KABANATA 13
Lahat Ba ng Selebrasyon ay Kalugod-lugod sa Diyos?
“Patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.”—EFESO 5:10.
1. Ano ang kailangan nating gawin para matiyak na nalulugod si Jehova sa pagsamba natin, at bakit?
SINABI ni Jesus: “Sasambahin ng tunay na mga mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, dahil ang totoo, hinahanap ng Ama ang mga gustong sumamba sa kaniya sa ganitong paraan.” (Juan 4:23; 6:44) Dapat nating “patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Hindi ito laging madali. Sinusubukan tayong dayain ni Satanas para makagawa tayo ng mga bagay na magpapalungkot kay Jehova.—Apocalipsis 12:9.
2. Ano ang nangyari malapit sa Bundok Sinai?
2 Ano ang ginagawa ni Satanas para dayain tayo? Ginagawa niyang mahirap para sa atin na malaman ang tama at ang mali. Tingnan ang nangyari sa bansang Israel noong nagkakampo sila malapit sa Bundok Sinai. Umakyat si Moises sa bundok, at hinihintay siya ng bayan na bumalik sa kampo. Nang mainip sila, nagpagawa sila kay Aaron ng isang diyos. Gumawa siya ng gintong estatuwa ng batang baka. Pagkatapos, nagkaroon ng kapistahan ang bayan. Nagsayaw sila sa palibot ng estatuwa at yumukod dito. Inisip nilang ang pagyukod nila sa estatuwa ay pagsamba kay Jehova. Pero kahit inisip nilang iyon ay “kapistahan para kay Jehova,” hindi pa rin tama ang ginawa nila. Itinuring iyon ni Jehova na idolatriya, at marami sa kanila ang namatay. (Exodo 32:1-6, 10, 28) Ano ang aral? Huwag mong hayaang madaya ka. “Huwag [kang] humipo ng anumang marumi,” at hayaang si Jehova ang magturo sa iyo kung ano ang tama at kung ano ang mali.—Isaias 52:11; Ezekiel 44:23; Galacia 5:9.
3, 4. Bakit magandang alamin ang pinagmulan ng maraming popular na selebrasyon?
3 Noong nasa lupa si Jesus, sinanay niya ang mga apostol niya kung paano isasagawa ang malinis na pagsamba. Nang mamatay siya, patuloy na itinuro ng mga apostol ang mga prinsipyo ni Jehova sa bagong mga alagad. Pero pagkamatay ng mga apostol, ang huwad na mga guro ay nagpasok sa kongregasyon ng maling mga turo at mga paganong kaugalian at selebrasyon. Pinalitan pa nga nila ng pangalan ang ilang paganong selebrasyon para magmukha itong Kristiyanong selebrasyon. (2 Tesalonica 2:7, 10; 2 Juan 6, 7) Marami sa mga selebrasyong ito ang ipinagdiriwang pa rin sa ngayon, at kitang-kita pa rin dito ang maling paniniwala, at demonismo pa nga.a—Apocalipsis 18:2-4, 23.
4 Sa ngayon, bahagi na ng buhay ng tao ang mga selebrasyon at kapistahan. Pero habang patuloy mong natututuhan ang pananaw ni Jehova sa mga bagay-bagay, baka makita mong kailangan mong baguhin ang tingin mo sa ilang selebrasyon. Baka hindi ito madali, pero makakatiyak kang tutulungan ka ni Jehova. Alamin natin ang pinagmulan ng ilang popular na selebrasyon para maintindihan natin kung ano ang tingin ni Jehova rito.
PAANO NAGSIMULA ANG PASKO?
5. Anong ebidensiya ang nagpapakitang hindi ipinanganak si Jesus ng Disyembre 25?
5 Sa maraming lugar, ipinagdiriwang ang Pasko tuwing Disyembre 25. Iniisip ng marami na kapanganakan ito ni Jesus. Hindi sinasabi ng Bibliya kung anong petsa ipinanganak si Jesus, pero may sinasabi ito tungkol sa panahon nang ipanganak siya. Isinulat ni Lucas na noong ipanganak si Jesus sa Betlehem, ‘may mga pastol na naninirahan sa labas’ at nagbabantay ng kawan. (Lucas 2:8-11) Kapag Disyembre, malamig at maulan sa Betlehem at may niyebe kung minsan, kaya hindi mananatili sa labas ang mga pastol kasama ng kawan nila kung gabi. Ano ang matututuhan natin dito? Hindi ipinanganak si Jesus ng Disyembre, kundi sa panahong katamtaman ang klima. Ipinapakita ng Bibliya at ng mga ebidensiya sa kasaysayan na ipinanganak siya sa mga buwan ng Setyembre o Oktubre.
6, 7. (a) Saan nagmula ang maraming kaugalian kapag Pasko? (b) Ano ang tamang dahilan ng pagreregalo?
6 Kaya paano nagsimula ang Pasko? Galing ito sa mga paganong kapistahan, gaya ng kapistahang Romano na tinatawag na Saturnalia, isang pagdiriwang para kay Saturn, ang diyos ng agrikultura. Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang Saturnalia, isang kapistahang Romano na ipinagdiriwang sa kalagitnaan ng Disyembre, ang pinagmulan ng maraming kaugalian ng pagsasaya sa Pasko. Halimbawa, sa pagdiriwang na ito nagmula ang magarbong handaan, pagbibigayan ng regalo, at pagsisindi ng kandila.” Isa pa, ang kapanganakan ng diyos ng araw ng mga Persiano na si Mithra ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 25.
7 Pero hindi na iniisip ng maraming nagdiriwang ng Pasko na may pagano itong pinagmulan. Para sa kanila, panahon lang ito para makasama ang pamilya, magsalusalo, at magbigayan ng regalo. Siyempre, mahal natin ang pamilya natin at mga kaibigan, at gusto ni Jehova na magbigayan ang mga lingkod niya. Sinasabi ng 2 Corinto 9:7 na “mahal ng Diyos ang masayang nagbibigay.” Hindi gusto ni Jehova na magbigay lang tayo kapag may espesyal na okasyon. Masayang nagreregalo at nakikipagsamahan ang mga lingkod ni Jehova sa pamilya at mga kaibigan nila kahit walang okasyon, at hindi sila naghihintay ng kapalit. Nagbibigay sila dahil mahal nila ang iba.—Lucas 14:12-14.
8. Sanggol pa lang ba si Jesus nang regaluhan siya ng mga astrologo? Ipaliwanag.
8 Para suportahan ang ideya ng pagbibigayan ng regalo kapag Pasko, sinasabi ng marami na may tatlong hari na nagregalo sa sanggol na si Jesus noong nasa sabsaban siya. Totoo na may mga lalaking pumunta kay Jesus at may dalang regalo. Noong panahon ng Bibliya, karaniwan ang pagbibigay ng regalo sa importanteng tao. (1 Hari 10:1, 2, 10, 13) Pero alam mo ba na ang mga lalaking iyon ay mga astrologo, na gumagawa ng mahika at hindi sumasamba kay Jehova? Isa pa, hindi sila dumalaw kay Jesus noong sanggol pa siya at nasa sabsaban, kundi noong “bata” na si Jesus at nakatira sa bahay.—Mateo 2:1, 2, 11.
ANO ANG SINASABI NG BIBLIYA TUNGKOL SA BIRTHDAY?
9. Kaninong selebrasyon ng birthday ang binabanggit sa Bibliya?
9 Masaya ang araw ng kapanganakan ng isang tao. (Awit 127:3) Pero hindi ibig sabihin na ipagdiriwang na natin iyan. Pag-isipan ito: Sa Bibliya, dalawang tao lang ang nagdiwang ng birthday. Ang isa ay ang Paraon ng Ehipto, at ang isa pa ay si Haring Herodes Antipas. (Basahin ang Genesis 40:20-22; Marcos 6:21-29.) Pareho silang hindi sumasamba kay Jehova. Ang totoo, wala tayong mababasa sa Bibliya na nagdiwang ng birthday ang isang lingkod ni Jehova.
10. Ano ang tingin ng unang mga Kristiyano sa pagdiriwang ng birthday?
10 Sinasabi ng The World Book Encyclopedia na “itinuturing [ng unang mga Kristiyano] na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.” Ang ganitong mga kaugalian ay batay sa huwad na mga paniniwala. Halimbawa, naniniwala ang sinaunang mga Griego na ang bawat tao ay pinoprotektahan ng isang espiritu na nanonood kapag ipinanganak ang isang tao. At iniisip nilang may kaugnayan ang espiritung iyon sa diyos na ipinanganak sa petsa ring iyon. Bukod sa paganong paniniwala, ang birthday ay may kaugnayan din sa astrolohiya at horoscope.
11. Ano ang tingin ni Jehova sa pagiging mapagbigay?
11 Para sa marami, ang birthday nila ay espesyal na araw para ipakita sa kanila kung gaano sila kamahal ng mga tao. Pero puwede nating ipakitang mahal natin ang mga kapamilya at kaibigan natin sa buong taon, hindi lang sa isang partikular na araw. Gusto ni Jehova na maging mabait at mapagbigay tayo sa lahat ng panahon. (Basahin ang Gawa 20:35.) Nagpapasalamat tayo sa kaniya dahil sa buhay na ibinibigay niya araw-araw, hindi lang sa araw ng kapanganakan natin.—Awit 8:3, 4; 36:9.
12. Bakit mas mabuti ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan?
12 Sinasabi ng Eclesiastes 7:1: “Ang magandang pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling langis, at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan.” Bakit mas mabuti ang araw ng kamatayan kaysa sa araw ng kapanganakan? Kapag ipinanganak tayo, wala pa tayong nagagawa, mabuti man o masama. Pero kapag ginamit natin ang buhay natin sa paglilingkod kay Jehova at sa pagtulong sa iba, gumagawa tayo ng “magandang pangalan,” o reputasyon, at maaalaala tayo ni Jehova kahit namatay na tayo. (Job 14:14, 15) Hindi ipinagdiriwang ng mga lingkod ni Jehova ang birthday nila o ni Jesus. Ang totoo, ang tanging okasyon na iniutos ni Jesus na ipagdiwang natin ay ang Memoryal ng kamatayan niya.—Lucas 22:17-20; Hebreo 1:3, 4.
ANG PINAGMULAN NG EASTER
13, 14. Saan iniuugnay ang pagdiriwang ng Easter?
13 Iniisip ng marami na ipinagdiriwang nila ang muling pagkabuhay ni Jesus kapag Easter. Pero ang totoo, ang selebrasyon ng Easter ay iniuugnay kay Eostre, ang paganong diyosa ng bukang-liwayway at ng tagsibol ng mga Anglo-Saxon. Sinasabi ng The Dictionary of Mythology na diyosa rin siya ng pag-aanak. May kaugnayan dito ang ilang kaugalian kapag Easter. Halimbawa, ang mga itlog ay “ginagamit na mga sagisag ng bagong buhay at pagkabuhay-muli,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. Isa pa, ang mga rabit ay matagal nang ginagamit na simbolo ng pag-aanak sa paganong pagsamba. Maliwanag, ang Easter ay walang kaugnayan sa pagkabuhay-muli ni Jesus.
14 Natutuwa kaya si Jehova kapag nakikita niyang hinahaluan ng mga tao ng huwad na kaugalian ang pagkabuhay-muli ng Anak niya? Hindi. (2 Corinto 6:17, 18) Ang totoo, hindi iniutos ni Jehova na ipagdiwang natin ang pagkabuhay-muli ni Jesus.
ANO ANG HALLOWEEN?
15. Saan galing ang Halloween?
15 Ang Halloween, na tinatawag ding All Hallows’ Eve o bisperas ng Todos los Santos, ay may kaugnayan sa mga mangkukulam, tiyanak, at multo. Hindi na bago ang selebrasyong ito. Sa kabilugan ng buwan na pinakamalapit sa Nobyembre 1, ipinagdiriwang noon ng mga Celt ng Britain at Ireland ang kapistahan ng Samhain. Naniniwala sila na sa panahon ng kapistahang ito, bumabalik sa lupa ang espiritu ng mga patay. Naglalabas ang mga tao ng pagkain at inumin para hindi sila saktan ng mga espiritu. Sa ngayon, kapag pumupunta sa mga bahay ang mga batang naka-costume at nagsasabing “Trick or treat,” hindi nila alam na ginagaya nila ang sinauna at makademonyong kaugaliang ito.
MGA KASALAN NA NAGPAPASAYA SA DIYOS
16, 17. Ano ang dapat pag-isipan kapag nagpaplano ng kasal?
16 Ang kasalan ay isang masayang okasyon. Iba-iba ang paraan ng pagdiriwang ng mga kasalan sa buong mundo. Hindi na iniisip ng mga tao kung saan galing ang mga kaugalian sa kasal, kaya baka hindi nila alam na galing pala sa paniniwala ng mga relihiyong pagano ang ilang kaugalian nila. Pero tinitiyak ng mga Kristiyanong nagpaplanong magpakasal na malulugod si Jehova sa kasal nila. Kung alam nila ang pinagmulan ng mga kaugalian sa kasal, makakagawa sila ng tamang desisyon.—Marcos 10:6-9.
17 May mga kaugalian sa kasal na nagdadala raw ng ‘suwerte’ sa bagong kasal. (Isaias 65:11) Halimbawa, sa ilang lugar, nagsasaboy ng bigas o iba pang gaya nito sa bagong kasal. Ginagawa nila ito para ang mag-asawa ay magkaroon ng anak, mahabang buhay, at maging maligaya, at para protektahan sila sa masama. Pero iniiwasan ng mga Kristiyano ang anumang kaugalian na may kaugnayan sa huwad na relihiyon.—Basahin ang 2 Corinto 6:14-18.
18. Ano pang mga prinsipyo sa Bibliya ang magagamit sa mga kasalan?
18 Gusto ng magkasintahang Kristiyano na maging masaya at marangal ang kasal nila at ma-enjoy ito ng mga dumalo. Ang mga bisita sa Kristiyanong kasalan ay hindi dapat magkomento nang di-maganda, mahalay, o walang-galang sa ikinasal o sa iba pa. (Kawikaan 26:18, 19; Lucas 6:31; 10:27) Hindi dapat makita sa Kristiyanong kasalan ang “pagyayabang ng mga pag-aari.” (1 Juan 2:16) Kung nagpaplano kang magpakasal, tiyaking magiging masayang alaala ito.—Tingnan ang Karagdagang Impormasyon 28.
ANG PINAGMULAN NG PAGTO-TOAST
19, 20. Ano ang pinagmulan ng pagto-toast?
19 Karaniwan sa mga kasalan at iba pang pagtitipon ang pagto-toast. Kapag nagto-toast, may isang tao na nagsasabi ng magandang bagay habang itinataas ng iba ang baso nila. Ano ang dapat na maging tingin dito ng mga Kristiyano?
20 Sinasabi ng International Handbook on Alcohol and Culture na ang pagto-toast ay malamang na galing sa sinaunang paganong kaugalian “kung saan isang sagradong likido ang inihahain sa mga diyos.” Ginagawa ito “kapalit ng isang kahilingan, isang panalangin na ibinubuod sa mga salitang ‘mahabang buhay!’ o ‘para sa iyong kalusugan!’” Noon, karaniwang itinataas ng mga tao ang baso nila para humiling ng pagpapala sa mga diyos nila. Pero hindi sa ganiyang paraan nagbibigay ng pagpapala si Jehova.—Juan 14:6; 16:23.
“KAYONG UMIIBIG KAY JEHOVA, KAPOOTAN NINYO ANG KASAMAAN”
21. Ano pang mga selebrasyon ang dapat nating iwasan?
21 Kapag pinag-iisipan mo kung sasali ka sa isang selebrasyon o hindi, isipin kung anong saloobin at paggawi ang makikita rito. Halimbawa, sa ilang selebrasyon at kapistahan, may mahahalay na sayawan, paglalasingan, at imoralidad pa nga. Baka ipinapakita rin ng mga iyon na walang masama sa pagiging bakla at tomboy o sa nasyonalismo. Kung sasali tayo sa ganoong mga selebrasyon, kinapopootan ba talaga natin ang kinapopootan ni Jehova?—Awit 1:1, 2; 97:10; 119:37.
22. Ano ang makakatulong sa isang Kristiyano na magdesisyon kung sasali siya sa isang selebrasyon?
22 Kailangan ding mag-ingat ang mga Kristiyano sa mga selebrasyong lumalapastangan sa Diyos. Sumulat si apostol Pablo: “Kumakain man kayo o umiinom o anuman ang ginagawa ninyo, gawin ninyo ang lahat sa ikaluluwalhati ng Diyos.” (1 Corinto 10:31; tingnan ang Karagdagang Impormasyon 29.) Siyempre, hindi naman lahat ng pagdiriwang ay may kaugnayan sa imoralidad, huwad na relihiyon, o nasyonalismo. Kung wala namang nilalabag na prinsipyo sa Bibliya ang isang selebrasyon, personal na desisyon natin kung sasali tayo o hindi. Gusto rin nating isipin ang magiging epekto sa iba ng desisyon natin.
PARANGALAN SI JEHOVA SA SINASABI AT GINAGAWA MO
23, 24. Paano natin maipapaliwanag sa mga kapamilyang di-Saksi ang desisyon natin tungkol sa ilang selebrasyon?
23 Baka hindi ka na sumasali sa mga selebrasyong hindi nagpaparangal kay Jehova. Pero baka isipin ng ilang kapamilya mong di-Saksi na ayaw mo na sa kanila o ayaw mo na silang makasama. Baka iniisip nilang ang mga kapistahan lang ang panahon para magkasama-sama ang pamilya. Ano ang gagawin mo? Maraming paraan para maipadama mong mahal mo sila at mahalaga sila sa iyo. (Kawikaan 11:25; Eclesiastes 3:12, 13) Baka puwede mo silang imbitahan para makasama mo sila sa ibang pagkakataon.
24 Kung gustong malaman ng mga kamag-anak mo kung bakit hindi ka na sumasali sa ilang selebrasyon, puwede kang maghanap ng impormasyon sa mga publikasyon natin at sa jw.org para tulungan kang ipaliwanag ito sa kanila. Huwag mong palabasin na parang nakikipagtalo ka sa kanila o huwag mo silang piliting tularan ang kaisipan mo. Tulungan ang pamilya mo na maunawaan na pinag-isipan mong mabuti ang mga bagay-bagay bago ka nagdesisyon. Maging kalmado, at “laging maging mabait sa [iyong] pananalita, na tinitimplahan ito ng asin.”—Colosas 4:6.
25, 26. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na mahalin ang mga pamantayan ni Jehova?
25 Mahalaga na maging malinaw sa atin kung bakit hindi tayo sumasali sa ilang selebrasyon. (Hebreo 5:14) Gusto nating pasayahin si Jehova. Kung magulang tayo, dapat tayong magbigay ng panahon para tulungan ang mga anak natin na maintindihan at mahalin ang mga prinsipyo sa Bibliya. Kapag naging totoo sa kanila si Jehova, gugustuhin din nilang pasayahin siya.—Isaias 48:17, 18; 1 Pedro 3:15.
26 Masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin ang lahat para sambahin siya sa tapat at malinis na paraan. (Juan 4:23) Pero iniisip ng marami na hindi kaya ng isang tao na maging tapat sa di-tapat na mundong ito. Totoo ba iyan? Pag-usapan natin iyan sa susunod na kabanata.
a Makakakita ka ng impormasyon tungkol sa ilang selebrasyon sa Watch Tower Publications Index, Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova, at sa jw.org/tl.