ARALIN 13
Pagtingin sa Mata
ANG ating mga mata ay naghahayag ng mga saloobin at mga damdamin. Ang mga ito ay maaaring magpahiwatig ng pagkagulat o pagkatakot. Maaaring ipadama ng mga ito ang habag o pag-ibig. Kung minsan, maaaring mahalata sa mga ito ang pag-aalinlangan o makitaan ng pagdadalamhati. May kinalaman sa kaniyang mga kababayang labis na nagdurusa, isang matandang lalaki ang nagsabi: “Kami ay nagsasalita sa pamamagitan ng aming mga mata.”
Ang iba ay maaaring bumuo ng mga konklusyon tungkol sa atin at sa ating sinasabi batay sa kung saan nakatingin ang ating mga mata. Sa maraming kultura, pinagtitiwalaan ng mga tao ang indibiduwal na nananatiling may palakaibigang tingin sa kanila. Sa kabaligtaran, sila ay maaaring mag-alinlangan sa kataimtiman o kakayahan ng isang tao na nakatingin sa kaniyang paa o sa ibang bagay sa halip na sa kaniyang kinakausap. Minamalas ng ibang mga kultura ang pagtitig sa mata na kabastusan, kapusukan, o mapanghamon. Ito’y totoo lalo na kapag nakikipag-usap sa mga di-kasekso o sa isang pinuno o sa iba pang tituladong tao. At sa ibang mga lugar, kapag ang isang kabataan ay tumitingin nang deretso sa isang nakatatanda, ito ay itinuturing na kawalang-galang.
Gayunman, sa mga lugar na hindi ito itinuturing na masama, ang pagtingin sa mata ng isang indibiduwal kapag nagpapahayag ng isang mahalagang bagay ay higit na magdiriin sa ipinahayag. Ito ay maaaring malasin bilang katibayan ng pananalig sa bahagi ng nagsasalita. Pansinin kung paano tumugon si Jesus nang magpamalas ang kaniyang mga alagad ng labis na pagkabigla at magsabi: “Sino kaya talaga ang makaliligtas?” Ang Bibliya ay nag-uulat: “Pagtingin sa kanila sa mukha, sinabi ni Jesus sa kanila: ‘Sa mga tao ay imposible ito, ngunit sa Diyos ay posible ang lahat ng mga bagay.’ ” (Mat. 19:25, 26) Ipinakikita rin ng Kasulatan na maingat na nagmasid si apostol Pablo sa mga reaksiyon ng kaniyang mga tagapakinig. Sa isang okasyon, isang lalaking lumpo mula sa pagkapanganak ang naroroon nang magsalita si Pablo. Ang Gawa 14:9, 10 ay nagsasabi: “Ang lalaking ito ay nakikinig sa pagsasalita ni Pablo, na nang tuminging mabuti sa kaniya at makitang mayroon siyang pananampalataya na mapagagaling siya, ay nagsabi sa malakas na tinig: ‘Tumayo ka nang tuwid sa iyong mga paa.’ ”
Mga Mungkahi Para sa Ministeryo sa Larangan. Sa pakikibahagi mo sa ministeryo sa larangan, maging palakaibigan at masigla kapag lumalapit ka sa mga tao. Kapag angkop, gumamit ng mga tanong na pumupukaw ng kaisipan upang mapasimulan ang pag-uusap sa isang bagay na marahil ay pareho kayong interesado. Habang ginagawa mo ito, sikaping magtama ang inyong paningin—o kahit man lamang tumingin sa mukha ng tao sa isang magalang at mabait na paraan. Ang masiglang ngiti sa mukha ng isang tao na may mga matang kakikitaan ng panloob na kagalakan ay lubhang kaakit-akit. Marami ang masasabi ng gayong ekspresyon sa indibiduwal tungkol sa uri ng iyong pagkatao at makatutulong sa kaniya na maging mas palagay habang kayo ay nag-uusap.
Ang pagmamasid sa ekspresyon sa mga mata ng kausap, kung angkop, ay maaaring magbigay sa iyo ng ideya kung paano mo haharapin ang isang situwasyon. Kung ang isang tao ay galit o kung siya ay talagang hindi interesado, maaari mong makita ito. Kung hindi ka niya nauunawaan, maaari mong malaman iyon. Kung siya ay nayayamot, karaniwan nang mapapansin mo ito. Kung siya ay lubhang interesado, ito man ay mahahalata. Maaaring ipakita sa iyo ng ekspresyon sa kaniyang mga mata ang pangangailangan na baguhin ang iyong bilis, gumawa ng karagdagang pagsisikap na isangkot siya sa usapan, tapusin na ang pag-uusap o, marahil, ituloy sa isang pagtatanghal kung paano pag-aaralan ang Bibliya.
Ikaw man ay nagpapatotoo sa madla o nagdaraos ng isang pantahanang pag-aaral sa Bibliya, pagsikapan na laging may paggalang na nakatingin sa iyong kinakausap. Gayunman, huwag mo siyang tititigan, yamang iyon ay maaaring maging kahiya-hiya. (2 Hari 8:11) Subalit sa isang natural at palakaibigang paraan, malimit na tingnan ang mukha ng kausap. Sa maraming lupain, ipinadarama nito ang taimtim na interes. Sabihin pa, kapag nagbabasa ka mula sa Bibliya o sa iba pang publikasyon, ang iyong mga mata ay nakatuon sa nakaimprentang pahina. Subalit upang maidiin ang isang punto, baka nanaisin mong tumingin nang tuwiran sa tao, bagaman ginagawa iyon nang ilang sandali lamang. Kapag tumitingin ka sa pagitan ng iyong pagbabasa, ito ay magpapangyaring makita mo ang kaniyang reaksiyon sa binabasa.
Kung ang pagkamahiyain sa pasimula ay nagpapahirap sa iyo sa pagtingin sa mata, huwag sumuko. Sa pamamagitan ng pag-iinsayo, ang angkop na pagtingin sa mata ay magiging natural, at ang bisa ng iyong pakikipag-usap sa iba ay maaaring maragdagan.
Kapag Nagpapahayag. Sinasabi sa atin ng Bibliya na bago magsimula si Jesus sa kaniyang Sermon sa Bundok, “itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad.” (Luc. 6:20) Matuto sa kaniyang halimbawa. Kung magsasalita ka sa harapan ng isang grupo, humarap sa kanila at huminto nang ilang saglit bago ka magsimulang magsalita. Sa maraming lugar ito ay mangangahulugan ng pagtingin sa mga mata ng ilan sa mga tagapakinig. Ang maikling pagkabalam na ito ay makatutulong sa iyo upang mapagtagumpayan ang panimulang nerbiyos. Ito’y makatutulong din upang iangkop ng mga tagapakinig ang kanilang sarili sa anumang saloobin o damdamin na isinisiwalat ng iyong mukha. Karagdagan pa, ang paggawa mo nito ay magbibigay ng pagkakataon sa tagapakinig na tumahimik at maghanda upang magbigay-pansin sa iyo.
Sa panahon ng iyong pagpapahayag, tingnan ang tagapakinig. Huwag basta tumingin sa grupo sa kabuuan. Pagsikapang tumingin sa mga indibiduwal na naroroon. Sa halos bawat kultura, ang ilang antas ng pagtingin sa mata ay inaasahan sa bahagi ng isang tagapagsalita sa madla.
Ang pagtingin sa iyong tagapakinig ay nangangahulugan nang higit pa kaysa sa isang regular na pagbabaling ng tingin mula sa isang panig tungo sa kabila. Gumawa ng magalang na pagtingin sa mata ng isang tagapakinig, at kung angkop, bigkasin ang isang buong pangungusap sa indibiduwal na iyon. Pagkatapos ay tumingin naman sa iba, at bumigkas ng isa o dalawang pangungusap sa taong iyon. Huwag tumingin sa kaninuman nang napakatagal anupat mapapahiya na siya, at huwag pagbuhusan ng pansin ang iilan lamang sa mga tagapakinig. Ipagpatuloy ang pagtingin sa tagapakinig sa paraang ito, subalit habang nagsasalita ka sa isang tao, talagang makipag-usap ka sa isang iyon at pansinin ang kaniyang reaksiyon bago ka tumingin sa iba.
Dapat na ang iyong mga nota ay nasa ibabaw ng podyum ng tagapagsalita, nasa iyong kamay, o nasa iyong Bibliya upang masulyapan mo ang mga ito na mata lamang ang iginagalaw. Kung kakailanganin pang igalaw ang buong ulo mo upang makita ang iyong mga nota, maaapektuhan ang pagtingin sa tagapakinig. Dapat na isaalang-alang kung gaano kadalas kang titingin sa iyong mga nota at kung kailan mo gagawin iyon. Kapag tinitingnan mo ang iyong mga nota samantalang sumasapit ka na sa kasukdulan ng pahayag, hindi lamang mabibigo kang makita ang reaksiyon ng iyong mga tagapakinig kundi mababawasan din ng puwersa ang iyong pagpapahayag. Gayundin, kung palagi mong kinukunsulta ang iyong mga nota, mawawala ang pagtingin mo sa tagapakinig.
Kapag inihagis mo ang bola sa isang tao, tinitingnan mo kung nasalo niya ito. Bawat ideya sa iyong pahayag ay isang nabubukod na “paghahagis” sa tagapakinig. Ang “pagsalo” ay maaaring ipakita ng kanilang pagtugon—isang tangô, isang ngiti, isang atentibong tingin. Kung mapananatili mo ang mabuting pagtingin sa mata, ito ay makatutulong sa iyo upang matiyak na ang iyong mga ideya ay “nasasalo.”
Kung inatasan kang magbasa sa kongregasyon, dapat ka bang magsikap na tumingin sa tagapakinig sa panahon ng pagbabasa? Kung ang tagapakinig ay sumusubaybay sa iyong pagbabasa sa Bibliya, hindi malalaman ng karamihan sa kanila kung ikaw ay tumitingin o hindi. Subalit ang pagtingin sa iyong tagapakinig ay makatutulong upang mapasigla mo ang iyong pagbabasa sapagkat pananatilihin ka nitong alisto sa kanilang reaksiyon. At para sa sinumang tagapakinig na hindi gumagamit sa kanilang mga Bibliya at marahil ang mga isip ay gumagala-gala, ang pagtingin nila sa mata ng tagapagsalita ay maaaring makatulong upang maibalik ang kanilang pansin sa binabasa. Sabihin pa, makatitingin ka lamang nang sandali, at hindi ito dapat gawin sa paraan na magpapangyari sa iyo na magkamali sa iyong pagbabasa. Dahil dito, pinakamabuting hawakan mo ang iyong Bibliya at panatilihing nakatunghay ang iyong ulo, na hindi nakabagsak ang baba sa dibdib.
Kung minsan, ang matatanda ay hinihilingang magpahayag sa isang kombensiyon mula sa isang manuskrito. Upang magawa ito nang mabisa, kailangan ang karanasan, maingat na paghahanda, at maraming pag-iinsayo. Sabihin pa, nililimitahan ng paggamit ng manuskrito ang pagtingin sa mata ng tagapakinig. Subalit kung ang tagapagsalita ay naghandang mabuti, malamang na makatingin siya sa kaniyang tagapakinig sa pana-panahon nang hindi nawawala sa kaniyang binabasa. Sa paggawa niya nito ay mapananatili niya ang atensiyon ng tagapakinig anupat sila ay makikinabang nang lubusan mula sa inihaharap na mahalagang espirituwal na instruksiyon.