BANSA, MGA
Sa malawak at pangkalahatang diwa, ang isang bansa ay binubuo ng mga tao na maituturing na magkakadugo at iisa ang wika. Kadalasan na, ang gayong liping pambansa ay naninirahan sa isang takdang heograpikong teritoryo at nasa ilalim ng kontrol ng isang uri ng pamahalaang sentral. Ayon sa Theological Dictionary of the Old Testament, “Waring ginagamit ng Hebreo ang goy upang tumukoy sa isang grupo ng mga tao ayon sa pulitikal na pamahalaan nito at teritoryo, anupat mas malapit ito sa ating makabagong terminong ‘bansa.’ Sa kabaligtaran naman, ang ʽam [bayan] ay laging nagdiriin sa pagiging magkadugo bilang saligan ng pagkakaisa upang maging isang bayan.” (Inedit nina G. J. Botterweck at H. Ringgren, Tomo 2, 1975, p. 427) Ang mga terminong Griego na eʹthnos (bansa) at la·osʹ (bayan) ay ginagamit din sa katulad na paraan. Sa Kasulatan, ang mga anyong pangmaramihan ng gohy at eʹthnos ay kadalasang tumutukoy sa mga bansang Gentil.
Pinagmulan. Unang binanggit ang pagkakaroon ng magkakahiwalay na mga bansa noong panahon pagkaraan ng Baha, kaugnay ng pagtatayo ng Tore ng Babel. Yaong mga nakibahagi sa proyektong ito ay nagkaisa sa kanilang pagsalansang sa layunin ng Diyos. Naging madali ang nagkakaisang pagkilos na ito dahil “ang buong lupa ay nagpatuloy na iisa ang wika at iisa ang kalipunan ng mga salita.” (Gen 11:1-4) Napansin ito ni Jehova at, sa pamamagitan ng paggulo sa kanilang wika, ‘pinangalat niya sila mula roon sa ibabaw ng buong lupa.’—Gen 11:5-9; MAPA Tomo 1, p. 329.
Palibhasa’y nagkaroon na ng pagkakaiba-iba sa wika, ang bawat grupong may iisang wika ay nagkaroon ng sarili nitong kultura, sining, mga kaugalian, mga katangian, at relihiyon—anupat bawat isa ay may sarili nitong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. (Lev 18:3) Yamang hiwalay na sa Diyos, ang iba’t ibang grupo ng mga tao ay gumawa ng maraming idolo para sa kanilang kathang-isip na mga bathala.—Deu 12:30; 2Ha 17:29, 33.
Ang tatlong pangunahing sanga ng mga bansang ito ay nanggaling sa mga anak at mga apo ng mga anak ni Noe na sina Japet, Ham, at Sem, at ang mga ito ay itinuring bilang ang mga amang pinagmulan ng mga bansang tinawag ayon sa kani-kanilang pangalan. Kung gayon, ang talaan sa Genesis, kabanata 10, ay maaaring tawaging ang pinakamatandang talaan ng mga bansa, na 70 ang bilang. Ang 14 ay nagmula kay Japet, ang 30 ay kay Ham, at ang 26 naman ay kay Sem. (Gen 10:1-8, 13-32; 1Cr 1:4-25) Para sa higit pang impormasyon may kinalaman sa mga liping pambansang ito, tingnan ang TSART, Tomo 1, p. 329, gayundin ang mga artikulo tungkol sa bawat isa sa 70 inapo ni Noe.
Sabihin pa, nagkaroon ng maraming pagbabago sa paglipas ng panahon. Ang ilang bansa ay napahalo sa kanilang karatig na mga bansa o tuluyang naglaho, dahil sa kahinaan, sakit, o digmaan. Nabuo naman ang iba sa pamamagitan ng mga bagong pandarayuhan at paglaki ng populasyon. Kung minsan, sumisidhi ang espiritu ng nasyonalismo sa gitna ng ilang grupo, at ito, pati na ang malalaking tagumpay sa militar, ang nagbigay ng pagkakataon sa ambisyosong mga tao upang makapagtayo sila ng pandaigdig na mga imperyo sa ikapipinsala naman ng mas mahihinang bansa.
Isang Ama ng mga Bansa. Inutusan ng Diyos si Abram na lisanin ang Ur at lumipat sa isang lupain na ipakikita Niya sa kaniya, sapagkat gaya ng Kaniyang sinabi, “Gagawa ako ng isang dakilang bansa mula sa iyo.” (Gen 12:1-4) Nang maglaon, pinalawak ng Diyos ang kaniyang pangako, na sinasabi, “Ikaw ay tiyak na magiging ama ng pulutong ng mga bansa. . . . At gagawin kitang lubhang palaanakin at gagawin kitang mga bansa, at mga hari ang lalabas mula sa iyo.” (Gen 17:1-6) Natupad ang pangakong ito. Ang anak ni Abraham na si Ismael ay nagkaanak ng “labindalawang pinuno ayon sa kanilang mga lipi” (Gen 25:13-16; 17:20; 21:13, 18), at sa pamamagitan ng anim na anak ni Ketura, matatalunton ng iba pang mga bansa ang kanilang pinagmulang angkan pabalik kay Abraham. (Gen 25:1-4; 1Cr 1:28-33; Ro 4:16-18) Nagmula naman sa anak ni Abraham na si Isaac ang mga Israelita at mga Edomita. (Gen 25:21-26) Sa mas malawak at espirituwal na diwa, si Abraham ay naging “ama ng maraming bansa,” sapagkat dahil sa pananampalataya at pagsunod ng mga tao mula sa maraming liping pambansa, kabilang na yaong mga nasa kongregasyong Kristiyano sa Roma, si Abraham ay maaari nilang tawagin bilang kanilang ama, ang “ama ng lahat niyaong may pananampalataya.”—Ro 4:11, 16-18; tingnan ang ISRAEL Blg. 2.
Kung Ano ang Pangmalas ng Diyos sa mga Bansa. Bilang Maylalang at Soberano ng Sansinukob, ang Diyos ay may lubos na karapatan na magtakda ng mga hangganan ng mga teritoryo ng mga bansa (kung nanaisin niyang gawin iyon), gaya ng ginawa niya sa Ammon, Edom, at Israel. (Deu 2:17-22; 32:8; 2Cr 20:6, 7; Gaw 17:26) Ang kadakilaan ng Kataas-taasan at Isa na Matayog sa buong lupa ay hindi dapat ihambing sa kadakilaan ng mga bansa ng sangkatauhan. (Jer 10:6, 7) Sa katunayan, sa kaniyang paningin, ang mga bansa ay gaya lamang ng isang patak mula sa timba. (Isa 40:15, 17) Kaya kapag ang mga bansang iyon ay nagngangalit at bumubulung-bulong laban kay Jehova, gaya noong patayin nila si Jesus sa isang pahirapang tulos, pinagtatawanan lamang Niya sila bilang pag-alipusta at nililito at sinisira Niya ang kanilang pangahas na panukala laban sa Kaniya.—Aw 2:1, 2, 4, 5; 33:10; 59:8; Dan 4:32b, 34, 35; Gaw 4:24-28.
Gayunman, sa kabila ng sukdulang kadakilaan at kapangyarihan ni Jehova, walang sinuman ang makapagpaparatang sa kaniya na hindi siya makatarungan sa kaniyang pakikitungo sa mga liping pambansa. Iisang tao man o isang buong bansa ang pinakikitunguhan ng Diyos, hindi niya kailanman ikinokompromiso ang kaniyang matuwid na mga simulain. (Job 34:29) Kapag ang isang bansa ay nagsisisi, gaya ng mga taga-Nineve, pinagpapala niya sila. (Jon 3:5-10) Ngunit kapag bumaling sila sa paggawa ng masama, pinupuksa niya sila kahit may pakikipagtipan sila sa kaniya. (Jer 18:7-10) Kapag may bumangong usapin, isinusugo ni Jehova ang kaniyang mga propeta taglay ang isang babalang mensahe. (Jer 1:5, 10; Eze 2:3; 33:7) Walang sinumang itinatangi ang Diyos, malaki man o maliit.—Deu 10:17; 2Cr 19:7; Gaw 10:34, 35.
Dahil dito, kapag ang buong mga bansa ay tumangging kumilala at sumunod kay Jehova, o kaya ay iwinaksi nila siya mula sa kanilang isip at puso, inilalapat ni Jehova sa kanila ang kaniyang mga kahatulan. (Aw 79:6; 110:6; 149:7-9) Itinatalaga niya sila sa pagkapuksa at dadalhin niya sila sa Sheol. (Aw 9:17; Isa 34:1, 2; Jer 10:25) Sa makalarawang pananalita, sinabi ng Diyos na ang balakyot na mga bansa ay ibibigay sa kaniyang Anak, ang isa na tinatawag na “Tapat at Totoo . . . Ang Salita ng Diyos,” upang durugin niya sila.—Aw 2:7-9; Apo 19:11-15; ihambing ang Apo 12:5.
Ang Bagong Bansa ng Espirituwal na Israel. Sa loob ng maraming siglo, ang Diyos na Jehova ay nakitungo lamang sa likas na Israel, anupat paulit-ulit niyang isinugo sa bansang ito ang kaniyang mga propeta upang talikuran ng mga tao ang kanilang likong landasin. Nang dakong huli ay isinugo niya ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, ngunit tinanggihan ito ng karamihan. Dahil dito, sinabi ni Jesus sa di-sumasampalatayang mga punong saserdote at mga Pariseo: “Ang kaharian ng Diyos ay kukunin sa inyo at ibibigay sa isang bansang nagluluwal ng mga bunga nito.”—Mat 21:33-43.
Malinaw na ipinakita ng apostol na si Pedro na ang ‘bansang’ iyon ay binubuo ng mga tao na tumanggap kay Kristo Jesus. (1Pe 2:4-10) Sa katunayan, ikinapit ni Pedro sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano ang mismong mga salita na ipinatungkol noon sa likas na Israel: “Kayo ay ‘isang piniling lahi, isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.’” (1Pe 2:9; ihambing ang Exo 19:5, 6.) Kinilala nilang lahat ang Diyos bilang Tagapamahala at ang kaniyang Anak bilang Panginoon at Kristo. (Gaw 2:34, 35; 5:32) Ang pagkamamamayan nila ay nasa langit (Fil 3:20) at tinatakan sila ng banal na espiritu, na isang patiunang tanda ng kanilang makalangit na mana. (2Co 1:22; 5:5; Efe 1:13, 14) Samantalang ang likas na Israel ay ginawang isang bansa sa ilalim ng tipang Kautusan, ang “banal na bansa” naman ng mga Kristiyanong inianak sa espiritu ay naging gayon sa ilalim ng bagong tipan. (Exo 19:5; Heb 8:6-13) Dahil dito, angkop na angkop na tawagin silang “isang banal na bansa.”
Nang ang espiritu ng Diyos ay unang ibuhos sa mga 120 alagad ni Jesus (pawang likas na Judio) noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 C.E., naging maliwanag na ang Diyos ay nakikitungo sa isang bagong espirituwal na bansa. (Gaw 1:4, 5, 15; 2:1-4; ihambing ang Efe 1:13, 14.) Nang maglaon, pasimula noong taóng 36 C.E., ang pagkakataong maging miyembro ng bagong bansang ito ay binuksan sa di-tuling mga Gentil, na tumanggap din ng espiritu ng Diyos.—Gaw 10:24-48; Efe 2:11-20.
May kinalaman sa pangangaral ng mabuting balita sa lahat ng mga bansa, tingnan ang MABUTING BALITA.
Gog at Magog. Sinasabi ng aklat ng Bibliya na Apocalipsis (20:7, 8) na, pagkatapos ng Sanlibong Taóng Paghahari ni Kristo, si Satanas ay ‘lalabas upang iligaw yaong mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, ang Gog at Magog.’ Maliwanag na ang mga bansang iyon ang bunga ng paghihimagsik laban sa pangangasiwa ni Kristo.—Tingnan ang GOG Blg. 3.