Mga Gawa ng mga Apostol
17 At naglakbay sila sa Amfipolis at Apolonia at pumunta sa Tesalonica,+ kung saan may sinagoga ng mga Judio. 2 At gaya ng nakagawian ni Pablo,+ pumasok siya sa sinagoga, at tatlong magkakasunod na sabbath siyang nangatuwiran sa kanila mula sa Kasulatan;+ 3 ipinaliwanag niya at pinatunayan gamit ang mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa+ at buhaying muli.+ Sinabi niya: “Ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo, siya ang Kristo.” 4 Dahil dito, ang ilan sa kanila ay naging mananampalataya at sumama kina Pablo at Silas,+ gayundin ang maraming Griego na sumasamba sa Diyos at mga babaeng kilala sa lipunan.
5 Pero nainggit ang mga Judio,+ kaya tinawag nila ang ilang masasamang lalaki na nakatambay sa pamilihan para bumuo ng grupo ng mang-uumog, at nagpasimula sila ng gulo sa lunsod. Sinalakay nila ang bahay ni Jason para ilabas sina Pablo at Silas sa mga mang-uumog.+ 6 Nang hindi nila makita ang mga ito, kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid papunta sa mga tagapamahala ng lunsod, at isinisigaw nila: “Nakarating na rito ang mga lalaking nanggugulo sa lahat ng lugar,+ 7 at tinanggap sila ni Jason sa bahay niya. Nagrerebelde sila sa mga batas ni Cesar, dahil sinasabi nilang may ibang hari, si Jesus.”+ 8 Nang marinig ito ng mga tao at mga tagapamahala ng lunsod, naalarma sila; 9 kaya matapos pagpiyansahin si Jason at ang iba pa, pinaalis na nila ang mga ito.
10 Kinagabihan, agad na pinapunta ng mga kapatid sina Pablo at Silas sa Berea. Pagdating doon, pumunta sila sa sinagoga ng mga Judio. 11 Mas gustong matuto* ng mga tagaroon kaysa sa mga taga-Tesalonica, dahil buong pananabik nilang tinanggap ang salita at maingat na sinusuri ang Kasulatan araw-araw para matiyak kung totoo ang mga narinig nila. 12 Kaya naging mananampalataya ang marami sa kanila, pati na ang marami-raming babaeng Griego na kilala sa lipunan at ang ilang lalaki. 13 Pero nang mabalitaan ng mga Judio sa Tesalonica na ipinahayag din ni Pablo ang salita ng Diyos sa Berea, pumunta sila roon para sulsulan ang mga tao laban sa mga ito.+ 14 Agad na ipinahatid ng mga kapatid si Pablo sa may dagat,+ pero naiwan sina Silas at Timoteo. 15 Pero sumama hanggang sa Atenas ang mga naghatid kay Pablo, at umalis sila nang sabihin ni Pablo na papuntahin agad sa kaniya sina Silas at Timoteo.+
16 Habang hinihintay sila ni Pablo sa Atenas, nakita niyang punô ng idolo ang lunsod kaya nainis siya. 17 Pumunta siya sa sinagoga at nakipagkatuwiranan doon sa mga Judio at sa iba pa na sumasamba sa Diyos, at araw-araw din siyang nakikipagkatuwiranan sa sinumang nasa pamilihan. 18 Pero nagsimulang makipagtalo sa kaniya ang ilan sa mga pilosopong Epicureo at Estoico, at sinasabi ng ilan: “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?” Ang iba naman: “Nangangaral yata siya tungkol sa mga bathala* ng mga banyaga.” Ganiyan ang sinasabi nila dahil ipinahahayag niya ang mabuting balita tungkol kay Jesus at sa pagkabuhay-muli.+ 19 Kaya dinala nila siya sa Areopago at sinabi: “Puwede bang malaman kung ano ang bagong turong ito na sinasabi mo? 20 Bago sa pandinig namin ang mga sinasabi mo, at gusto naming malaman kung ano ang ibig sabihin ng mga ito.” 21 Sa katunayan, ang tanging pampalipas-oras ng lahat ng taga-Atenas at mga banyagang naroon ay ang pagsasabi o pakikinig sa anumang bago. 22 Kaya tumayo si Pablo sa gitna ng Areopago,+ at sinabi niya:
“Mga lalaki ng Atenas, kumpara sa ibang tao, napansin ko na mas may takot kayo sa mga bathala.*+ 23 Halimbawa, habang naglalakad ako at pinagmamasdan ang mga bagay na sinasamba ninyo, may nakita akong isang altar kung saan nakasulat, ‘Sa Isang Di-kilalang Diyos.’ Ang Diyos na ito na sinasamba ninyo pero hindi ninyo kilala, ito ang ipinahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos na gumawa ng mundo at ng lahat ng narito, ang Panginoon ng langit at lupa,+ ay hindi naninirahan sa mga templong gawa ng tao;+ 25 hindi rin siya pinagsisilbihan ng mga tao na para bang may kailangan siya,+ dahil siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga,+ at lahat ng bagay. 26 At mula sa isang tao,+ ginawa niya ang lahat ng bansa para manirahan sa ibabaw ng lupa,+ at nagtakda siya ng panahon para sa mga bagay-bagay at ng mga hangganan kung saan maninirahan ang mga tao,+ 27 nang sa gayon ay hanapin nila ang Diyos. Kung sisikapin nilang hanapin siya,+ talagang makikita nila siya, dahil ang totoo, hindi siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Dahil sa kaniya,* tayo ay may buhay at kumikilos at umiiral,+ gaya nga ng sinabi ng ilan sa mga makata ninyo, ‘Dahil tayo rin ay mga anak* niya.’
29 “Dahil tayo ay mga anak* ng Diyos,+ hindi natin dapat isipin na ang Diyos ay gawa sa ginto o pilak o bato, gaya ng isang imahen na ginawa at dinisenyo ng mga tao.+ 30 Totoo, pinalampas noon ng Diyos ang gayong kawalang-alam,+ pero ngayon, sinasabi niya sa lahat ng tao* na dapat silang magsisi. 31 Dahil nagtakda siya ng isang araw kung kailan hahatulan niya+ ang lupa ayon sa katuwiran sa pamamagitan ng lalaking inatasan niya, at bilang garantiya sa lahat ng tao, binuhay niya siyang muli.”+
32 Nang marinig nila ang tungkol sa pagkabuhay-muli, tinuya siya ng ilan,+ pero sinabi naman ng iba: “Makikinig ulit kami sa sasabihin mo tungkol dito.” 33 Kaya umalis si Pablo, 34 pero may mga sumama sa kaniya at naging mananampalataya. Kabilang sa kanila si Dionisio na hukom sa korte ng Areopago, ang babaeng si Damaris, at iba pa.