ARALIN 37
Itinampok ang mga Pangunahing Punto
ANO ang mga pangunahing punto ng isang pahayag? Ang mga ito ay hindi basta mga interesanteng aspekto na pahapyaw na binabanggit. Ang mga ito ay mahahalagang ideya na binubuo nang detalyado. Ang mga ito ay mga ideya na lubhang kailangan upang matamo ang iyong tunguhin.
Ang isang susi upang maitampok ang mga pangunahing punto ay ang matalinong pagpili at pag-oorganisa mo ng materyal. Ang pagsasaliksik para sa isang pahayag ay kadalasang nagbubunga ng mas maraming impormasyon kaysa sa maaaring gamitin. Paano mo matitiyak kung anong impormasyon ang gagamitin?
Una, isaalang-alang ang iyong tagapakinig. Sila ba ay halos walang alam sa iyong paksa, o sila ba ay ganap na pamilyar dito? Ang karamihan ba sa kanila ay sumasang-ayon sa sinasabi ng Bibliya hinggil dito, o ang ilan ba sa kanila ay medyo nag-aalinlangan? Anong uri ng mga hamon ang napapaharap sa kanila sa pang-araw-araw na buhay kapag pinagsisikapan nilang ikapit ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paksa? Ikalawa, tiyakin mong maliwanag sa isip ang iyong tunguhin sa pagsasalita sa tagapakinig na iyon sa paksang pinaplano mong gamitin. Sa paggamit ng dalawang panuntunang ito, suriin ang materyal at panatilihin lamang kung ano ang talagang naaangkop.
Kapag binigyan ka ng isang saligang balangkas na may tema at mga pangunahing punto, dapat mong sundin ito. Gayunman, ang kahalagahan ng iyong ihaharap ay madaragdagan nang malaki kung iingatan mo sa isip ang mga salik sa itaas kapag binubuo mo ang bawat pangunahing punto. Kapag walang ibinigay na balangkas, bahala ka nang pumili ng mga pangunahing punto.
Kapag taglay mo nang maliwanag sa isip ang iyong mga pangunahing punto at naorganisa na ang mga detalye sa ilalim ng mga ito, magiging mas madali para sa iyo na maibigay ang pahayag. Malamang na malaki rin ang matututuhan ng iyong tagapakinig mula rito.
Iba’t Ibang Paraan ng Pag-oorganisa ng Iyong Materyal. Maaaring sundin ang iba’t ibang paraan ng pag-oorganisa sa katawan ng iyong pahayag. Habang nagiging pamilyar ka na sa mga ito, masusumpungan mong ang ilan sa mga ito ay maaaring maging mabisa, depende sa iyong layunin.
Ang isang madaling maibagay na paraan ay yaong hinati-hati sa iba’t ibang topiko. (Ang bawat pangunahing punto ay kailangan sapagkat ito ay nagbibigay ng karagdagang unawa sa iyong mga tagapakinig hinggil sa paksa o nakatutulong upang matamo ang layunin ng iyong pahayag.) Ang isa pang paraan ay yaong ayon sa kronolohiya. (Halimbawa, ang mga pangyayari bago ang Baha ay maaaring sundan ng mga pangyayari bago mawasak ang Jerusalem noong 70 C.E., na maaari namang sundan ng mga pangyayari sa ating panahon.) Ang ikatlong paraan ay ang sanhi at epekto. (Ito ay maaaring buuin sa alinmang direksiyon. Halimbawa, maaari kang magsimula sa isang kasalukuyang pangyayari, ang epekto, at pagkatapos ay ipakita ang sanhi.) Ang ikaapat na paraan ay may kinalaman sa mga bagay na magkasalungat. (Maaari mong ipakita ang pagkakaiba ng mabuti sa masama o ng positibo sa negatibo.) Kung minsan ay mahigit pa sa isang paraan ang ginagamit sa isang pahayag.
Nang si Esteban ay may-kabulaanang pinaratangan sa harapan ng Judiong Sanedrin, siya ay nagbigay ng isang mariing pahayag na binalangkas ayon sa kronolohiya. Habang binabasa mo ito sa Gawa 7:2-53, pansinin na may layunin ang pagpili ng mga punto. Nilinaw muna ni Esteban na siya ay naglalahad ng kasaysayan na hindi maikakaila ng kaniyang tagapakinig. Pagkatapos ay tinukoy niya na bagaman si Jose ay itinakwil ng kaniyang mga kapatid, ginamit siya ng Diyos upang maglaan ng kaligtasan. Saka, ipinakita niya na naging masuwayin ang mga Judio kay Moises, na ginagamit ng Diyos. Siya ay nagtapos sa pagdiriin na ang espiritung katulad ng ipinamalas ng mga Judio ng naunang mga salinlahi ang siyang ipinakita niyaong mga nagpapatay kay Jesu-Kristo.
Huwag Gumamit ng Napakaraming Pangunahing Punto. Iilang punto lamang ang kailangan sa pagbuo ng anumang tema. Sa karamihang kaso, ang mga ito ay mabibilang sa isang kamay. Totoo ito ikaw man ay magsasalita sa loob ng 5 minuto, 10 minuto, 30 minuto, o higit pa. Iwasan ang pagtatampok ng napakaraming punto. Kakaunti lamang sa iba’t ibang ideya ang kayang masakyan ng iyong tagapakinig sa isang pahayag. At mentras mahaba ang pahayag, lalo namang dapat gawing empatiko at higit na malinaw ang mga susing punto.
Gaano man karaming pangunahing punto ang gamitin mo, tiyaking mabuo nang sapat ang bawat isa. Bigyan ng sapat na panahon ang tagapakinig upang masuri ang bawat pangunahing punto nang sa gayon ay maikintal ito nang lubusan sa kanilang isip.
Dapat na simple ang maging impresyon sa iyong pahayag. Ito’y hindi laging depende sa dami ng materyal na iniharap. Kung ang mga ideya mo ay maliwanag na natipon sa ilalim ng ilan lamang pangunahing uluhan at binuo mo ito nang isa-isa, ang pahayag ay madaling masusundan at hindi kaagad malilimutan.
Itampok ang Iyong mga Pangunahing Punto. Kapag wastong naisaayos ang iyong materyal, hindi magiging mahirap na patingkarin ang kahalagahan ng iyong mga pangunahing punto sa pamamagitan ng iyong pagpapahayag.
Ang prinsipal na paraan upang maitampok ang isang pangunahing punto ay ang magharap ng mga puntong nagpapatotoo, mga kasulatan, at iba pang materyal upang maituon ng mga ito ang pansin sa pangunahing ideya at mapalawak ito. Ang lahat ng mga pangalawahing punto ay dapat na magpaliwanag, magpatunay, o magpalawak sa pangunahing punto. Huwag idagdag ang walang kaugnayang mga ideya dahil lamang sa kapana-panabik ang mga ito. Habang binubuo mo ang mga pangalawahing punto, ipakita nang maliwanag ang kaugnayan ng mga ito sa pangunahing punto na sinusuportahan ng mga ito. Huwag ipaubaya sa tagapakinig ang paggawa nito. Ang kaugnayan ay maaaring ipakita sa pamamagitan ng pag-uulit ng mga susing salita na nagpapahayag ng pangunahing ideya o sa pamamagitan ng paminsan-minsang pag-uulit sa pinakabuod ng pangunahing punto mismo.
Itinatampok ng ilang tagapagsalita ang mga pangunahing punto sa pamamagitan ng paglalagay ng numero sa mga ito. Bagaman iyon ay isang paraan upang itampok ang mga pangunahing punto, hindi nito dapat palitan ang maingat na pagpili at lohikal na pagbuo mismo ng materyal.
Maaaring mas gusto mong banggitin lamang ang iyong pangunahing punto sa pasimula bago mo iharap ang sumusuportang argumento. Ito ay makatutulong sa tagapakinig na makita ang kahalagahan ng kung ano ang susunod, at ito ay makapagdiriin din sa pangunahing puntong iyon. Maaari mong patibayin ang punto sa pamamagitan ng pagbibigay ng buod nito pagkatapos na ito ay ganap na mabuo.
Sa Ministeryo sa Larangan. Ang mga simulaing tinalakay sa itaas ay kumakapit hindi lamang sa pormal na mga diskurso kundi sa mga pakikipag-usap mo rin sa ministeryo sa larangan. Kapag naghahanda, isaalang-alang ang anumang natatanging pangyayari na nasa isip ng mga tao sa lugar na iyon. Pumili ng tema na magbibigay ng pagkakataon upang ipakita kung paanong ang pag-asa na iniaalok ng Bibliya ang lulutas sa pangyayaring iyon. Maaari kang pumili ng dalawang pangunahing punto upang buuin ang temang iyon. Tiyakin kung aling mga kasulatan ang gagamitin mo upang suportahan ang mga puntong iyon. Pagkatapos ay planuhin kung paano mo pasisimulan ang iyong pagtalakay. Ang gayong paghahanda ay magpapahintulot sa anumang pakikibagay na kailangang gawin sa pag-uusap. Ito ay tutulong din sa iyo na maglahad ng punto na matatandaan ng mga may-bahay.