ARALIN 31
Pagpapakita ng Paggalang sa Iba
ANG Kasulatan ay nagsasabi sa atin na “parangalan ang lahat ng uri ng mga tao” at “huwag magsalita nang nakapipinsala tungkol sa kaninuman.” (1 Ped. 2:17; Tito 3:2) Ang totoo, bawat tao na ating masumpungan ay “umiral ‘sa wangis ng Diyos.’ ” (Sant. 3:9) Namatay si Kristo para sa bawat tao. (Juan 3:16) At lahat ay karapat-dapat na makarinig ng mabuting balita anupat kumilos salig dito at maligtas. (2 Ped. 3:9) Ang ilang tao ay may mga katangian o awtoridad na karapat-dapat sa pantanging pagpipitagan.
Bakit mabibigyang-dahilan ng ilang tao ang hindi nila pagpapakita ng uri ng paggalang na hinihiling ng Bibliya? Ang lokal na kultura ay maaaring nagdidikta kung sino ang karapat-dapat sa paggalang salig sa liping panlipunan, kulay, kasarian, kalusugan, edad, kayamanan, o katayuan sa lipunan. Dahil sa laganap na katiwalian ng mga opisyal sa pamahalaan ay nawawala ang paggalang sa awtoridad. Sa ilang lupain ang mga tao ay hindi nasisiyahan sa kanilang buhay, marahil ay nagtatrabaho ng mahabang oras upang magkaroon lamang ng pangunahing pangangailangan, at sila’y napalilibutan ng mga taong hindi kinakikitaan ng paggalang. Ang mga kabataan ay nakararanas ng panggigipit ng mga kasamahan upang sumali sa paghihimagsik laban sa kinayayamutang mga guro at iba pang mga awtoridad. Marami ang naimpluwensiyahan ng paglalarawan ng telebisyon hinggil sa mga batang nanlilinlang at nangingibabaw sa kanilang mga magulang. Malaking pagsisikap ang kailangan upang huwag maapektuhan ng gayong makalamang mga ideya ang ating pagpipitagan sa iba. Subalit, kapag pinag-uukulan natin ng dignidad ang mga tao, ito’y lumilikha ng kaayaayang kalagayan na dahil dito’y nagiging mas madali ang pagpapalitan ng mga ideya.
Magalang na Paglapit. Ang isang taong nagsasagawa ng relihiyosong gawain ay inaasahang magpapakita ng paggalang sa pamamagitan ng pananamit at pagkilos nang naaangkop. Ang pangmalas sa kung ano ang angkop na kagandahang-asal ay nagkakaiba-iba sa iba’t ibang dako. Itinuturing ng iba na kawalang-galang ang paglapit sa ibang tao nang nakasumbrero o nakapamulsa ang isang kamay. Sa ibang dako, maaaring hindi magiging problema sa mga tao ang gayong mga ugali. Isaalang-alang ang lokal na damdamin ng mga tao upang hindi makasakit. Ang paggawa nito ay makatutulong sa iyo upang maiwasan ang mga balakid sa iyong mabisang paghahayag ng mabuting balita.
Ito ay kumakapit din sa ating paraan ng pagbati sa iba, lalo na sa mga may-edad na. Karaniwan nang minamalas na kawalang-pitagan para sa mga kabataan na tawagin ang mga adulto sa kanilang unang pangalan malibang ipahintulot sa mga kabataan na gawin iyon. Sa ibang lugar inaasahan na hindi rin tatawagin ng mga adulto ang mga estranghero sa kanilang unang pangalan. Gayundin, maraming wika ang gumagamit ng pangmaramihang anyo ng salitang “ikaw” o ng iba pang paraan upang ipakita ang paggalang sa isang nakatatanda o may awtoridad.
Magalang na Pagkilala. Sa maliliit na komunidad ay inaasahang bibigyan mo ng pansin ang sinumang nakakasalubong mo habang naglalakad sa daan o kapag pumapasok sa isang silid. Ito ay isinasagawa sa pamamagitan ng simpleng pagbati, pagngiti, pagtango, o kahit ng pagtataas ng mga kilay. Ang di-pagpansin sa isang tao ay minamalas na kawalang-galang.
Gayunman, ang ilan ay maaaring makadama na sila’y winawalang-halaga kahit binati mo na sila. Bakit? Dahil sa pag-aakala nilang hindi mo sila kinikilala bilang mga indibiduwal. Karaniwan nang inuuri ang mga tao ayon sa isang pisikal na katangian. Ang mga tao na may kapinsalaan at mga suliranin sa kalusugan ay kadalasang iniiwasan. Subalit, ipinakikita sa atin ng Salita ng Diyos kung paano pakikitunguhan ang gayong mga indibiduwal taglay ang pag-ibig at paggalang. (Mat. 8:2, 3) Tayong lahat ay naaapektuhan sa iba’t ibang paraan dahil sa kasalanang namana natin kay Adan. Madarama mo bang iginagalang ka kung lagi ka na lamang iniuugnay sa iyong mga kapintasan? Hindi ba mas nanaisin mong makilala ka dahil sa iyong maraming positibong katangian?
Kasali rin sa paggalang ang pagkilala sa pagkaulo. Sa ilang lugar, kailangang makipag-usap muna sa ulo ng sambahayan bago magpatotoo sa iba pang kasambahay. Bagaman ang ating atas na mangaral at magturo ay nagmula kay Jehova, kinikilala natin na ang mga magulang ang siyang inatasan ng Diyos na magsanay, dumisiplina, at umakay sa kanilang mga anak. (Efe. 6:1-4) Kaya, kapag dumadalaw sa isang tahanan, kadalasang angkop na makipag-usap muna sa mga magulang bago makipag-usap nang mahaba-haba sa mga anak.
Taglay ng mga may-edad na ang karanasan sa buhay na dapat igalang. (Job 32:6, 7) Ang pagkilala rito ay nakatulong sa isang kabataang payunir na sister sa Sri Lanka sa kaniyang pagdalaw sa isang may-edad nang lalaki. Sa pasimula ang lalaki ay tutol sa kaniyang pagdalaw, sa pagsasabing: “Paanong ang isang kabataang tulad mo ay magtuturo sa akin ng Bibliya?” Subalit siya’y sumagot: “Sa totoo lamang, hindi ako pumarito upang magturo kundi upang ibahagi sa inyo ang natutuhan ko na lubhang nagpaligaya sa akin na kailangang sabihin ko naman sa iba.” Ang magalang na tugon ng payunir ay pumukaw sa interes ng lalaki. “Kung gayon, sabihin mo sa akin kung ano ang iyong natutuhan?” ang hiling niya. “Natutuhan ko kung paano mabubuhay magpakailanman,” ang sabi niya. Ang may-edad nang lalaki ay nagpasimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Hindi lahat ng nakatatandang tao ay magpapahayag ng gayong pagnanais na igalang, subalit ang karamihan ay magpapahalaga rito.
Gayunman, posibleng magpamalas ng sobrang pagpipitagan. Sa mga isla ng Pasipiko at sa iba pang lugar, ang magalang na paggamit ng karaniwang anyo ng pagbati sa paglapit sa mga pinuno ng nayon o tribo ay nakatutulong sa mga Saksi na makasumpong ng taingang nakikinig at ng pagkakataong makapagsalita kapuwa sa mga pinuno at mga taong kanilang nasasakupan. Subalit, ang labis na papuri ay hindi kailangan ni wasto. (Kaw. 29:5) Gayundin, ang isang wika ay maaaring nalalakipan ng mga titulong pang-karangalan bilang bahagi ng balarila nito, subalit ang Kristiyanong paggalang ay hindi humihiling na magpakalabis sa paggamit ng mga ito.
Magalang na Pagpapahayag. Hinihimok tayo ng Bibliya na ipaliwanag ang dahilan ng ating pag-asa “taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Kaya, bagaman maaari nating ilantad ang mga kamalian ng pangmalas ng ibang tao, katalinuhan ba na gawin iyon sa paraang mag-aalis ng kaniyang dignidad? Hindi kaya mas mabuting matiyagang makinig, marahil ay magtanong kung bakit gayon ang palagay niya, at saka isaalang-alang ang kaniyang damdamin habang nangangatuwiran tayo sa kaniya mula sa Kasulatan?
Ang paggalang gaya ng ipinakikita sa mga indibiduwal ay dapat ding makita kapag nagsasalita sa tagapakinig mula sa plataporma. Ang isang tagapagsalita na gumagalang sa kaniyang tagapakinig ay hindi mamumuna sa kanila nang may kagaspangan o magpapahayag ng saloobin na nagpapahiwatig ng: “Kaya ninyong gawin ito kung talagang gugustuhin ninyo.” Ang pagsasalita sa gayong paraan ay makasisira lamang ng loob sa iba. Mas makabubuting malasin ang tagapakinig bilang isang kalipunan ng mga tao na umiibig kay Jehova at nagnanais na maglingkod sa kaniya! Bilang pagtulad kay Jesus, dapat nating ipakita ang unawa kapag nakikitungo sa mahihina sa espirituwal, walang gaanong karanasan, o medyo mabagal sa pagkakapit ng payo ng Bibliya.
Mahahalata ng tagapakinig ang paggalang sa kanila ng tagapagsalita kapag ibinibilang niya ang kaniyang sarili sa nangangailangang magkapit ng Salita ng Diyos nang higit pa. Kaya, katalinuhang iwasan ang paggamit sa tuwina ng panghalip panaong “mo” kapag ikinakapit ang mga kasulatan. Halimbawa, pansinin ang pagkakaiba ng tanong na “Ginagawa mo ba ang buong makakaya mo?” at ng pananalitang “Makabubuting itanong ng bawat isa sa ating sarili: ‘Ginagawa ko ba ang buong makakaya ko?’ ” Ang punto ng bawat tanong ay pareho, subalit ang una ay nagpapahiwatig na hindi inilalagay ng tagapagsalita ang kaniyang sarili na katulad ng kaniyang tagapakinig. Hinihimok ng ikalawa ang bawat isa, lakip na ang tagapagsalita, na suriing mabuti ang kaniyang sariling kalagayan at ang kaniyang sariling mga motibo.
Labanan ang tukso na magbiro upang patawanin lamang ang tagapakinig. Nababawasan nito ang dignidad ng mensahe ng Bibliya. Totoo, dapat tayong maligayahan sa ating paglilingkod sa Diyos. Maaaring mayroong mga pitak sa ating atas na materyal na medyo nakatatawa. Subalit, ang gawing katatawanan ang seryosong mga bagay ay nagpapakita ng kawalang-galang sa tagapakinig at sa Diyos.
Ang atin nawang paglapit, ang ating pagkilos, at ang ating pagsasalita ay laging magpakita na minamalas natin ang iba sa paraang itinuro sa atin ni Jehova na malasin sila.