PARAON
Isang titulo na ibinigay sa mga hari ng Ehipto. Hinalaw ito sa salitang Ehipsiyo para sa “Malaking Bahay.” Sa pinakamaaagang dokumento ng Ehipto, lumilitaw na ang salitang ito ay tumutukoy noon sa maharlikang palasyo at sa paglipas ng panahon ay itinawag ito sa ulo ng pamahalaan, ang hari. Naniniwala ang mga iskolar na ang huling nabanggit na pagkakapit ay nagsimula noong mga kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E. Kung gayon, mangangahulugan ito na ginamit ni Moises ang terminong ito ayon sa paggamit dito noong kaniyang mga araw (1593-1473 B.C.E.) nang itala niya ang ulat ng pagdalaw ni Abraham sa Ehipto. (Gen 12:14-20) Sa kabilang dako, talagang posible na gayon ang paggamit sa titulong ito noong mga araw ni Abraham (2018-1843 B.C.E.), kung hindi man sa opisyal na mga dokumento, kahit sa karaniwang pag-uusap man lamang. Ang unang dokumento kung saan iniuugnay ang titulong ito sa personal na pangalan ng hari ay mula pa noong paghahari ni Sisak, na namahalang kasabay ni Solomon at ni Rehoboam. Sa Bibliya, ang titulong ito ay ikinakabit din sa pangalan ni Paraon Necoh (2Ha 23:29) at ni Paraon Hopra (Jer 44:30), na nabuhay noong huling bahagi ng ikapitong siglo at maagang bahagi ng ikaanim na siglo B.C.E. Nang panahong iyon, inilalagay na rin ng mga dokumentong Ehipsiyo ang titulong ito sa mga karatula na pantanging inilaan upang pagsulatan ng maharlikang pangalan.
Ang mga paraon na binanggit sa Bibliya ay sina Sisak, So, Tirhaka, Necoh, at Hopra, anupat tinatalakay ang bawat isa sa mga ito sa ilalim ng magkakahiwalay na mga artikulo sa akdang ito. Hindi matiyak kung si Zera na Etiope ay isang tagapamahala ng Ehipto o hindi. Hindi binanggit ang mga pangalan ng ibang mga paraon. Dahil magulo ang kronolohiya ng Ehipto (tingnan ang EHIPTO, EHIPSIYO [Kasaysayan]; KRONOLOHIYA [Kronolohiya ng Ehipto]), hindi posibleng iugnay nang may katiyakan ang mga paraong ito sa mga paraon ng sekular na kasaysayan. Kabilang sa mga paraong hindi binanggit ang pangalan ang mga sumusunod: Ang paraon na nagtangkang kumuha sa asawa ni Abraham na si Sara (Gen 12:15-20); ang paraon na nagbigay ng mataas na awtoridad kay Jose (Gen 41:39-46); ang paraon (o mga paraon) noong yugto ng paniniil sa mga Israelita bago bumalik si Moises mula sa Midian (Exo kab 1, 2); ang paraon na namamahala noong panahon ng Sampung Salot at noong panahon ng Pag-alis (Exo 5-14); ang ama ni Bitias, asawa ni Mered na mula sa tribo ni Juda (1Cr 4:18); ang paraon na nagbigay ng kanlungan kay Hadad ng Edom noong panahon ni David (1Ha 11:18-22); ang ama ng asawang Ehipsiyo ni Solomon (1Ha 3:1); at ang paraon na nagpabagsak sa Gaza noong mga araw ni Jeremias na propeta (Jer 47:1).
Minalas ng mga Ehipsiyo na isang diyos ang namamahalang paraon, anupat anak ng diyos-araw na si Ra, at hindi basta isang kinatawan ng mga diyos. Ipinalagay na siya ang pagsasaanyong-laman ni Horus, ang diyos na may ulong halkon at kahalili ni Osiris. Ang ilan sa mararangyang titulo na itinawag sa kaniya ay “ang araw ng dalawang daigdig,” “Panginoon ng Korona,” “ang makapangyarihang diyos,” “supling ni Ra,” “ang walang hanggan,” at napakarami pang iba. (History of Ancient Egypt, ni G. Rawlinson, 1880, Tomo I, p. 373, 374; History of the World, ni J. Ridpath, 1901, Tomo I, p. 72) Sa harap ng kaniyang korona ay nakakabit ang isang wangis ng sagradong uraeus, o kobra, na diumano’y nagbubuga ng apoy at kapuksaan sa kaniyang mga kaaway. Kadalasan, inilalagay ang imahen ng paraon sa mga templo kasama niyaong sa iba pang mga diyos. May mga Ehipsiyong larawan pa nga ng naghaharing paraon na sumasamba sa sarili niyang imahen. Bilang diyos, ang salita ni Paraon ay batas, at namahala siya hindi ayon sa isang kodigo ng batas kundi sa pamamagitan ng mga utos. Gayunpaman, ipinakikita ng kasaysayan na ang kaniyang diumano’y ganap na kapangyarihan ay nilimitahan ng ibang mga puwersa sa loob ng imperyo, kabilang na rito ang pagkasaserdote, ang kamaharlikaan, at ang militar. Tinutulungan tayo ng mga puntong ito na maunawaan kung gaano kahirap ang atas ni Moises na humarap kay Paraon upang sabihin ang mga kahilingan at mga babala ni Jehova.—Ihambing ang Exo 5:1, 2; 10:27, 28.
Walang anumang pahiwatig na iniwan ng anak na babae ni Paraon ang kaniyang huwad na pagsamba nang ibigay siya kay Solomon sa pag-aasawa. (1Ha 3:1; 11:1-6) Kadalasan, ang gayong mga pag-aasawa ay ginagamit ng sinaunang mga hari (gaya rin ng mga hari sa ngayon) upang mapatibay ang kanilang kaugnayan sa ibang mga kaharian. Hindi ipinakikita ng rekord kung si Solomon o si Paraon ang nag-alok ng pakikipag-alyansa. (Tingnan ang ALYANSA.) Inihalintulad ni Solomon ang dalagang Shulamita sa isang kabayong babae na nasa mga karo ni Paraon anupat nagpapahiwatig ng kabantugan ng mga karo ng Ehipto noong panahong iyon.—Sol 1:9; ihambing ang 1Ha 10:29.
Inilalarawan ng hula ni Isaias, isinulat noong ikawalong siglo B.C.E., na umiiral o iiral ang kalituhan at kaguluhan sa loob ng Ehipto at sa gitna ng mga tagapayo ni Paraon. (Isa 19:11-17) Ipinakikita ng sekular na kasaysayan na nagkaroon ng panloob na mga alitan at mga pagkagambala sa loob ng Ehipto mula noong panahon ni Isaias hanggang sa sumunod na siglo. Gayunman, salungat sa salita ni Jehova, may mga panahong bumaling sa Ehipto ang di-tapat na Juda para sa tulong na pangmilitar, anupat ang mapaghambog na mga paraon ay naging tulad ng isang ‘lamog na tambo’ na hindi makapaglaan ng matibay na suhay.—Isa 30:2-5; 31:1-3; Eze 29:2-9; ihambing ang Isa 36:4, 6.