig na magkomento kung paano sila nakinabang mula sa pagbabasa sa Bibliya sa linggong iyon. Ano ang kanilang nasumpungan na pakikinabangan nila sa kanilang personal at pampamilyang pag-aaral o sa kanilang ministeryo o paraan ng pamumuhay? Anong mga katangian ni Jehova ang nahayag sa kaniyang pakikitungo sa mga tao at sa mga bansa? Ano ang natutuhan ng tagapakinig na nagpalakas sa kanilang pananampalataya at nagpatibay sa kanilang pagpapahalaga kay Jehova? Huwag masyadong gugulan ng panahon ang mga detalyado at komplikadong punto. Idiin ang kahulugan at praktikal na kahalagahan ng mga napiling punto.
Pahayag na Nagtuturo
Ito ay salig sa inilathalang materyal, tulad ng isang artikulo sa Ang Bantayan o Gumising! o kaya’y sa isang bahagi ng isang aklat. Sa maraming kaso, napakarami ng materyal para sa itinakdang oras. Paano mo isasagawa ang atas? Bilang isang guro, hindi bilang isa na sumasaklaw lamang ng materyal. Ang isang tagapangasiwa ay dapat na “kuwalipikadong magturo.”—1 Tim. 3:2.
Pasimulan ang iyong paghahanda sa pamamagitan ng pag-aaral sa iniatas na materyal. Hanapin ang mga kasulatan. Magbulay-bulay. Pagsikapang gawin iyon nang maaga bago ang petsa ng iyong pahayag. Tandaan na pinasisigla ang mga kapatid na patiunang basahin ang inilathalang materyal na siyang saligan ng pahayag. Ang iyong atas ay hindi lamang upang repasuhin o paikliin ito kundi upang ipakita kung paano ikakapit ito. Gamitin ang angkop na mga bahagi ng materyal sa paraang tunay na pakikinabangan ng kongregasyon.
Kung paanong ang bawat bata ay may sariling personalidad, ang bawat kongregasyon ay may namumukod na mga katangian. Ang magulang na mabisang nagtuturo ay hindi lamang basta nagkukuwento ng mga alituntunin sa moral sa kaniyang anak. Gumagamit siya ng pangangatuwiran sa bata. Isinasaalang-alang niya ang personalidad ng bata at ang mga suliraning kinakaharap ng bata. Sa katulad na paraan, pinagsisikapan ng mga guro sa kongregasyon na maunawaan at matugunan ang mga pangangailangan ng grupong kaniyang pinagsasalitaan. Gayunman, ang isang gurong may unawa ay iiwas sa paggamit ng mga halimbawa na magdudulot ng kahihiyan sa sinumang nakikinig. Ipakikita niya ang mga kapakinabangang tinatamasa bilang resulta ng paglakad sa daan ni Jehova at itatampok ang payo mula sa Kasulatan na makatutulong sa kongregasyon na mapagtagumpayan ang mga suliraning napapaharap sa kanila.
Ang mabuting pagtuturo ay nakasasaling sa puso ng tagapakinig. Kailangan nito hindi ang basta pagsasabi lamang ng mga katotohanan kundi ang pagpapatibay rin ng pagpapahalaga sa kung ano ang tinutukoy ng mga ito. Kailangan nito ang tunay na pagkabahala sa mga tinuturuan. Dapat na makilala ng espirituwal na mga pastol ang kawan. Kapag maibigin nilang isinasaisip ang mga suliranin na kinakaharap ng iba’t ibang miyembro, sila’y makapagsasalita nang nakapagpapatibay-loob, na nagpapakita ng kaunawaan, habag, at empatiya.
Gaya ng alam ng mabibisang guro, ang isang pahayag ay dapat na may maliwanag na tunguhin. Ang materyal ay dapat na iharap sa paraan na ang mga susing punto ay mapalilitaw at matatandaan. Dapat na matandaan ng tagapakinig ang praktikal na mga ideya na makaaapekto sa kanilang buhay.
Pulong sa Paglilingkod
Kapag nagbibigay ka ng isang pahayag salig sa isang artikulo sa Ating Ministeryo sa Kaharian, ang hamon ay medyo naiiba. Dito ay masusumpungan mo na kalimitang inaatasan ka upang lubusang itawid sa tagapakinig kung ano ang nasa inilaang reperensiya, hindi upang piliin kung ano ang pinakanaaangkop. Tulungan ang tagapakinig na mangatuwiran sa mga kasulatan na siyang saligan ng anumang ibinigay na payo. (Tito 1:9) Limitado lamang ang panahon, na sa karamihang kaso ay hindi nagpapahintulot para sa karagdagang materyal.
Sa kabilang panig, maaaring atasan kang magharap ng materyal na ang artikulo ay hindi lumilitaw sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Ang reperensiya ay maaaring makuha sa isang artikulo ng Bantayan, o ang atas ay maaaring binubuo lamang ng ilang maiikling nota. Bahala ka bilang isang guro na magsaalang-alang sa mga pangangailangan ng kongregasyon may kinalaman sa iniatas na materyal. Baka kakailanganin mong gumamit ng isang maikli, tuwirang ilustrasyon o maglahad ng isang angkop na karanasan. Tandaan na ang iyong atas ay hindi lamang upang magsalita hinggil sa paksa kundi upang gampanan ito sa paraang makatutulong sa kongregasyon sa pagsasagawa ng gawaing itinakda ng Salita ng Diyos at upang makasumpong ng kagalakan sa pagsasagawa nito.—Gawa 20:20, 21.
Habang inihahanda mo ang iyong atas, isipin ang mga kalagayan ng mga bumubuo sa kongregasyon. Papurihan sila sa kung ano na ang kanilang ginagawa. Paanong ang pagkakapit ng mga mungkahing ibinigay sa atas na materyal ay makapagdaragdag sa kanilang kasanayan at kagalakan sa ministeryo?
Ang iyo bang atas ay humihiling ng isang pagtatanghal o ng isang panayam? Kung gayon, dapat na ito’y isaplanong mabuti nang patiuna. Baka matukso kang ipaubaya na lamang sa iba ang pag-aayos nito, subalit hindi ito laging nagdudulot ng pinakamabubuting resulta. Hangga’t maaari, insayuhin ang pagtatanghal o ang panayam bago ang araw ng pulong. Tiyaking ang parteng ito sa iyong bahagi ay magagampanan sa paraang tunay na magbibigay-buhay sa instruksiyong ibinibigay.
Mga Asamblea at mga Kombensiyon
Ang mga kapatid na nagkakaroon ng maiinam na katangiang espirituwal at nagiging mabibisang pangmadlang tagapagsalita at guro ay maaaring hilingang makibahagi sa programa sa isang asamblea o sa isang kombensiyon pagsapit ng panahon. Ang mga ito ay tunay na pantanging mga okasyon para sa teokratikong edukasyon. Ang gayong atas ay maaaring isang manuskrito, isang balangkas, mga instruksiyon para sa isang drama sa Bibliya na may makabagong-panahong aplikasyon, o isa lamang parapo ng mga instruksiyon. Kung ikaw ay nagkapribilehiyong maglingkod sa gayong programa, maingat na pag-aralan ang materyal na ibinigay sa iyo. Ulit-ulitin ito hanggang sa maunawaan mo ang kahalagahan nito.
Dapat basahin niyaong mga inatasan ng manuskritong pahayag ang materyal nang salita por salita. Hindi nila binabago ang mga salita o muling isinasaayos ang materyal. Pinag-aaralan nila ito upang maunawaang mabuti kung ano ang mga pangunahing punto at kung paano binuo ang mga ito. Nag-iinsayo sila sa pagbasa nang malakas hanggang sa maiharap nila ang pahayag taglay ang wastong pagdiriin ng diwa, kasiglahan, init, damdamin, alab, at kombiksiyon, pati na ang lakas ng tinig at tindi na angkop sa maraming tagapakinig.
Ang mga kapatid na inatasan ng isang balangkas na pahayag ay may pananagutang buuin ang kanilang materyal sa paraang lubusang kasuwato ng balangkas. Sa halip na basahin ang balangkas sa panahon ng pahayag o ihanda ito tulad ng manuskrito, dapat na iharap ng tagapagsalita ang materyal nang ekstemporanyo, mula sa puso. Mahalagang sundin ang itinakdang oras na nasa balangkas upang maiharap nang maliwanag ang bawat pangunahing punto. Dapat na gamiting mabuti ng tagapagsalita ang mga ideya at mga kasulatang nakalista sa ilalim ng mga pangunahing punto. Hindi siya dapat magpasok ng karagdagang mga puntong gusto niya anupat inaalis ang mga puntong nasa balangkas. Sabihin pa, ang saligan ng instruksiyon ay ang Salita ng Diyos. Ang pananagutan ng Kristiyanong matatanda ay ang ‘ipangaral ang salita.’ (2 Tim. 4:1, 2) Kaya ang isang tagapagsalita ay dapat magbigay ng pantanging pansin sa mga kasulatan sa balangkas—na nangangatuwiran sa mga ito at gumagawa ng pagkakapit ng mga ito.
Huwag Magpaliban
Ikaw ba ay naglilingkod sa isang kongregasyon kung saan marami ang pagkakataong makapagsalita? Paano mo mabibigyan ng sapat na atensiyon ang lahat ng ito? Iwasan na maghanda ng iyong mga bahagi sa huling sandali.
Ang mga pahayag na tunay na kapaki-pakinabang sa kongregasyon ay nangangailangan ng sapat na patiunang pag-iisip. Kaya, ugaliing basahin kaagad ang materyal pagkatanggap mo ng bawat atas. Ito’y magpapangyari na mabulay-bulay mo ito habang ginagawa mo ang iba pang mga gawain. Sa mga araw o mga linggo bago ang iyong pahayag, maaaring makarinig ka ng mga komento na tutulong sa iyo upang makita kung paano maikakapit na mabuti ang impormasyon. Maaaring lumitaw ang mga kalagayan na magpapakita ng pagiging napapanahon nito. Ang pagbabasa at pag-iisip ng iyong atas pagkatanggap mo nito ay nangangailangan ng panahon, subalit sulit naman ang panahong ginugol dito. Kapag sa dakong huli ay umupo ka upang buuin ang balangkas, aanihin mo ang mga kapakinabangan ng patiunang pag-iisip hinggil dito. Malaki ang mababawas na kaigtingan sa paghahanda ng mga atas sa ganitong paraan at makatutulong sa iyo na maiharap ang materyal sa paraang praktikal at umaabot sa puso ng mga nasa kongregasyon.
Depende sa laki ng iyong pagpapahalaga sa kaloob na ipinagkatiwala sa iyo may kaugnayan sa programa ng edukasyon ni Jehova para sa kaniyang bayan, mapararangalan mo siya at ikaw ay magiging isang pagpapala para sa mga umiibig sa kaniya.—Isa. 54:13; Roma 12:6-8.