ARALIN 49
Paggamit ng Mahuhusay na Argumento
KAPAG may sinasabi ka, ang iyong mga tagapakinig ay may katuwirang magtanong: “Bakit masasabing totoo iyan? Ano ba ang patotoo para tanggapin ang sinasabi ng tagapagsalita?” Bilang isang guro, may pananagutan kang sagutin ang gayong mga katanungan o kaya’y tulungan ang iyong mga tagapakinig na makita ang mga kasagutan. Kung ang punto ay mahalaga sa iyong argumento, tiyakin mong bigyan ang iyong mga tagapakinig ng matitibay na dahilan upang tanggapin iyon. Ito ay makatutulong upang gawing nakapanghihikayat ang iyong presentasyon.
Si apostol Pablo ay gumamit ng panghihikayat. Sa pamamagitan ng mahusay na argumento, lohikal na pangangatuwiran, at taimtim na pamamanhik, sinikap niyang baguhin ang kaisipan ng mga pinagpapahayagan niya. Siya ay naglaan ng isang mainam na halimbawa para sa atin. (Gawa 18:4; 19:8) Sabihin pa, ang ilang mahuhusay na orador ay gumagamit ng panghihikayat upang iligaw ang mga tao. (Mat. 27:20; Gawa 14:19; Col. 2:4) Baka sila magsimula sa isang maling palagay, manalig sa mga impormasyong may kinikilingan, gumamit ng mababaw na mga pangangatuwiran, ipagwalang-bahala ang mga katotohanan na hindi pabor sa kanilang pangmalas, o kaya’y umakit sa emosyon sa halip na sa katuwiran. Tayo ay dapat na maging maingat upang maiwasan ang lahat ng gayong pamamaraan.
Matatag na Nakasalig sa Salita ng Diyos. Ang ating itinuturo ay hindi dapat na manggaling sa ating sarili. Sinisikap nating ibahagi sa iba kung ano ang ating natututuhan mula sa Bibliya. Dito, malaki ang naitulong sa atin ng mga publikasyon ng uring tapat at maingat na alipin. Ang mga publikasyong ito ay nagpapasigla sa atin na maingat na suriin ang Kasulatan. Sa kabilang panig, inaakay natin ang iba sa Bibliya, hindi upang patunayan na tayo ay tama, kundi tanging sa layunin na makita nila sa ganang sarili kung ano ang sinasabi nito. Sumasang-ayon tayo kay Jesu-Kristo, na nagsabi sa kaniyang Ama sa panalangin: “Ang iyong salita ay katotohanan.” (Juan 17:17) Wala nang mas mataas na awtoridad kaysa sa Diyos na Jehova, ang Maylalang ng langit at lupa. Ang kahusayan ng ating mga argumento ay depende sa pagkakasalig ng mga ito sa kaniyang Salita.
Kung minsan ay maaaring makipag-usap ka sa mga taong hindi pamilyar sa Bibliya o hindi kumikilala rito bilang ang Salita ng Diyos. Dapat kang gumawa ng mabuting pagpapasiya kung kailan at kung paano mo ipapasok ang mga teksto sa Bibliya. Subalit dapat mong pagsikapang akayin ang kanilang pansin sa kapani-paniwalang bukal na iyon ng impormasyon sa lalong madaling panahon.
Dapat mo bang isipin na ang basta pagsipi lamang ng isang angkop na kasulatan ay makapaghaharap na ng isang di-matututulang argumento? Hindi lagi. Baka kailangan mong akayin ang pansin sa konteksto upang ipakita na talagang sinusuportahan ng kasulatan ang iyong sinasabi. Kung ikaw ay kumukuha lamang ng isang simulain mula sa isang kasulatan at ang konteksto ay hindi tumatalakay sa paksang iyon, higit pang katibayan ang maaaring kailanganin. Baka kailangang gumamit ka ng iba pang mga kasulatan na tumatalakay sa bagay na iyon upang makumbinsi ang iyong tagapakinig na ang iyong sinasabi ay talagang matatag na nakasalig sa Kasulatan.
Iwasang dagdagan ng kahulugan ang gustong patunayan ng kasulatan. Maingat na basahin ito. Ang teksto ay maaaring may kinalaman sa pangkalahatang paksa na iyong tinatalakay. Subalit, upang maging nakapanghihikayat ang iyong argumento, dapat makita ng iyong tagapakinig na pinatutunayan nito kung ano ang sinasabi mo.
Suportado ng Karagdagang Ebidensiya. Sa ilang kaso, baka makabubuting gumamit ng ebidensiya mula sa isang mapagkukunan ng kapani-paniwalang impormasyon na labas sa Bibliya na makatutulong sa mga tao na mapahalagahan ang pagiging makatuwiran ng Kasulatan.
Halimbawa, maaari mong ituro ang nakikitang uniberso bilang patotoo na may isang Maylalang. Maaari mong akayin ang pansin sa mga batas ng kalikasan, gaya ng grabidad, at ipangatuwiran na ang pag-iral ng gayong mga batas ay nangangahulugan na may isang Tagapagbigay-batas. Ang iyong lohika ay magiging mahusay kung ito ay kasuwato ng sinasabi ng Salita ng Diyos. (Job 38:31-33; Awit 19:1; 104:24; Roma 1:20) Ang gayong ebidensiya ay nakatutulong sapagkat ipinakikita nito na ang sinasabi ng Bibliya ay kaayon ng nakikitang mga katotohanan.
Pinagsisikapan mo bang tulungan ang isa upang makilala na ang Bibliya ay talagang Salita ng Diyos? Maaari mong sipiin ang mga iskolar na nagsasabing gayon nga, subalit iyon ba ay nagpapatunay nito? Ang gayong mga pagsipi ay makatutulong lamang sa mga tao na may respeto sa mga iskolar na iyon. Maaari mo bang gamitin ang siyensiya upang patunayan na ang Bibliya ay totoo? Kung gagamitin mo ang mga opinyon ng di-sakdal na mga siyentista bilang iyong awtoridad, magtatayo ka sa isang mabuway na pundasyon. Sa kabilang panig, kung magpapasimula ka sa Salita ng Diyos at pagkatapos ay ipakikita ang mga natuklasan ng siyensiya na nagtatampok sa katumpakan ng Bibliya, ang iyong mga argumento ay maitatatag sa isang mahusay na pundasyon.
Anuman ang nais mong patunayan, magharap ng sapat na ebidensiya. Ang dami ng kakailanganing ebidensiya ay depende sa iyong tagapakinig. Halimbawa, kapag tinatalakay mo ang mga huling araw gaya ng paglalarawan sa 2 Timoteo 3:1-5, maaari mong itawag-pansin sa iyong tagapakinig ang isang malaganap na balita na nagpapakitang ang mga tao ay “walang likas na pagmamahal.” Ang isang halimbawang ito ay baka sapat na upang patunayan na ang aspektong ito ng tanda ng mga huling araw ay natutupad na ngayon.
Ang isang analóhiya—paghahambing ng dalawang bagay na kapuwa nagtataglay ng ilang mahahalagang aspekto—ay kadalasan nang makatutulong. Ang analóhiya sa ganang sarili ay hindi nagpapatunay sa isang bagay; ang katumpakan nito ay kailangang mapatunayan batay sa sinasabi mismo ng Bibliya. Subalit ang analóhiya ay makatutulong sa isang tao upang makita ang pagiging makatuwiran ng isang ideya. Halimbawa, ang analóhiya ay maaaring gamitin kapag ipinaliliwanag na ang Kaharian ng Diyos ay isang pamahalaan. Maaari mong ipakita na tulad ng mga pamahalaan ng tao, ang Kaharian ng Diyos ay may mga tagapamahala, mga sakop, mga batas, isang sistema ng hukuman, at isang sistema ng edukasyon.
Ang mga karanasan sa tunay na buhay ay kadalasang magagamit upang ipakita ang karunungan ng pagkakapit sa payo ng Bibliya. Ang personal na mga karanasan ay maaari ring gamitin upang suportahan ang mga puntong binanggit. Halimbawa, kapag ipinakikita mo sa isang tao ang kahalagahan ng pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya, maaaring ipaliwanag mo kung paano bumuti ang iyong buhay sa paggawa niyaon. Upang mapatibay ang kaniyang mga kapatid, tinukoy ni apostol Pedro ang pagbabagong-anyo, na nasaksihan niya mismo. (2 Ped. 1:16-18) Binanggit din ni Pablo ang kaniyang sariling mga karanasan. (2 Cor. 1:8-10; 12:7-9) Sabihin pa, dapat mong limitahan ang paggamit ng iyong sariling mga karanasan upang hindi mo maibaling ang labis na pansin sa iyong sarili.
Yamang ang mga tao ay magkakaiba ng pinagmulan at iniisip, ang ebidensiya na nakakukumbinsi sa isang tao ay maaaring hindi naman makasasapat sa iba. Kaya, isaalang-alang ang mga pangmalas ng iyong mga tagapakinig kapag nagpapasiya kung aling mga argumento ang iyong gagamitin at kung paano mo ihaharap ang mga iyon. Ang Kawikaan 16:23 ay nagsasabi: “Pinangyayari ng puso ng marunong na ang kaniyang bibig ay magpakita ng kaunawaan, at sa kaniyang mga labi ay nagdaragdag ito ng panghikayat.”