ARALIN 30
Pagpapakita ng Interes sa Kausap
KAPAG ibinabahagi sa iba ang mga katotohanan sa Bibliya, kailangan nating gawin ang higit pa kaysa basta maipabatid lamang ito sa isip. Kailangang maabot natin ang puso. Ang isang paraan upang magawa ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng taimtim na personal na interes sa ating mga tagapakinig. Ang gayong interes ay maaaring ipakita sa iba’t ibang paraan.
Isaalang-alang ang Pangmalas ng Iyong mga Tagapakinig. Isinaalang-alang ni apostol Pablo ang pinagmulan at ang takbo ng pag-iisip ng kaniyang mga tagapakinig. Siya’y nagpaliwanag: “Sa mga Judio, ako ay naging gaya ng Judio, upang matamo ko ang mga Judio; doon sa mga nasa ilalim ng kautusan, ako ay naging gaya ng nasa ilalim ng kautusan, bagaman ako mismo ay wala sa ilalim ng kautusan, upang matamo ko yaong mga nasa ilalim ng kautusan. Doon sa mga walang kautusan, ako ay naging gaya ng walang kautusan, bagaman hindi ako walang kautusan sa Diyos kundi nasa ilalim ng kautusan kay Kristo, upang matamo ko yaong mga walang kautusan. Sa mahihina, ako ay naging mahina, upang matamo ko ang mahihina. Ako ay naging lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao, upang sa anumang paraan ay mailigtas ko ang ilan. Ngunit ginagawa ko ang lahat ng bagay alang-alang sa mabuting balita, upang maging tagapamahagi ako nito sa iba.” (1 Cor. 9:20-23) Paano tayo magiging “lahat ng bagay sa lahat ng uri ng tao” sa ngayon?
Kung mayroon kang pagkakataong pagmasdan ang iba, kahit sandali lamang, bago makipag-usap sa kanila, marahil ay may mapapansin kang mga pahiwatig hinggil sa kanilang mga interes at mga kalagayan. Masasabi mo ba kung ano ang kanilang hanapbuhay? May nakikita ka bang ebidensiya ng kanilang relihiyosong mga paniniwala? Mayroon bang pahiwatig tungkol sa kalagayan ng kanilang pamilya? Salig sa iyong napagmasdan, maibabagay mo ba ang iyong presentasyon upang gawin itong lalong kaakit-akit sa iyong mga tagapakinig?
Upang ang iyong presentasyon ay maging lalong kaakit-akit, kailangan mo munang isipin kung paano ka lalapit sa mga tao sa inyong teritoryo. Sa ilang lugar, kasama na rito ang mga lumipat mula sa ibang lupain. Kung may ganitong mga tao na nakatira sa inyong teritoryo, may natuklasan ka na bang mabisang paraan ng pagpapatotoo sa kanila? Yamang kalooban ng Diyos na ang “lahat ng uri ng mga tao ay maligtas at sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan,” gawin mong tunguhin na maiharap ang mensahe ng Kaharian sa lahat ng iyong natatagpuan sa isang kaakit-akit na paraan.—1 Tim. 2:4.
Matamang Makinig. Bagaman nalalaman ni Jehova ang lahat ng bagay, siya’y nakikinig sa iba. Si propeta Micaias ay tumanggap ng isang pangitain na doo’y nakita niyang pinasisigla ni Jehova ang mga anghel upang ipahayag ang kanilang mga ideya sa pagsasagawa ng isang bagay. Pagkatapos ay pinahintulutan ng Diyos ang isa sa mga anghel na isagawa ang mungkahing ibinigay ng anghel. (1 Hari 22:19-22) Nang magpahayag ng pagkabahala si Abraham sa hatol na isasakatuparan laban sa Sodoma, magiliw na pinakinggan siya ni Jehova. (Gen. 18:23-33) Sa ating ministeryo, paano natin matutularan ang halimbawa ni Jehova sa pakikinig?
Pasiglahin ang iba na ipahayag ang kanilang sarili. Magbangon ng angkop na tanong, at tumigil nang may sapat na tagal upang sila ay makasagot. Talagang makinig. Ang iyong matamang pansin ay magpapasigla sa kanila na malayang magsalita. Kung may anumang isinisiwalat ang kanilang tugon hinggil sa kanilang interes, magtanong ka pa sa mataktikang paraan. Pagsikapang makilala sila nang higit pa ngunit iwasang humantong ang pag-uusap sa masinsinang pagtatanong. Papurihan sila sa kanilang mga ideya kung magagawa mo iyon nang taimtim. Kahit na hindi ka sumasang-ayon sa kanilang pangmalas, magiliw na kilalanin ang kanilang mga kapahayagan.—Col. 4:6.
Gayunman, dapat tayong mag-ingat na ang ating interes sa mga tao ay hindi lumalampas sa kagandahang-asal. Ang pagkabahala hinggil sa iba ay hindi nagpapahintulot sa atin na manghimasok sa kanilang pribadong buhay. (1 Ped. 4:15) Kailangan tayong mag-ingat upang ang isang taong di-kasekso ay hindi magkaroon ng maling impresyon dahil sa magiliw na interes na ipinakikita natin. Yamang ang itinuturing na angkop na antas ng interes sa iba ay hindi magkakapareho sa iba’t ibang lupain, maging sa iba’t ibang tao, kailangan ang mabuting pagpapasiya.—Luc. 6:31.
Ang paghahanda ay isang pantulong sa pagiging isang mabuting tagapakinig. Kung ang ating mensahe ay malinaw sa ating isipan, ito’y tumutulong sa atin na magrelaks at mag-ukol ng pansin sa iba sa natural na paraan. Dahil dito sila’y nagiging panatag at maaaring higit na magnais na makipag-usap sa atin.
Pinararangalan natin ang iba sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila. (Roma 12:10) Ito’y nagpapakita na pinahahalagahan natin ang kanilang mga ideya at mga damdamin. Ito ay maaaring maging dahilan pa nga upang sila’y magbigay ng higit na pansin sa ating sinasabi. May mabuting dahilan, kung gayon, na ang Salita ng Diyos ay nagpapayo sa atin na “maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Sant. 1:19.
Tulungan ang Iba na Sumulong. Ang pagkabahala sa iba ay magpapangyari sa atin na laging isaisip ang mga nagpapakita ng interes at dalawin silang muli upang ibahagi ang mga katotohanan sa Bibliya na siyang tuwirang nakatutugon sa kanilang mga pangangailangan. Kapag pinag-iisipan ang susunod na pagdalaw, isaalang-alang kung ano ang iyong natutuhan hinggil sa kanila sa nakaraang mga pagdalaw. Maghanda ng impormasyon sa isang paksang ikinababahala nila. Itampok ang praktikal na kahalagahan ng materyal, na tinutulungan silang makita kung paano sila makikinabang sa kanilang natututuhan.—Isa. 48:17.
Kung ipinagtapat ng nakikinig sa iyo ang isang situwasyon o suliranin na bumabagabag sa kaniya, malasin ito bilang isang pantanging pagkakataon upang maibahagi sa kaniya ang mabuting balita. Sundin ang halimbawa ni Jesus na laging handa upang aliwin yaong mga nababagabag. (Mar. 6:31-34) Paglabanan ang tukso na mag-alok ng mabilis na solusyon o magbigay ng mababaw na payo. Baka akalain ng tao na wala kang taimtim na interes. Sa halip, magpakita ng pakikipagkapuwa-tao. (1 Ped. 3:8) Saka gumawa ng pagsasaliksik sa mga publikasyong salig sa Bibliya, at ibahagi ang nakapagpapatibay na impormasyon upang tulungan ang tao na harapin ang kaniyang kalagayan. Sabihin pa, ang maibiging pagkabahala sa iyong tagapakinig ay hahadlang sa iyo sa pagsisiwalat ng lihim na mga bagay na inihayag niya sa iyo malibang may mabuting dahilan sa pagsasagawa niyaon.—Kaw. 25:9.
Lalo na tayong dapat magpakita ng personal na interes sa mga pinagdarausan natin ng mga pag-aaral sa Bibliya. May-pananalanging pag-isipan ang mga pangangailangan ng bawat estudyante, at paghandaan ang pag-aaral taglay sa isip ang mga pangangailangang iyon. Tanungin ang iyong sarili, ‘Ano ang susunod na kailangan niyang gawin upang patuloy na sumulong sa espirituwal?’ Maibiging tulungan ang estudyante na mapahalagahan kung ano ang sinasabi ng Bibliya at ng mga publikasyon ng “tapat at maingat na alipin” sa bagay na iyon. (Mat. 24:45) Sa ilang pagkakataon, ang basta pagbibigay lamang ng paliwanag ay maaaring hindi sapat. Baka kailanganin mong ipakita sa estudyante kung paano ikakapit ang isang simulain sa Bibliya, na aktuwal na magkasamang ginagawa ang isang bagay na nagpapakita ng pagkakapit nito.—Juan 13:1-15.
Ang pagiging timbang at ang mabuting pagpapasiya ay kinakailangan kapag tinutulungan ang iba na maiayon ang kanilang buhay sa mga pamantayan ni Jehova. Ang mga tao ay may iba’t ibang pinagmulan at mga kakayahan, at iba’t iba ang bilis ng kanilang pagsulong. Maging makatuwiran sa inaasahan mo sa iba. (Fil. 4:5). Huwag silang piliting gumawa ng mga pagbabago sa kanilang buhay. Hayaang ang Salita ng Diyos at ang kaniyang espiritu ang gumanyak sa kanila. Nais ni Jehova na ang mga tao ay maglingkod sa kaniya nang bukal sa puso, hindi sapilitan. (Awit 110:3) Iwasang magpahayag ng iyong sariling mga opinyon hinggil sa personal na mga pagpapasiyang napapaharap sa kanila, at kahit na hilingin ng iba na gawin mo iyon, pag-ingatang huwag gumawa ng mga pagpapasiya para sa kanila.—Gal. 6:5.
Magbigay ng Praktikal na Tulong. Bagaman pangunahing ikinababahala ni Jesus ang espirituwal na kapakanan ng kaniyang mga tagapakinig, siya’y sensitibo rin sa iba pa nilang mga pangangailangan. (Mat. 15:32) Kahit na limitado ang ating kakayahan sa pinansiyal, maraming praktikal na paraan na doo’y makatutulong tayo.
Ang interes sa iba ay mag-uudyok sa atin na maging makonsiderasyon. Halimbawa, kung dahil sa kalagayan ng panahon ay nahihirapan ang iyong tagapakinig, lumipat sa isang mas maalwang lugar, o isaayos na maipagpatuloy ang pagtalakay sa ibang panahon. Kung napadalaw ka sa isang di-kombinyenteng oras, sabihing babalik ka na lamang sa ibang panahon. Kung ang isang kapitbahay o ang sinumang nagpakita ng interes ay maysakit o nasa ospital, ipakita ang iyong pagkabahala sa pamamagitan ng pagpapadala sa kaniya ng isang kard o isang maikling sulat o sa pamamagitan ng pagdalaw sa kaniya. Kung angkop, maaari ka ring maghanda ng isang simpleng pagkain o magpakita ng kabaitan sa ibang paraan.
Habang sumusulong ang mga estudyante sa Bibliya, maaari silang makadama ng pangungulila dahil sa hindi na nila gaanong nakakasama ang mga dating kabarkada. Kaibiganin sila. Gumugol ng panahon sa pakikipag-usap sa kanila pagkatapos ng kanilang pag-aaral sa Bibliya at sa iba pang pagkakataon. Pasiglahin sila na magkaroon ng mabubuting kasama. (Kaw. 13:20) Tulungan silang dumalo sa mga Kristiyanong pagpupulong. Tabihan sila sa gayong mga pagtitipon, at tulungan sila sa kanilang mga anak upang ang lahat ay makinabang nang lubusan sa programa.
Ipakita ang Interes Mula sa Puso. Ang pagpapakita ng interes sa mga tao ay, hindi isang pamamaraan na kailangang pagsanayan, kundi isang katangian ng puso. Ang antas ng ating interes sa iba ay nakikita sa maraming paraan. Ito ay nakikita sa paraan ng ating pakikinig at sa ating sinasabi. Ito ay namamalas sa kabaitan at konsiderasyong ipinakikita natin sa iba. Kahit na wala tayong anumang sinasabi o ginagawa, ito’y nahahayag sa pamamagitan ng ating saloobin at ekspresyon ng ating mukha. Kung tayo’y talagang nagmamalasakit sa iba, walang pagsalang ito’y mahahalata nila.
Ang pinakamahalagang dahilan upang magpakita ng taimtim na interes sa iba ay sapagkat sa paggawa nito, ating tinutularan ang pag-ibig at awa ng ating makalangit na Ama. Ito ay nakatutulong upang maakay ang ating mga tagapakinig kay Jehova at sa mensahe na ipinagkaloob niya sa atin upang palaganapin. Kaya, habang ibinabahagi mo ang mabuting balita, pagsikapang ituon ang mata “hindi lamang sa personal na kapakanan ng inyong sariling mga bagay-bagay, kundi sa personal na kapakanan din ng iba.”—Fil. 2:4.