KABANATA 5
Kung Paano Mananatiling Hiwalay sa Sanlibutan
“Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.”—JUAN 15:19.
1. Ano ang idiniin ni Jesus noong huling gabi niya sa lupa bilang tao?
NOONG huling gabi ni Jesus sa lupa bilang tao, lubha siyang nabahala sa kinabukasan ng kaniyang mga tagasunod. Idinalangin pa nga niya ang bagay na ito sa kaniyang Ama, na sinasabi: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Sa taos-pusong kahilingang ito, ipinakita ni Jesus ang kaniyang masidhing pag-ibig sa kaniyang mga tagasunod at ang kahalagahan ng kaniyang naunang sinabi sa ilan sa kanila noong gabing iyon: “Hindi kayo bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19) Maliwanag na napakahalaga kay Jesus na manatiling hiwalay sa sanlibutan ang kaniyang mga tagasunod!
2. Ano ang “sanlibutan” na tinutukoy ni Jesus?
2 Ang “sanlibutan” na binanggit ni Jesus ay tumutukoy sa lahat ng taong hiwalay sa Diyos, pinamamahalaan ni Satanas, at nagpapaalipin sa makasarili at mapagmataas na saloobing nagmumula sa Diyablo. (Juan 14:30; Efeso 2:2; 1 Juan 5:19) Kaya naman, “ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan [na iyon] ay pakikipag-alit sa Diyos.” (Santiago 4:4) Yamang nais nating lahat na manatili sa pag-ibig ng Diyos, paano natin magagawang manirahan sa sanlibutan pero kasabay nito ay maging hiwalay sa sanlibutan? Magagawa natin ito kung (1) mananatili tayong tapat sa Kaharian ng Diyos na pinamamahalaan ni Kristo at mananatiling neutral sa pulitika ng sanlibutan, (2) lalabanan natin ang espiritu ng sanlibutan, (3) magiging mahinhin tayo sa ating pananamit at pag-aayos, (4) pananatilihin nating simple ang ating mata, at (5) isusuot natin ang ating espirituwal na kagayakang pandigma. Talakayin natin ang limang paraang ito.
MANATILING TAPAT AT NEUTRAL
3. (a) Bakit hindi nakibahagi si Jesus sa pulitika noong panahon niya? (b) Bakit masasabing mga embahador ang mga pinahirang tagasunod ni Jesus? (Isama ang talababa.)
3 Sa halip na makibahagi sa pulitika noong panahon niya, itinuon ni Jesus ang kaniyang pansin sa pangangaral hinggil sa Kaharian ng Diyos, isang makalangit na pamahalaan na siya ang magiging Hari. (Daniel 7:13, 14; Lucas 4:43; 17:20, 21) Kaya noong nasa harap siya ng Romanong gobernador na si Poncio Pilato, sinabi ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36) Tinutularan ng tapat na mga tagasunod ni Kristo ang kaniyang halimbawa sa pamamagitan ng pagiging tapat sa kaniya at sa kaniyang Kaharian at sa pamamagitan ng paghahayag ng Kahariang ito sa buong daigdig. (Mateo 24:14) “Kami samakatuwid ay mga embahador na humahalili para kay Kristo,” ang isinulat ni apostol Pablo. “Bilang mga kahalili para kay Kristo ay nagsusumamo kami: ‘Makipagkasundo kayo sa Diyos.’”a—2 Corinto 5:20.
4. Paano ipinakikita ng lahat ng tunay na Kristiyano ang katapatan sa Kaharian ng Diyos? (Tingnan ang kahong “Neutral ang mga Sinaunang Kristiyano.”)
4 Dahil kinakatawanan ng mga embahador ang isang banyagang pamamahala o estado, hindi sila nakikialam sa gawain ng mga bansa kung saan sila nakadestino; nananatili silang neutral. Pero itinataguyod ng mga embahador ang kapakanan ng pamahalaan ng bansang kinakatawanan nila. Totoo rin iyan sa mga pinahirang tagasunod ni Kristo, na ang “pagkamamamayan ay nasa langit.” (Filipos 3:20) Sa katunayan, dahil sa kanilang pagiging masigasig sa pangangaral hinggil sa Kaharian, natulungan nila ang milyun-milyong “ibang mga tupa” ni Kristo na ‘makipagkasundo sa Diyos.’ (Juan 10:16; Mateo 25:31-40) Sinusuportahan naman ng “ibang mga tupa” na ito ang mga pinahirang kapatid ni Jesus. Bilang nagkakaisang kawan na nagtataguyod sa Mesiyanikong Kaharian, ang dalawang grupong ito ay ganap na neutral sa pulitikal na gawain ng sanlibutang ito.—Isaias 2:2-4.
5. Paano naiiba sa sinaunang Israel ang kongregasyong Kristiyano, at paano nila ito ipinakikita?
5 Hindi lamang ang katapatan kay Kristo ang dahilan kung bakit neutral ang mga tunay na Kristiyano. Di-tulad ng sinaunang Israel na naninirahan sa isa lamang lupain na ibinigay sa kanila ng Diyos, tayong mga Kristiyano ay bahagi ng isang internasyonal na kapatiran. (Mateo 28:19; 1 Pedro 2:9) Kaya kung papanigan natin ang isang partidong pulitikal, hindi natin maipangangaral, nang may malinis na budhi, na ang Kaharian ng Diyos ang tanging pag-asa ng sangkatauhan. Lubha rin nitong maaapektuhan ang ating pagkakaisa bilang mga Kristiyano. (1 Corinto 1:10) Bukod diyan, sa panahon ng digmaan, tiyak na makakalaban natin ang ating mga kapananampalataya, at taliwas ito sa utos na ibigin sila. (Juan 13:34, 35; 1 Juan 3:10-12) Kaya may matibay na dahilan si Jesus kung bakit inutusan niya ang kaniyang mga alagad na huwag makibahagi sa digmaan. Sa katunayan, sinabi pa nga niya na ibigin nila ang kanilang mga kaaway.—Mateo 5:44; 26:52; tingnan ang kahong “Nananatili ba Akong Neutral?”
6. Yamang nakaalay tayo sa Diyos, paano tayo dapat makitungo kay Cesar?
6 Bilang mga tunay na Kristiyano, inialay natin ang ating buhay sa Diyos, hindi sa sinumang tao, sa anumang institusyon ng tao, o sa anumang bansa. Sinasabi sa 1 Corinto 6:19, 20: “Hindi ninyo pag-aari ang inyong sarili, sapagkat binili kayo sa isang halaga.” Kaya bagaman ibinibigay ng mga tagasunod ni Jesus ang mga bagay na kay “Cesar” gaya ng karangalan, buwis, at relatibong pagpapasakop, ibinibigay naman nila sa “Diyos ang mga bagay na sa Diyos.” (Marcos 12:17; Roma 13:1-7) Kasama rito ang kanilang pagsamba, buong-kaluluwang pag-ibig, katapatan, at pagsunod. Kung kinakailangan, handa nilang ibigay ang kanilang buhay para sa Diyos.—Lucas 4:8; 10:27; Gawa 5:29; Roma 14:8.
LABANAN ANG “ESPIRITU NG SANLIBUTAN”
7, 8. Ano ang “espiritu ng sanlibutan,” at paano “kumikilos” ang espiritung ito sa isang tao?
7 Upang manatiling hiwalay sa sanlibutan, nilalabanan din ng mga Kristiyano ang masamang espiritu nito. “Tinanggap natin, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang espiritu na mula sa Diyos,” ang isinulat ni Pablo. (1 Corinto 2:12) Ganito naman ang sinabi niya sa mga taga-Efeso: “[Lumakad kayo] noong una ayon sa . . . sanlibutang ito, ayon sa tagapamahala ng awtoridad ng hangin, ang espiritu na kumikilos ngayon sa mga anak ng pagsuway.”—Efeso 2:2, 3.
8 Ang “hangin,” o espiritu, ng sanlibutang ito ang di-nakikitang puwersa na nag-uudyok sa mga tao na sumuway sa Diyos at itaguyod ang “pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata.” (1 Juan 2:16; 1 Timoteo 6:9, 10) Ang espiritu ng sanlibutan ay may “awtoridad” dahil naaakit nito ang makasalanang laman, gumagamit ito ng napakatusong mga pakana, walang-patid ang pag-impluwensiya nito, at gaya ng hangin, napakalaganap nito. Bukod diyan, “kumikilos” ito sa isang tao sa diwa na unti-unti siyang inuudyukan nito na magkaroon ng masasamang pag-uugali gaya ng pagiging makasarili, mapagmalaki, sakim, ambisyoso, at ng tendensiya na gumawa ng sariling mga pamantayang moral at maghimagsik sa awtoridad.b Sa simpleng pananalita, unti-unting itinatanim ng espiritu ng sanlibutan ang masasamang katangian ng Diyablo sa puso ng isang tao.—Juan 8:44; Gawa 13:10; 1 Juan 3:8, 10.
9. Sa anu-anong paraan maaaring makapasok sa ating isip at puso ang espiritu ng sanlibutan?
9 Posible ba talagang makapasok sa iyong isip at puso ang espiritu ng sanlibutan? Oo, kung hindi ka mag-iingat. (Kawikaan 4:23) Madalas na nagsisimula ang impluwensiya nito nang hindi natin namamalayan, marahil ay mula sa mga kasama na waring mabubuting tao pero ang totoo, hindi nila mahal si Jehova. (Kawikaan 13:20; 1 Corinto 15:33) Maaari ka ring maimpluwensiyahan ng masamang espiritung ito sa pamamagitan ng kuwestiyunableng babasahin, pornograpiko o apostatang mga site sa Internet, masamang libangan, at agresibong mga isport na nagtataguyod ng espiritu ng pakikipagkompetensiya—oo, sa pamamagitan ng sinuman o anuman na nagtataguyod ng kaisipan ni Satanas o ng kaniyang sistema.
10. Paano natin malalabanan ang espiritu ng sanlibutan?
10 Paano natin malalabanan ang mapanganib na espiritu ng sanlibutan at sa gayo’y manatili sa pag-ibig ng Diyos? Magagawa lamang natin ito kung lubusan nating sasamantalahin ang espirituwal na mga paglalaan ni Jehova at regular na mananalangin sa Kaniya para humingi ng banal na espiritu. Di-hamak na mas makapangyarihan si Jehova kaysa sa Diyablo o sa masamang sanlibutan na nasa kontrol nito. (1 Juan 4:4) Kung gayon, napakahalaga nga na manatili tayong malapít kay Jehova sa pamamagitan ng panalangin!
MAGING MAHINHIN SA PANANAMIT AT PAG-AAYOS
11. Paano naiimpluwensiyahan ng espiritu ng sanlibutan ang pamantayan sa pananamit?
11 Makikita sa pananamit, pag-aayos, at kalinisan ng isang tao kung anong espiritu ang nagpapakilos sa kaniya. Sa maraming lupain, napakababa na ng pamantayan sa pananamit anupat isang komentarista sa telebisyon ang nagpahiwatig na di-magtatagal, mahirap nang makilala kung sino ang babaing bayaran at kung sino ang hindi. Maging ang mga batang babae ay nahahawa rin sa kausuhang ito—“hantad ang katawan, walang kahinhinan,” ayon sa isang ulat sa pahayagan. Ang isa pang kausuhan ay ang burarang pananamit na nagpapakita ng espiritu ng paghihimagsik, gayundin ng kawalan ng dignidad at paggalang sa sarili.
12, 13. Anu-anong simulain ang dapat nating isaisip pagdating sa ating pananamit at pag-aayos?
12 Bilang mga lingkod ni Jehova, nararapat lamang na naisin nating maging presentable ang ating hitsura. Nangangahulugan ito ng pagsusuot ng damit na maayos, malinis, kaayaaya, at angkop sa okasyon. Sa lahat ng panahon, dapat na makita sa ating hitsura ang “kahinhinan at katinuan ng pag-iisip,” na may kalakip na “mabubuting gawa,” anupat angkop sa sinuman—lalaki o babae—na “nag-aangking nagpipitagan sa Diyos.” Sabihin pa, ang pangunahin sa atin ay hindi para mapansin ng iba, kundi ang ‘manatili sa pag-ibig ng Diyos.’ (1 Timoteo 2:9, 10; Judas 21) Oo, nais natin na ang pinakamaganda nating kasuutan ay “ang lihim na pagkatao ng puso . . . , na malaki ang halaga sa paningin ng Diyos.”—1 Pedro 3:3, 4.
13 Tandaan din na ang ating istilo ng pananamit at pag-aayos ay may epekto sa kung ano ang tingin ng iba hinggil sa tunay na pagsamba. Ang Griegong salita na isinaling “kahinhinan,” kapag ginamit may kaugnayan sa moral, ay nagpapahayag ng pagpipitagan, pagkasindak, at paggalang sa damdamin o opinyon ng iba. Kung gayon, dapat na maging mas mahalaga sa atin ang budhi ng iba kaysa sa iniisip nating karapatan natin pagdating sa pananamit at pag-aayos. Higit sa lahat, nais nating parangalan si Jehova at ang kaniyang bayan at irekomenda ang ating sarili bilang mga ministro ng Diyos, na ginagawa ang “lahat ng bagay sa ikaluluwalhati ng Diyos.”—1 Corinto 4:9; 10:31; 2 Corinto 6:3, 4; 7:1.
14. Anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili may kaugnayan sa ating hitsura at kalinisan?
14 Ang ating pananamit, pag-aayos, at kalinisan ay lalo nang dapat pagtuunan ng pansin kapag nakikibahagi tayo sa ministeryo sa larangan o dumadalo sa Kristiyanong pagpupulong. Tanungin ang sarili: ‘Napapabayaan ko ba ang aking hitsura at kalinisan sa katawan anupat labis itong nakaaagaw ng pansin ng iba? Naaasiwa ba sila rito? Mas mahalaga ba sa akin ang karapatan ko sa mga bagay na ito kaysa sa pagiging kuwalipikado ko sa mga pribilehiyo sa kongregasyon?’—Awit 68:6; Filipos 4:5; 1 Pedro 5:6.
15. Bakit hindi nagbigay ang Salita ng Diyos ng detalyadong listahan ng mga tagubilin hinggil sa pananamit, pag-aayos, at kalinisan?
15 Ang Bibliya ay hindi nagbigay sa mga Kristiyano ng detalyadong listahan ng mga tagubilin hinggil sa pananamit, pag-aayos, at kalinisan. Nais ni Jehova na gamitin natin ang ating kalayaang magpasiya at kakayahang mag-isip. Gusto niya tayong maging may-gulang na mga tao na nangangatuwiran batay sa mga simulain ng Bibliya at na “dahil sa paggamit ay nasanay ang . . . mga kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.” (Hebreo 5:14) Higit sa lahat, nais ng Diyos na maudyukan tayo ng pag-ibig—pag-ibig sa kaniya at sa kapuwa. (Marcos 12:30, 31) Kaya maraming istilo ng pananamit at pag-aayos ang maaaring pagpilian ng mga Kristiyano nang hindi lumalabag sa mga simulain ng Bibliya. Sa katunayan, iba-iba ang istilo ng pananamit ng mga lingkod ni Jehova kapag masaya silang nagtitipon saanmang bansa sila naroroon.
PANATILIHING “SIMPLE” ANG ATING MATA
16. Paano sinasalungat ng espiritu ng sanlibutan ang turo ni Jesus, at anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili?
16 Ang espiritu ng sanlibutan ay mapanlinlang, at inuudyukan nito ang milyun-milyong tao na isiping nakadepende sa pera at materyal na mga bagay ang kaligayahan. Subalit sinabi ni Jesus: “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Hindi itinataguyod ni Jesus ang asetisismo, o labis na pagkakait sa sarili. Sa halip, itinuro niya na ang tunay na kaligayahan ay nararanasan ng mga “palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan” at ng mga nananatiling “simple” ang mata, anupat ginagawang pangunahin sa kanilang buhay ang kaugnayan nila sa Diyos. (Mateo 5:3; 6:22, 23) Tanungin ang sarili: ‘Talaga bang naniniwala ako sa itinuro ni Jesus, o naiimpluwensiyahan na ako ng “ama ng kasinungalingan”? (Juan 8:44) Ano ba ang ipinakikita ng aking pananalita, tunguhin, priyoridad, at paraan ng pamumuhay?’—Lucas 6:45; 21:34-36; 2 Juan 6.
17. Magbigay ng ilang kapakinabangang nararanasan ng mga nananatiling simple ang mata.
17 “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito,” ang sabi ni Jesus. (Mateo 11:19) Isaalang-alang ang ilan sa mga kapakinabangang nararanasan ng mga nananatiling simple ang mata. Nakararanas sila ng tunay na kaginhawahan sa paglilingkod sa Kaharian. (Mateo 11:29, 30) Naiiwasan nila ang di-kinakailangang mga pagkabalisa at pasakit sa isip at damdamin. (1 Timoteo 6:9, 10) Palibhasa’y kontento na sa pangunahing mga pangangailangan sa buhay, mas marami silang panahon para sa kanilang pamilya at mga kapananampalataya. Maaaring mas masarap ang tulog nila dahil dito. (Eclesiastes 5:12) Nararanasan nila ang nakahihigit na kagalakan ng pagbibigay sa abot ng kanilang makakaya. (Gawa 20:35) ‘Nananagana sila sa pag-asa’ at nakadarama ng kapayapaan at pagkakontento. (Roma 15:13; Mateo 6:31, 32) Talaga ngang walang kapantay ang mga pagpapalang ito!
ISUOT ANG “KUMPLETONG KAGAYAKANG PANDIGMA”
18. Paano inilalarawan ng Bibliya ang ating kalaban, ang kaniyang mga pamamaraan, at ang ating pakikipagpunyagi?
18 Ang mga nananatili sa pag-ibig ng Diyos ay naipagsasanggalang din sa espirituwal na paraan mula sa mga pakana ni Satanas. Gusto ng Diyablo na maiwala ng mga Kristiyano, hindi lamang ang kanilang kaligayahan, kundi pati ang kanilang pag-asang buhay na walang hanggan. (1 Pedro 5:8) Sinabi ni Pablo: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan, laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Ang salitang Griego na isinaling “pakikipagbuno” ay maliwanag na nagpapahiwatig ng harapang pakikipaglaban. Bukod diyan, ang terminong “mga pamahalaan,” “mga awtoridad,” at “mga tagapamahala ng sanlibutan” ay nagpapahiwatig na ang mga pagsalakay ng masasamang espiritu ay organisado at talagang nakaplano.
19. Ilarawan ang espirituwal na kagayakang pandigma ng isang Kristiyano.
19 Subalit sa kabila ng kahinaan at limitasyon natin bilang mga tao, maaari tayong magtagumpay. Paano? Sa pamamagitan ng pagsusuot ng “kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos.” (Efeso 6:13) Ganito inilarawan ang kagayakang iyan sa Efeso 6:14-18: “Kaya nga, tumayo kayong matatag na ang inyong mga balakang ay may bigkis na katotohanan, at suot ang baluti ng katuwiran, at ang inyong mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan. Higit sa lahat, kunin ninyo ang malaking kalasag ng pananampalataya, na siyang ipanunugpo ninyo sa lahat ng nag-aapoy na mga suligi ng isa na balakyot. Gayundin, tanggapin ninyo ang helmet [o, pag-asa] ng kaligtasan, at ang tabak ng espiritu, samakatuwid nga, ang salita ng Diyos, samantalang sa bawat uri ng panalangin at pagsusumamo ay nagpapatuloy kayo sa pananalangin sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng espiritu.”
20. Ano ang kaibahan natin sa literal na sundalo?
20 Yamang Diyos ang naglaan ng ating espirituwal na kagayakang pandigma, tiyak na mapoprotektahan tayo nito, hangga’t suot natin ito. Di-tulad ng literal na mga sundalo na may mga pagkakataong hindi nakikipagdigma sa loob ng mahabang yugto ng panahon, ang mga Kristiyano ay patuluyang nakikipagpunyagi. Ang pakikipaglabang ito, na nangangahulugan ng buhay o kamatayan, ay magpapatuloy hanggang sa wasakin ng Diyos ang sanlibutan ni Satanas at ihagis sa kalaliman ang lahat ng masasamang espiritu. (Apocalipsis 12:17; 20:1-3) Kaya huwag kang susuko kung may pinaglalabanan kang kahinaan o maling pagnanasa, sapagkat kailangan nating lahat na ‘bugbugin’ ang ating sarili upang manatiling tapat kay Jehova. (1 Corinto 9:27) Sa katunayan, mas dapat tayong mabahala kung hindi na tayo nakikipaglaban!
21. Ano ang tanging paraan para magtagumpay tayo sa ating espirituwal na pakikipagdigma?
21 Karagdagan pa, hindi tayo magtatagumpay sa labanang ito sa sarili lamang nating lakas. Kaya pinaaalalahanan tayo ni Pablo na dapat tayong manalangin kay Jehova “sa bawat pagkakataon sa pamamagitan ng espiritu.” Kasabay nito, dapat din tayong makinig kay Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita at pakikisama sa mga kapuwa “sundalo” hangga’t may pagkakataon, yamang hindi tayo nag-iisa sa labanang ito! (Filemon 2; Hebreo 10:24, 25) Ang mga tapat sa lahat ng aspektong ito ay hindi lamang magtatagumpay. Maipagtatanggol din nilang mabuti ang kanilang pananampalataya kapag kinuwestiyon ito.
MAGING HANDANG IPAGTANGGOL ANG IYONG PANANAMPALATAYA
22, 23. (a) Bakit tayo dapat maging laging handa na ipagtanggol ang ating pananampalataya, at anu-ano ang dapat nating itanong sa ating sarili? (b) Anong paksa ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
22 Sinabi ni Jesus: “Sapagkat hindi kayo bahagi ng sanlibutan, . . . napopoot sa inyo ang sanlibutan.” (Juan 15:19) Kung gayon, dapat na palaging handa ang mga Kristiyano na ipagtanggol ang kanilang pananampalataya sa magalang at mahinahong paraan. (1 Pedro 3:15) Tanungin ang sarili: ‘Nauunawaan ko ba kung bakit may mga pagkakataong naninindigan ang mga Saksi ni Jehova laban sa kagustuhan ng nakararami? Kapag napaharap sa gayong situwasyon, kumbinsidung-kumbinsido ba ako na tama ang sinasabi ng Bibliya at ng uring tapat at maingat na alipin? (Mateo 24:45; Juan 17:17) At pagdating sa paggawa ng kung ano ang tama sa paningin ni Jehova, handa ba akong mapaiba sa karamihan anupat hindi ikinahihiya na gawin ito?’—Awit 34:2; Mateo 10:32, 33.
23 Gayunman, ang ating hangarin na manatiling hiwalay sa sanlibutan ay madalas na nasusubok sa mga paraang hindi natin namamalayan. Halimbawa, gaya ng naunang nabanggit, sinisikap ng Diyablo na siluin ang mga lingkod ni Jehova upang maging bahagi sila ng sanlibutan sa pamamagitan ng libangang iniaalok nito. Paano tayo makapipili ng kaayaayang libangan na magdudulot sa atin ng kaginhawahan at ng malinis na budhi? Ang paksang iyan ay tatalakayin sa susunod na kabanata.
a Mula noong Pentecostes 33 C.E., namahala si Kristo bilang Hari sa kaniyang kongregasyon ng mga pinahirang tagasunod sa lupa. (Colosas 1:13) Noong 1914, iniluklok si Kristo bilang hari ng “kaharian ng sanlibutan.” Kaya ang mga pinahirang Kristiyano ngayon ay naglilingkod din bilang mga embahador ng Mesiyanikong Kaharian.—Apocalipsis 11:15.
b Tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 162-66, inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
c Tingnan ang Apendise, sa artikulong “Pagsaludo sa Bandila, Pagboto, at Serbisyong Pangkomunidad.”