FENICIA
[malamang na mula sa salitang-ugat na nangangahulugang “puno ng palma”].
Ang pahabang baybaying lupain sa silangang baybayin ng Mediteraneo sa pagitan ng Sirya at Israel na ang kahangga sa S ay ang Kabundukan ng Lebanon. Halos katumbas ito ng makabagong bansa ng Lebanon. Sa loob ng maraming taon ang pangunahing lunsod ng sinaunang Fenicia ay ang Sidon, ngunit nang maglaon ang importansiya nito ay nahigitan ng Tiro, isang lunsod na itinatag ng isang kolonya mula sa Sidon.—Tingnan ang SIDON, MGA SIDONIO; TIRO.
Heograpikong Kaanyuan. Ang mga baybaying kapatagan ng mahaba at makitid na bansang ito ay may ilang maburol na paanan ng bundok na abot hanggang sa dagat. Ang mga kapatagan ay natutubigang mainam ng maraming batis na nanggagaling sa kabundukan na nagsisilbing likas na harang sa kahabaan ng silanganing hanggahan. Dito ay may ilang taluktok na mahigit 3,000 m (10,000 piye) ang taas, anupat ang pinakamataas ay mahigit 3,350 m (11,000 piye), at nababalutan ng niyebe sa kalakhang bahagi ng taon. Iba’t ibang uri ng malalawak na kagubatan at mga taniman ang bumabalot noon sa kalakhang bahagi ng lupain—sedro at pino, gayundin ang ensina, beech, mulberi, igos, olibo, at palmang datiles.
Pinagmulan at Pangalan. Ang kasaysayan ng mga taga-Fenicia ay nagsimula sa apo ni Noe na si Canaan, isang anak ni Ham, pagkatapos ng Baha. Si Canaan ang pinagmulan ng 11 tribo, anupat isa sa mga ito, ang mga Sidonio, ay mga inapo ng panganay ni Canaan, si Sidon. (Gen 10:15-18; 1Cr 1:13-16) Samakatuwid, ang mga Sidonio ay mga Canaanita. (Jos 13:4-6; Huk 10:12) Tinawag nila mismo, at ng iba pa rin, ang kanilang lupain na Canaan. Sa isang barya noong panahon ni Antiochus Epiphanes, ang Sirofenisang lunsod ng Laodicea ay inilalarawan bilang “isang inang lunsod ng Canaan.”
Gayunman, nang maglaon ay tinawag ng mga Griego ang Canaanitang mga Sidoniong ito sa iba pang termino, mga taga-Fenicia. Kaya ang Canaanita, Sidonio, at taga-Fenicia ay mga pangalan na kung minsan ay halinhinang ginagamit para sa iisang grupo ng tao. Halimbawa, sa hula ni Isaias, ang Fenicia ay tinatawag na “Canaan.”—Isa 23:11; JP; RS; tlb sa Rbi8.
Lupain ng mga Negosyanteng Naglalayag sa Dagat. Kabilang ang mga taga-Fenicia sa bantog na mga taong naglalayag sa dagat noong sinaunang panahon. Ang kanilang mga barko ay napakatitibay sa kabila ng laki ng mga ito. Ang mga ito ay may mataas na proa at popa, malapad na biga, at napaaandar kapuwa sa pamamagitan ng mga layag at mga gaod. (Eze 27:3-7) Mga sasakyang pandagat ng Fenicia ang ginamit sa malaking bahagi ng komersiyo sa Mediteraneo. Noong ika-11 siglo B.C.E., ginamit ni Solomon ang taga-Feniciang “mga lingkod ni Hiram” upang sumakay sa kaniyang mga barko patungong Tarsis (Espanya). (2Cr 9:21) Mga magdaragat na taga-Fenicia rin ang ginamit sa pangkat ng mga barko ni Solomon na ipinadala mula sa Ezion-geber patungong Opir. (1Ha 9:26-28; 10:11) Noong ikapitong siglo B.C.E., ang mga sasakyang pandagat ng Fenicia ay naglalayag pa rin patungong Tarsis at nag-uuwi ng pilak, bakal, lata, at tingga.—Eze 27:12.
Sining at Gawang-Kamay. Ang mga platerong taga-Fenicia ay bihasa sa paghuhulma, pagpapanday, at paglililok ng mga kasangkapang ginto at pilak. Ang ibang mga artisano naman ay dalubhasa sa pag-ukit ng kahoy at garing, paggawa ng kagamitang kristal, paghahabi ng lana at lino, at pagtitina ng tela. Partikular na kilala ang Fenicia sa industriya nito ng tinang purpura. Ang mahahabang damit na kulay royal o Tyrian purple ang pinakamamahalin, sapagkat libu-libong kabibing murex, na bawat isa ay napagkukunan lamang ng isang patak ng tina, ang kailangan para sa iilang yarda ng tela. Iba’t iba ang tingkad ng tinang ito, depende sa kung saang baybayin ng Mediteraneo nakuha ang mga kabibi, at dahil dito, bukod pa sa pantanging kasanayan ng mga taga-Feniciang dalubhasa sa pagtitina na kadalasa’y gumagamit ng dalawa o tatlong proseso ng pagtitina, nagkaroon ng maraming iba’t ibang uri ng mamahaling tela na gustung-gusto ng mga taong may mataas na posisyon sa lipunan at mga maharlika.—Eze 27:2, 7, 24.
Noong panahon ni David at ni Solomon, bantog ang mga taga-Fenicia bilang mga maninibag ng mga bato para sa pagtatayo at bilang mga manggagawa sa kahoy na bihasa sa pagputol ng matataas na punungkahoy sa kanilang mga kagubatan.—2Sa 5:11; 1Ha 5:1, 6-10, 18; 9:11; 1Cr 14:1.
Relihiyon. Bilang mga Canaanita, ang mga taga-Fenicia ay nagsagawa ng isang napakabuktot na relihiyon na nakasentro sa diyos ng pag-aanak na si Baal; kasangkot dito ang sodomiya, bestiyalidad, at seremonyal na pagpapatutot, pati ang nakamumuhing mga ritwal ng paghahain ng mga bata. (Tingnan ang LARAWAN, Tomo 1, p. 739; CANAAN, CANAANITA Blg. 2 [Pananakop ng Israel sa Canaan].) Ang lunsod ng Fenicia na Baalbek (mga 65 km [40 mi] sa HS ng Beirut) ay naging isa sa mga pangunahing sentro ng politeistikong pagsamba sa sinaunang daigdig; noong mga panahong Romano, malalaking templo para sa iba’t ibang mga diyos at diyosa ang itinayo roon, anupat ang mga guho nito ay makikita pa sa ngayon.
Noong tagsibol ng 31 C.E., ilang taga-Fenicia ang nagpakita ng pananampalataya sa pamamagitan ng paglalakbay patungong Galilea upang makinig kay Jesus at upang mapagaling sa kanilang mga sakit. (Mar 3:7-10; Luc 6:17) Pagkaraan ng mga isang taon, dumalaw si Jesus sa mga baybaying kapatagan ng Fenicia at lubhang humanga sa pananampalataya ng isang babaing Sirofenisa na nakatira roon anupat makahimala niyang pinagaling ang anak na babae nito na inaalihan ng demonyo.—Mat 15:21-28; Mar 7:24-31.
Nang sumiklab ang pag-uusig sa Judea kasunod ng pagkamatay ni Esteban bilang martir, tumakas ang ilang Kristiyano patungong Fenicia. Doon, sa loob ng ilang panahon, inihayag nila ang mabuting balita ngunit sa mga Judio lamang. Ngunit kasunod ng pagkakumberte ni Cornelio, ang mga kongregasyong binubuo kapuwa ng mga Judio at mga di-Judio ay nagsimulang lumitaw sa kahabaan ng baybayin ng Fenicia at sa iba pang bahagi ng Imperyo ng Roma. Dinalaw ng apostol na si Pablo ang ilan sa mga kongregasyong ito sa Fenicia noong panahon ng kaniyang mga paglalakbay; ang huling nakaulat na pagdalaw sa mga mananampalataya roon ay sa Sidon nang papunta siya sa Roma bilang isang bilanggo noong mga 58 C.E.—Gaw 11:19; 15:3; 21:1-7; 27:1-3.