ARALIN 36
Pagbuo ng Tema
NALALAMAN ng makaranasang mga tagapagsalita ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang tema. Kapag sila ay naghahanda ng isang pahayag, ang tema ay tumutulong sa kanila na magtuon ng pansin sa isang espesipikong larangan ng impormasyon at higit na mapag-isipan iyon nang masinsinan. Bilang resulta, sa halip na pahapyaw lamang na matalakay ang maraming punto, nabubuo nila ang kanilang materyal sa paraang higit na kapaki-pakinabang sa kanilang tagapakinig. Kapag ang bawat pangunahing punto ay tuwirang konektado sa tema at tumutulong sa pagbuo nito, ang mga tagapakinig ay natutulungan din na matandaan ang mga puntong iyon at makilala ang kahalagahan ng mga ito.
Bagaman maaaring sabihin na ang iyong tema ang siyang paksa na iyong binibigkas, masusumpungan mong susulong ang kalidad ng iyong mga pahayag kung kikilalanin mo na ang iyong tema ang siyang partikular na punto-de-vista na uugit sa iyo sa pagbuo ng iyong paksa. Ang Kaharian, ang Bibliya, at ang pagkabuhay-muli ay malalawak na paksa. Iba’t ibang tema ang maaaring buuin sa mga paksang ito. Narito ang ilang halimbawa: “Ang Kaharian, Isang Tunay na Pamahalaan,” “Ang Lupa ay Gagawing Paraiso ng Kaharian ng Diyos,” “Ang Bibliya ay Kinasihan ng Diyos,” “Ang Bibliya ay Isang Praktikal na Giya Para sa Ating Kapanahunan,” “Ang Pagkabuhay-muli ay Nag-aalok ng Pag-asa sa mga Namimighati,” at “Ang Pag-asa ng Pagkabuhay-muli ay Tumutulong sa Atin na Manatiling Matatag Kapag Napapaharap sa Pag-uusig.” Lahat ng temang ito ay humihiling ng naiibang paraan ng pagbuo nito.
Kasuwato ng pangunahing tema ng Bibliya, ang ginawang pangangaral ni Jesu-Kristo sa panahon ng kaniyang makalupang ministeryo ay nagtampok sa temang: “Ang kaharian ng langit ay malapit na.” (Mat. 4:17) Paano binuo ang temang iyan? Sa mahigit na 110 ulit sa apat na Ebanghelyo, ginawa ang pagtukoy sa Kahariang iyan. Subalit higit pa ang ginawa ni Jesus kaysa sa paggamit lamang ng terminong “kaharian” nang paulit-ulit. Kapuwa sa pamamagitan ng kaniyang itinuro at sa pamamagitan ng mga himalang kaniyang isinagawa, nilinaw ni Jesus na siya, ang isa na naroroon, ang siyang Anak ng Diyos, ang Mesiyas, ang isa na pagbibigyan ni Jehova ng Kaharian. Ipinakita rin ni Jesus na nabuksan ang daan sa pamamagitan niya upang ang iba ay makabahagi sa Kahariang iyan. Ipinakilala niya ang mga katangian na dapat na ipamalas ng mga bibigyan ng gayong pribilehiyo. Sa pamamagitan ng kaniyang mga turo at ng kaniyang isinagawang makapangyarihang mga gawa, nilinaw niya kung ano ang magiging epekto ng Kaharian ng Diyos sa buhay ng mga tao at ipinakita na ang pagpapalayas niya ng mga demonyo sa pamamagitan ng espiritu ng Diyos ay patotoo na ‘tunay ngang naabutan ng kaharian ng Diyos’ ang kaniyang mga tagapakinig. (Luc. 11:20) Dahil sa Kahariang iyan kung kaya inatasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na magpatotoo.—Mat. 10:7; 24:14.
Paggamit ng Angkop na Tema. Ikaw ay hindi hinihilingang bumuo ng isang temang kasinlawak niyaong sa Bibliya, subalit ang pagkakaroon ng angkop na tema ay may gayunding halaga.
Kung ang pagpili ng tema ay ipinaubaya sa iyo, isaalang-alang muna ang layunin ng iyong presentasyon. Pagkatapos habang pinipili mo ang mga pangunahing punto na bubuo ng iyong balangkas, tiyakin na ang mga ito ay talagang susuporta sa iyong napiling tema.
Kung ang tema ay iniatas, suriing maingat kung ano ang ipinahihiwatig nito hinggil sa kung paano mo bubuuin ang iyong materyal. Maaaring kailanganin ang kaunting pagsisikap upang makilala ang kahalagahan at lawak ng nasasaklaw ng gayong tema. Kung ikaw ang pipili ng materyal upang buuin ang iniatas na tema, gumawa ng maingat na pagpili upang maituon ang pansin sa tema. Sa kabilang panig, kung may inilaang materyal, kakailanganin mo pa ring pag-aralang mabuti kung paano ito gagamitin kasuwato ng tema. Kailangan mo ring isaalang-alang kung bakit ang materyal ay mahalaga sa iyong mga tagapakinig at kung ano ang dapat mong maging tunguhin sa pagpapahayag nito. Ito ay makatutulong sa iyo na matiyak kung ano ang dapat idiin sa iyong pagpapahayag.
Kung Paano Idiriin ang Tema. Upang wastong maidiin ang tema, kailangan mong ilatag ang pundasyon kapag pumipili at nag-oorganisa ng iyong materyal. Kung ang gagamitin mo ay yaon lamang sumusuporta sa iyong tema at kung susundin mo ang mga simulaing nasasangkot sa paghahanda ng isang mabuting balangkas, halos awtomatikong maidiriin mo ang tema.
Ang pag-uulit ay makatutulong upang patingkarin ang tema. Sa klasikal na musika, ang tema ay isang melodya na inuulit-ulit nang madalas upang siyang maging pagkakakilanlan ng buong komposisyon. Ang melodya ay hindi laging lumilitaw sa gayunding porma. Kung minsan ang lumilitaw ay isa o dalawang parirala lamang, may mga panahon na gumagamit ng iba’t ibang indayog sa tema, subalit sa paano man, may-kahusayang hinahabi ng kompositor ang kaniyang melodya sa iba’t ibang bahagi ng komposisyon hanggang sa mahahalata na ito sa kabuuan. Ganito rin ang dapat gawin sa tema ng isang pahayag. Ang pag-uulit ng mga susing salita ng tema ay tulad ng paulit-ulit na melodya ng isang komposisyon sa musika. Ang singkahulugan ng mga salitang ito o ang sari-saring paraan ng pag-ulit sa tema ay nagsisilbing iba’t ibang pamamaraan ng paghaharap sa tema. Ang paggamit ng ganitong mga paraan ay magpapangyaring ang tema ang siyang maging pangunahing ideya na matatandaan ng iyong tagapakinig.
Ang mga simulaing ito ay kumakapit hindi lamang sa mga pahayag mula sa plataporma kundi maging sa mga pakikipagtalakayan sa ministeryo sa larangan. Ang isang maikling pag-uusap ay higit na matatandaan kapag ang tema ay napatingkad. Ang turong naibibigay sa isang pag-aaral sa Bibliya ay mas madaling maaalaala kapag may tema na naidiin. Ang pagsisikap mo sa pagpili at pagbuo ng angkop na mga tema ay malaki ang magagawa upang mapasulong ang iyong pagiging mabisa bilang isang tagapagsalita at bilang isang guro ng Salita ng Diyos.