ARALIN 50
Pagsisikap na Abutin ang Puso
BUKOD pa sa pagpapatotoo sa mga tao, kailangang pagsikapan mong abutin ang kanilang puso. Sa Bibliya, ang puso ay kadalasang tinutukoy bilang kabaligtaran ng panlabas na nakikita sa isang tao. Ang makasagisag na puso ay kumakatawan sa kung ano ang nasa loob ng isang tao—kung ano ang nadarama niya, kung ano ang iniisip niya, kung bakit niya iniisip iyon, at kung paano nakaiimpluwensiya sa kaniyang mga ikinikilos ang mga kaisipang iyon. Sa makasagisag na pusong ito itinatanim ang binhi ng katotohanan. (Mat. 13:19) At sa puso kailangang manggaling ang pagsunod sa Diyos.—Kaw. 3:1; Roma 6:17.
Upang ang iyong pagtuturo ay bumaon nang gayong kalalim, ituon ang pansin sa mga tunguhing ito: (1) Unawain kung ano ang dati nang nakaimpluwensiya sa puso ng iyong mga tagapakinig. (2) Patibayin ang kapaki-pakinabang na mga katangian, gaya ng pag-ibig at makadiyos na takot. (3) Pasiglahin ang iyong tagapakinig na suriin ang kaniyang panloob na mga motibo upang siya ay maging lubos na kalugud-lugod kay Jehova.
Paggamit ng Kaunawaan. May iba’t ibang dahilan kung bakit hindi pa tinatanggap ng mga tao ang katotohanan. Kapag nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, maaaring kailangan mong alisin ang maling akala at iharap ang mga katotohanan upang ituwid ang maling mga ideya na taglay ng estudyante, o baka kailangan mo lamang na magharap ng katunayan. Tanungin ang iyong sarili: ‘Nababatid ba ng indibiduwal na ito na bilang isang tao ay mayroon siyang espirituwal na mga pangangailangan? Gaano na karami ang kaniyang pinaniniwalaan? Ano ang hindi niya pinaniniwalaan? Bakit gayon ang kaniyang naging konklusyon? Siya ba ay nangangailangan ng tulong upang mapagtagumpayan ang mga pagnanasa na maaaring humadlang sa kaniya sa pagtanggap ng mga pananagutan na kaakibat sa pagkaalam ng katotohanan?’
Hindi laging madali na alamin kung bakit gayon ang paniniwala ng mga tao. “Ang panukala sa puso ng tao ay gaya ng malalim na tubig,” sabi ng Kawikaan 20:5, “ngunit ang taong may kaunawaan ang siyang sasalok nito.” Ang kaunawaan ay ang kakayahang alamin ang bagay na hindi kaagad natatalos. Ito ay nangangailangan ng maingat na pagmamasid at mapagmalasakit na saloobin.
Hindi lahat ng komunikasyon ay berbal. Ang isang paksa ay maaaring lumikha ng pagbabago sa ekspresyon ng mukha o tono ng boses ng isang estudyante. Kung ikaw ay isang magulang, walang pagsalang alam mo na ang pagbabago sa ugali ng iyong anak ay maaaring magpahiwatig na siya’y nagkakaroon ng reaksiyon sa isang bagong impluwensiya sa buhay. Huwag ipagwalang-bahala ang mga palatandaang ito. Ang mga ito ay mga pahiwatig ng panloob na pagkatao.
Ang mga tanong na pinili nang maingat ay makatutulong sa iyo upang arukin kung ano ang nasa puso ng isang tao. Maaari mong itanong: “Ano ang palagay mo tungkol sa . . . ?” “Ano ang kumumbinsi sa iyo na . . . ?” “Ano ang magiging reaksiyon mo kung . . . ?” Subalit, pag-ingatan na huwag paulanan ng tanong ang mga tao. Maaaring mataktika mong simulan ang iyong mga tanong sa, “Puwede ba akong magtanong . . . ?” Ang pag-alam sa kung ano ang nasa puso ay mahirap gawin anupat hindi ito maaaring madaliin. Sa maraming kaso, ang pagtitiwala ay kailangan munang matamo sa mahaba-habang panahon bago kusang-loob na isiwalat ng isang tao ang nasa kaibuturan ng kaniyang damdamin. Magkagayunman, kailangang mag-ingat na hindi madama ng tao na nagtatanong ka ng mga bagay na hindi mo dapat pakialaman.—1 Ped. 4:15.
Ang reaksiyon mo sa iyong naririnig ay nangangailangan din ng unawa. Tandaan na ang tunguhin mo ay ang maunawaan ang niloloob ng mga tao upang matiyak mo kung anong salig-Bibliyang impormasyon ang malamang na gumanyak sa kanila. Pigilin kaagad ang anumang damdamin na mailantad ang kamalian ng kanilang mga punto-de-vista. Sa halip, maging alisto sa pag-unawa sa mga damdaming hindi ibinubunyag ng mga salita. Sa gayon ay malalaman mo kung paano sasagot; at dahil sa nadarama ng iyong estudyante na nauunawaan mo siya, malamang na taimtim niyang pag-iisipan ang iyong sinasabi.—Kaw. 16:23.
Sa limitadong paraan, maaari mong maganyak ang mga indibiduwal kahit na sa isang malaking grupo ka nagsasalita. Kung mabuti ang iyong pakikipagtinginan sa tagapakinig, alisto sa mga ekspresyon ng mukha, at nagtatanong ng pumupukaw-kaisipang mga retorikong katanungan, malamang na mahiwatigan mo kung ano ang nadarama ng iyong mga tagapakinig tungkol sa iyong sinasabi. Kung kilalang-kilala mo ang iyong tagapakinig, magpakita ng konsiderasyon sa kanilang mga kalagayan. Isaalang-alang ang pangkalahatang saloobin ng kongregasyon habang nakikipagkatuwiranan ka sa kanila mula sa Salita ng Diyos.—Gal. 6:18.
Pag-antig sa Kapaki-pakinabang na Damdamin. Pagkatapos mong magkaroon ng kaunting kabatiran sa kung ano ang pinaniniwalaan ng tao, kung ano ang hindi niya pinaniniwalaan, at bakit, doon mo maaaring ibatay ang usapan. Pagkatapos ng kaniyang pagkabuhay-muli, nakuhang abutin ni Jesus ang mga puso ng kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng ‘lubusang pagbubukas sa kanila ng Kasulatan’ ayon sa liwanag ng mga pangyayaring naganap hindi pa natatagalan. (Luc. 24:32) Dapat mo ring pagsikapang pag-ugnay-ugnayin kung ano ang naging karanasan ng isang tao, kung ano ang kaniyang inaasam-asam, at kung ano ang kaniyang nauunawaan sa Salita ng Diyos. Ang puso ng estudyante ay masasaling sa kapaki-pakinabang na paraan kapag kaniyang nakilala nang buong-linaw na: “Ito ANG KATOTOHANAN!”
Kapag iyong idiniriin ang kabutihan ni Jehova, ang kaniyang pag-ibig, ang kaniyang di-sana nararapat na kabaitan, at ang pagiging matuwid ng kaniyang mga daan, natutulungan mo ang iyong mga tinuturuan na patibayin ang kanilang pag-ibig sa Diyos. Kapag gumugugol ka ng panahon upang ipakita sa iyong mga tagapakinig ang maiinam na katangian na nakikita sa kanila ng Diyos bilang mga indibiduwal, nagbibigay ka sa kanila ng dahilan upang maniwala na ang isang personal na kaugnayan sa kaniya ay posible. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga teksto gaya ng Awit 139:1-3, Lucas 21:1-4, at Juan 6:44 at sa pamamagitan ng pagtulong sa iyong mga tagapakinig na mapahalagahan ang lalim ng maibiging pagkagiliw ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod. (Roma 8:38, 39) Ipaliwanag na hindi lamang ang ating kamalian ang tinitingnan ni Jehova kundi nakikita rin niya ang buong landasin ng ating buhay, ang ating sigasig para sa dalisay na pagsamba, ang ating pag-ibig para sa kaniyang pangalan. (2 Cro. 19:2, 3; Heb. 6:10) Natatandaan niya kahit na ang pinakamaliit na detalye ng ating kayarian, at ibabalik niya, sa kamangha-manghang paraan, ang buhay ng “lahat ng nasa mga alaalang libingan.” (Juan 5:28, 29; Luc. 12:6, 7) Yamang ang mga tao ay ginawa sa larawan at wangis ng Diyos, ang pagtalakay sa kaniyang mga katangian ay kadalasang aantig sa panloob na pagkatao.—Gen. 1:27.
Ang puso ay maaari ring masaling kapag natututo ang isang tao na malasin ang kaniyang kapuwa-tao kagaya ng pangmalas ni Jehova. Makatuwiran lamang na kung minamahal tayo ng ating Diyos bilang mga indibiduwal, gayundin ang konsiderasyong ipinakikita niya sa iba, anuman ang kanilang pinagmulan, nasyonalidad, o lahi. (Gawa 10:34, 35) Minsang naabot na ng isang tao ang gayong kaunawaan, magkakaroon ng matatag na maka-Kasulatang saligan para alisin niya ang pagkapoot at maling akala sa kaniyang puso. Ito’y tutulong sa kaniya na mapayapang pakitunguhan ang iba habang natututuhan niyang gawin ang banal na kalooban.
Ang makadiyos na pagkatakot ay isa pang damdamin na dapat mong matulungan ang iba na linangin. (Awit 111:10; Apoc. 14:6, 7) Ang gayong matinding pagpipitagan, o pagkatakot sa Diyos, ay maaaring gumanyak sa isang tao na maabot yaong hindi posible na matamo sa kaniyang sariling lakas. Sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga kagila-gilalas na gawa ni Jehova at ng kaniyang di-pangkaraniwang maibiging kabaitan, matutulungan mo ang iba na magkaroon ng isang kapaki-pakinabang na pagkatakot na di-makalugod sa kaniya.—Awit 66:5; Jer. 32:40.
Tiyakin na nauunawaan ng iyong mga tagapakinig na ang kanilang paggawi ay mahalaga kay Jehova. Siya’y may damdamin, at depende sa ating pagtugon sa kaniyang patnubay, siya’y ating napalulumbay o napagagalak. (Awit 78:40-42) Ipakita sa mga tao kung bakit malaki ang epekto ng kanilang personal na paggawi sa pagsagot sa hamon ni Satanas sa Diyos.—Kaw. 27:11.
Tulungan ang iyong tagapakinig na makita na ang pagtupad sa mga kahilingan ng Diyos ay kapaki-pakinabang sa kanila. (Isa. 48:17) Ang isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng kahihinatnan sa pisikal at emosyonal ng pagtatakwil sa karunungan ng Diyos, kahit na sa sandaling panahon lamang. Ipaliwanag kung paanong ang kasalanan ay naglalayo sa atin mula sa Diyos, nagkakait sa iba ng pagkakataong matuto ng katotohanan mula sa atin, at sa iba pang paraan ay nanghihimasok sa kanilang mga karapatan. (1 Tes. 4:6) Tulungan ang iyong tagapakinig na pagyamanin ang mga pagpapala na kanila nang tinatamasa bilang resulta ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Patibayin ang kanilang pagpapahalaga sa bagay na ang paglakad sa matuwid na mga daan ni Jehova ay nagliligtas sa atin sa maraming kahirapan. Minsang ang isang tao ay manampalataya sa karunungan ng mga daan ng Diyos, siya’y mamumuhi sa bawat landasin na kasalungat nito. (Awit 119:104) Kaniyang makikita ang pagsunod, hindi bilang isang pabigat, kundi bilang isang daan upang ipahayag ang maibiging debosyon kay Jehova bilang isang persona.
Pagtulong sa Iba na Gumawa ng Pagsusuri. Upang patuloy na sumulong sa espirituwal, kailangang maging sensitibo ang mga tao sa kung ano ang nasa kanilang mga puso. Ipaliwanag kung paano makatutulong sa kanila ang Bibliya upang magawa ito.
Tulungan ang iyong mga tagapakinig na kilalanin na ang Bibliya ay hindi lamang isang rekord ng mga utos, payo, makasaysayang mga pangyayari, at mga hula. Ito ay nagsisiwalat din ng kaisipan ng Diyos. Sa Santiago 1:22-25, ang Salita ng Diyos ay inihalintulad sa isang salamin. Sa pamamagitan ng ating reaksiyon sa sinasabi nito at sa paraan ng pagsasakatuparan ni Jehova ng kaniyang layunin, inihahayag ng mensahe ng Bibliya kung ano ang nasa ating puso. Kaya isinisiwalat nito kung paano tayo minamalas ng Diyos, na siyang “tagasuri ng mga puso.” (Kaw. 17:3) Pasiglahin ang iyong mga tagapakinig na tandaan ito. Himukin sila na bulay-bulayin kung ano ang iningatan ng Diyos sa rekord ng Bibliya para sa atin at kung anong mga pagbabago ang kailangan nilang gawin sa kanilang buhay upang maging higit na kalugud-lugod sa kaniya. Tulungan sila na malasin ang pagbabasa ng Bibliya bilang isang paraan upang malaman kung paano tinataya ni Jehova ang “mga kaisipan at mga intensiyon ng puso” nang sa gayo’y magawa nilang makipagtulungan sa Diyos sa paggawa ng anumang kinakailangang mga pagbabago.—Heb. 4:12; Roma 15:4.
Ang ilang mga estudyante sa Bibliya ay baka nagnanais na kumilos alinsunod sa kanilang natututuhan; subalit sila’y nangangamba kung ano ang iisipin ng ibang tao. Maaaring sila ay nakikipaglaban sa ilang matinding mga pagnanasa ng laman. O maaaring sila’y nangangatuwiran na baka may paraan na makapaglilingkod sila sa Diyos samantalang nangungunyapit pa rin sa mga gawain ng sanlibutan. Ipakita ang mga panganib ng gayong pag-uurong-sulong. (1 Hari 18:21) Himukin silang manalangin sa Diyos upang suriin at dalisayin ang kanilang puso.—Awit 26:2; 139:23, 24.
Ipakita sa kanila na nauunawaan ni Jehova ang kanilang pakikipagpunyagi at na ipinaliliwanag ng Bibliya kung ano ang nangyayari. (Roma 7:22, 23) Tulungan silang mag-ingat upang ang mga hilig ng di-sakdal na puso ay hindi makapanaig.—Kaw. 3:5, 6; 28:26; Jer. 17:9, 10.
Pasiglahin ang bawat isa na suriin ang kaniyang mga motibo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Turuan siyang magtanong sa kaniyang sarili: ‘Bakit ko gustong gawin ito? Maipakikita ba nito kay Jehova na ako’y tunay na nagpapahalaga sa lahat ng ginawa niya para sa akin?’ Palakasin ang pananalig na ang isang sinang-ayunang kalagayan kay Jehova ang siyang pinakamahalagang pag-aari na maaaring taglayin ng isa.
Tulungan ang iyong tagapakinig na maintindihan ang kahalagahan ng paglilingkod kay Jehova nang kanilang “buong puso.” (Luc. 10:27) Ito’y nangangahulugan na ang kanilang buong damdamin, mga pagnanasa, at mga motibo ay dapat na iayon sa mga daan ni Jehova. Kaya turuan ang iyong mga tagapakinig na suriin hindi lamang kung ano ang kanilang ginagawa kundi gayundin kung ano ang kanilang nadarama hinggil sa mga kahilingan ng Diyos at kung ano ang kanilang mga motibo sa paglilingkod sa kaniya. (Awit 37:4) Habang nauunawaan ng iyong mga estudyante kung aling mga larangan ang kailangang pasulungin, pasiglahin sila na manalangin kay Jehova: “Pagkaisahin mo ang aking puso na matakot sa iyong pangalan.”—Awit 86:11.
Kapag nagkaroon ang isang estudyante ng personal na kaugnayan kay Jehova, susundin niya ang Diyos bilang resulta ng pananampalataya at hindi dahil lamang sa iyong mga panghihimok. Kung gayon, sa ganang sarili ay ‘patuloy niyang titiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.’ (Efe. 5:10; Fil. 2:12) Ang gayong taos-pusong pagsunod ay nakalulugod kay Jehova.—Kaw. 23:15.
Taglayin sa isipan na si Jehova ang isa na sumusukat ng mga puso at naglalapit sa mga tao upang magkaroon ng kaugnayan sa kaniya. (Kaw. 21:2; Juan 6:44) Ang ating papel ay ang makipagtulungan. (1 Cor. 3:9) Ito ay “para bang ang Diyos ay namamanhik sa pamamagitan namin.” (2 Cor. 5:20; Gawa 16:14) Hindi pinipilit ni Jehova na tanggapin ng sinuman ang katotohanan, subalit habang ating ginagamit ang Kasulatan, maaari niyang pangyarihin na makilala ng ating mga tagapakinig na ang kanilang naririnig ay ang kasagutan sa kanilang mga katanungan—o sa kanilang mga panalangin. Isaisip ang mga bagay na ito kailanma’t may pagkakataon kang magturo sa iba, at marubdob na hilingin kay Jehova ang kaniyang patnubay at tulong.—1 Cro. 29:18, 19; Efe. 1:16-18.