Magtamasa ng Kaluguran sa Salita ng Diyos
MALIGAYA ang taong ang “kaluguran ay sa kautusan ni Jehova.” Binabasa ng gayong tao ang Salita ng Diyos “nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Natatamasa mo ba ang gayong kaluguran? Paano mo mapasusulong ang kagalakan na idinudulot sa iyo ng Salita ng Diyos?
Makinig Habang Nagsasalita si Jehova
Huwag mong basta basahin ang mga salita. Ilarawan sa isip ang mga pangyayaring binabasa mo. Gunigunihin ang mga tinig niyaong mga sinipi. Habang binabasa mo ang panimulang mga kabanata ng Bibliya, makinig sa pagsisiwalat mismo ni Jehova, nang baitang-baitang, kung ano ang isinasagawa upang ang lupa ay maging angkop para sa tao. Makinig habang sinasabi niya sa kaniyang Anak, ang Dalubhasang Manggagawa, na sumapit na ang panahon upang likhain ang unang mga tao. Ilarawan ang eksena: Naghimagsik sina Adan at Eva, inilapat ng Diyos ang kahatulan sa kanila at, pagkatapos, sila’y pinalayas niya sa Paraiso. (Genesis, kab. 1-3) Damhin ang pangingilabot kapag binabasa mo na ipinakikilala ng isang tinig mula sa langit si Jesu-Kristo bilang ang Anak ng Diyos, ang minamahal, ang isa na isinugo ng Diyos upang ibigay ang kaniyang buhay para sa sangkatauhan. (Mat. 3:16, 17) Sikaping gunigunihin ang reaksiyon ni apostol Juan nang kaniyang marinig ang kapahayagan ni Jehova: “Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” (Apoc. 21:5) Tunay nga, ang pagbabasa ng Salita ng Diyos sa ganitong paraan ay isang kalugud-lugod na karanasan!
Patuloy na basahin ang kinasihang ulat, at makikilala mo si Jehova bilang isang maringal at kagila-gilalas na persona. Madarama mo ang matinding pagkaakit sa Isang ito na umiibig sa atin, mahabaging nakikitungo sa atin, tumutulong sa atin kung mapagpakumbaba nating sinisikap na gawin ang kaniyang kalooban, at nagtuturo sa atin kung paano tatamasahin ang tagumpay sa lahat ng ating ginagawa.—Jos. 1:8; Awit 8:1; Isa. 41:10.
Habang higit na panahon ang ginugugol mo sa pagbabasa ng Bibliya, magiging mas malaki ang kasiyahan mo habang sumusulong ang kaalaman mo hinggil sa kalooban ng Diyos para sa iyo. Subalit higit pa riyan ang madarama mong kaluguran. Kapag ang iyong pagbabasa ay naglalaan sa iyo ng tulong na kinakailangan mo upang harapin nang may katalinuhan ang mga suliranin, makadarama ka ng kagaya ng salmista na nagsabi: “Ang iyong mga paalaala ay kamangha-mangha. Kaya naman ang mga iyon ay tinutupad ng aking kaluluwa.” (Awit 119:129) Ikaw ay magagalak din habang nauunawaan mo mula sa Kasulatan ang mga simulain na makatutulong upang mahubog ang iyong pag-iisip at ang iyong mga hangarin sa makadiyos na paraan.—Isa. 55:8, 9.
Ang Bibliya ay naglalaan ng moral na patnubay na nagsasanggalang sa atin mula sa kapinsalaan at nagtuturo sa atin ng tamang daan. Habang binabasa natin ito, nadarama natin na si Jehova ay isang Ama na nakaaalam kung ano ang lilitaw na mga suliranin kapag pinagbigyan natin ang mga pagnanasa ng di-sakdal na laman. Hindi niya nais na pagdusahan natin ang kakila-kilabot na mga kahahantungan na tiyak na mararanasan sa paghamak sa kaniyang mataas na mga pamantayang moral. Siya’y nagmamalasakit sa atin at nagnanais na tamasahin natin ang pinakamabuting daan ng pamumuhay. Ang pagbabasa natin ng kaniyang Salita ay tumutulong sa atin na higit pang mapahalagahan kung gaano nga kalaking pagpapala na siya ang maging Diyos at makalangit na Ama natin.
Basahin ang Bibliya Araw-Araw
Ganito ang sinabi ng salmista tungkol sa tao na nagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw: “Ang lahat ng kaniyang gawin ay magtatagumpay.” (Awit 1:3) Oo, sa kabila ng ating di-kasakdalan, sa kabila ng ating pamumuhay sa balakyot na sistema ng mga bagay ni Satanas, at sa kabila ng mga pagsisikap ng Diyablo na silain tayo, ang regular na pagbabasa at pagkakapit ng nilalaman ng Salita ng Diyos ay tutulong sa atin na magtagumpay sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa ating relasyon kay Jehova.
Yamang tayo ay nasa ilalim ng panggigipit ng matandang sistemang ito, ang pagsasaalang-alang ng mga kaisipan ng Maylalang kahit na sa ilang mahahalagang sandali sa bawat araw ay makapagpapalakas sa atin. Ang ilan na nabilanggo dahil sa kanilang pananampalataya ay nakakuha lamang ng ilang talatang sinipi sa mga artikulo ng pahayagan. Kanilang ginupit ang mga ito, sinaulo, at binulay-bulay iyon. Pinagpala ni Jehova ang kanilang mga pagsisikap sapagkat ginawa nila kung ano ang ipinahihintulot ng kanilang kalagayan sa pagkuha ng kaalaman mula sa Salita ng Diyos. (Mat. 5:3) Subalit, karamihan sa atin ay may higit na kalayaan kaysa sa roon. Huwag nating isipin na ang mismong mabilis na pagbabasa ng isang talata ng Bibliya minsan sa isang araw ay magbubunga ng makahimalang epekto. Gayunman, ang mga pagpapala ay sasaatin kung babaguhin natin ang ating mga priyoridad upang mabasa ang isang bahagi ng Bibliya araw-araw, pag-iisipan iyon, at ikakapit iyon sa ating mga buhay.
Sa totoo lamang, ang ating pinakamabubuting plano ay maaaring masira. Kapag nangyari iyon, nabibigyan natin ng priyoridad ang mga bagay na talagang mahalaga. Halimbawa, hindi natin sasadyaing hindi uminom ng tubig sa loob ng isa o dalawang araw. Kung gayon, anuman ang mangyari sa ating pang-araw-araw na pamumuhay, dapat tayong gumugol ng ilang panahon upang makamit ang ginhawa sa mga tubig ng katotohanan.—Gawa 17:11.
Basahin ang Buong Salita ng Diyos
Personal mo na bang nabasa ang buong Bibliya? Lubhang nabibigatan ang ilan sa pagbabasa mula Genesis hanggang Apocalipsis. Kaya, marami sa mga tao na nagnanais na mabasa ang buong Bibliya ang nagpapasimula sa pamamagitan ng pagbabasa muna ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Bakit? Marahil ay sapagkat mas madali nilang makita kung paanong ang mga aklat na iyon ng Bibliya ay kumakapit sa kanila bilang mga indibiduwal na nagnanais na lumakad sa mga yapak ni Kristo. O marahil iyon ay dahil sa ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay hindi naman napakakapal para basahin—mahigit lamang nang kaunti sa sangkapat na bahagi ng Bibliya. Subalit pagkatapos nilang mabasa ang 27 aklat na iyon, ibinaling naman nila ang kanilang pansin sa 39 na aklat ng Hebreong Kasulatan at nagpasimulang magbasa at masiyahan sa mga ito. Sa panahong matapos nila ang Hebreong Kasulatan, naging kaugalian na nila ang regular na pagbabasa ng Bibliya, anupat ipinagpapatuloy nila ang pagbabasa ng Kristiyanong Griegong Kasulatan sa ikalawang pagkakataon, at hindi na sila tumitigil hanggang ngayon. Nawa’y gawin mong kaugalian sa habang-buhay ang pagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw.
Mayroon bang sinuman sa iyong pamilya o kongregasyon ang hindi makabasa? Bakit hindi mag-alok na basahin ang Bibliya nang regular sa taong iyon? Ikaw ay makikinabang, at siya rin ay makikinabang habang binubulay-bulay niya ang kaniyang naririnig at pagkatapos ay ikinakapit ito sa kaniyang buhay.—Apoc. 1:3.
Sa kalaunan, marahil ay nanaisin mong gumawa ng pantanging mga proyekto may kaugnayan sa iyong pagbabasa ng Bibliya. Ang ilan sa mga ito ay maaaring magpasulong sa iyong pagpapahalaga sa kaugnayan sa isa’t isa ng iba’t ibang bahagi ng Bibliya. Kung ang iyong Bibliya ay may panggilid na mga reperensiya, maaaring akayin ka ng mga ito sa makasaysayang mga pangyayari at sa kaugnay na mga ulat. Ang mga ito ay maaaring makatulong sa iyo na maunawaan ang mga kalagayan na umakay sa pagsulat ng iba’t ibang awit at ng mga liham na isinulat ng mga apostol ni Jesu-Kristo. Ang Insight on the Scriptures ay naglalaan ng napakaraming impormasyon hinggil sa mga tao, mga lugar, at mga katangiang binanggit sa Bibliya. Ang mga tsart ay umaakay ng pansin sa katuparan ng mga hula sa Bibliya, nagpapakita kung alin sa mga hari at sa mga propeta ang magkapanahon, at nagbibigay ng tinantiyang mga petsa para sa maraming pangyayari sa Bibliya.
Habang nagbubulay-bulay ka sa iyong natututuhan, mauunawaan mo ang mga dahilan kung bakit ang gayong mga kalagayan ay nangyari sa bayan ng Diyos. Masusumpungan mo rin kung bakit nakitungo si Jehova sa kaniyang bayan ayon sa ginawa niya. Makikita mo kung paano pinagtitimbang-timbang ni Jehova ang pagkilos ng mga pamahalaan, mga tao, at mga indibiduwal. Ito’y magbibigay sa iyo ng mas malalim na unawa sa kaniyang kaisipan.
Ang kasaysayan sa Bibliya ay magiging higit na kapana-panabik sa iyo kapag isinasalarawan mo ang lugar kung saan naganap ang mga pangyayari. Ang mga mapa ng mga lupain sa Bibliya ay nagsisiwalat sa kalagayan ng lupain at gayundin ng mga distansiya sa pagitan ng mga lugar. Halimbawa, humigit-kumulang saang lugar tinawid ng mga Israelita ang Dagat na Pula? Gaano kalaki ang sukat ng Lupang Pangako? Gaano kalayo ang nilakad ni Jesus sa pagsasakatuparan ng kaniyang makalupang ministeryo? Anong mga tanawin ang nakita ni Pablo sa kaniyang paglalakbay bilang misyonero? Ang mga mapa at ang mga paglalarawang heograpiko ay nagbibigay ng mga detalye na magbibigay-buhay sa iyong pagbabasa. Saan mo masusumpungan ang mga mapa ng mga lupain sa Bibliya? Ang ilan ay makikita sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Ang mga tomo ng Insight ay naglalaman ng mga 70 mapa, at may map index sa dulo ng unang tomo. Gamitin ang Watch Tower Publications Index upang hanapin ang iba pang mga mapa. Kung wala ka ng mga kagamitang ito, gamitin ang mga mapang inilathala sa Ang Bantayan upang makatulong sa iyong pagbabasa ng Bibliya.
Sa Hebreong Kasulatan, pinarangalan ni Haring David si Jehova, sa pagsasabing: “Pagkahala-halaga ng iyong mga kaisipan! O Diyos, pagkarami-rami ng hustong kabuuan ng mga iyon!” (Awit 139:17) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, pinuri ni apostol Pablo si Jehova dahilan sa Siya “ay sumikat sa ating mga puso upang bigyang-liwanag ang mga ito ng maluwalhating kaalaman sa Diyos sa pamamagitan ng mukha ni Kristo.” (2 Cor. 4:6) Sina David at Pablo ay nabuhay nang may ilang siglo ang agwat; gayunman, sila’y kapuwa nalugod sa Salita ng Diyos. Ikaw man ay magiging gayon kung gugugol ka ng panahon upang basahin ang lahat ng inilaan sa iyo ni Jehova sa mga pahina ng kaniyang kinasihang Salita.