KABANATA 7
Pinahahalagahan Mo ba ang Buhay Gaya ng Pagpapahalaga Rito ng Diyos?
“Nasa iyo ang bukal ng buhay.”—AWIT 36:9.
1, 2. (a) Anong napakahalagang regalo ang ibinigay sa atin ng Diyos? (b) Bakit ang kakayahang mangatuwiran salig sa mga simulain ng Bibliya ay lalo nang mahalaga sa ngayon?
BINIGYAN tayo ng ating makalangit na Ama ng isang napakahalagang regalo—ang ating buhay bilang matatalinong tao na may kakayahang tumulad sa kaniyang mga katangian. (Genesis 1:27) Dahil sa mahalagang regalong ito, nauunawaan natin ang mga simulain ng Bibliya. Kung ikakapit natin ang mga simulaing ito, tayo ay magiging mga maygulang sa espirituwal, na umiibig kay Jehova at may ‘mga kakayahan sa pang-unawa na sinanay na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’—Hebreo 5:14.
2 Ang kakayahang mangatuwiran salig sa mga simulain ng Bibliya ay lalo nang mahalaga sa ngayon, yamang ang daigdig ay nagiging napakakomplikado anupat hindi masaklaw ng mga batas ang lahat ng maaaring bumangong situwasyon sa buhay. Kapansin-pansin ang puntong ito sa larangan ng medisina, lalung-lalo na may kinalaman sa mga produktong may mga sangkap ng dugo at sa mga pamamaraan ng paggamot gamit ang dugo. Mahalaga ito para sa lahat ng gustong sumunod kay Jehova. Gayunpaman, kung mauunawaan natin ang mga simulain ng Bibliya may kaugnayan dito, makagagawa tayo ng matalinong mga pasiyang hindi babagabag sa ating budhi at makatutulong sa atin na manatili sa pag-ibig ng Diyos. (Kawikaan 2:6-11) Isaalang-alang natin ang ilan sa mga simulaing ito.
SAGRADO ANG BUHAY AT DUGO
3, 4. Kailan unang binanggit sa Kasulatan ang hinggil sa kabanalan ng dugo, at sa anong mga simulain ito nakasalig?
3 Di-nagtagal matapos paslangin ni Cain si Abel, isiniwalat ni Jehova sa kauna-unahang pagkakataon ang malapit na kaugnayan ng buhay at dugo, gayundin ang kabanalan, o pagiging sagrado nito. “Pakinggan mo!” ang sabi ng Diyos kay Cain. “Ang dugo ng iyong kapatid ay sumisigaw sa akin mula sa lupa.” (Genesis 4:10) Sa paningin ni Jehova, kumakatawan ang dugo ni Abel sa buhay nito na may-kalupitang kinitil. Kaya sa diwa, ang dugo ni Abel ay sumisigaw at humihingi ng katarungan sa Diyos.—Hebreo 12:24.
4 Pagkatapos ng Baha noong panahon ni Noe, pinahintulutan ng Diyos ang mga tao na kumain ng karne ng mga hayop maliban sa dugo nito. Sinabi ng Diyos: “Tanging ang laman na kasama ang kaluluwa nito—ang dugo nito—ang huwag ninyong kakainin. At, bukod diyan, ang inyong dugo ng inyong mga kaluluwa ay sisingilin ko.” (Genesis 9:4, 5) Ang utos na ito ay kumakapit sa lahat ng inapo ni Noe hanggang sa ating panahon. Pinagtibay nito ang ipinahihiwatig ng sinabi ng Diyos kay Cain—na ang dugo ay kumakatawan sa kaluluwa, o buhay, ng lahat ng nilalang. Pinatutunayan din ng utos na ito na ang lahat ng taong hindi gumagalang sa buhay at dugo ay mananagot kay Jehova, ang Bukal ng buhay.—Awit 36:9.
5, 6. Paano ipinakita ng Kautusang Mosaiko na sagrado at mahalaga ang dugo? (Tingnan din ang kahong “Igalang ang Buhay ng mga Hayop.”)
5 Ang dalawang napakahalagang katotohanang ito ay makikita rin sa Kautusang Mosaiko. Sinasabi sa Levitico 17:10, 11: “Kung tungkol sa sinumang tao . . . na kakain ng anumang uri ng dugo, itatalaga ko nga ang aking mukha laban sa kaluluwa na kumakain ng dugo, at talagang lilipulin ko siya mula sa kaniyang bayan. Sapagkat ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay niyaon sa ibabaw ng altar upang maipambayad-sala ninyo para sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ang nagbabayad-sala dahil sa kaluluwa na naroroon.”a—Tingnan ang kahong “Ang Bisa ng Dugo Bilang Pambayad-Sala.”
6 Kung ang dugo ng isang kinatay na hayop ay hindi ginamit sa altar, dapat itong ibuhos sa lupa. Sa gayon, sa makasagisag na paraan, ibinabalik ang buhay sa orihinal na May-ari nito. (Deuteronomio 12:16; Ezekiel 18:4) Gayunman, hindi naman dapat maging napakametikuloso ng mga Israelita anupat inaalis ang bawat bahid ng dugo sa mga himaymay ng hayop na kanilang kakainin. Basta ang hayop ay kinatay nang wasto at ang dugo nito ay pinatulong mabuti, maaari itong kainin ng isang Israelita taglay ang malinis na budhi. Yamang pinatulo niyang mabuti ang dugo nito, naipakita niya ang paggalang sa Tagapagbigay-Buhay.
7. Paano ipinakita ni David ang paggalang sa kabanalan ng dugo?
7 Naunawaan ni David, ‘isang lalaking kalugud-lugod sa puso ng Diyos,’ ang mga simulain sa kautusan ng Diyos hinggil sa dugo. (Gawa 13:22) Minsan, nang siya ay uhaw na uhaw, tatlo sa kaniyang mga tauhan ang sapilitang pumasok sa kampo ng kaaway, sumalok ng tubig mula sa isang imbakang-tubig, at dinala iyon sa kaniya. Ano ang naging reaksiyon ni David? “Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaking pumaroon na nagsapanganib ng kanilang mga kaluluwa?” ang tanong niya. Sa paningin ni David, ang pag-inom ng tubig na iyon ay tulad din ng pag-inom sa dugo ng kaniyang mga tauhan na nagsapanganib ng kanilang buhay makuha lamang ang tubig. Kaya kahit na uhaw na uhaw siya, “ibinuhos niya iyon para kay Jehova.”—2 Samuel 23:15-17.
8, 9. Nagbago ba ang pananaw ng Diyos hinggil sa buhay at dugo nang maitatag ang kongregasyong Kristiyano? Ipaliwanag.
8 Mga 2,400 taon matapos maibigay kay Noe ang utos hinggil sa dugo at mga 1,500 taon matapos maitatag ang tipang Kautusan, kinasihan ni Jehova ang lupong tagapamahala ng sinaunang kongregasyong Kristiyano na isulat: “Minagaling ng banal na espiritu at namin mismo na huwag nang magdagdag ng higit pang pasanin sa inyo, maliban sa mga bagay na ito na kinakailangan, na patuloy na umiwas sa mga bagay na inihain sa mga idolo at sa dugo at sa mga bagay na binigti at sa pakikiapid.”—Gawa 15:28, 29.
9 Maliwanag, batid ng sinaunang lupong tagapamahala na sagrado ang dugo at na ang maling paggamit nito ay kasinsama ng paggawa ng idolatriya o ng pakikiapid. Ganiyan din ang paninindigan ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Karagdagan pa, dahil iniisip at ikinakapit nila ang mga simulain ng Bibliya sa halip na mga espesipikong batas lamang, napalulugdan nila si Jehova kapag nagpapasiya sila hinggil sa paggamit ng dugo.
GAMIT NG DUGO SA MEDISINA
10, 11. (a) Ano ang pananaw ng mga Saksi ni Jehova hinggil sa pagsasalin ng purong dugo at ng mga pangunahing sangkap ng dugo? (b) Sa anu-anong bagay maaaring magkakaiba ang pasiya ng mga Kristiyano hinggil sa dugo?
10 Nauunawaan ng mga Saksi ni Jehova na ang ‘pag-iwas sa dugo’ ay nangangahulugan ng hindi pagpapasalin ng dugo at hindi pag-aabuloy o pag-iimbak ng sariling dugo para sa pagsasalin. Bilang paggalang sa batas ng Diyos, hindi rin nila tinatanggap ang apat na pangunahing sangkap ng dugo: mga pulang selula ng dugo, mga puting selula ng dugo, mga platelet, at plasma.
11 Ngayon, sa pamamagitan ng higit na pagpoproseso, ang mga sangkap na ito ay kadalasan nang hinahati pa sa blood fractions, o sa maliliit na bahagi ng apat na pangunahing sangkap ng dugo. Ang blood fractions na ito ay ginagamit sa iba’t ibang paraan. Maaari bang tanggapin ng isang Kristiyano ang blood fractions? Itinuturing ba niya itong “dugo”? Personal siyang magpapasiya sa bagay na ito. Personal na magpapasiya rin ang bawat Kristiyano pagdating sa mga pamamaraan ng paggamot tulad ng hemodialysis, hemodilution, at cell salvage na ginagamitan ng sariling dugo, basta hindi ito inimbak.—Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Blood Fractions at mga Pamamaraan sa Pag-oopera.”
12. Ano ang dapat na maging pananaw natin pagdating sa mga pagpapasiyang nakadepende sa budhi, at ano ang dapat nating gawin kapag napaharap sa gayong mga pagpapasiya?
12 Kung ang isang bagay ay nakadepende sa personal na pagpapasiya, nangangahulugan ba ito na hindi na mahalaga kay Jehova kung ano ang ating pasiya? Hindi gayon, dahil lubha siyang interesado sa ating mga kaisipan at mga motibo. (Kawikaan 17:3; 21:2; 24:12) Kaya pagkatapos nating hilingin ang patnubay ni Jehova at maingat na magsaliksik hinggil sa isang partikular na gamot o paraan ng paggamot, dapat nating sundin ang ating budhi na sinanay sa Bibliya. (Roma 14:2, 22, 23) Siyempre pa, hindi dapat igiit ng iba ang kanilang pasiya sa atin at hindi rin naman wasto kung itatanong natin sa iba, “Ano ang gagawin mo kung ikaw ang nasa kalagayan ko?” Sa gayong mga bagay, ang bawat Kristiyano ay dapat ‘magdala ng kaniyang sariling pasan.’b—Galacia 6:5; Roma 14:12; tingnan ang kahong “Itinuturing Ko Bang Sagrado ang Dugo?”
MAKIKITA SA MGA KAUTUSAN NI JEHOVA ANG KANIYANG PAG-IBIG BILANG AMA
13. Ano ang isinisiwalat ng mga batas at mga simulain ni Jehova hinggil sa kaniya? Ilarawan.
13 Isinisiwalat ng mga batas at mga simulain sa Bibliya na si Jehova ay isang matalinong Tagapagbigay-Batas at isang maibiging Ama na lubhang nagmamalasakit sa kapakanan ng kaniyang mga anak. (Awit 19:7-11) Bagaman hindi isang tuntunin sa kalusugan ang utos na “umiwas sa . . . dugo,” naipagsasanggalang tayo nito sa mga komplikasyong nauugnay sa pagsasalin ng dugo. (Gawa 15:20) Sa katunayan, maraming nasa larangan ng medisina ang nagsasabi na ang pag-oopera nang walang dugo ang pinakamahusay na pamamaraan sa modernong paggagamot. Para sa mga tunay na Kristiyano, ito ay patotoo lamang ng di-maarok na karunungan at pag-ibig ni Jehova bilang ama.—Isaias 55:9; Juan 14:21, 23.
14, 15. (a) Sa anong mga batas nakikita ang pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan? (b) Paano mo maikakapit sa iyong buhay ang mga simulain sa mga tuntuning pangkaligtasang ito?
14 Marami sa mga batas ng Diyos sa sinaunang Israel ang nagpapakita ng pagmamalasakit niya sa kapakanan ng kaniyang bayan. Halimbawa, iniutos niya sa mga Israelita na maglagay ng halang sa bubong ng kanilang bahay upang maiwasan ang mga aksidente, yamang sa mga bubong ng bahay nila ginagawa ang iba’t ibang gawain. (Deuteronomio 22:8; 1 Samuel 9:25, 26; Nehemias 8:16; Gawa 10:9) Iniutos din ng Diyos na dapat bantayan ang mga nanunuwag na toro. (Exodo 21:28, 29) Kapag winalang-bahala ng isa ang mga kahilingang ito, ipinakikita niya na wala talaga siyang pagmamalasakit sa kapakanan ng iba at maaari siyang magkasala sa dugo.
15 Paano mo maikakapit sa iyong buhay ang mga simulain sa mga batas na ito? Kumusta ang kondisyon ng iyong sasakyan, ang iyong pagmamaneho, ang iyong mga alagang hayop, ang iyong tahanan, ang iyong lugar na pinagtatrabahuhan, at ang iyong pinipiling libangan? Sa ilang lupain, ang mga aksidente ang pangunahing sanhi ng kamatayan ng mga kabataan, sapagkat madalas na ipinakikipagsapalaran nila ang kanilang buhay sa mapanganib na mga gawain. Gayunman, ang mga kabataan na nais manatili sa pag-ibig ng Diyos ay nagpapahalaga sa buhay at hindi nila ito isinasapanganib para lamang sa katuwaan. Hindi sila mangmang para isipin na palibhasa’y mga kabataan sila, hindi sila masasaktan. Sa halip, nasisiyahan sila sa kanilang kabataan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga gawaing maaaring magdulot sa kanila ng kapahamakan.—Eclesiastes 11:9, 10.
16. Anong simulain sa Bibliya ang kumakapit sa aborsiyon? (Tingnan din ang talababa.)
16 Kahit ang buhay ng di-pa-naisisilang na sanggol ay mahalaga sa paningin ng Diyos. Sa sinaunang Israel, kapag nasaktan ng isang indibiduwal ang isang babaing nagdadalang-tao at bilang resulta ay namatay ang babae o ang sanggol sa sinapupunan nito, ituturing ng Diyos ang nakasakit bilang isang mamamatay-tao, at dapat siyang magbayad ng “kaluluwa para sa kaluluwa.”c (Exodo 21:22, 23) Kaya gunigunihin kung ano ang nadarama ni Jehova kapag nakikita niya na sadyang ipinalalaglag ang napakaraming di-pa-naisisilang na sanggol taun-taon para lamang sa sariling kaalwanan at pagpapakasasa sa sekso.
17. Paano mo aaliwin ang isa na nagpalaglag na ng sanggol bago pa man niya natutuhan ang mga pamantayan ng Diyos?
17 Gayunman, paano kung ang isang babae ay nagpalaglag na ng sanggol bago pa man siya matuto ng katotohanan sa Bibliya? Ibig bang sabihin ay hindi na siya mapapatawad ng Diyos? Hinding-hindi! Ang totoo, kung tunay siyang nagsisisi, makaaasa siya sa kapatawaran ni Jehova salig sa itinigis na dugo ni Jesus. (Awit 103:8-14; Efeso 1:7) Sa katunayan, sinabi mismo ni Kristo: “Ako ay pumarito upang tawagin, hindi ang mga taong matuwid, kundi ang mga makasalanan upang magsisi.”—Lucas 5:32.
IWASANG MAPOOT SA IYONG KAPUWA!
18. Paano tinukoy ng Bibliya ang pinakasanhi ng napakaraming pagbububo ng dugo?
18 Bukod sa ayaw ni Jehova na saktan natin ang ating kapuwa, nais din niyang alisin natin sa ating puso ang pinakasanhi ng napakaraming pagbububo ng dugo—ang pagkapoot. “Ang bawat isa na napopoot sa kaniyang kapatid ay mamamatay-tao,” ang isinulat ni apostol Juan. (1 Juan 3:15) Ang gayong tao ay hindi basta lamang naiinis sa kaniyang kapatid kundi gusto niya itong mamatay. Maaaring makita ang kaniyang poot sa kaniyang kapuwa kapag siniraan niya ito o pinaratangan ito ng isang pagkakasalang magdudulot ng hatol ni Jehova. (Levitico 19:16; Deuteronomio 19:18-21; Mateo 5:22) Napakahalaga ngang alisin natin sa ating puso ang anumang poot na namamalagi rito!—Santiago 1:14, 15; 4:1-3.
19. Paano ikinakapit ng mga namumuhay ayon sa mga simulain sa Bibliya ang mga tekstong gaya ng Awit 11:5 at Filipos 4:8, 9?
19 Ang mga taong nagpapahalaga sa buhay gaya ng pagpapahalaga rito ni Jehova at nagnanais na manatili sa kaniyang pag-ibig ay umiiwas din sa lahat ng anyo ng karahasan. Sinasabi ng Awit 11:5: “Ang sinumang umiibig sa karahasan ay kinapopootan nga ng . . . kaluluwa [ni Jehova].” Ang tekstong iyan ay hindi lamang tungkol sa personalidad ng Diyos; isa itong simulaing nagsisilbing gabay sa ating buhay. Pinakikilos nito ang mga umiibig sa Diyos na umiwas sa anumang anyo ng libangan na nagtataguyod ng karahasan. Gayundin, yamang batid ng mga lingkod ni Jehova na siya ay “Diyos ng kapayapaan,” nauudyukan sila na punuin ang kanilang isip at puso ng mga bagay na kaibig-ibig, may kagalingan, at kapuri-puri, na siyang nagdudulot ng kapayapaan.—Filipos 4:8, 9.
HUWAG MAGING BAHAGI NG MGA ORGANISASYONG MAY PAGKAKASALA SA DUGO
20-22. Ano ang paninindigan ng mga Kristiyano hinggil sa sanlibutan, at bakit?
20 Sa paningin ng Diyos, may pagkakasala sa dugo ang buong sanlibutan ni Satanas. Milyun-milyong tao, kasama na ang maraming lingkod ni Jehova, ang pinatay ng mga pulitikal na pamahalaan, na inilalarawan sa Kasulatan bilang mababangis na hayop. (Daniel 8:3, 4, 20-22; Apocalipsis 13:1, 2, 7, 8) Tinutulungan ng komersiyo at siyensiya ang tulad-hayop na mga kapangyarihang ito sa paggawa ng ilan sa pinakakakila-kilabot na mga armas, at malaki ang kinikita nila sa paggawa nito. Tunay ngang “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot”!—1 Juan 5:19.
21 Yamang ang mga tagasunod ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutan” at nananatiling neutral sa pulitika at digmaan, naiiwasan nilang tuwirang magkasala sa dugo at madamay sa kasalanan ng anumang organisasyong may pagkakasala sa dugo.d (Juan 15:19; 17:16) At bilang pagtulad kay Kristo, hindi sila gumaganti kapag pinag-uusig sila. Sa halip, nagpapakita sila ng pag-ibig sa kanilang mga kaaway at ipinapanalangin pa nga ang mga ito.—Mateo 5:44; Roma 12:17-21.
22 Higit sa lahat, umiiwas ang mga tunay na Kristiyano na makisangkot sa “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon at ang organisasyong may pinakamalaking pagkakasala sa dugo. Ganito ang sinasabi ng Salita ng Diyos: “Sa kaniya nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” Dahil dito, tayo ay binababalaan: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko.”—Apocalipsis 17:6; 18:2, 4, 24.
23. Ano ang ibig sabihin ng paglabas sa Babilonyang Dakila?
23 Ang pagtalikod sa Babilonyang Dakila ay hindi lamang nangangahulugan ng pag-aalis ng ating pangalan sa talaan ng mga miyembro nito. Nangangahulugan din ito ng pagkapoot sa masasamang gawaing kinukunsinti o hayagang itinataguyod ng huwad na relihiyon, tulad ng imoralidad, pakikialam sa pulitika, at pagkakamal ng kayamanan. (Awit 97:10; Apocalipsis 18:7, 9, 11-17) Napakadalas ngang humahantong ang mga gawaing ito sa pagbububo ng dugo!
24, 25. Sa ano nakasalig ang awa ng Diyos sa isang nagsisising tao na may pagkakasala sa dugo, at paano ito patiunang inilarawan noong panahon ng Bibliya?
24 Bago tayo nag-alay at nagpabautismo, sa paanuman ay sinuportahan ng bawat isa sa atin ang sistema ni Satanas at sa gayo’y nagkaroon ng pagkakasala sa dugo. Gayunpaman, dahil binago natin ang ating paggawi, nilinang ang pananampalataya sa haing pantubos ni Kristo, at inialay ang ating buhay sa Diyos, natamo natin ang awa at espirituwal na pagsasanggalang ng Diyos. (Gawa 3:19) Ang pagsasanggalang na iyan ay patiunang inilarawan noong panahon ng Bibliya bilang mga kanlungang lunsod.—Bilang 35:11-15; Deuteronomio 21:1-9.
25 Para saan ba ang mga kanlungang lunsod na ito? Kung ang isang Israelita ay nakapatay nang di-sinasadya, dapat siyang tumakas patungo sa isa sa mga kanlungang lunsod. Pagkatapos pagpasiyahan ng mga kuwalipikadong hukom ang kaniyang kaso, ang nakapatay nang di-sinasadya ay kailangang manirahan sa kanlungang lunsod hanggang sa mamatay ang mataas na saserdote. Pagkatapos ay malaya na siyang makapaninirahan sa ibang lugar. Isa ngang napakagandang halimbawa ng awa ng Diyos at ng Kaniyang malaking pagpapahalaga sa buhay ng tao! Ang mga sinaunang kanlungang lunsod ay lumalarawan ngayon sa paglalaan ng Diyos, salig sa haing pantubos ni Kristo, upang ipagsanggalang tayo sa hatol na kamatayan dahil sa di-sinasadyang paglabag natin sa utos ng Diyos hinggil sa kabanalan ng buhay at dugo. Pinahahalagahan mo ba ang paglalaang ito? Paano mo maipapakita ang iyong pagpapahalaga rito? Ang isang paraan ay sa pamamagitan ng pag-anyaya sa iba na sumama sa makasagisag na kanlungang lunsod, lalo na’t mabilis na dumarating ang “malaking kapighatian.”—Mateo 24:21; 2 Corinto 6:1, 2.
PAHALAGAHAN ANG BUHAY SA PAMAMAGITAN NG PANGANGARAL NG MENSAHE NG KAHARIAN
26-28. Sa anong paraan magkatulad ang kalagayan natin ngayon at ang kalagayan ni propeta Ezekiel, at paano tayo mananatili sa pag-ibig ng Diyos?
26 Ang kalagayan ng bayan ng Diyos sa panahon natin ay kagaya ng kalagayan noon ni propeta Ezekiel, na inatasan ni Jehova upang maglingkod bilang isang bantay na naghahayag ng mga babala ng Diyos sa sambahayan ng Israel. “Diringgin mo ang [aking] salita at magbibigay ka sa kanila ng babala mula sa akin,” ang sabi ng Diyos. Kung pababayaan ni Ezekiel ang kaniyang atas, personal siyang mananagot sa dugo ng mga papatayin sa Jerusalem kapag inilapat na ang hatol dito. (Ezekiel 33:7-9) Subalit masunurin si Ezekiel kaya hindi siya nagkasala sa dugo.
27 Sa ngayon, napapaharap tayo sa katapusan ng buong sanlibutan ni Satanas. Dahil dito, itinuturing ng mga Saksi ni Jehova na isang obligasyon at isa ring pribilehiyo na ihayag ang “araw ng paghihiganti” ng Diyos, gayundin ang mensahe ng Kaharian. (Isaias 61:2; Mateo 24:14) Lubusan ka bang nakikibahagi sa napakahalagang gawaing ito? Dinibdib ni apostol Pablo ang kaniyang atas na mangaral. Kaya naman masasabi niya: “Ako ay malinis sa dugo ng lahat ng tao, sapagkat hindi ko ipinagkait na sabihin sa inyo ang lahat ng layunin ng Diyos.” (Gawa 20:26, 27) Napakainam ngang halimbawa na dapat nating tularan!
28 Siyempre pa, upang manatili tayo sa matimyas na pag-ibig ni Jehova bilang ating ama, higit pa ang dapat nating gawin kaysa sa pagtulad kay Jehova sa kaniyang pagpapahalaga sa buhay at dugo. Kailangan din nating manatiling malinis, o banal, sa kaniyang paningin, na siyang tatalakayin natin sa susunod na kabanata.
a May kaugnayan sa binanggit ng Diyos na “ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo,” sinabi ng babasahing Scientific American: “Bagaman ang dugo ay sumasagisag sa buhay, maaari din itong unawain sa literal na paraan: ang bawat uri ng selula ng dugo ay kailangan upang mapanatili ang buhay.”
b Tingnan ang Gumising! ng Agosto 2006, pahina 3-12, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Sinasabi ng mga leksikograpo sa Bibliya na ang pananalitang ginamit sa tekstong Hebreo ay “maliwanag na tumutukoy hindi lamang sa pinsalang nagawa sa babae.” Pansinin din na hindi binabanggit ng Bibliya ang edad ng sanggol na nasa sinapupunan ng ina bilang salik sa paghatol ni Jehova.
d Tingnan ang Kabanata 5, “Kung Paano Mananatiling Hiwalay sa Sanlibutan.”
e Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Blood Fractions at mga Pamamaraan sa Pag-oopera” para sa detalyadong impormasyon.